Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Deklamasyon. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Deklamasyon. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Setyembre 14, 2010

Bilangguan ng Hukbo

Bilangguan ng Hukbo

Bilanggo: piit ng malupit na kapangyarihang bihag din ng kanyang takot sa matuwid; ilang panahon nang kunulong at sukat nang sukdulang higpit: daming mga araw, ang aking asawa ay di makalapit, kawawang bunso ko ay di madampian ni isa mang halik; mga kaibigan, kasama’t kapatid, bawal ang sa aki’y makipagulayaw kahi’t ilang saglit; ibong piniit na’y walang habag pa ring pinutlan ng bagwis; mistulang salarin o isang maysakit, biglang iniligpit at itiniwalag nila sa daigdig; ang aking higaa’y tablang maligasgas at wala ni banig na iisang dangkal sa amoy-libingang simentong malamig, ang aking pagkain ay laging mapait, ang kasuotan ko ay laging limahid; ang mukha ng araw, ano bang tagal nang sa aki’y nagkait? ang luom na hangin ay singaw ng lason ang inihahatid, ang yabag ng kawal na bantay ay dinig sa gabing pusikit, ang tiktak ng oras, tila tanikalang di mapatid-patid…

Ako’y nagtitiis… A, labis at labis ang binabata kong tiisi’t hinagpis! Bakit? bakit? bakit? Walang sumasagot! walang umiimik… Ako ba’y suminsay sa batas kung kaya pinagdusang tikis? nagdaya? pumatay? nanggaga? nanggahis? nagpayaman baga sa pamumulubi ng bayan kong amis? Gising ang Bathala’t Kanyang nababatid na kung tunay akong nagkasala’y dapat purihin nang higit: kasalanan kayang magdilat ng mata’t magbuka ng bibig? kasalanan kayang magtanggol-itindig ang katotohana’t katarungang lupig ng bayang mahirap—ng dustang paggawa’t aping magbubukid? kasalanan nga bang ang buhay ng dukha’t dangal ng maliit ibangon nang buong pagmamalasakit? Laban sa tirano, di ba kabanalan ang paghihimagsik? Nguni’t hindi lihim sa kahi’t na sino: pag ang namumuno sa isang gobyerno ang unang hangarin ay pananagano sa kapangyarihan, kamanyang at gintong akibat ng trono, ulong sa putikan pupulutin bawa’t di yumukong ulo…

Ganyan ang istorya magmula kay Kristo hanggang kina Burgos, Rizal, Bonifacio, at maging nito mang itinitimpalak na malaya tao; lumuhod sa puno’t humalik ng kamay sa palalong dayo ang di mababaling tuntuni’t panuto, at pagkakasala sakaling matuto ng pangangatwiran: Itong Pilipinas ay sa Pilipino! Ako’y ikinulong ng mga kaaway ng laya’t liwanang—ng laya sa gutom, ng laya sa takot at layang mangusap, ng layang sumamba sa Bathala’t hindi sa diyos na huwad; salamat, at libong salamat… talastas kong ako’y hindi nagiisa sa ganitong hirap, talastas kong ako’y hindi magiisa sa pagkawakawak; pupuong libo, laksa, uta’t angaw ng kaisampalad na tagapagmana ng masayang Bukas; ang tahoy ng bawa’t inang naging Sisa sa dusang dinanas, ang may luhang dasal ng nagluksang balo sa asawa’t anak, ang iyak ng batang sa kasanggulan pa’y ulila nang ganap— mga walang malay na di iginalang ng bangis at dahas, ay dinig kong lahat, mabisang balsamo sa kirot ng aking kaluluwang may sugat. Ang libong nasadlak sa mga piitan na kawangis ko ring pinapagkasala’y walang kasalanan, ang laksang inusig at pinarusahan kahi’t walang sakdal ni hatol ng aling may puring hukuman, ang hindi mabilang na pinaglupitan sa bukid at nayon, sa lunsod at bayan, ang lahat ng dampa, kubo, barung-barong na nilapastangan, at ipinalamon sa apoy, pati na ng naninirahan, ang mga nalibing nang walang pangalan ni kurus man lamang, di malilimot ni malilimutan, at ang tinig nila’y abot sa pandinig ng kinabukasan.

Yaong mataimtim sa panalangin, yaong tumatangis sa gitna ng dilim ng gabing malalim, yaong sa libinga’y malimit abutin ng maputlang sinag ng mga bituin, yaong tigib-hapis ang ligaw na daing nagmula kung saang anakin ay buntonghininga ng hangin, yaong naglalamay sa parang, sa gubat at bulubundukin, supling nina Elias at Kabisang Tales ng liping magiting na sumumpang hindi magpapaumanhin sa pangaalipin; sa tahasang turing: lahat ng siniil na may karapatan at nasang maningil, sila’y handa’t gising at kaisanglayon ng tanang sa baya’y hindi magmamaliw, isang bansang lakas na di mapipigil, isang mundong buhay na di masusupil, siyang sasalubong sa gintong liwayway ng gintong mithiin!

Ang aking katawa’y oo nga’t bilanggo, nguni’t ang isipan at tibok ng puso ay di mangyayaring kulungin saglit man ng bakal o ginto; ang pananalig ko sa malayong kuro, kasama ng hangin at sikat ng araw sa lalong malayo; sa huni ng ibon, sa sigaw ng alon at angil ng punlo, sa tutol ng madla sa lahat ng utos na buktot at liko, sa sumpa ng tao sa kawalang-budhi ng masamang puno, ay nakikisaliw ang aking kalulwang walang pagkahapo, hanggang sa makamtan ng bayan ang taal na lupang pangako— at kahi’t na nila kitlin ang buhay ko’t biyakin ang bungo, sa bungo ko’y buong nakalimbag pa rin sa sariwang dugo;

“Pilipino akong sa pambubusabos ay hindi susuko!”

Ang Bungo

Ang Bungo

Ikaw! Sino ka ba? Malamig na bungo, matigas na mukha. Dati kang maganda, ano ang mata mo nagkauka-uka? Dati kang marunong, ano ang noo mo nagkasira-sira? Kinakausap ka ayaw mong sumagot, ayaw magsalita, at ang katawan mo nasugpong na butong sinlamig ng tingga. Ikaw ba ang wakas ng lahat ng taong sa mundo nilikha?

Iyan ba ang matang nanglumiligaw ka, balana tiningnan? Iyan ba ang labing katugon ng ilong, balana hinagkan? Iyan ba abg tengang kung makikimatyag, lahat, pinakikinggan? Ano ka na ngayon? Nahan ang puso mo, diwa pakiramdam? Kahit na laitin, kahit na purihin, ayaw nang gumalaw. Parang sinasabing ang lahat sa mundo ay may katapusan!

Kay sarap ng buhay kung may kabuhayan at taglay ang lahat! Ibon lumilipad hanggang kalangitan kung buo ang pakpak! Tao sumasagwan hanggang karagatan kung buo ang lakas! Mundo umiinog at kumakalansing sa tugtog ng galak, ngunit ang tadhana mo kapag ang sinulid ng buhay binaltak, lahat, tao ibon kakita-kita mo butong nakatambak.

Ikaw nga, ikaw nga ang nang isang araw, itong buong mundo, ay kinakaladkad mo iyong inilipad hanggang maging iyo! Ngunit nang matapos, papuri tagumpay mo, ang natira abo. Katawang mabulas, makinis na balat, ang natira buto. Hinagkang bulaklak, sa hinalik-halik, nawalan ng bango. Bulwagang sayawan, sa sinayaw-sayaw, naging libingin mo!

Ngayon bangkay ka na, nahan ba ang iyong mga minamahal? Mga kaibigan na kasalu-salo, ano di-minasdan, at sa pagkasawi sila pa ang unang parang nagtagumpay! Matamis na ngiti, masayang papuri mahigpit na kamay, ay naging halakhak at naging paglibak, sa sawi mong bangkay! Kaydali nga namang magbago ng takbo ng sangkatauhan!

Kaya ba kung ikaw ay may nakagalit, huwag palubusin, ang gunitain mong lahat naman tayo ay namamatay din! Taong nakairap at uod sa lupa na ayaw pansinin, buti pa ang uod sa himpilang hukay, una pang darating! Ang taas ng hari lungkot ng pulubing hahali-haliling, kakita-kita mo, magkapitbahay lang, kapag nakalibing!

Sabado, Setyembre 11, 2010

Walang Ganiyanan

Walang Ganiyanan
Alison Madamdamin

Sige, isisi mo lahat sa pamahalaan
Wala ka ba talagang ginawang kasalanan?
Iisang presidente, milyon-milyong katao
Iisang bansa, pero iba’t ibang reklamo!

Aasahan nalang ba natin ang namumuno?
Tumingin ka sa salamin, tignan mo ang sarili mo;
Wala ka bang bakas ng katamaran?
May nagawa ka na ba para sa lupang sinilangan?

Kung nakikita na nating may mali sa paligid,
Ano pang silbi natin at tayo’y may paa’t kamay?
Palibhasa’y ang sandata’y galaw ng bibig,
Bulag ang mata; kita lang ang hirap ng buhay!

Ito mismong pagdakdak ang walang tinutunguhan,
Pagkatapos non, ano na?
Tapos na ang gawain mo bilang mamamayan?
Ang galing nga naman ng tinuturo sa kabataan!

Tititigan nalang ba natin ang ginagawa nila?
Hihintayin nalang ba natin ang pagbabago?
‘Wag kang tumunganga diyan, kumilos ka!
‘Wag ganiyan at meron pang pagasa.

Huwebes, Setyembre 9, 2010

Ito ang bayan ko

Ito ang bayan ko

Ito ang bayan ko:
Pitong libong pulong kupkop ng Bathala,
ngunit dinuhagi at sinamantala ng mga banyaga;

Lipi ng magiting na mapaghimagsik ang puso at diwa,
Unang Republikang sa dulong silanga’y nagtamo ng laya;
Ito ang bayan ko: sumilang sa dugo’t nabuhay sa luha
At pinagsawaan ng lahat ng biro’t hampas ng tadhana!

Ito ang bayan ko:
Dagatan, lupaing may sapat na lawak, bundok na mamina,
Bukiring matanim at maisdang dagat…

Sa lahat ng itong alay ng Bathala ay nagging marapat at maituturing na lupang hinirang at lubhang mapalad…
Ditto, ang ligaya sa lahat ng dako’y biyayang laganap,
Ngunit kailangang dukali’t hukayin ng sikhay at sipag.

Ito ang bayan ko:
Pinanday sa dusa ng mga dantaon, hinampas ng bagyo,
Nilunod ng baha, niyanig ng lindol;

Dinalaw ng salot, tinupok ng poot ng digmaang maapoy,
Sinakop ng Prayle, inagaw ng Kano, dinahas ng Hapon;
Ngunit patuloy ring ito ang bayan ko nakatindig ngayon,
Sa bawat banyaga’y magiliw ang bating “Kayo po’y magtuloy.”

Ito ang bayan ko:
Puso ma’y sugatan ay bakal ang dibdib,
Bawa’t naraana’y isang karanasa’t isang pagtitiis…
Ito ang bayan ko

Taas-noo ngayon sa pakikiharap sa buong daigdig, sapagkat sa kanyang sikap na sarili ay nakatindig…
Ito ang bayan ko: bunga ng nagdaang mga pagkaamis, matatag ang hakbang, patungo sa isang bukas na marikit.

Ito ang bayn ko;
Ang bayan ko’y ito.

Inang Wika

Inang Wika
ni Amado Hernandez

Ako’y ikakasal, sa aming tahana’y masayang-masaya: may piging, tugtugan, awitan, sayawan.

Ang aking magiging kabiyak ng buhay ay isang binatang puti, binatang sibol sa kanluran: maganda’t makisig, marunong, mayaman tila pulot-gata sa bibig ng isang mundong kaibigan.

Sa tanging sasakyan, nang kami’y lumulan, may natanaw ako sa tapat ng bahay na isang matandang babaing luhaan, waring tinatawag ang aking pangalan tila humihingi ng kaunting pagdamay; subalit sa gitna ng kaligayahan, siya ay hindi ko binati man lamang, siya ay hindi ko pinansin man lamang, habang ang sasakyan ay nagtutumulin hanggang sa simbahan.

Maligaya kaming nagsiluhod kapwa sa harap ng Birhen, sa gintong dambana; pagkasaya-saya’t ang mga kampana ay di-magkamayaw sa pagbabalita n gaming kasalan na pangmaharlika; ngunit ang larawan ng kaawa-awang matanda’y hindi ko matanggal sa diwa, mandi’y malikmata; ang nag-uunahang luha ng kandila ay tila kanya ring tumutulong luha; gayon man sa piling ng kahanga-hangang kaisang-puso ko’y niwalang-bahala, sa gitna ng tuwa’y nilimot kong pilit ang gayong hiwaga gaya ng liwanag ng buwang palaba na di masisira sa bahid ng ulap sa gabing payapa.

Natapos ang kasal, batian, kamayan, ngiting matatamis, birong maaanghang at saboy ng bigas sa ami’y salubong pagbaba sa altar… ngunit sino yaong aking natatanaw, matandang babaing nalugmok na bigla’t nawalan ng malay at lingid sa taong hindi magkamayaw. Ah! Siya rin yaong kangina’y hindi ko pinansin man lamang.

Nang saklolohan ko’t patakbong lapitan, nang kandungin ko na sa aking kandungan, ngumiting magiliw sa hapis ng kanyang pag-aagaw-buhay at saka nagwikang tigib-kapaitan: “Anak ko, bunso ko…salamat…paalam… Ako ang ina mong sawing kapalaran!”

At ang kulang-palad ay napalungayngay. Sa bisig ko na rin namatay… namatay!

Noon ko natanong ang ina kong mahal, ang Inang wika kong sa aki’y nagbigay ng lahat ng dangal, ang wikang tagalong na naiwang limot nang ako’y matanghal, at itinakwil ko sa pagtatagumpay, ay isang babaing nabuhay sa dusa’t sa lungkot namatay, nang ako’y pakasal sa Wikang Dayuhan.

Anakpawis

Anakpawis

Isang tao, munting taong kaharia’y nasa bukid,
May maliit na bakurang abot-tanaw ng silahis;
Nagtatanod – isang kubong kabahaya’y tila langit;
Ang libangan, halamanang sa looba’y nagtatalik;
Sa maghapon, ang kawaksi’y ang sariling mga bisig…
Munting tao, hamak lamang – iyan ako, anakpawis.

Sa kalapit na kaingin, diyan ako nagsusuyod,
Isang kawal ng paggawang nakangiti kung mapagod;
Ang ararong aking ugit, paduhapang kung humagod,
Habang yaong kalabaw ko’y hinahabol sa pag-isod;
Diyan unang nadama kong ako’y anak sa pag-irog –
Sa pag-ibig ako’y pusong nalalaang pabusabos!

Sa may hulo ng bukirin, naroon ang isang sapa,
Pakiwal pang gumigilid sa pilapil na mahaba;
Doon ako nagsasakag ng pang-ulam na sagana,
Biya, hipon, hito’t dalag na sa putik ay naggala;
Bawat isdang mahuli ko ay parakip ng Bathala,
Kung tuhugin sa pagsuyo’y pumapalag na biyaya!

Sa duluhan, nar’on naman ang tumanang nakalatagl;
Ang pakwan, nakagapang, at ang milon, nakausad;
Kalabasa’y nanulay pa sa talusok na nagkalat
Sa alalay ng masamyo at mahinhing hanging-gubat;
Diyan ako pinagpala’t nagging ganap na mapalad,
Diyan kami nagsumpaan sa lilim ng isang balag!

At sa tabon – hayan lamang… hindi lubhang kalayuan,
Kung tanawin sa dampa ko: taas pantay-noo lamang;
Diyan unang iniyupyop ang mukha ng Inang Bayan,
Nang yurakan sa pahirap ng malupit na dayuhan;
Diyan manding tinanggap ko ang halik ng aking hirang
Nang itindig ko ang punit na bandilang aking tangan!

Isang tao, munting taong kaharia’y nasa bukid,
Ang maliit na bakura’y abot-tanaw ng silahis;
Kayamanan, isang kubong napupuspos ng pag-ibig;
Ang sagisag, isang tabak ni Solimang nagngangalit;
Maghapunan, sa katawan, dugong buhay ang natigis…
Munting tao, kung hamak man – yan ako, anakpawis!

Luha

Luha
ni Rufino Alejandro

Daloy, aking luha… daloy aking luha, sa gabing malalim, sa iyong pag-agos, inanod mo lamang ang aking damdamin,

Hugasan ang puso – yaring abang pusong luray sa hilahil,

Nang gumaan-gaan ang pinapasan ko na libong tiisin!

Nang ako’y musmos pa at bagong nunukad yaring kaisipan,

May biling ganito si Ama’t si Ina bago sumahukay: “Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay,

Ang ikaw’y mabuyo sa gawang masama’y dapat mong iwasan.”

Nang ako’y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak

Ng kapalalua’t ang aral ni Ama’t ni Ina’y hinamak;

Sa maalong dagat ng buhay sa mundo’y nag-isang lumayag,

Iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!

Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na nitong huli na’y saka nakilalang alak na nanatay!

Ang pinagbataya’y dapat magpasasa sa kasalukuya’t

Isang “Bahala na!” ang tanging inyukol sa kinabukasan!

Kaya naman ngayon sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi;

Tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkaduhagi’t iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!

Daloy, aking luha… dumaloy ka ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; inanod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan,

Nang yaring hirap ko’t susun-susong sakit ay gumaan-gaan!

Daloy, aking luha… dumaloy ka, dumaloy ka…!

Magsisi man ako ay huli na…

Ang panahong nawaglit ay din a maibabalik!

Kaya mga kabataan, huwag nyong tularan ang aking karanasang

Ang kinahantungan ay kapighatian…

Kapighatiang patuloy kong pinagsisisihan!

Daloy aking luha, dumaloy ka…