Sabado, Hulyo 8, 2017

Pinatutula Ako

Pinatutula Ako
Tula ni Dr. Jose Rizal

Iyong hinihiling, lira ay tugtugin
bagaman sira na't laon nang naumid
ayaw nang tumipa ang nagtampong bagting
pati aking Musa ay nagtago narin.

malungkot na nota ang nasnaw na himig
waring hinuhugot dusa at hinagpis
at ang alingawngaw ay umaaliwiw
sa sarili na ring puso at damdamin.
kaya nga't sa gitna niring aking hapis
yaring kalul'wa ko'y parang namamanhid.

Nagkapanahon nga ... kaipala'y, tunay
ang mga araw na matuling nagdaan
nang ako sa akong Musa'y napamahal
lagi na sa akin, ngiti'y nakalaan.

ngunit marami nang lumipas na araw
sa aking damdamin alaala'y naiwan
katulad ng saya at kaligayahan
kapag dumaan na'y may hiwagang taglay
na mga awiting animo'y lumulutang
sa aking gunitang malabo, malamlam.

Katulad ko'y binhing binunot na tanim
sa nilagakan kong Silangang lupain
pawang lahat-lahat ay kagiliw-giliw
manirahan doo'y sayang walang maliw.

ang bayan kong ito, na lubhang marikit
sa diwa't puso ko'y hindi mawawaglit
ibong malalaya, nangagsisiawit
mulang kabundukan, lagaslas ng tubig
ang halik ng dagat sa buhangin mandin
lahat ng ito'y, hindi magmamaliw.

Nang ako'y musmos pa'y aking natutuhang
masayang batiin ang sikat ng araw
habang sa diwa ko'y waring naglalatang
silakbo ng isang kumukulong bulkan.

laon nang makata, kaya't ako nama'y
laging nagnanais na aking tawagan
sa diwa at tula, hanging nagduruyan:
"Ikalat mo lamang ang kanyang pangalan,
angking kabantugan ay ipaghiyawan
mataas, mababa'y, hayaang magpisan".

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento