Ang Mapagkunwaring
Palaka
Gustong magkapera ng palaka kaya umisip siyang
magdunung-dunungan upang makapanggamot bilang ekspertong doktor. Umakyat siya
sa isang malaking kahon at parang tunay na manggagamot na nagsalita.
“Ako si Dr. Palaka, nag-aral ng medisina sa iba’t ibang
bansa. Tinatawagan ko kayong lahat upang lalo kong magabayan ang inyong
kalusugan, kakisigan at kagandahan.”
Marami ang nag-usyosong nagpunta. Gusto nilang malaman kung
anong uri ng doktor itong mayabang na nananawagan.
“Dr. Palaka, Dr. Palaka,” usisa ng ibong Pugo, “kayo po ba
yung palakang naligo kahapon sa sapa?”
“Hindi. Hindi ako yon.” pagsisinungaling ng Palaka.
“Maraming mikrobyo sa sapa. Bakit maliligo ako doon?”
“Dr. Palaka, Dr. Palaka,” tanong ng Daga, “kayo po ba yung
narining kong kokak nang kokak sa ilalim ng puno ng saging nang umulan noong
Biyernes?
“Hindi, hindi ako yon.” pagsisinungaling ng Palaka. “Hindi
dapat magpabasa sa ulan upang hindi tayo dapuan ng karamdaman.”
Upang di na siya pagtatanungin at usi-usisain, binigyang
diin niya na dapat matuwa ang lahat ng hayop at nakapiling siya.
“Masuwerte kayo sapagkat dala ko ang mga biyaya ng mga
bathalang natulungan ko. Napalaki ko ang mga bisig ni Hercules. Napabilis ko
ang pagtakbo ni Merkuryo at napaganda ko ang kutis ni Venus. Sa kaunting halaga
lang ay matutulungan ko kayong makamit ang isang libo at isang kakisigan,
kagandahan at kalusugan. Ako po si Dr. Palaka.”
“Ano, matutulungan mo akong kumisig? E kung ang malaki mong
bibig ay hindi mo mapaliit, matatabasan mo kaya ang nguso ko?” walang tiwalang
pahayag ng Lobo.
“At kung hindi mo napaliliit ang nakabural mong mga mata,
paano mo mapauunlad ang aking kagandahan kung hindi mo mababawasan ang nakausli
kong mga tenga?” pag-aalinlangan ni Binibining Kuneho.
“Ikaw na manggagamot na dapat sana ay may malusog na
pangangatawan at walang bundat na tiyan ay dapat lang na maging halimbawa ng
karamihan!” galit na puna ng malusog na Kambing.
“Hindi kami naniniwala sa iyo.”
“Hindi ka talagang doktor.” paratang ng Pusa. “Impostor!
Impostor!” sigaw ng lahat. Nakayukong bumaba sa kaniyang entablado ang Palaka
na nagtago sa maputik na sapa.
Aral: Huwag
magdunung-dunungan upang hindi mapulaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento