Thursday, September 9, 2010

Luha

Luha
ni Rufino Alejandro

Daloy, aking luha… daloy aking luha, sa gabing malalim, sa iyong pag-agos, inanod mo lamang ang aking damdamin,

Hugasan ang puso – yaring abang pusong luray sa hilahil,

Nang gumaan-gaan ang pinapasan ko na libong tiisin!

Nang ako’y musmos pa at bagong nunukad yaring kaisipan,

May biling ganito si Ama’t si Ina bago sumahukay: “Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay,

Ang ikaw’y mabuyo sa gawang masama’y dapat mong iwasan.”

Nang ako’y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak

Ng kapalalua’t ang aral ni Ama’t ni Ina’y hinamak;

Sa maalong dagat ng buhay sa mundo’y nag-isang lumayag,

Iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!

Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na nitong huli na’y saka nakilalang alak na nanatay!

Ang pinagbataya’y dapat magpasasa sa kasalukuya’t

Isang “Bahala na!” ang tanging inyukol sa kinabukasan!

Kaya naman ngayon sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi;

Tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkaduhagi’t iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!

Daloy, aking luha… dumaloy ka ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; inanod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan,

Nang yaring hirap ko’t susun-susong sakit ay gumaan-gaan!

Daloy, aking luha… dumaloy ka, dumaloy ka…!

Magsisi man ako ay huli na…

Ang panahong nawaglit ay din a maibabalik!

Kaya mga kabataan, huwag nyong tularan ang aking karanasang

Ang kinahantungan ay kapighatian…

Kapighatiang patuloy kong pinagsisisihan!

Daloy aking luha, dumaloy ka…

No comments:

Post a Comment