Tugma
Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng
mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod.
Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong
katinig ng mga salita.
Mga Antas Ng Tugma
May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang
Pilipino.
1. Tugmang
Karaniwan ang Antas
Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit
ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at
maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at
awit.
Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol
(1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela
Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa.
Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas
ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino.
May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang
tugmang katinig.
Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang
pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo
(may impit sa may impit o walang impit sa walang impit).
Sa loob at labas ng
bayan kong sawì,
Kaliluha’y siyang
nangyayaring harì,
Kagalinga’t bait ay
nilulugamî,
Ininis sa hukay ng
dusa’t pighatî.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)
Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî,
at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang
tunog sa dulo.
Ang salita nati'y huad
din sa ibá,
Na may alfabeto at
sariling létra,
Na kaya nawala'y
dinatnan ng sigwá
Ang lunday sa lawa
noong dakong úna.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)
Ang mga salitang pantugmang ibá, letra, sigwá,
at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at
pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo.
Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal
noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina.
Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, k, d, g, p, s, t. Mahina ang
tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y.
Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang
tunog ang c, f, q, v, x, z.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na
magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang
tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).
Ang laki sa layaw
karaniwa’y hubád,
Sa bait sa muni’t sa
halot ay salát
Masaklap na bunga ng
maling paglingáp,
Habag ng magulang sa
irog na anák.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)
Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp,
at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na d, t, p, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y
malakas ang tunog sa dulo.
Ang wikang tagalong
tulad din sa látin,
Sa ingles, kastila, at
salitang ánghel,
Sa pagka ang Poong
maalam tumíngin
Ang siyang nagbigay,
naggawad sa átin.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)
Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin,
at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga
katinig na n, l, n, at n, ayon sa
pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo.
2. Tugmang
Tudlikan ang Antas
Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit
na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang
pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang
dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi
maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa
mabilis, o malumay sa malumay).
Nais kong sa buhay ng
ating pag-ása,
Walang makatagpong
anino ng dúsa.
(Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926)
Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay
parehong nagtatapos sa patinig na a,
parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas.
3. Tugmang
Pantigan ang Antas
Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng
pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil
nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa
kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang
antas).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang
dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga
dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig.
Sa araw ng aking
mahahabang antók,
At di-mapigilang
pagputi ng buhók,
Sisilip-silipin sa
bintanang gapók,
Ang musmos na araw at
sumpang marupók.
(Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984)
Ang mga salitang pantugma na antók, buhók, gapók, at marupók ay
pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at
pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok.
4. Tugmang
Dalisay ang Antas
Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap
gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed.
Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng
antas na ito.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang
dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig
o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.
Sintang kaibigan:
Mangyaring lasáhin
ang katas ng Tulâ;
Suriin mo lamang
matapos basáhin
ang dahil at mulâ.
(Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin,
1965)
Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay
parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos
sa patinig-katinig na in, at
parehong a ang patinig sa
penultima.
Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay
parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong
nagtatapos sa katinig-patinig na la,
at parehong u ang patinig sa
penultima.
Mga Sanggunian:
Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).
Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).
Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).
Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento