Lunes, Hulyo 10, 2017

Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

Ang mga salitang Pilipino ay mayroong iba't ibang uri ng tunog:

1. May impit na mabilis. Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at pasara (âêîôû), ang tunog nito ay may impit na mabilis. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang maragsa ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: akmâ, badhâ, dalitâ, gibâ, hupâ, kaliwâ, simulâ, tubâ, ugâ, walâ
/ê/: bembê
/î/: binhî, gahî, hingî, iklî, kawangkî, luntî, muhî, pigî, tilî, untî
/ô/: anyô, bigô, dukmô, hintô, kulô, muktô, sundô, tukô, wastô, yugtô
/û/: tatû

Ang mga patinig na may impit na mabilis ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: bigáypalâ, dalít-bansâ, kálunyâ, mámayâ, námamagâ, pulót-gatâ
/î/: malí-malî, kamuhí-muhî, nápangiwî
/ô/: kásundô, likú-likô, natútuyô, salá-gintô


2. May impit na banayad. Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at pasara (àèìòù), ang tunog nito ay may impit na banayad. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumi ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: akalà, biyayà, diwatà, garà, hità, kubà, luhà, tihayà, sipà, yatà
/è/: bekè
/ì/: amukì, balì, gisì, kawalì, lapì, mungkahì, pilì, susì, tigì, warì
/ò/: akò, balahò, durò, guhò, katutubò, ligò, ngusò, pasò, sukò, tubò

Ang mga patinig na may impit na banayad ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: kátiwalà, lámang-lupà, mápariwarà, magdaláng-awà
/ì/: mánanahì, nangíngibì, pánikì
/ò/: nápasubò


3. Walang impit (at mabilis ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at hindi pasara (áéíóú), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang mabilis ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: adyá, buká, diktá, halá, kuhá, maantá, ngangá, puná, simbá, tulyá
/é/: halé
/í/: aligí, bilí, dumí, gantí, irí, kublí, lansí, maskí, suwí, waksí
/ó/: akó, bagyó, kalbó, dapyó, guló, lunó, noó, simbuyó, tuksó, ubó

Ang mga katinig na walang impit ang tunog (at mabilis ang bigkas) ay ginagamit din sa iba-ibang pantig at sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: bálaná, kálulwá, kiníkitá, lápidá, mákiná, músiká, óperá, pábulá
/é/: élisé
/í/: di-mápakalí, náhulí, táhurí
/ó/: ánimó, bíyatikó, depósitó, epikó, líkidó, máginoó, nátutó, trápikó


4. Walang impit (at banayad ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at hindi pasara (a, e, i, o, u), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumay ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/a/: ága, bága, kíta, dalága, háwa, lása, máya, píta, sinaúna, yáya
/e/: ále, babáe, kláse, gábe, héle, lénte, mónghe, paléngke, síge
/i/: bíbi, buháwi, díni, ígi, kilikíli, ngísi, oyáyi, pípi, saríli, táksi
/o/: aníno, bágo, katóto, hálo, líbo, matalíno, píno, síko, táo, unáno


5. Malakas. Ang mga katinig na bdgkps, at t ay malakas ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.
/b/: álab, liyáb, sánib, liblíb, taób
/d/: gáwad, ladlád, lúbid, hatíd, hágod, pudpód
/g/: pápag, palág, pánig, sahíg, húlog, tunóg
/k/: bálak, halták, búlik, halík, bátok, taluktók
/p/: apúhap, sapsáp, lírip, tahíp, háyop, tiklóp
/s/: gátas, ligtás, páwis, tamís, batíkos, kaluskós
/t/: áwat, tapát, lápit, damít, ámot, gamót

Ang mga katinig na malakas ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: malakas.
/b/: nágliliyáb, násubasób
/d/: kinákapatíd, nalúlugód, namámanhíd, násamíd
/g/: kánugnog, nangíngílag, nálalaglág, nárinig, náuntóg
/k/: dumádapúrak, mápahámak, námamarák, nanánabík, túktók
/p/: nátutóp
/s/: lumálabás, mádupílas, nagpúpuyós
/t/: kinákatíkot, nakayáyamót, nápamulágat, náwaglít, sábukót


6. Mahina. Ang mga katinig na lmnngrw, at y ay mahina ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: mahina.
/l/: ángal, dangál, dáhil, ukilkíl, sípol, tahól
/m/: ínam, linamnám, ánim, taním, lágom, kuyóm
/n/: káwan, pinggán, hángin, tingín, dáhon, taón
/ng/: báwang, kináng, síning, tudlíng, kálong, pagóng
/r/: asár, mártir, doktór
/w/: hálaw, galáw, sáliw, liwalíw
/y/: kílay, gabáy

Ang mga katinig na mahina ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: mahina.
/l/: bódabíl, bóliból, mánananggól, máparoól, pánggigítil
/m/: nagkíkimkím
/n/: álinlangán, báyaníhan, kágawarán, kúlúngan, mágasín, pángitaín
/ng/: gumágápang, mánibaláng, málulóng
/r/: éditór
/w/: madalíng-áraw, naúúhaw
/y/: bukáng-liwaywáy, di-mápalagáy, másinsáy, págsasanáy

Noong 1987, nang maragdagan ang mga titik ng alpabetong Pilipino, naragdagan din ang mga katinig na itinuturing na may malakas na tunog: cfjqvx, at z. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.

Ang h at ñ ay hindi nabibilang sa alinmang pangkat ng mga tunog dahil walang salitang Pilipino na nagtatapos sa mga salitang ito.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento