Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Hulyo 10, 2017

Sukat At Alindog

Sukat At Alindog

Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa isang taludtod. Sa makalumang panulaang Pilipino, may apat na pangunahing sukat: aapatin, wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animin.

Sesura – ang hati sa pagitan ng dalawa o higit pang pangkat ng mga pantig sa isang taludtod. Layunin nito na mabigyan ng pahinga ang pagbasa.

Madalas na iisa lamang ang sesura o hati sa bawat taludtod. Kapag ganito, ang bilang ng pantig sa unang hati ng taludtod ay dapat katumbas ng bilang ng pantig sa ikalawang hati. Halimbawa, kung wawaluhing sukat, dapat ay apat ang pantig sa unang hati at apat din sa ikalawang hati (4-4). Kung lalabindalawahing sukat, dapat ay anim ang pantig sa unang hati at anim din ang pantig sa ikalawang hati (6-6). Kung lalabing-animing sukat, dapat ay walo ang pantig sa unang hati at walo rin ang pantig sa ikalawang hati (8-8).
May iba pang paraan ng paglalagay ng sesura. Ang 6-6 na hati ay maaaring gawing 4-4-4. Ang 8-8 naman ay maaaring gawing 6-6-6.
Dahil sa sesura, hindi nararapat na hatiin ang salita o ang diwa upang mapanatiling mainam ang alindog (aliw-iw o daloy) ng tula. Dahil hindi dapat hatiin ang diwa, ang bawat hati ng taludtod ay hindi dapat na mag-umpisa sa:
pandamdam na ba;
pandiwa na daw o raw;
pang-abay na dinrinmanngapahopo, o yata;
panghalip na kako, monila, ninaninoninyoniyaon, at niyon;
at pang-uri na nirinitoniyan, o niyari.
At hindi rin dapat na magtapos sa
pandiwa na ay;
pang-abay na kapagkapagkapagpagkanangpara, o upang;
pangatnig na at o kung;
pantukoy na angmganininasi, o sina;
at pang-ukol na kay, kina, ng, o sa.

Ang sagisag ng sesura ay dalawang pahilig (//).
Lalabindalawahing pantig:

Sumikat na Ina // sa sinisilangan
Ang araw ng poot // ng Katagalugan,
Tatlong daang taong // aming iningatan
Sa dagat ng dusa // ang karalitaan.
(Andres Bonifacio, "Katapusang Hibik ng Pilipinas," 1896)

Sa tulang ito, tig-aanim ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Lalabing-animing pantig:

Bawa't palo ng martilyo // sa bakal mong pinapanday,
Alipatong nagtilamsik // alitaptap sa karimlan;
Mga apoy ng pawis mong // sa bakal ay kumikinang,
Tandang ikaw ay may-gawa // nitong buong Santinakpan.
(Jose Corazon de Jesus, "Manggagawa," 1929)

Sa tulang ito, tigwawalo ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Dahil sa sukat at sesura, nagkakaroon ng musikalidad o himig ng awit ang alindog ng tula. Isa pa ito sa ikinagaganda ng tradisyonal na tulang Pilipino. May awit ang tula.
Subukin ninyong awitin ang mga taludtod ng Florante at Laura sa tono ng mga kantang "Atin cu pung singsing" o "Leron, Leron Sinta."
Ganyan kasalimuot ang tradisyonal na panulaang Pilipino. Tanging mga tunay na makata lamang ang nagtatagumpay sa larangang ito.

Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

Ang mga salitang Pilipino ay mayroong iba't ibang uri ng tunog:

1. May impit na mabilis. Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at pasara (âêîôû), ang tunog nito ay may impit na mabilis. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang maragsa ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: akmâ, badhâ, dalitâ, gibâ, hupâ, kaliwâ, simulâ, tubâ, ugâ, walâ
/ê/: bembê
/î/: binhî, gahî, hingî, iklî, kawangkî, luntî, muhî, pigî, tilî, untî
/ô/: anyô, bigô, dukmô, hintô, kulô, muktô, sundô, tukô, wastô, yugtô
/û/: tatû

Ang mga patinig na may impit na mabilis ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: bigáypalâ, dalít-bansâ, kálunyâ, mámayâ, námamagâ, pulót-gatâ
/î/: malí-malî, kamuhí-muhî, nápangiwî
/ô/: kásundô, likú-likô, natútuyô, salá-gintô


2. May impit na banayad. Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at pasara (àèìòù), ang tunog nito ay may impit na banayad. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumi ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: akalà, biyayà, diwatà, garà, hità, kubà, luhà, tihayà, sipà, yatà
/è/: bekè
/ì/: amukì, balì, gisì, kawalì, lapì, mungkahì, pilì, susì, tigì, warì
/ò/: akò, balahò, durò, guhò, katutubò, ligò, ngusò, pasò, sukò, tubò

Ang mga patinig na may impit na banayad ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: kátiwalà, lámang-lupà, mápariwarà, magdaláng-awà
/ì/: mánanahì, nangíngibì, pánikì
/ò/: nápasubò


3. Walang impit (at mabilis ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at hindi pasara (áéíóú), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang mabilis ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: adyá, buká, diktá, halá, kuhá, maantá, ngangá, puná, simbá, tulyá
/é/: halé
/í/: aligí, bilí, dumí, gantí, irí, kublí, lansí, maskí, suwí, waksí
/ó/: akó, bagyó, kalbó, dapyó, guló, lunó, noó, simbuyó, tuksó, ubó

Ang mga katinig na walang impit ang tunog (at mabilis ang bigkas) ay ginagamit din sa iba-ibang pantig at sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: bálaná, kálulwá, kiníkitá, lápidá, mákiná, músiká, óperá, pábulá
/é/: élisé
/í/: di-mápakalí, náhulí, táhurí
/ó/: ánimó, bíyatikó, depósitó, epikó, líkidó, máginoó, nátutó, trápikó


4. Walang impit (at banayad ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at hindi pasara (a, e, i, o, u), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumay ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/a/: ága, bága, kíta, dalága, háwa, lása, máya, píta, sinaúna, yáya
/e/: ále, babáe, kláse, gábe, héle, lénte, mónghe, paléngke, síge
/i/: bíbi, buháwi, díni, ígi, kilikíli, ngísi, oyáyi, pípi, saríli, táksi
/o/: aníno, bágo, katóto, hálo, líbo, matalíno, píno, síko, táo, unáno


5. Malakas. Ang mga katinig na bdgkps, at t ay malakas ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.
/b/: álab, liyáb, sánib, liblíb, taób
/d/: gáwad, ladlád, lúbid, hatíd, hágod, pudpód
/g/: pápag, palág, pánig, sahíg, húlog, tunóg
/k/: bálak, halták, búlik, halík, bátok, taluktók
/p/: apúhap, sapsáp, lírip, tahíp, háyop, tiklóp
/s/: gátas, ligtás, páwis, tamís, batíkos, kaluskós
/t/: áwat, tapát, lápit, damít, ámot, gamót

Ang mga katinig na malakas ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: malakas.
/b/: nágliliyáb, násubasób
/d/: kinákapatíd, nalúlugód, namámanhíd, násamíd
/g/: kánugnog, nangíngílag, nálalaglág, nárinig, náuntóg
/k/: dumádapúrak, mápahámak, námamarák, nanánabík, túktók
/p/: nátutóp
/s/: lumálabás, mádupílas, nagpúpuyós
/t/: kinákatíkot, nakayáyamót, nápamulágat, náwaglít, sábukót


6. Mahina. Ang mga katinig na lmnngrw, at y ay mahina ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: mahina.
/l/: ángal, dangál, dáhil, ukilkíl, sípol, tahól
/m/: ínam, linamnám, ánim, taním, lágom, kuyóm
/n/: káwan, pinggán, hángin, tingín, dáhon, taón
/ng/: báwang, kináng, síning, tudlíng, kálong, pagóng
/r/: asár, mártir, doktór
/w/: hálaw, galáw, sáliw, liwalíw
/y/: kílay, gabáy

Ang mga katinig na mahina ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: mahina.
/l/: bódabíl, bóliból, mánananggól, máparoól, pánggigítil
/m/: nagkíkimkím
/n/: álinlangán, báyaníhan, kágawarán, kúlúngan, mágasín, pángitaín
/ng/: gumágápang, mánibaláng, málulóng
/r/: éditór
/w/: madalíng-áraw, naúúhaw
/y/: bukáng-liwaywáy, di-mápalagáy, másinsáy, págsasanáy

Noong 1987, nang maragdagan ang mga titik ng alpabetong Pilipino, naragdagan din ang mga katinig na itinuturing na may malakas na tunog: cfjqvx, at z. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.

Ang h at ñ ay hindi nabibilang sa alinmang pangkat ng mga tunog dahil walang salitang Pilipino na nagtatapos sa mga salitang ito.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Mga Uri Ng Bigkas Ng Mga Salita

Mga Uri Ng Bigkas Ng Mga Salita

Ang mga salitang Pilipino ay may anim na uri ng pagbigkas:

1. Maragsâ – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang mabilis, tuloy-tuloy, at may impit na mabilis sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag o tuldik ng diin ay pakupya (^).
/â/: akdâ, biglâ, digmâ, gawâ, hiyâ, likhâ, kutyâ, ngatâ, pisâ, tugmâ
/ê/: tulê
/î/: balî, daglî, gawî, hapdî, lunggatî, kimî, malî, ngitî, pigî, suhî, tupî
/ô/: bungô, gintô, hapô, kulô, pulô, samyô, tagô, upô, wastô, yukô

2. Malumì – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa ikalawa sa huling pantig (penultima) nito, at may impit na banayad sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay paiwa (`).
/à/: binatà, diwà, galà, hinà, kalingà, lupà, malayà, pinsalà
/è/: nenè, tiyanggè
/ì/: amukì, busisì, dalirì, gusì, harì, kawalì, lipì, munì, ngingì, susì, tiyanì
/ò/: alò, birò, dapò, guhò, hangò, kurò, ligò, pugò, siphayò, tibò

3. Mabilís – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang tuloy-tuloy, walang saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′).
/á/: amá, buká, dalá, gandá, hiningá, iná, limá, masayá, nilá, puntá
/é/: ataké, baldé, ditsé, gulpé, helé, kapé, plaké, sisté, tangké
/í/: aní, bilí, dumí, gabí, kamí, liksí, marumí, nirí, putaktí, tutubí, wilí
/ó/: anó, butó, damó, guló, hiló, kayó, litó, noó, pitsó, sikó, tuliró
/b/: dibdíb, habháb, kintáb, lublób, marubdób, subsób, tigíb
/d/: agád, bilád, gadgád, kidkíd, lingíd, manhíd, sunód, tagudtód
/g/: alóg, bibíg, dalág, kulóg, labág, pintíg, sahíg, tagtág, untág
/k/: anák, biták, dikdík, hibík, katók, lubák, purók, sinók, tiyák
/p/: atíp, dahóp, ganáp, hagíp, kisáp, langkáp, mailáp, saráp, takíp
/s/: aklás, bigás, dahás, gasgás, malakás, puspós, sintás, tamís
/t/: aklát, bigát, dikít, gupít, kidlát, lahát, malagkít, payát, sibát, tuyót
/b/: álab, dagítab, hílab, kútab, lúsob, pangánib, súkob, taláhib, úkab
/d/: ánod, búkid, hinúhod, káyod, malápad, páhid, súyod, tagúyod
/g/: bísig, dúmog, káhig, masípag, pag-íbig, sigásig, táyog, ulínig
/k/: álak, bátak, dágok, gáwak, kákak, lúsak, pílak, súlok, tútok
/p/: ágap, di-maísip, hagílap, kálap, língap, panagínip, sinop, úsap
/s/: ágas, búhos, dílis, gápas, hímas, kílos, lítis, páwis, siláhis, tíkas
/t/: áwat, bíngit, dúlot, gámit, hílot, kuyápit, lígat, maínit, súlat, talúlot

4. Malúmay – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa patinig ng penultima, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din.
/a/: búnga, gáya, hiléra, kúya, lása, múra, nípa, páta, ráya, tinóla
/e/: áte, babáe, dóte, gábe, héle, kaliwéte, líbre, mónghe, putáhe
/i/: anáki, dáti, halígi, ígi, laláki, mabúti, ngísi, rámi, síbi
/o/: anímo, búko, dáyo, góto, hílo, kúto, líbo, magkáno, púto, táo
/l/: almusál, bukál, gatól, halál, kurál, lindól, mahál, pasyál, sugál
/m/: alám, dilím, gutóm, hirám, kimkím, lagím, malalím, pahám
/n/: bunton, doón, gaán, hagdán, kariktán, lakán, masdán, panahón
/ng/: abáng, bintáng, gulantáng, hilíng, kangkóng, lusóng, singsíng
/r/: bilyár, doktór, kolyár, lugár, menór, padér, talyér, ulsér
/w/: alíw, banláw, diláw, galáw, hiláw, kalabáw, litáw, pakyáw, sabáw
/y/: akbáy, bigáy, digháy, gabáy, hintáy, kamáy, suysóy, tuláy
/l/: ásal, bákal, dáhil, gígil, hiláhil, kalákal, lípol, pátol, súhol, tákal
/m/: ásim, bálam, gútom, hílom, kúlam, lágom, maínam, pakímkim
/n/: ákin, bilíhan, dúyan, haláman, kaibígan, likmúan, súman, tángan
/ng/: bílang, dáing, gíting, híging, kúlang, lúsong, magúlang, tábing
/r/: gárter, helikópter, kánser, líder, mártir, pláster, rebólber, talúrok
/w/: áraw, búgaw, dúngaw, gíliw, kágaw, línaw, sítaw, tákaw
/y/: álay, bágay, dúlang, gíray, hánay, kúlay, láboy, pálay, tinápay

5. Mariin – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang may-kabigatan binibigkas sa ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig mula sa huling pantig. Ang diin ay nasa patinig ng ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din. Maaaring sa patinig ng huling pantig ay iba na ang diin.
ika-3 mula sa huling pantig: maáarì, nárito, páwíkan, Saligáng-batás
ika-4 mula sa huling pantig: ábuluyán, épilogó, nanggígitatà, nápipintô
ika-5 mula sa huling pantig: mápagkamalán, mápariwarà, nangángalumbabà
ika-6 mula sa huling pantig: págpapatiwakál
6. Malaw-aw – kapag ang salita ay binibigkas nang pahakdaw sa huling pantig ng salita, na mistulang pinaghihiwalay ang ikalawang huling katinig o huling katinig at ang huling patinig sa pamamagitan ng gitling (-) at hindi ng tuldik.
agay-ay, agaw-aw, alay-ay, aliw-iw, an-an
gab-i, ig-ig, palaman-an
salag-oy, tung-ol

ug-og, uk-ok, ut-ot



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Tugma

Tugma

Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod. Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong katinig ng mga salita.

Mga Antas Ng Tugma
May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang Pilipino.

1. Tugmang Karaniwan ang Antas
Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at awit.
Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa.
Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino.

May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang tugmang katinig.

Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo (may impit sa may impit o walang impit sa walang impit).

Sa loob at labas ng bayan kong sawì,
Kaliluha’y siyang nangyayaring harì,
Kagalinga’t bait ay nilulugamî,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî, at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang tunog sa dulo.

Ang salita nati'y huad din sa ibá,
Na may alfabeto at sariling létra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwá
Ang lunday sa lawa noong dakong úna.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang ibá, letra, sigwá, at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo.
Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina.
Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, kdgpst. Mahina ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y.
Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang tunog ang cfqvxz.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).

Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád,
Sa bait sa muni’t sa halot ay salát
Masaklap na bunga ng maling paglingáp,
Habag ng magulang sa irog na anák.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp, at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na dtp, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y malakas ang tunog sa dulo.

Ang wikang tagalong tulad din sa látin,
Sa ingles, kastila, at salitang ánghel,
Sa pagka ang Poong maalam tumíngin
Ang siyang nagbigay, naggawad sa átin.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin, at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga katinig na nln, at n, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo.

2. Tugmang Tudlikan ang Antas
Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, o malumay sa malumay).

Nais kong sa buhay ng ating pag-ása,
Walang makatagpong anino ng dúsa.
(Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926)

Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay parehong nagtatapos sa patinig na a, parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas.

3. Tugmang Pantigan ang Antas
Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang antas).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig.

Sa araw ng aking mahahabang antók,
At di-mapigilang pagputi ng buhók,
Sisilip-silipin sa bintanang gapók,
Ang musmos na araw at sumpang marupók.
(Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984)

Ang mga salitang pantugma na antók, buhók, gapók, at marupók ay pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok.

4. Tugmang Dalisay ang Antas
Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed. Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng antas na ito.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.

Sintang kaibigan: Mangyaring lasáhin
ang katas ng Tulâ;
Suriin mo lamang matapos basáhin
ang dahil at mulâ.
(Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin, 1965)

Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos sa patinig-katinig na in, at parehong a ang patinig sa penultima.
Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong nagtatapos sa katinig-patinig na la, at parehong u ang patinig sa penultima.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Sabado, Hulyo 8, 2017

Sa Mahal na Birhen Maria

Sa Mahal na Birhen Maria
Tula ni Jose Rizal

Ikaw na ligaya ng tanang kinapal,
Mariang sakdal tamis na kapayapan,
Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay,
Daloy ng biyayang walang pagkasyahan.

Mula sa trono mong langit na mataas,
Ako'y marapating lawitan ng habag,
Ilukob ang iyong balabal ng lingap
Sa daing ng aking tinig na may pakpak.

Ikaw na Ina ko, Maraing matimtiman;
Ikaw ang buhay ko at aking sandingan;
Sa maalong dagat, ikaw ang patnubay:

Sa oras ng lalong masisidhing tukso,
At kung malapit na ang kamatayan ko,
Lumbay ko'y pawiin, saklolohan ako!

Ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
ni Andres Bonifacio


Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal kapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa ka-alipinan?

Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanuod.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilant sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang (pugal)
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging (lasap)
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit)
ito’y kapalaran at tunay na langit.

Twina'y Tulang Liwayway

Twina'y Tulang Liwayway
Tula ni Dennis Capistrano



Parang na agnas, sariwang simoy ere
Salumhinga kong angkin.
Mga makulay na bulaklak at halama't gumiliw
sa sariwang bulong ng hangin.
Mga makitig na puno'y nagsampay ng mga
bungang hinog na prutas.
Mga burol at kapwa bundok, naka bantay
matatag sa lakbayan panawin
Munting ilog ginang lipas karatig lupang sibugan,
Sulit sa tubig gamgam.
Sikat ng araw, naga-alay liwanag ng adlao
sa buong sipag at hanggang nayon at trigo.
Mga bulakang ulap, malambing lumutang at
Lumipad sa bughawing linaw ng himpapawid.
Mga ibon nagapulong sa mga sanga, mga kalabaw,
naga-ligo sa babaoan, mga langgam, nagaani sa
taping lupa, mga tutubi, kinikiti kanilang pakpak,
mga paroparo, sumasayaw sa damohan at bukalaklak-
nakikisalo sa kumbita kong ringal.
Sa lilim ng punong mangga ako'y naka upong sandal.
Kita ko, tanaw ko, ang ginhawang litrato.
Tumitibok aking puso, dugo'y masigla,
nadadama ang maka-gawa…
Namangha ako sa ganda at garang likas,
Lumiwanag aking rangal. Napaibig ako.
At para ng lubos kong awit, bigkas, at salisik
sa dakilang likha, ragasa, akong nagtula.

Pinatutula Ako

Pinatutula Ako
Tula ni Dr. Jose Rizal

Iyong hinihiling, lira ay tugtugin
bagaman sira na't laon nang naumid
ayaw nang tumipa ang nagtampong bagting
pati aking Musa ay nagtago narin.

malungkot na nota ang nasnaw na himig
waring hinuhugot dusa at hinagpis
at ang alingawngaw ay umaaliwiw
sa sarili na ring puso at damdamin.
kaya nga't sa gitna niring aking hapis
yaring kalul'wa ko'y parang namamanhid.

Nagkapanahon nga ... kaipala'y, tunay
ang mga araw na matuling nagdaan
nang ako sa akong Musa'y napamahal
lagi na sa akin, ngiti'y nakalaan.

ngunit marami nang lumipas na araw
sa aking damdamin alaala'y naiwan
katulad ng saya at kaligayahan
kapag dumaan na'y may hiwagang taglay
na mga awiting animo'y lumulutang
sa aking gunitang malabo, malamlam.

Katulad ko'y binhing binunot na tanim
sa nilagakan kong Silangang lupain
pawang lahat-lahat ay kagiliw-giliw
manirahan doo'y sayang walang maliw.

ang bayan kong ito, na lubhang marikit
sa diwa't puso ko'y hindi mawawaglit
ibong malalaya, nangagsisiawit
mulang kabundukan, lagaslas ng tubig
ang halik ng dagat sa buhangin mandin
lahat ng ito'y, hindi magmamaliw.

Nang ako'y musmos pa'y aking natutuhang
masayang batiin ang sikat ng araw
habang sa diwa ko'y waring naglalatang
silakbo ng isang kumukulong bulkan.

laon nang makata, kaya't ako nama'y
laging nagnanais na aking tawagan
sa diwa at tula, hanging nagduruyan:
"Ikalat mo lamang ang kanyang pangalan,
angking kabantugan ay ipaghiyawan
mataas, mababa'y, hayaang magpisan".

Isang Alaala ng Aking Bayan

Isang Alaala ng Aking Bayan
Tula ni Jose Rizal

Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito'y naglalagos sa 'king katauhan
lalong sumisigla't nagbabagong buhay

Kung aking masdan ang liryong busilak
animo'y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito'y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.

Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko'y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya't kaaliwan

Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa 'yong mga gubat
sa iyong kapilya'y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko'y laging nag-aalab
habang ako nama'y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.

Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko'y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa'y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.

Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito'y masagana ang saya ko't aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha't hilahil
Hayo na, bumalik ka't muli mong dalawin
ang katauhan ko'y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.

Paalam sa iyo, ako'y magpupuyat
ako'y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa'y daluyan ka ng biyaya't lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.

Ang Ligpit Kong Tahanan

Ang Ligpit Kong Tahanan
Tula ni Jose Rizal

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Ang munti kong kubo'y doon itinirik, sa saganang lilim
Ng mga halamang nakikipaglaro sa ihip ng hangin.
Aking dinudulang sa katabing gubat na masalimisim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

Ang atip ng bubong ay hamak na pawid, sahig ay kawayan,
Magaspang na kahoy ang mga haligi, pingga at tahilan,
Sa kubo kong ito ay walang bahangin may kahalagahan,
Lalong mabuti pa ang doon humilig sa lunting damuhan
Na abot ng bulong at awit ng dagat sa dalampasigan.

Doon ay may batis na umaawit pa habang naglalagos
Sa mga batuhan, magmula sa gubat sa may dakong likod;
Batis ay nagsanga sa tulong ng isang magaspang na tungkod,
kung gabing tahimik ay may bulong siyang nakapag-aantok,
At kung araw naman, ang langit ay parang ibig na maabot.

Kung ang kalangita'y payapang-payapa, agos ay banayad,
Panay ang taginting ng kanyang gitarang hindi namamalas,
Pagbagsak ng ulan, ang tulin ng agos ay walang katulad,
Humahagunot pa sa nangaghambalang na batong malapad,
Sa di mapipigil na kanyang pagtakbong patungo sa dagat.

Palahaw ng aso at awit ng ibon, at sigaw ng kalaw,
Ang ingay na tanging siyang bumabasag sa katahimikan;
Doo'y di kilala ang tinig ng taong palalo't mayabang
Na susunu-sunod sa nasang guluhin ang aking isipan;
Ako'y naliligid ng katabing dagat at ng gubat lamang.

Ang dagat, ah, ito ay siya ngang lahat kung para sa akin,
Kung dumadaluhong mula sa di tanaw na mga pampangin,
Sa akin, ang kanyang ngiti kung pananalig ko'y parang
nagmamaliw,
At kung dapit-hapong ang pananalig ko'y parang nagmamaliw,
Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin.

Pagdating ng gabi, dakilang palabas ng kahiwagaan,
Malaking liwanag ng mumunting kislap na hindi mabilang
Ang doon sa langit ay nakalaganap sa kaitaasan;
Habang dinadalit niyong mga alon ang saklap ng buhay,
Dalit na malabo pagka't nilulunod ang sariling ingay.

Isinasalaysay ang ayos ng mundo nang unang sumikat
Ang araw sa langit, at sila'y laruin ng kanyang liwanag;
Nang mula sa wala'y dami ng kinapal ang biglang kumalat
Sa kailaliman, at sa kapatagan, magpahanggang gubat,
Sa lahat ng dako na abot ng halik ng mayamang sinag.

Nguni't kung sa gabi'y magising ang hanging malikot, mailap,
At ang mga alon, sa galit na dala'y susugod, lulundag,
Mayrong mga siagaw na sa aking puso'y nagbibigay-sindak
Mga tinig waring nagsisipagdasal, o nag sisiiyak,
Nagsisipanaghoy sa kailalimang kadilima'y ganap.

At saka uugong ang marahang taghoy na mula sa bundok,
Mga punungkahoy at ang mga damo'y nagsisipangatog,
Pati mga pastol ay nababalisa't pawang mga takot,
Sapagka't, anila, ang mga kalulwa'y noon sumisipot
At nag-aanyayang sa kanilang handa sila ay dumulog.

Gabi'y bumubulong sa gitna ng sindak at pagkaligalig,
At sa dagat nama'y bughaw't lunting apoy ang pasilip-silip;
Pag ngiti ng araw'y payapa na naman ang buong paligid,
At mula sa laot, yaong mangingisda ay napagigilid,
Sugod na ang lunday at ang mga alon ay nananahimik.

Ganyan ang buhay ko sa aking payapa't ligpit na tahanan;
Sa mundong nang dati ay kilala ako, ako'y pinapanaw,
Nasapit kong palad, sa ngayon ay aking binubulay-bulay;
Isang bato akong binalot ng lumot upanding matakpan
Sa mata ng mundo ang mga damdaming sa puso ay taglay.

Dahil sa naiwang mga minamahal, ako'y nangangamba,
Mga ngalan nila'y di ko nalilimot sa laot ng sigwa;
May nangagsilayo at mayroon namang nangagsipanaw na;
Nguni't sa lumipas kong hindi mapapaknit kahit agawin pa.

Kaibigan iyang sa lahat ng oras ay aking kapiling
Sa gitna ng lumbay ay nagpapasigla sa diwa't damdamin;
Sa gabing tahimik, siya'y nagtatanod at nananalangin,
Kasama-sama ko sa pagkakatapong malungkot isipan,
Upang kung manlaming ang pananalig ko ay papag-alabin.

Yaong pananalig na ibig ko sanang makitang kumislap
Sa dakilang araw ng pangingibabaw ng Isip sa lakas;
Kung makalipas na itong kamataya't labanang marahas,
Ay may ibang tinig, na lalong masigla at puspos ng galak,
Na siyang aawit ng pananangumpay ng matwid, sa lahat.

Aking natatanaw na namumula na ang magandang langit,
Gaya noong aking bukuin sa hagap ang una kong nais;
Aking nadarama ang dati ring hangin sa noong may pawis,
Nararamdam ko ang dati ring apoy na nagpapainit
Sa tinataglay kong dugong kabataang magulo ang isip.

Ang nilalanghap kong mga simoy dito'y nagdaan marahil
Sa mga ilugan at sa mga bukid niyong bayan namin;
Sa pagbalik nila ay kanila sanang ihatid sa akin
Ang buntong-hininga ng minamahal kong malayo sa piling,
Pahatid na mula sa pinagsanglaan ng unang paggiliw.

Kung aking mamasdan sa abuhing langit ang buwang marilag.
Nararamdaman kong ang sugat ng puso'y muling nagnanaknak;
Naaalaala ang sumpaan naming kami'y magtatapat,
Ang dalampasigan, ang bukid at saka arkong may bulaklak,
Ang buntong-hininga, ang pananahimik at ang piping galak.

Isang paruparong hanap ay bulaklak at saka liwanag,
Malalayong bayan ang lagi nang laman ng kanyang pangarap;
Musmos na musmos pa, tahana'y nilisa't ako ay lumayang,
Upang maglimayon, na ang diwa'y laya at walang bagabag - -
Ganyan ko ginugol ang mga pili kong panahon at oras.

At nang mapilitang ako ay bumalik sa dating tahanan,
Kagaya ng isang ibong nanghina na sa kapanahunan,
May nag bagong sigwang malakas, mabangis na parang
halimaw;
Ang mga pakpak ko'y nagkabali-bali't tahana'y pumanaw,
Ang aking tiwala'y ipinagkanulo't lahat na'y nagunaw.

Sa pagkakatapong malayo sa bayang pinakaiibig,
Ang hinaharap ko'y madilim na lubha't walang tatangkilik:
Pamuli na namang susungaw ang aking mga panaginip,
Tanging kayamanan ng kabuhayan kong sagana sa hapis;
Mga pananalig niyong kabataang matapat, malinis.

Dapwa't kung ikaw ma'y umaasa ngayong iyong makakamtan
Yaong gantimpalang hindi magmamaliw magpakailan man,
Hindi ka na paris ng dating magilas at buhay na buhay;
Sa hapis mong mukha'y may bakas na hindi mapagkakamalan
Yaong pananalig na dapat mahalin at ipagsanggalang.

At upang aliwin, handog mo sa aki'y mga panaginip,
Nagsaang panahon ng kabataan ko'y ipinasisilip;
Kaya nga salamat, O sigwang biyaya sa akin ng langit,
Alam mo ang oras na takdang pagpigil sa gala kong isip,
Upang ibalik mo sa pinanggalingang lupang iniibig.

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Aking nasumpungan ang isang tahanang sagana sa lilim,
Aking natuklasan sa katabing gubat na masalimsim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

Kundiman

Kundiman
Tula ni Jose Rizal

Tunay ngayong umid yaring dila't puso
Sinta'y umiilag, tuwa'y lumalayo,
Bayan palibhasa'y lupig at sumuko
Sa kapabayaan ng nagturong puno.

Datapuwa't muling sisikat ang araw,
Pilit maliligtas ang inaping bayan,
Magbabalik mandin at muling iiral
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan.

Ibubuhos namin ang dugo't babaha
Matubos nga lamang ang sa amang lupa
Habang di ninilang panahong tadhana,
Sinta'y tatahimik, iidlip ang nasa.

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

Tagalog

Tagalog
Jonas Buenaventura San Pedro

Guro ko,
huwag mo na po akong turuan,
ng ingles na wikang ayaw kong matutuhan,
ang lenguwaheng iya'y kinasusuklaman,
nitong aking dila't,mura kong isipan.
O! ang wikang iya'y gamit ng mayayaman,
ng mga palalo't,nag dudunong-dunungan.
alalaong baga'y,upang mapagsabihan,
na sila'y marurunong,at may pinag-aralan,
o! ingles na wikang kaysarap daw kung pakinggan,
a! sa aking tainga'y himig ng kataksilan.

Mula pa nu'ng pagkabata'y,tagalog ang pinanimula,
niyo'ng aking nanay,sa pagtuturo ng wika.
gamit ay ABAKADA'ng luma at sira-sira,
na siyang nag-panday sa baluktot kong dila.
sa aming kapit-bahay,na makain ma'y wala,
sa pakikipagtalastasan'y,tagalog ang s'yang salita.
sa aking kinalakhan'y,iisa ang winiwika,
at hindi nagpipilit,magsalita ng pa-isda,
na kaylaong malansa,lipas na at bilasa.
o bakit nga ba sa ngayo'y,ingles ang pinupunla?
a! iya'y maliwanag na sampal sa'king mukha.

O! aking guro,paumanhin,
kung hindi ko matanggap,
ang ingles na wika'ng hindi ko mapangarap.
sapat na ang sa amin'y,tagalog ang nalalasap;
ang wikang ginagamit naming lahat na mahirap.
kay'sa roon sa ingles,na wika ng mapag-pantas,
pikit-mata kung lumunok,balat-kayo kung gumanap.

Magalit man kayo,kung ayaw kong gamitin,
ang ingles na wika'ng,di ko man lamang masakim,
hanggang sa huling saknong,ay aking ididiin,
tagalog! ang winiwika,ng isang Pilipino'ng magaling.


http://dmagsalita.blogspot.com/

Linggo, Hunyo 19, 2011

Kasaysayan Ng Tulang Pilipino

Kasaysayan Ng Tulang Pilipino

Ang tulang Pilipino, sariling atin o hiram na panitikan. Ang kasaysayan ng tulang Pilipino ay nababahagi sa limang importanteng mga panahon. Una, ang Matandang Panahon. Ang panahong ito ay nagsimula noong unang pagdating ng mga Negrito o Aeta hanggang sa taong 1521. Pangalawa, ang Panahon ng mga Kastila na nagmula noong taong 1521 hanggang sa taong 1876. Pangatlo, ang Panahon ng Pambansang Pagkamulat. Ito ay panahon ng himagsikan. Pang-apat, ang Panahon ng mga Amerikano na nag-umpisa noong taong 1898 hanggang sa pagkatapos ng panahon ng digmaan. At ang huli'y ang Panahong Patungo sa Pambansang Krisis.

Ang Matandang Panahon

Tulad ng maraming dayuhang kabihasnan ang panitikan ng Pilipinas ay nagmula sa mga magkakaibang lipon ng tao na may panahong pagkaka-agwat.na dumating. Ang mga unang tao na dumating sa Pilipinas ay ang mga Negrito o Aeta. Sumunod naman ang grupong Indones at mga Malay. Dahil dito ang sinaunang kabihasnan ay may sarili nang sistema ng pagsulat at pasalita. Ang unang ebidensiya na mayroon nang sariling panitikang pagsulat ang mga pilipino bago pa dumating ang mga dayuhang taga-kanluran ay ang Baybayin na binubuo ng tatlong patinig at 14 na katinig. Ang mga simbolong ito ay nakasulat sa mga dahon at balat ng mga punong-kahoy na ang gamit naman sa pag-ukit ay ang mga matutulis na bato at kahoy din. Mayroon na ring panitikan na pasalita ang mga sinaunang tao. Ang panitikang pasalita ay may anyong panulaan, tuluyan, at dula.
Ang panulaan ay binubuo ng mga bugtong, salawikain at kasabihan, tanaga, tulang pambata, bulong, awiting bayan, at epiko. Ang mga ito'y nakasulat din ngunit ng dumating ang mga Kastila marami ang sinunog na mga literatura at saka dahil marami ang nakasulat sa mga kahoy at dahon ito ay natunaw pagkalipas ng maraming taon. Bagamat magkakaiba ang lengguaheng gamit ng mga sinaunang tao ang kanilang panitikan ay may iisang mensahe at layunin.
Ang Bugtong. Ang unang layunin ng bugtong ay magbigay kasiyahan sa mga tagapakinig at ng mga manlalaro. Kahit simple ang estraktura dito nasusukat ang talino at kaalaman tungkol sa bayan.
Ang Salawikain at Kasabihan. Ang salawikain at ang kasabihan ay nagpapakita ng asal, moralidad, at pag-uunawa sa ating mga ninuno. Ang salawikain ay nagbibigay aral at ang kasabihan ay nagbibigay unawa sa mga pang-araw araw na gawain.
Ang Tanaga. Ang tanaga ay naglalaman ng pangaral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan. Ito ay may estrukturang apat na taludtod at pitong pantig sa iisang saknong.
Ang Tulang Pambata. Ito ay nagsisilbing pag-unawa noong kamusmusan ng ating mga ninuno. Ito rin ay nagpapahayag at nagpapa-alala sa mga maliligayang karanasan noong sila'y bata pa.
Ang Bulong. Ang ating mga ninuno ay naniniwala rin sa mga di nakikitang espirito gaya ng mga lamang lupang espirito tulad ng mga duwende. Ang ating mga ninuno ay humihingi ng ng pasintabi at paumanhin sa mga ito upang hindi sila mapahamak sa mga masasamang pangyayari.
Halimbawa:
Tabi, tabi po, Ingkong
Makikiraan po lamang.
Bari-bari Apo
Umisbo lang ti tao. (Ilokano)
Ang Awiting-Bayan. Marahil sa lahat ng mga tula ang awiting bayan ay may pinakamalawak na paksa at uri. Ang mga paksa nito'y nagbibigay hayag sa damdamin, kaugalian, karanasan, relihiyon, at kabuhayan. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng ibaìt ibang uri nito, isa ang talindaw. Ang talindaw ay awit sa pamamangka. Ikalawa, ang Kundiman ito ay awit sa pag-ibig. Ikatlo, ang Kumintang ito ay awit sa pakikidigma. Ikaapat, ang Uyayi o Hele ito ay awit na pampatulog ng sanggol. Nabibilang rin dito ang Tigpasin, awit sa paggaod; ang Ihiman, awit sa pangkasal; ang Indulain, awit ng paglalakad sa lansangan at marami pang iba.
Halimbawa:
Talindaw
Sagwan, tayoy sumagwan
Ang buong kaya'y ibigay.
Malakas ang hangin
Baka tayo'y tanghaliin,
Pagsagwa'y pagbutihin.

Oyayi o Hele

Matulog ka na, bunso,
Ang ina mo ay malayo
At hindi ka masundo,
May putik, may balaho.
Ang Epiko. Ang epiko ay mahabang tula na inaawit o binibigkas. Ito ay tungkol sa mahiwagang pangyayari at kabayanihan ng isang mamamayan.

Ang Panahon ng mga Kastila

Ang Pilipino ay may sarili nang tula na mayaman sa uri, paksa, at estraktura bago pa dumating ang mga dayuhang Espanyol. Subalit nang dumating ang mga Espanyol ang tulang Pilipino ay nagkaroon ng maraming pagbabago at karagdagan lalo na sa uri at paksa. Noong nag-settle ang mga dayuhan sa ating bansa karamihan nila'y mga maimpluensiyang prayle. Ang mga prayleng ito ay hindi lang nagpe-preach kundi sila rin ay mga iskolar ng lengguaheng Espanyol kaya madali nilang nai-spread ang Kristianismo at ang kulturang espanyol. Ito ay posible dahil ang mga dayuhan ay nagpakitang tao sa pamamagitan ng pag sang ayon sa pagkatuto at pag-unawa sa ating mga katutubong kultura, baybayin, sining, pulitika,at panitikan. Nang mapailalim tayo sa kanilang mga kamay ang ating mga puso't isipan ay sumunod din. Dahil dito ang mga katutubong Pilipino o ang mga Indio na madaling silang tawagin ay madali na nilang nabago ang anyo ng mga katutubong tula.

Ang mga pagbabago ay pagdaragdag sa mga paksang panrelihiyon, pangmoralidad, etika, panlibangan, pangwika, at pangromansa. Mga katangiang abundant na sa Europa. Ang mga uri namang dinagdag sa katutubong panulaan ay ang mgaTugma, Pasyon, Dalit, at ang Awit at Korido.
Ang Tugma. Ang tugma ayon sa depinisyon ay ang huling saknong ng tulang ito ay magkakatugma. Actually, ang uring ito ay ginagamit na nang mga Indio noon ngunit ang mga Espanyol ay nagdagdag ng isa o marami pang saknong. At saka, ang dapat na nilalaman o paksa ay ayon sa bagong pananampalataya sa Panginoong HesuCristo.
Halimbawa:
Quintilla

Umulan man sa bundoc
houag sa dacong laot,
aba si casampaloc
nanao nang dico loob
ualang bauonang comot.
Ang Pasyon. Ang pasyon ay marahil ang pinaka-famous na anyong tula noong panahon ng ,mga Kastila dahil dito sinasalaysay ang buod ng buhay ng Panginoong HesuCristo. Ito ay ikinakanta at nagsasalaysay ng kaniyang buhay mula noong siyaìa ipinanganak, dakpin, ipinako sa krus hanggang sa kaniyang muling pagkabuhay. Isang halimbawa ng pasyon sa isang saknong o taludtod:
O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.
Ang Dalit. Ang dalit gaya ng pasyon ay inaawit din nguanit ito'y nagsasalaysay sa buhay ni Birheng Maria. Dahil ang Birheng Maria ay simbolo ng kalinisan ng puri siya ay hinahandugan tuwing buwan ng Mayo. Ito ngayon ay tinatawag na flores de Mayo.
Ang Awit at Korido. Ang mga tulang ito ay may paksang tungkol sa pangromansa. Ang Korido ay salaysay sa pakikipag-ibigan at pakikipagsapalaran ng isang tauhang malabayani na punung-puno ng kababalaghan. Ang awit nama'y salaysay sa pakikipag-ibigan at pakikipagsapalaran ngunit ang mga tauhan at walang sangkap na kababalaghan.
Sa kapanahunang ito seguro walang hihigit pa sa gawain ni Francisco "Balagtas" Baltazar. Siya marahil ang mga unang makata na nag-expose laban sa mga koloniyalistang kultura. Ang kaniyang subversive work ay sa anyong Florante at Laura. Ang Florante at Laura ay isang mahabang pasalaysay na tula na naglalaman ng mga mensahe laban sa mga Kastila. Nakatakas ito sa mgas censura dahil nagbalat-kayo na ang mga unang panauhin ay ang mga Kastila. Ngunit sa mga totoong mambabasa ito'y may maraming tema una laban sa Kristiyanismo at pangalawa ang laban sa im espanya.periyalismong

Ang Panahon ng Pambansang Pagkamulat

Maiksi man ang panahong ito ang mga tulang nasasailalim ay marahil pinaka-importanteng mga literary works. Dahil ang mga paksang ipinapahayag sa mga mambabasa ay mapa-free from koloniyalismong mentalidad, at I-expose ang mga problema buhat ng pagkasakop ng mga Indio sa mga Espanyol. Ang mg katangian ng mga paksa sa panahong ito ay naglalaman ng paksang makabayan, paglalarawan sa mga kapaligiran gawa ng mga dayuhang sumakop.
Ang panahong ito ay nahahati sa dalawang maimpluensiyang grupo, pangpropaganda at panghimagsikan. Ang unang layunin ng propaganda ay naglalayong humihingi ng reporma na manggagaling sa mga Espanyol. Ang pinakakilalang propagandista ay ang ating bayabing si Dr. Jose Rizal. Si Dr. Rizal ay naghangad na mapasigla ang mga tao upang labanan ang mg sakitt ng lipunan at ang mga mabaluktoo na paghahari ng mga Kastila. Sinulat niya ang popular na tulang pinamagatang Mi Ultimo Adios. Dalawa pang pangunahing propagandista ay sina Graciano Lopez-Jaena at si Antonio Luna.
Nang hindi makamtan ng grupong Pangreporma ang kanilang layunin at demands sa Espanya at ng mga Kastilang namumuno sa Pilipinas nabuhay o kaya'y nabuo ang bagong kilusang Panghimagsikan. Ang kilusang Panghimagsikan ay naglalayong gumamit ng dahas upang makamtan na ng ating Inang Bayan ang hinihinging kalayaan sa mga Kastila at iba pang mga oppressors ng ating bayan. Ang pangunahing pinuno ng kilusang himagsikan ay si Andres Bonifacio.

Ang Panahon ng mga Amerikano

Ang panulaang Pilipino noong panahon ng mga amerikano ay ang makikitang paggamit ng tatlong wika. Ang wikang kastila, tagalog, at ingles. Ang mga Amerikano ay lumayon na bigyan ng kalayaan ang mga makata at manunulat tungkol sa mga paksang makabansa, demokrasya, relihiyon, sosyalidad, at pampulitika. Ang kinikilalang makata sa panahong ito ay si Jose Corazon de Jesus. Siya ay kilala rin sa pangalang Batute. Si Batute ay isa sa mga unang makata na gumamit at lumayo sa mga tradisyong anyo ng pagsusulat.Si Batute ay masasabing kampeon ng mga taong mabababa ang kalagayan sa pamayanan. Ang kaniyang mga gawain ay makabayan matimbang sa kaniyang isip and kapakanakan ng mga maliliit at ang kalayaan sa kamay ng mga dayuhan (Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino, p. 36). Ang mga tulang siya'y kinikilala ay ang Bayan Ko at Ang Pamana.

Ang Panahong Patungo sa Pambansang Krisis

Krisis sa pulitika ang pangunahing paksa sa panahong ito na buhat ng ating pagkakaloob sa mga Amerikano at ang pagpapatuloy na pag-angkin sa koloniyalismong mentalidad na minana natin sa mga Kastila. Ngunit ang mga pangunahing taga-panglaban ay ang mga kilusan ng mga kabataang mag-aaral. Sila ay nagbibigay kritisismo sa taong may pera at kapangyarihan tungkol sa kanilang pamamalakad ng gobyerno. Ang kanilang hinihingi ay reporma na mapabago ang lipunan dulot ng kapitalismo, imperyalismo, at piyudalismong paraan ng pamumuno. Si Amado Hernandez ang kinikilalang makata sa panahong ito at ang kaniyang tulang "Kung Tuyo