Huwebes, Nobyembre 15, 2012

Tagalog

Tagalog
Jonas Buenaventura San Pedro

Guro ko,
huwag mo na po akong turuan,
ng ingles na wikang ayaw kong matutuhan,
ang lenguwaheng iya'y kinasusuklaman,
nitong aking dila't,mura kong isipan.
O! ang wikang iya'y gamit ng mayayaman,
ng mga palalo't,nag dudunong-dunungan.
alalaong baga'y,upang mapagsabihan,
na sila'y marurunong,at may pinag-aralan,
o! ingles na wikang kaysarap daw kung pakinggan,
a! sa aking tainga'y himig ng kataksilan.

Mula pa nu'ng pagkabata'y,tagalog ang pinanimula,
niyo'ng aking nanay,sa pagtuturo ng wika.
gamit ay ABAKADA'ng luma at sira-sira,
na siyang nag-panday sa baluktot kong dila.
sa aming kapit-bahay,na makain ma'y wala,
sa pakikipagtalastasan'y,tagalog ang s'yang salita.
sa aking kinalakhan'y,iisa ang winiwika,
at hindi nagpipilit,magsalita ng pa-isda,
na kaylaong malansa,lipas na at bilasa.
o bakit nga ba sa ngayo'y,ingles ang pinupunla?
a! iya'y maliwanag na sampal sa'king mukha.

O! aking guro,paumanhin,
kung hindi ko matanggap,
ang ingles na wika'ng hindi ko mapangarap.
sapat na ang sa amin'y,tagalog ang nalalasap;
ang wikang ginagamit naming lahat na mahirap.
kay'sa roon sa ingles,na wika ng mapag-pantas,
pikit-mata kung lumunok,balat-kayo kung gumanap.

Magalit man kayo,kung ayaw kong gamitin,
ang ingles na wika'ng,di ko man lamang masakim,
hanggang sa huling saknong,ay aking ididiin,
tagalog! ang winiwika,ng isang Pilipino'ng magaling.


http://dmagsalita.blogspot.com/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento