Inang Wika

Inang Wika
ni Amado Hernandez

Ako’y ikakasal, sa aming tahana’y masayang-masaya: may piging, tugtugan, awitan, sayawan.

Ang aking magiging kabiyak ng buhay ay isang binatang puti, binatang sibol sa kanluran: maganda’t makisig, marunong, mayaman tila pulot-gata sa bibig ng isang mundong kaibigan.

Sa tanging sasakyan, nang kami’y lumulan, may natanaw ako sa tapat ng bahay na isang matandang babaing luhaan, waring tinatawag ang aking pangalan tila humihingi ng kaunting pagdamay; subalit sa gitna ng kaligayahan, siya ay hindi ko binati man lamang, siya ay hindi ko pinansin man lamang, habang ang sasakyan ay nagtutumulin hanggang sa simbahan.

Maligaya kaming nagsiluhod kapwa sa harap ng Birhen, sa gintong dambana; pagkasaya-saya’t ang mga kampana ay di-magkamayaw sa pagbabalita n gaming kasalan na pangmaharlika; ngunit ang larawan ng kaawa-awang matanda’y hindi ko matanggal sa diwa, mandi’y malikmata; ang nag-uunahang luha ng kandila ay tila kanya ring tumutulong luha; gayon man sa piling ng kahanga-hangang kaisang-puso ko’y niwalang-bahala, sa gitna ng tuwa’y nilimot kong pilit ang gayong hiwaga gaya ng liwanag ng buwang palaba na di masisira sa bahid ng ulap sa gabing payapa.

Natapos ang kasal, batian, kamayan, ngiting matatamis, birong maaanghang at saboy ng bigas sa ami’y salubong pagbaba sa altar… ngunit sino yaong aking natatanaw, matandang babaing nalugmok na bigla’t nawalan ng malay at lingid sa taong hindi magkamayaw. Ah! Siya rin yaong kangina’y hindi ko pinansin man lamang.

Nang saklolohan ko’t patakbong lapitan, nang kandungin ko na sa aking kandungan, ngumiting magiliw sa hapis ng kanyang pag-aagaw-buhay at saka nagwikang tigib-kapaitan: “Anak ko, bunso ko…salamat…paalam… Ako ang ina mong sawing kapalaran!”

At ang kulang-palad ay napalungayngay. Sa bisig ko na rin namatay… namatay!

Noon ko natanong ang ina kong mahal, ang Inang wika kong sa aki’y nagbigay ng lahat ng dangal, ang wikang tagalong na naiwang limot nang ako’y matanghal, at itinakwil ko sa pagtatagumpay, ay isang babaing nabuhay sa dusa’t sa lungkot namatay, nang ako’y pakasal sa Wikang Dayuhan.

5 comments:

Anonymous said...

Ang Ganda :)

Anonymous said...

nakaka inspire :)

Anonymous said...

Inspirational ito!

Lilibeth Secuya said...

maganda!

Christina Baygar said...

Nice

Post a Comment