Dalawang Lapis
Isang hapon, dalawang lapis na kapwa nalaglag sa playground
ng paaralan mula sa dalawang batang mag-aaral ang nagkatagpo at sila ay
nag-uusap.
Lapwan: “Hoy, laptu, kumusta ka?”
Laptu: “Mabuti, ikaw, Lapwan, kumusta ka rin?”
Lapwan: (Umiling-iling) “Hindi mabuti, kaibigan.”
Laptu: “Kung hindi mabuti, marahil ay masama. Gayon nga ba?”
Lapwan: “Oo, gayon nga.”
Laptu: “Bakit naman?”
Lapwan: “Dahil ang amo ko ay hindi mabuting amo. Mahina sa
klase. Salbaheng bata. Kung anu-anong kalokohan ang ginagawa at ipinagagawa sa
akin.”
Laptu: “Ano’ng ibig mong sabihin ng mga ‘kalokohan’? Anu-ano
ba ‘yon?”
Lapwan: (Bumuntung hininga) “Napakaraming kalokohan, pero
ilan lamang ang sasabihin ko sa iyo at sapat na ‘yon. Heto… Ako’y madalas
niyang isulat at ipagdrowing sa baro ng mga kaklase niyang nakatalikod sa kanya
pag hindi nakatingin si Titser. Isinusulat din niya ako at ipinangdodrowing sa
dingding ng classroom, sa desk at kung saan-saan pa. At isang araw, nang may
nakagalit siyang kaeskuwela, ay ginamit niya akong panaksak. Isinaksak niya ako
sa kanyang kaaway, at mabuti na lamang at nakailag ito at kumaripas ng takbo.”
Laptu: “Hindi nga pala mabuti. (Umiling-iling.) Hindi nga pala
mabuti.”
Lapwan: “Ikaw naman, bakit mabuti ang buhay mo?”
Laptu: “Dahil ang amo ko ay isang mabuting amo. Marunong
siya at mabait. Hindi gumagawa ng anumang kalokohan, hindi nakikipag-away.
Ako’y ginagamit niya lamang sa pagsulat sa kanyang notebook at pad paper. Sa
mga test at examination ay ginagamit din niya ako at madalas ay 100! At
sinulatan ng ‘Very Good’ ng mga titser niya ang mga ipinagawa niya sa akin,
sulat o drowing man. Ikaw ano ang mga grades na natatamo ng iyong amo kapag
ginagamit ka niya…?”
Lapwan: “Ay naku, nakakahiya ang mga grades ng amo ko.
Madalas ay itlog o zero. Kung minsan ay hindi ako ginagamit ng amo ko kung may
test sila. Nagkukunwari lamang siyang sumulat. Minsan nga’y nahuli siya ng
titser niya at siya’y napagalitan. Walang pag-asang makapasa ang amo ko. Mabuti
pa’y magtanim na lamang siya ng kamote!”
Laptu: (Napatawa ng Malakas) “Kawawa ka naman. Teyka, bakit
nga pala ganyan ang ayos mo? Parang nginatngat ng daga ang pagkakatasa sa iyo…”
Lapwan: (Bumuntong-hininga naman) Alam mo, kaya ganito ang
tasa ko, nakalimutan ng amo kong patasahan ako sa kanyang Tatay sa bahay nila.
At kanina, nang magpasulat si Titser, ay tinasahan ako ng dali-dali ng amo ko
sa pamamagitan ng kanyang mga ngipin!”
Laptu: “Ay naku, talaga palang nakakaawa ka. Tama nga pala
ang sagot mong ‘Hindi mabuti’ nang kumustahin kita. Kung matutulungan lamang
kita… Pero, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Baka mapulot ka ng isang mabait at
marunong na mag-aaral!”
Kuwento ni Miguel
Arguelles
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento