Lunes, Hulyo 10, 2017

Sukat At Alindog

Sukat At Alindog

Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa isang taludtod. Sa makalumang panulaang Pilipino, may apat na pangunahing sukat: aapatin, wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animin.

Sesura – ang hati sa pagitan ng dalawa o higit pang pangkat ng mga pantig sa isang taludtod. Layunin nito na mabigyan ng pahinga ang pagbasa.

Madalas na iisa lamang ang sesura o hati sa bawat taludtod. Kapag ganito, ang bilang ng pantig sa unang hati ng taludtod ay dapat katumbas ng bilang ng pantig sa ikalawang hati. Halimbawa, kung wawaluhing sukat, dapat ay apat ang pantig sa unang hati at apat din sa ikalawang hati (4-4). Kung lalabindalawahing sukat, dapat ay anim ang pantig sa unang hati at anim din ang pantig sa ikalawang hati (6-6). Kung lalabing-animing sukat, dapat ay walo ang pantig sa unang hati at walo rin ang pantig sa ikalawang hati (8-8).
May iba pang paraan ng paglalagay ng sesura. Ang 6-6 na hati ay maaaring gawing 4-4-4. Ang 8-8 naman ay maaaring gawing 6-6-6.
Dahil sa sesura, hindi nararapat na hatiin ang salita o ang diwa upang mapanatiling mainam ang alindog (aliw-iw o daloy) ng tula. Dahil hindi dapat hatiin ang diwa, ang bawat hati ng taludtod ay hindi dapat na mag-umpisa sa:
pandamdam na ba;
pandiwa na daw o raw;
pang-abay na dinrinmanngapahopo, o yata;
panghalip na kako, monila, ninaninoninyoniyaon, at niyon;
at pang-uri na nirinitoniyan, o niyari.
At hindi rin dapat na magtapos sa
pandiwa na ay;
pang-abay na kapagkapagkapagpagkanangpara, o upang;
pangatnig na at o kung;
pantukoy na angmganininasi, o sina;
at pang-ukol na kay, kina, ng, o sa.

Ang sagisag ng sesura ay dalawang pahilig (//).
Lalabindalawahing pantig:

Sumikat na Ina // sa sinisilangan
Ang araw ng poot // ng Katagalugan,
Tatlong daang taong // aming iningatan
Sa dagat ng dusa // ang karalitaan.
(Andres Bonifacio, "Katapusang Hibik ng Pilipinas," 1896)

Sa tulang ito, tig-aanim ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Lalabing-animing pantig:

Bawa't palo ng martilyo // sa bakal mong pinapanday,
Alipatong nagtilamsik // alitaptap sa karimlan;
Mga apoy ng pawis mong // sa bakal ay kumikinang,
Tandang ikaw ay may-gawa // nitong buong Santinakpan.
(Jose Corazon de Jesus, "Manggagawa," 1929)

Sa tulang ito, tigwawalo ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Dahil sa sukat at sesura, nagkakaroon ng musikalidad o himig ng awit ang alindog ng tula. Isa pa ito sa ikinagaganda ng tradisyonal na tulang Pilipino. May awit ang tula.
Subukin ninyong awitin ang mga taludtod ng Florante at Laura sa tono ng mga kantang "Atin cu pung singsing" o "Leron, Leron Sinta."
Ganyan kasalimuot ang tradisyonal na panulaang Pilipino. Tanging mga tunay na makata lamang ang nagtatagumpay sa larangang ito.

Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

1 komento: