Bilangguan ng Hukbo
Bilanggo: piit ng malupit na kapangyarihang bihag din ng kanyang takot sa matuwid; ilang panahon nang kunulong at sukat nang sukdulang higpit: daming mga araw, ang aking asawa ay di makalapit, kawawang bunso ko ay di madampian ni isa mang halik; mga kaibigan, kasama’t kapatid, bawal ang sa aki’y makipagulayaw kahi’t ilang saglit; ibong piniit na’y walang habag pa ring pinutlan ng bagwis; mistulang salarin o isang maysakit, biglang iniligpit at itiniwalag nila sa daigdig; ang aking higaa’y tablang maligasgas at wala ni banig na iisang dangkal sa amoy-libingang simentong malamig, ang aking pagkain ay laging mapait, ang kasuotan ko ay laging limahid; ang mukha ng araw, ano bang tagal nang sa aki’y nagkait? ang luom na hangin ay singaw ng lason ang inihahatid, ang yabag ng kawal na bantay ay dinig sa gabing pusikit, ang tiktak ng oras, tila tanikalang di mapatid-patid…
Ako’y nagtitiis… A, labis at labis ang binabata kong tiisi’t hinagpis! Bakit? bakit? bakit? Walang sumasagot! walang umiimik… Ako ba’y suminsay sa batas kung kaya pinagdusang tikis? nagdaya? pumatay? nanggaga? nanggahis? nagpayaman baga sa pamumulubi ng bayan kong amis? Gising ang Bathala’t Kanyang nababatid na kung tunay akong nagkasala’y dapat purihin nang higit: kasalanan kayang magdilat ng mata’t magbuka ng bibig? kasalanan kayang magtanggol-itindig ang katotohana’t katarungang lupig ng bayang mahirap—ng dustang paggawa’t aping magbubukid? kasalanan nga bang ang buhay ng dukha’t dangal ng maliit ibangon nang buong pagmamalasakit? Laban sa tirano, di ba kabanalan ang paghihimagsik? Nguni’t hindi lihim sa kahi’t na sino: pag ang namumuno sa isang gobyerno ang unang hangarin ay pananagano sa kapangyarihan, kamanyang at gintong akibat ng trono, ulong sa putikan pupulutin bawa’t di yumukong ulo…
Ganyan ang istorya magmula kay Kristo hanggang kina Burgos, Rizal, Bonifacio, at maging nito mang itinitimpalak na malaya tao; lumuhod sa puno’t humalik ng kamay sa palalong dayo ang di mababaling tuntuni’t panuto, at pagkakasala sakaling matuto ng pangangatwiran: Itong Pilipinas ay sa Pilipino! Ako’y ikinulong ng mga kaaway ng laya’t liwanang—ng laya sa gutom, ng laya sa takot at layang mangusap, ng layang sumamba sa Bathala’t hindi sa diyos na huwad; salamat, at libong salamat… talastas kong ako’y hindi nagiisa sa ganitong hirap, talastas kong ako’y hindi magiisa sa pagkawakawak; pupuong libo, laksa, uta’t angaw ng kaisampalad na tagapagmana ng masayang Bukas; ang tahoy ng bawa’t inang naging Sisa sa dusang dinanas, ang may luhang dasal ng nagluksang balo sa asawa’t anak, ang iyak ng batang sa kasanggulan pa’y ulila nang ganap— mga walang malay na di iginalang ng bangis at dahas, ay dinig kong lahat, mabisang balsamo sa kirot ng aking kaluluwang may sugat. Ang libong nasadlak sa mga piitan na kawangis ko ring pinapagkasala’y walang kasalanan, ang laksang inusig at pinarusahan kahi’t walang sakdal ni hatol ng aling may puring hukuman, ang hindi mabilang na pinaglupitan sa bukid at nayon, sa lunsod at bayan, ang lahat ng dampa, kubo, barung-barong na nilapastangan, at ipinalamon sa apoy, pati na ng naninirahan, ang mga nalibing nang walang pangalan ni kurus man lamang, di malilimot ni malilimutan, at ang tinig nila’y abot sa pandinig ng kinabukasan.
Yaong mataimtim sa panalangin, yaong tumatangis sa gitna ng dilim ng gabing malalim, yaong sa libinga’y malimit abutin ng maputlang sinag ng mga bituin, yaong tigib-hapis ang ligaw na daing nagmula kung saang anakin ay buntonghininga ng hangin, yaong naglalamay sa parang, sa gubat at bulubundukin, supling nina Elias at Kabisang Tales ng liping magiting na sumumpang hindi magpapaumanhin sa pangaalipin; sa tahasang turing: lahat ng siniil na may karapatan at nasang maningil, sila’y handa’t gising at kaisanglayon ng tanang sa baya’y hindi magmamaliw, isang bansang lakas na di mapipigil, isang mundong buhay na di masusupil, siyang sasalubong sa gintong liwayway ng gintong mithiin!
Ang aking katawa’y oo nga’t bilanggo, nguni’t ang isipan at tibok ng puso ay di mangyayaring kulungin saglit man ng bakal o ginto; ang pananalig ko sa malayong kuro, kasama ng hangin at sikat ng araw sa lalong malayo; sa huni ng ibon, sa sigaw ng alon at angil ng punlo, sa tutol ng madla sa lahat ng utos na buktot at liko, sa sumpa ng tao sa kawalang-budhi ng masamang puno, ay nakikisaliw ang aking kalulwang walang pagkahapo, hanggang sa makamtan ng bayan ang taal na lupang pangako— at kahi’t na nila kitlin ang buhay ko’t biyakin ang bungo, sa bungo ko’y buong nakalimbag pa rin sa sariwang dugo;
“Pilipino akong sa pambubusabos ay hindi susuko!”
Dalangin kong nawa'y makapagbasa muli ang mga mahal nating pinuno sa pulitiko , ng mga tula.akda,talumpati ng mga nauna nating bayani o manunulat ng lupaing pinagtuluan ng luha ng ating mga ninuno
TumugonBurahin