Lupain ng Taglamig
Ni Yasunari Kawabata
Salin ni Rogelio Sicat
“NOON”: lipas na ang panahon ng panganib dahil sa mga pagguho ng yelo, dumating na ang panahon ng pag-akyat sa bundok sa kaluntian na tagsibol.
Sa ngayon, mawawala ang mga sariwang gulay sa mesa.
Si Shimamura, na nabubuhay sa kawalan ng magawa, ay nakatuklas na kung minsa’y nawawala ang katapatan niya sa sarili, at malimit siyang nagpupuntang mag-isa sa bundok upang mabawi rito ang kung anong bahagi nito. Bumaba siya sa nayon ng mainit na bukal pagkaraan ng pitong araw sa hangganan sa bundok. Nagpatawag siya ng isang geisha. Gayunman, sabi ng katulong na babae, sa kasawiang-palad ay may selebrasyon nang araw na iyon bilang pasinaya ng isang bagong kalsada; napakaraming tao sa pagdiriwang kung kaya ang pinagsamang bodega ng cocoon at teatro ay inokupa, at hindi magkandatuto ang labindalawa o labintatlong geisha sa pagsisilbi sa mga tao. Ngunit baka sakaling makapunta ang babaeng nakatira sa titser ng musika. Kung minsan, tumutulong ito sa mga pagtitipon ngunit umuuwi na pagkaraan ng dalawa o tatlong sayaw lamang. Nang mag-usisa pa si Shimamura, nagkuwento ang katulong tungkol sa babaeng nakatira sa titser: ang titser ng samisen at ng sayaw ay may kasamang isang babae, hindi geisha, ngunit kung minsa’y napapakiusapang tumulong sa malalaking pagtitipon. Dahil walang bata sa bayan na nagsasanay para maging geisha, at dahil karamihan sa mga lokal na geisha ay nasa gulang na ayaw nang sumayaw, mahalaga ang serbisyo ng babae. Hindi siya kailanman dumarating na mag-isa para aliwin ang isang bisita sa otel, ngunit hindi rin naman siya matatawag na baguhan – sa pangkalahata’y ganito ang ikinuwento ng katulong.
Kakatwang istorya, sabi ni Shimamura sa sarili, at ito’y kinalimutan niya. Gayunman, pagkaraan ng may isang oras, dumating ang babaeng nakatira sa titser ng musika, kasama ang katulong. Tumayo si Shimamura. Paalis na ang katulong ngunit tinawag ito ng babae.
Nagbigay ang babae ng impresiyon ng lubos na kalinisan at kasariwaan. Palagay ni Shimamura ay malinis ito hanggang sa gilit ng mga daliri ng paa. Napakalinis nito kaya naisip niyang baka dinadaya siya ng kanyang mata nasanay ito sa katitingin sa maagang tag-araw sa kabundukan.
May bagay sa pananamit ng babae na nagpapahiwatig ng isang geisha, ngunit hindi nito suot ang mahabang saya ng geisha. Sa halip, suot nito ang malambot at pantag-araw na kimono na nagbibigay ng anyong kagalang-galang. Mukhang mamahalin ang obi, hindi bagay sa kimono, at lihim siyang nalungkot.
Tahimik na lumabas ang katulong nang magsimula silang mag-usap tungkol sa mga bundok. Hindi tiyak ng babae ang pangalan ng bundok na nakikita mula sa otel, at dahil hindi ganadong uminom ng alak si Shimamura na maaari niiyang maramdaman kung kasama ang isang oardinaryong geisha, sinimulang isalaysay ng babae ang nakaraan nito sa isang nakagugulat na paraang basta pakuwento lamang. Ipinanganak siya sa lupaing ito ng yelo, ngunit siya’y kinontra bilang geisha sa Tokyo. Di nagtagal, nakatagpo siya ng patron na nagbayad ng kanyang mga utang at nag-alok na tutulungan siyang maging titser ng sayaw, ngunit sa kasawiang-palad, namatay ito pagkaraan ng isa’t kalahating taon. Nang dumating sa punto ng kung ano ang nangyari mula noon, sa bahaging pinakamalapit dito, bantulot itong magkuwento ng kanyang mga sikreto. Sinabi ng babae na siya’y disinuwebe anyos. Akala ni Shimamura ay beinte uno o beinte dos ito at dahil ipinalagay niyang hindi ito nagsisinungaling, ang kaalamang maaga itong tumanda ay nagdulot sa kanya ng bahagyang kapanatagang inaasahan niyang madama sa piling ng isang geisha. Nang simulan nilang pag-usapan ang Kabuki, natuklasan niyang mas maraming alam ang babae tungkol sa mga aktor at estilo kaysa kanya. Nagkuwento ang babae na parang sabik sa isang tagapakinig, at di nagtagal, naging panatag ang loob nito na sa wakas ay naglantad dito bilang tagapaghatid ng aliw. At sa pangkalahatan, parang alam nito ang lahat ng dapat malaman tungkol sa mga lalaki. Gayunman, insip ni Shimamura na ito’y baguhan, at, pagkaraan ng isang linggo ng pag-akyat sa bundok na wala siyang nakausap kahit isa, natagpuan niya ang sariling naghahanap ng isang kasama. Pakikipagkaibigan, samakatuwid, at hindi ano pa man ang naramdaman niya sa babae. Lumawak ang naging damdamin niya sa kabundukan upang sakupin pati ang babae.
Habang papunta sa banyo nang sumunod na hapon, iniwan ng babae ang tuwalya at sabob sa bulwagan at pumasok sa kanyang kuwarto upang kausapin siya.
Kauupo pa lamang ng babae nang hilingin niya ritong ikuha siya ng isang geisha.
“Ikuha ka ng geisha?”
“Alam mo ang ibig kong sabihin.”
“Hindi ako pumasok dito para utusan ng ganyan.” Bigla itong tumayo at lumapit sa bintana, namumula ang mukha habang nakatingin sa kabundukan. “Walang ganyang babae rito.”
“Huwag mo na akong lokohin.”
“Iyan ang totoo.” Mabilis itong bumaling upang humarap sa kanya, at pagkaraa’y naupo sa pasimano ng bintana. “Walang nakakapilit sa geisha na gawin ang ayaw niya. Bahala ang geisha mismo. Serbisyo iyan na hindi maibibigay sa iyo ng otel. Sige, kung gusto mo’y ikaw ang tumawag. Ikaw mismo ang makipag-usap.”
“Ikaw ang tumawag para sa akin.”
“Bakit ako ang gusto mong gumawa niyan?”
“Itinuturing kitang kaibigan. Kaya nga tinatrato kitang mabuti.”
“At ganito ang ipagagawa mo sa isang kaibigan?” Gumagaya sa kanyang pamamaraan, ang babae’y tila naging nakakatuwang bata. Ngunit pagkaraan ng ilang saglit, bumulalas ito: “Ang galing mo naman, at ako pa ang hinilingan mong gumawa ng gayong bagay!”
“Ano’ng masama ro’n? Masyado lang akong lumakas pagkaraan ng isang linggo sa kabundukan, iyan lang. Mali-mali tuloy ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para makipag-usap sa iyo sa paraang gusto ko.”
Tahimik ang babae, nakatingin sa sahig. Umabot na si Shimamura sa puntong alam niyang ipinaparada lamang niya ang kawalanghiyaan ng isang lalaki, ngunit mukhang sanay na rin dito ang babae at hindi nasisindak. Tiningnan niya ito. Marahil, ang malantik na pilikmata ng nakababang mata ang nagdudulot sa mukha nito ng init at tukso. Umiling ng bahagya ang babae, at muli, isang mapusyaw na pamumula ang kumalat sa mukha nito.
“Kunin mo ang geisha na gusto mo.”
“Di ba iyan nga mismo ang hinihingi kong gawin mo? Ngayon lamang ako nakarating dito, at wala akong ideya kung sinong geisha ang pinakamaganda.”
“Ano ba ang maganda sa iyo?”
“Iyong bata. Hindi ka masyadong magkakamali kapag sila’y bata. At iyong hindi gaanong madaldal. Malinis, at hindi gaanong mabilis. Kung gusto kong may kausap, maaari kitang kausapin.”
“Hindi na ako babalik dito.”
“Huwag kang gaga.”
“Sabi ko’y hindi na ako babalik. Bakit pa ako babalik?”
“Di ba sinabi ko na sa iyo na gusto kong makipagkaibigan sa iyo kaya tinatrato kitang mabuti?”
“Tama na’ng sinabi mo.”
“Halimbawang sumobra ako sa pakikitungo sa iyo, malamang na bukas lang ay hindi na kita gustong kausapin. Hindi na kita gusto pang makita. Pupunta ako sa bundok upang muling magustuhang makipag-usap sa tao, at iiwan kita para makausap ko. At ikaw mismo, paano ka? Hindi ka maaaring magpakaingat sa mga nagpupunta rito.”
“Totoo.”
“Talagang totoo. Isipin mo ang sarili mo. Kung siya’y isang babaeng hindi mo gusto, hindi mo na hahangaring makita pa ako pagkaraan. Mas mabuti para sa kanya kung siya’y babaeng iyong pinili.”
“Tama na, tama na.” Biglang bumaling ang babae, ngunit mayamaya’y idinagdag nito: “Mayroon kang ibig ipakahulugan sa iyong sinabi.”
“Isang panandaliang relasyon, iyon lang. Walang maganda rito. Alam mo iyan – hindi nagtatagal.”
“Totoo. Laging ganyan sa lahat ng nagpupunta rito. Ito’y isang bukal at napaparito ang tao ng isa-dalawang araw, at pagkaraa’y aalis na.” Prangka ang kanyang pananalita – napakabilis ng kanyang pagbabago. “Karaniwang mga nagbibiyahe ang napapairto. Bata pa ako pero narinig ko na ang lahat ng usapan. Ang bisitang hindi nagsasabi sa iyo na gusto ka niya, gayong alam mo namang gusto ka – siya ang mas magiliw mong natatandaan. Hindi mo siya malilimutan, kahit matagal ka na niyang iniwan, sabi nila. At siya rin ang nagpapadala ng sulat sa iyo.”
Mula sa pagkakaupo sa pasimano, tumayo ang babae at naupo sa banig sa ibaba nito. Para itong nabubuhay sa nakaraan, ngunit tilla napakalapit din niya kay Shimamura.
Taglay ng boses ng babae ang tono ng malapit na damdamin at bahagyang nakonsensiya si Shimamura. Parang napakadali niyang napaglalangan ang babae.
Gayunma’y hindi siya nagsisinungaling. Para sa kanya’y baguhan ang babaeng ito. Ang kasabikan niya sa isang babae ay hindi iyong mag-uudyok sa kanya na gustuhin ang partikular na babaeng ito – kasabikan iyong kailangang idaos ng walang pananagutan. Napakalinis ng babaeng ito. Mula nang ito’y kaniyang makita, inihiwalay na niya ang babaeng ito sa iba pa.
Bukod dito, nang pinag-iisipan na niya kung saan pupunta para takasan ang init ng tag-araw, naisip niyang maaari niyang dalhin ang kanyang pamilya sa bukal na ito sa bundok. Sa kabutihang-palad, ang babae ay baguhan. Puwede itong mabuting kasama ng kanyang maybahay. Maaari pa niyang paturuan ng sayaw ang kanyang maybahay upang huwag itong mainip. Medyo seryoso siya rito. Sinabi niyang pakikipagkaibigan lamang ang nararamdaman niya sa babae, ngunit may dahilan siya sa paglusong sa mababaw na tubig nang hindi nagpapakabasa.
At walang dudang may bagay na katulad ng panggabing salamin sa pangyayaring ito. Ayaw niyang isipin ang mahabang komplikasyon ng relasyon sa isang babaeng alanganinan ang katayuan; ngunit bukod dito, nakita niya ang babae na parang hindi totoo, tulad ng mukha ng babae sa panggabing salamin.
Gayon din ang panlasa niya sa sayaw na kanluranin, parang hindi totoo. Lumaki siya sa distrito ng komersiyo sa Tokyo, at mula sa pagkabata ay pamilyar na pamilyar na siya sa teatro ng Kabuki. Bilang estudyante, nabaling ang kanyang interes sa sayaw na Hapon at sayaw-dula. Hindi nasisiyahan hangga’t hindi niya natutuhan ang lahat ng gusto niyang pag-aralan, nagsaliksik siya sa mga lumng dokumento at pinuntahan ang mga puno ng iba’t ibang eskuwelahan sa sayaw, at di nagtagal, naging kaibigan niya ang mga sumusikat na personalidad sa daigdig ng sayaw at nagsulat siya ng maaaring tawagin mga pananaliksik at mapanuring sanaysay. Natural lamang, kung gayon, na mabuo sa kanya ang malalim na pagtutol sa nahihimbing na matandang tradisyon at sa mga repormador na ang gusto lamang ay bigyang-kasiyahan ang kanilang mga sarili. Nang ipasiya na niyang wala nang ibang dapat gawin kundi lubusang ilahok ang sarili sa kilusan ng sayaw, at dahil hinihimok siya ng ilan sa mga batang personalidad sa daigdig ng sayaw, bigla siyang lumipat sa sayaw ng kanluranin. Tumigil siya sa panonood ng sayaw na Hapones. Nagtipon siya ng retrato at deskripsiyon ng ballet ng kanluran, at matiyagang nangolekta ng mga programa at poster mula sa ibang bansa. Hindi lamang ito simpleng pagkahalina sa eksotiko at sa bagay na hindi pa nalalaman. Ang totoo, ang natuklasan niyang aliw sa bagong hilig ay nagmula sa kawalan niya ng kakayahang makapanood mismo ang mga kanluraning artista sa kanluraning ballet. Patunay nito ang matigas niyang pagtangging pag-aralan ang ballet na itinatanghal ng mga Hapon. Wala nang sasarap pa kundi sumulat tungkol sa ballet mula sa kaalamang nakuha sa libro. Ang ballet na hindi niya kailanman nakikita ay sining sa ibang daigdig. Isang pangarap na walang kaparis mula sa malayo, isang liriko mula sa paraiso. Tinawag niyang pananaliksik ang kanyang trabaho, ngunit ang totoo, iyo’y malaya at hindi mapigilang pantasya. Minabuti niyang huwag lasapin ang ballet sa aktuwal na panonbood; sa halip, napatangay siya sa pananaginip ng kanyang sumasayaw na imahinasyon na pinupukaw ng mga kanluraning libro at retrato. Katulad nito ang umibig sa isang hindi pa niya nakikita kailanman. Ngunit totoo rin na si Shimamura, na wala talagang trabaho, ay nasisiyahan sa pangyayaring mula sa manaka-naka niyang pagkatuklas sa kanluraning sayaw ay nasumpungan niya ang sarili sa bingit ng daigdig ng panitikan – kahit nagtatawa siya sa sarili at sa kanyang trabaho.
Maaaring masabi na sa kauna-unahang pagkakataon, nagagamit niya ngayon nang husto ang kanyang kaalaman, pagkat ang usapan sa sayaw ay nakatulong upang lalong mapalapit ang babae sa kanya; ngunit posible rin, bagamat hindi niya halos namamalayan, na tinatrato niya ang babae gaya ng mismong pagtrato niya sa kanluraning sayaw.
Bahagya siyang nagsisi, na parang dinaya niya ang babae nang makita niyang ang pambobola ng manlalakbay na aalis bukas ay sumanggi sa isang bagay na malalim at seryoso sa buhay ng babae.
Ngunit nagpatuloy siya: “Maaari kong dalhin ang pamilya ko rito, at magiging magkakaibigan tayo.”
“Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin.” Ngumiti ang babae, bumaba ang boses, at lumutang ang bahagyang mapaglarong himig ng isang geisha. “Mas gusto ko pa nga ang gayon. Mas magtatagal kung magiging magkaibigan lamang tayo.”
“Itatawag mo ako ng iba kung gayon?”
“Ngayon?”
“Ngayon.”
“Pero ano ang masasabi mo sa isang babae e araw na araw?”
“Kung gabi, napakadelikadong may matirang latak na di gusto ng sinuman.”
“Akala mo’y mababang klaseng bukal ang bayang ito tulad ng iba. Parang alam mo na pagkakita mo pa lang.” Naging seryoso na naman ang tono ng babae, na para bang ito’y lubos na minta. Inulit nito nang may diing tulad ng dati na walang babae rito tulad ng kanyang kursunada. Nang ayaw maniwala ni Shimamura, nagsiklab ang babae, at pagkaraa’y umurong ng isang hakbang. Depende sa babae kung mananatili siya sa gabi o hindi. Kapag nanatili siya nang walang permiso mula sa kanyang bahay, sariling responsibilidad niya iyon. Kung siya’y may permiso, malaki ang responsibilidad ng bahay, anuman ang mangyari. Iyon ang pagkakaiba.
“Buong responsibilidad?”
“Kung magkakaanak, o magkakaroon ng anumang sakit.”
Bahagyang napangiwi si Shimamura sa kamalian ng kanyang tanong. Sa isang nayon sa bundok, gayunman, ang kasunduan ng geisha at ng kanyang kostumer ay maaari ngang gayon pa kasimple.
Marahil, dahil sa ugali ng isang walang magawa na magpalit ng kulay para sa sariling proteksiyon, may natural na pakiramdam si Shimamura sa takbo ng buhay sa mg lugar na kanyang pinupunthan, at naramdaman niya ang pagbaba sa kabundukan na, sa kabila ng hubad na kasimplehan, may bagay na komportable at makakawilihan sa nayon. Narinig niya sa otel na ito’y isa sa mga nayong talagang masarap puntahan sa malupit na lupaing ito ng taglamig. Nang hindi pa ito inaabot ng riles, na kailan lamang nalatag, nagsilbi itong bukal na nakagagaling para sa mga nakatirang magsasaka. Sa pangkalahatan, ang bahay na nagmamantini ng geisha ay may kupas na kurtinang nag-aanunsiyo na ito’y restawran o inuman ng tsa, ngunit isang sulyap lamang sa lumang estilong dumudulas na pinto, na ang mga panel na papel ay nangingitim sa kalumaan, ay sapat na para magsuspetsa ang nagdaraan na kakaunti ang kostumer. Ang tindahang nagbebenta ng kendi o sari-saring gamit pang-araw-araw ay may isang geisha, at ang may-ari ay mayroong kapirasong bukid, bukod pa sa tindahan at sa geisha. Marahil, dahil nakatira ang babae sa titser ng musika, tila walang pumupunta sa pangyayaring hindi pa siya lisensiyado bilang geisha ay tumutulong na siya paminsan-minsan sa mga pagtitipon.
“Ilang lahat mayroon?”
“Ilang geisha?” Labindalawa o labintatlo, palagay ko.”
“Sino ang irerekomenda mo?” Tumayo si Shimamura upang kulilingin ang katulong.
“Maaari na ba akong umalis?”
“Huwag. Maiwan ka.”
“Hindi ako maaaring magpaiwan.” Nangusap ang babae na parang binabawi ang pagkapahiya. “Aalis na ako. Huwag kang mag-alala. Babalik din ako.”
Nang pumasok ang katulong, gayunman, naupo ang babae parang walang nangyari. Makailang itananong ng katulong kung sinong geisha ang tatawagin, ngunit tumanggi ang babaeng magbigay ng pangalan.
Isang tingin lamang sa disiotso anyos na geisha na pinapasok sa kuwarto ay naramdaman na ni Shimamura na nawala ang pangangailangan niya sa isang babae. Ang mga kamay nito, na makutim sa ilalim, ay hindi pa hustong nagkakalaman, at may bagay ritong nagpapahiwatig ng isang mabuting batang hindi pa nahuhubog ng husto. Nahirapan si Shimamura na itagong wala na siyang interes, at kunwa’y maginoo niya itong hinarap ngunit hindi niya maiwasang mas tumingin sa sumisibol na kaluntian sa bundok ng likuran nito. Nahirapan siyang magsalita. Tagabundok talaga ang geishang ito. Natahimik siya. Samantala, nais magmagandang-asal sa akmang paraan, tumayo ang babae at lumabas, at lalo nang nahirapan si Shimamura na makiharap sa geisha. Gayunman, nagawa niyang palipasin ang isang oras. Naghahanap ng dahilan para ito’y madispatsa, naalala niyang may pera nga pala siyang ipinatelegrama mula sa Tokyo. Kailangan niyang pumunta sa opisina ng koreo bago ito magsara, sabi niya, at silang dalawa ng geisha ay lumabas ng silid.
Ngunit sa pinto ng otel, tinukso siya ng bundok. Matindi ang amoy ng mga bagong sibol na dahon. Patakbo siyang umakyat dito.
Pagkaraa’y nagtawa siya nang nagtawa, na sarili niya mismo’y hindi niya alam kung ano ang nakakatawa.
Pagod na ngunit nasisiyahan, bigla siyang luminga, at hinihigpitan ang obi ng kanyang kimono, patakbo at pasugod siyang bumaba sa dalisdis. Dalawang dilaw na paruparo ang lumipad sa kanyang paanan.
Paikut-ikot ang mga paruparo, at lumipad paitaas sa linya ng hangganan ng bundok, ang dilaw na kulay ay naging puti sa malayo.
“Ano’ng nangyari?” Nakatayo ang babae sa ilalim ng mga punong cedar. “Masayang-masaya ka siguro dahil panay ang tawa mo.”
“Suko na ako.” Tumalikod ang babae at marahang lumakad sa kulumpon ng mga puno. Tahimik na sumunod si Shimamura.
Isang templo ang nasa loob ng kakahuyan. Naupo ang babae sa isang malapad na bato. Sa tabi ay may mga asong nililok sa bato na nilulumot na.
“Laging malamig dito. Malamig ang hangin maski sa kalagitnaan ng tag-araw.”
“Gano’n ba’ng lahat ng geisha?”
“Halos magkakatulad sila, palagay ko. Ilan sa medyo may-edad ang nakaaakit, kung isa sa kanila ang nagustuhan mo.” Nakatingin ang babae sa lupa at malamig ang kanyang pagsasalita. Humuhugis sa kanyang leeg ang matingkad na kaluntian ng mga cedar.
Tiningala ni Shimamura ang sanga ng mga cedar. “Tapos na. Naubos na ang lakas ko – nakakatawa pero totoo.”
Mula sa likod ng malaking bato, tuwid na tuwid ang mga katawan ng matataas na cedar, sobra ang taas kaya nakikita lamang ni Shimamura ang mga taluktok kung liliyad siya. Tinatakpan ng maiitim na dahon ang langit, at ang katahimika’y tila pabulong na umaawit. Ang punong sinandalan ni Shimamura ang pinakamatanda sa lahat. Sa kung anong dahilan, lahat ng sanga sa hilagang panig ay tuyo na, at dahil ang mga dulo’y bali na at nalaglag, para itong mga istaka na isinaksak sa puno, ang matatalim na dulo’y nakausli upang bumuo ng isang nakakikilabot na sandata ng isang diyos.
“Nagkamali ako. Nakita kita pagbabang-pagbaba ko mula sa bundok, at inisip kong lahat ng geisha ay katulad mo.” Tumawa siya. Ngayo’y naalala niya ang ideyang ibig niyang ilabas agad ang lahat ng lakas ng pitong araw sa kabundukan ay una niyang naisip nang makita niya ang kalinisan ng babaeng ito.
Tumitig ang babae sa ilog sa ibaba, malayo sa sikat ng panghapong araw. Medyo hindi nakatitiyak si Shimamura sa kanyang sarili.
“Nalimutan ko pala,” biglang sabi ng babae, pinipilit pagaanin ang pagsasalita.”Dinala ko ang tabako mo. Bumalik ako sa iyong kuwarto kani-kanina at nalaman kong umalis ka. Inisip ko kung saan ka maaaring nagpunta at nakita kitang patakbong umaakyat sa bundok. Pinanood kita mula sa bintana. Nakakatawa ka. Eto.”
Dinukot nito ang tabako sa manggas ng kimono at nagsindi ng posporo para sa kanya.
“Hindi maganda ang ipinakita ko sa kawawang batang iton.”
“Kung tutuusin naman, depende sa bisita kung gusto na niyang paalisin ang geisha.”
Sa katahimikan, umabot sa kanila ang dagundong ng ilog nang may supil na kalambutan. Lumalatag ang anino sa mga puwang ng bundok sa kabilang ibayo ng lambak, ikinukuwadro ng mga sanga ng cedar.
“Kung hindi rin lang kasimbuti mo, naiisip kong nadaya ako kapag nakita kita pagkaraan.”
“Huwag mong sabihin sa akin iyan. Ayaw mo lang tanggapin na natalo ka. Gano’n kasimple.” May pagkutya sa boses ng babae, ngunit nagkaroon ng isang bagong uri ng pagtatanggi sa kanilang pagitan.
Nang maging malinaw kay Shimamura na ang babaeng ito lamang ang gusto niya sa umpisa pa lamang, tulad ng dati’y nagpaikut-ikoy pa siya sa pagsasabi nito, nagsimula siyang mapoot sa sarili, at ang babae’y higit na gumanda. May bagay sa mahinahong babaeng ito na tumagos sa kanya matapos siyang tawagin nito sa lilim ng mga cedar.
Bahagyang malungkot, tila naninimdim, ang mataas at manipis na ilong ng babae, ngunit ang buko ng kanyang mga labi ay bumubuka at madulas na sumasara tulad ng isang maliit at magandang sirkulo ng mga linta. Maging kung ito’y tahimik, ang mga labi nito’y waring kumikibot. Kung ito’y may kulubot o bitak, o kung ang mga ito’y hindi na sariwa, hindi ito nanaisin ng sinuman, ngunit ang mga ito’y sadyang madulas at kumikislap. Ang gilid ng kanyang mga mata ay hindi umaangat o bumababa. Tila may isang espesyal na dahilan, tuwid itong nakaguhit sa kanyang mukha. May bagay na bahagyang nakatatawa rito, ngunit mabining nakalaylay ang maikli at makapal niyang kilay upang pinidong takpan ang guhit. Walan katangi-tangi sa hubog ng kanyang bilog at may bahagyang tulis na mukha. Sa kanyang balat na tila porselana na pinatungan ng mapusyaw na rosa, at sa kanyang leeg na tila sa bata pa, hindi pa husotng nagkakalaman, ay nagingibabaw ang impresyon ng kalinisan, hindi ng tunay na kagandahan.
Ang dibdib niya’y matambok para sa isang babaeng nasanay sa mataas at mahigpit na obi ng isang geisha.
“Naglalabasan na ang mga langaw,” sabi ng babae, na tumayo at pinagpag ang saya ng kanyang kimono.
Nag-iisa sa katahimikan, wala silang anumang maisip na sasabihin.
Alas diyes na marahil nang gabing iyon. Mula sa bulwagan, malakas na tumawag ang babae kay Shimamura at isang sandali pa, bumagsak ito sa kanyang kuwarto na parang may nagsalya. Bumagsak ito sa harap ng mesa. Inihahampas ang lasing na kamay sa anumang nagkataong naroon, nagsalin ito ng isang basong tubig at sunud-sunod na lumagok.
Nang gabing iyon, lumabas ang babae upang sumalubong sa ilang manlalakbay na bababa mula sa bundok, mga lalaking naging kaibigan niya noong panahon ng aking nang nakaraang taglamig. Inimbitahan siya ng mga ito sa otel, na pinagdausan nila ng magulong parti, kompleto hanggang geisha, at ito’y nalasing.
Pabaling-baling ang ulo nito, at tila hindi titigil sa kasasalita. Mayamaya’y natauhan ito. “Hindi ako dapat narito. Babalik na lang ako. Hahanapin nila ako.” Sumuray ito palabas sa kuwarto.
Pagkaraan ng may isang oras, nakarinig si Shimamura ng di pantay na hakbang mula sa mahabang bulwagan. Parang niyang hahapay-hapay ang babae, Bumabangga sa dingding, natatalisod sa sahig.
“Shimamura, Shimamura,” malakas ang tawag ng babae. Hindi ako makakita. Shimamura.”
Ang tawag na iyon, na walang pagtatangkang magkunwari, ay hayag na puso ng isang babaeng nagpapatulong sa lalaking itinatangi. Nagitla si Shimamura. Ang mataas at matinis na boses ay tiyak na umaalingawngaw sa buong otel. Dagli siyang bumangon. Binutas ng daliri ng babae ang panel na papel, kumapit ito sa balangkas ng pinto, at mabigat na napasadlak sa kanya.
“Narito ka,” sabi ng babae. Yumayakap sa kanya, napaupo ito sa sahig. Sumandal ito sa kanya habang nagsasalita. “Hindi ako lasing. Sino’ng may sabing lasing ako? A, ang sakit, ang sakit. Talagang masakit. Alam ko’ng aking ginagawa. Bigyan mo ako ng tubig, gusto ko ng tubig. Pinaghalo ko ang aking ininom, nagkamali ako. Iyonang pumapasok sa ulo. Masakit. May bote sila ng murang wiski. Pa’no ko malalamang mura iyon?” Pinunasan nito ng mga kamao ang noo.
Biglang-biglang lumakas ang ingay ng ulan sa labas.
Tuwing luluwagan ni Shimamura ang kanyang yakap, kahit bahagya lamang, nagmumuntikanang bumagsak ang babae. Mahigpit na nakapulupot ang kanyang braso sa leeg ng babae kaya nagulo ang buhok nito sa kanyang pisngi. Ipinasok niya ang isang kamay sa leeg ng kimono nito.
Idinagdag niya ang mga salitang pang-alo, ngunit hindi ito sumagot. Parang harang na itiniklop nito ang braso sa ibabaw ng dibdib na kanyang hinihinging luwagan.
“Ano ka ba?” Mabangis na kinagat ng babae ang sariling braso na parang galit sa pagtanggi nitong humarang. “Putang ‘na mo, putang ‘na mo. Tamad. Inutil. Inutil. Ano ba’ng nangyayari sa iyo?”
Gulilat na napaurong si Shimamura. May malalalim na marka ng ngipin sa braso ng babae.
Ngunit hindi na ito tumutol. Nagpapaubaya sa kanynag kamay, nagsimula itong sumulat sa pamamagitan ng dulo ng daliri. Sasabihin nito sa kanya ang mga tao nitong gusto, anang babae. Pagkaraang maisulat ang pangalan ng may dalawampu o tatlumpung aktor, isinulat nito, “Shimamura, Shimamura,” nang paulit-ulit.
Ang katakam-katam na alon sa ilalim ng palad ni Shimamura ay uminit.
“Ayos na ang lahat.” Mahinahon ang kanyang boses. “Ayos na naman ang lahat.” Nakaramdam siya ng bagay na parang sa isang ina sa babae.
Ngunit bumalik na naman ang sakit ng ulo nito. Nag-alumpihit at namilipit ang babae, at naupos sa sahig sa sulok ng kuwarto.
“Ayaw maalis. Ayaw maalis. Uuwi ako. Uuwi .”
“Palagay mo ba’y makakalakad ka nang gayon kalayo? Pakinggan mo’ng ulan.”
“Kung kailanga’y tapak akong uuw. Gagapang ako hanggang bahay.”
“At akala mo ba’y hindi delikado iyan? Kung kailangan mong umuwi ihahatid kita.”
Ang otel ay nasa isang burol, at matarik ang kalsada.
“Subukan mong luwagan ang damit mo. Mahiga ka sandali nang mapahinga ka bago umuwi.”
“Hindi, hindi. Ito ang daan. Sanay ako rito.” Tuwid na naupo ang babae at huminga nang malalim, ngunit malinaw na nahihirapan itong huminga. Para raw itong masusuka, sabi nito, at binuksan ang bintana sa likod, ngunit hindi makasuka. Tila pinipigil nito ang sarili na bumagsak nang namimilipit sa sahig. Maya’t maya’y natatauhan ito. “Uuwi ako, uuwi ako,” at di nagtagal ay pasado alas dos na.
“Mahiga ka na,” sabi nito kay Shimamura. “Mahiga ka kapag may nagsasabi sa iyo.”
“Pero ano’ng gagawin mo?” tanong ni Shimamura.
“Mauupo ako rito. Ganito. Kapag bumuti-buti ang pakiramdam ko, uuwi ako. Uuwi ako bago mag-umaga.” Paluhod itong gumapang at hinila siya. “Matulog ka na. Huwag mo akong pansinin, sinasabi ko sa iyo.”
Nahiga uli si Shimamura. Dumuhapang ang babae sa mesa at muling uminom ng tubig.
“Bangon. Bangon kapag may nagsasabi sa iyong bumangon.”
“Ano ba talaga ang gusto mong gawin ko?”
“Sige, matulog ka na.”
“Alam mo, hindi kita maintindihan.” Hinatak ni Shimamura ang babae sa kama pagkaraan niyang mahiga.
Kalahati ng mukha nito’y nakatalikod, nakakubli sa kanya, ngunit hindi nagtagal, marahas nitong ibinaling ang mga labi sa kanya.
At pagkaraan, parang nagdedeliryong sinasabi nito ang kanyang sakit, inulit-ulit ng babae, hindi malaman ni Shimamura kung ilang beses: “Hindi, hindi. Hindi ba sabi mo’y gusto mong magkaibigan tayo?”
Ang halos napakaseryosong tono nito ay nakapagpalamig sa kanyang gana, at habang nakikita niya ang pagkulubot ng noo nito sa pagtatangkang kontrolin ang sarili, naisip niyang panindigan ang binitiwang pangako.
Ngunit sinabi ng babae: “Hindi ako magsisisi. Hindi ako kailanman magsisisi. Pero hindi ako ganoong babae. Hindi magtatagal. Hindi ba’t ikaw mismo ang may sabi niyan?”
Halos litang pa ang babae sa alak.
“Hindi ko kasalanan ito. Kasalanan mo. Talo ka. Ikaw ang mas mahina. Hindi ako.” Tila nahihibang na parang nilalabanan ang kaligayahan.
Ilang sandaling tumahimik ang babae, sa malas ay naubusan ng sasabihin. Pagkaraan, tila ang pagkaalala’y dumating dito mula sa isang sulok ng gunita, nang-uusig ito: “Nagtatawa ka, ano? Pinagtatawanan mo ako.”
“Hindi.”
“Sa sarili mo’y pinagtatawanan mo ako. Kung hindi man ngayo’y pagkaraan.” Hindi ito makapagsalita sa pag-iyak. Tumalikod ito sa kanya at ibinaon ang mukha sa mga kamay.
Ngunit ilang sandali pa’y kalmante na naman ito. Mahinahon at maamo na tila ipinauubaya ang sarili, bigla itong naging masuyo, at sinimulang ikuwento ang lahat tungkol sa kanyang sarili. Parang nalimutan na nito ang ang sakit ng ulo. Wala itong sinabi tungkol sa nangyari lamang kanina.
“Aba, salita ako nang salita’y umaga na pala.” Bahagya itong ngumiti na tila napahiya. Kailangan niyang umalis bago lumiwanag, sabi nito. “Madilim pa. Pero maagang gumigising ang mga tao rito.” Tuwi-tuwina’y tumatayo ito upang dumungaw. “Hindi pa nila ako mamumukhaan. At umuulan. Walang lalabas papuntang bukid ngayong umaga.”
Tila bantulot pa itong lumakad bagamat naaaninaw na, kahit umuulan, ang mga hugis ng bundok at mga atip sa dalisdis nito. Di nagtagal, oras na upang gumising at magtrabaho ang mga katulong. Inayos ng babae ang buhok at tumakbo, halos patakas mula sa kuwarto, hindi pinansin ang alok ni Shimamura na ihatid siya hanggang pinto. Baka may makakita sa kanilang dalawa na magkasama.
Nagbalik si Shimamura sa Tokyo nang araw na iyon.
“NATATANDAAN mo ba ang sinabi mo noon? Nagkamali ka. Sino’ng luku-luko ang pupunta sa gayong lugar sa Disyembre” Hindi kita tinatawanan.”
Iniangat ng babae ang ulo. Ang pisngi nito, mula mata hanggang tulay ng ilong na dumagan sa kamay ni Shimamura, ay namumula sa ilalim ng makapal na polbo. Nagpaalala kay Shimamura ng lamig sa lupain ng yelo, ngunit dahil sa kaitiman ng bundok ng babae, may tanging init dito.
Banayad na nguniti ang babae, tila nasisilaw sa isang matinding liwanag. Marahil, nang siya’y ngumiti, nagunita niya ang “noon”, at pinamula ng mga kataga ni Shimamura ang buong katawan nito. Nang yumuko ang babae,nang may bahagyang katigasan, nakita ni Shimamura na pati ang likod nito sa ilalim ng kimono ay matingkad na namumula. Naiiba dahil sa kulay ng buhok, parang hubad na inilatag sa harap niya ang mamasa-masa at nakatutuksong balat. Ang buhok nito’y hindi naman masasabing makapal. Kasintigas ng sa lalaki, at nakapusod pataas ayon sa estilo ng buhok ng Hapon, wala ni isang naligaw na buhok at nagniningning itong tila isang mabigat at maitim na bato.
Minasdan ni Shimamura ang buhok at inisip kung ang lamig na labis na gumitla sa kanya – kailanma’y hindi siya nakahipo ng gayon kalamig na buhok, sabi niya – ay hindi dahil sa lamig ng taglamig sa lupain ng yelo kundi dahil sa isang bagay sa buhok mismo. Nagsimulang magbilang ang babae sa mga daliri. Ilang sandali itong nagbilang.
“Ano’ng binibilang mo?” tanong ni Shimamura. Nagpatuloy pa rin ang pagbibilang.
“Noo’y ikadalawampu’t tatlo ng Mayo.”
“Binibilang mo pala ang araw. Huwag mong kalilimuta, ang Hulyo at Agosto ay dalawang magkasunod na mahahabang buwan.”
“”Ikaisandaan at siyamnapu’t siyam na araw. Eksaktong ikaisandaan ay siyamnapu’t siyam na araw.”
“Paano mo natandaang iyo’y ikadalawampu’t tatlo ng Mayo?”
“Titingnan ko lang ang diary ko.”
“Nagda-diary ka?”
“Masarap basahi ang lumang diary. Pero wala akong itinatago kapag sumusulat ako sa aking diary. Kung minsa nga’y nahihiya pa akong basahin ito.”
“Kailan mo sinimulan?”
“Noong bago ako magpunta ng Tokyo bilang geisha. Wala akong pera, at ang binili ko’y simpleng notebook, na aking ginuhitan. Napakatulis siguro ng lapis ko noon. Maayos at pantay-pantay ang linya, at bawat pahina’y punung-puno mula itaas hanggang ibaba. Nang magkaroon ako ng pambili ng diary, hindi na katulad ng dati na napakaingat ko. Sinimulan kong ipagwalang-bahala ang mga bagay. Gano’n din sa pagpapraktis kong sumulat. Dati nagpapraktis muna akong sumulat sa diyaryo bago ko subukin sa mahusay na papel, pero ngayon, sa mahusay na papel na mismo ako nagsisimula.”
“At hindi ka tumigil sa paggawa ng diary?”
“Oo. Mula noong disisais ako, pero ang pinakamaganda’y ngayong taong ito. Sumusulat ako sa aking diary pagdating ko mula sa isang parti bago mahiga, at kapag binasa ko uli, nakikita ko ang mga lugar kung saan ako nakatulog sa pagsulat… Pero hindi ako sumusulat araw-araw. May mga araw na nakakaligtaan ko. Sa bundok na ito, pare-pareho ang mga parti. Sa taong ito, wala akong makita liban sa isang diary na may bagong araw bawat pahina. Mali ito. Pero kapag nagsimula akong sumulat, gusto kong sumulat lang nang sumulat.”
Ngunit higit pa sa diary, nagulat si Shimamura sa sinabi ng babae na maingat nitong itinatala ang bawat nabasang nobela at maikling kuwento mula nang ito’y kinse o disisais anyos. Sampung notebook na ang napuno nito.
“Isinusulat mo rin ang iyong kritisismo?”
“Hindi ko kailanman kayang gawin iyon. Isinusulat ko lamang angawtor at ang mga tauhan at kung ano ang relasyon nila sa isa’t isa. Iyon lang.”
“Pero ano’ng napapala mo?”
“Wala.”
“Pagsasayang lang ng oras.”
“Pagsasayang lang talaga ng oras,” masayang tugon nito na parang bale-wala ang gayong pagtanggap. Mataman itong tumitig kay Shimamura, gayunman.
Lubos na pagsasayang ng oras. Sa kung anong dahilan, ibig idiin ni Shimamura ang puntong ito. Ngunit naaakit siya sa babae nang sandaling iyon at naramdaman niyang umaagos sa kanya ang isang katahimikang katulad ng boses ng ulan. Alam niyang para sa babae ay hindi ito pagsasayang ng oras, ngunit kahit gayon, ang pagpapasiyang ito nga’y pagsasayang ay nagkaroon ng epektong patiningin at dalisayin ang karanasan nito.
Ang kuwento nito tungkol sa mga nobela ay tila walang kinalaman sa “panitikan” sa pang-araw-araw na kahulugan ng salitang ito. Ang tangi nitong karanasan sa pakikipagkaibigan sa mga nakatira sa nayon ay pakikipagpalitan ng mga magasing pambabae, at pagkaraa’y mag-isa na lamang itong nagbabasa. Hindi ito gaanong pihikan at kakaunti ang naiintindihan sa panitikan, at hinihiram nito maging mga nobela at magasing nakita sa kuwarto ng mga panauhin sa otel. Di iilan sa mga bagong nobelistang nabasa nito ang walang kahulugan kay Shimamura. Sa pagkukuwento’y parang ibinibida nito ang malayo at banyagang literatura. May bagay na malungkot dito, may bagay na nakapanghihinayang, may bagay na nagpapahiwatig ng isang pulubing naubos na ang lahat ng pagnanasang. Nagunita ni Shimamura na ang sarili niyang malayong pantasya sa kanluraning ballet, na nakasalalay sa mga salita at litrato sa mga banyagang libro, ay hindi rin gaanong naiiba sa sarili nitong paraan.
Masaya ring nagkuwento ang babae ng mga pelikula at dulang hindi nito napanood kailanman. Halatang sa mga nagdaang buwan ay labis itong nasabik sa isang taong makikinig. Nalimutan n kaya nito na isandaan at siyamnapu’t siyam na araw na ang nakararaan, ganitung-ganito ring klase ng usapan ang nagsilbing udyok upang isadlak nito ang sarili kay Shimamura? Muli, natangay ang babae sa kuwentuhan, at muli, ang mga kataga nito’y tila nagpapainit sa sariling katawan.
Ngunit ang pagnanasa nito sa lunsod ay nagmistulang isang mapaghanap na pangarap, nababalot ng simpleng pagpapaubaya sa kapalaran, at ang himig ng nasayang na panahon ay higit na matingkad kaysa anumang pahiwatig ng matinding pagkabigo ng isang nanirahan doon. Sa sarili’y tila hindi gaanong malungkot ang babae, ngunit sa tingin ni Skimamura, may kakatwang bagay tungkol dito na nakakaawa. Kung pababayaan niya ang sariling patangay sa isipin ng nasayang na panahon, palagay ni Shimamura ay mahahatak siya sa isang malayong emosyonalismo at masasayang din ang sarili niyang buhay. Ngunit nasa harap niya ngayon ang maliksi, buhay na mukha ng babae, namumula sa hangin ng kabundukan.
Ano’t anuman, binago niya ang pagtingin sa babae, at natuklasan niya, nakapagtataka, na ang pagiging geisha nito ay lalong nagpahirap sa kanya para maging malaya at bukas dito.
Lasing na lasing nang gabing iyon, mabangis na kinagat ng babae ang kamay na dahil sa pamamanhid ay ayaw gumalaw sa kanyang utos. “Ano ka ba? Putang ‘na mo, putang ‘na mo. Tamad. Inutil. Ano ba’ng nangyayari sa iyo?”
At hindi makatayo, pabiling-biling itong gumulong. “Hindi ako kailanman magsisisi. Pero hindi ako gayong babae. Hindi ako gayong babae.”
“Biyaheng hatinggabi papuntang Tokyo.” Tila namalayan ng babae ang kanyang pagbabantulot, at nangusap ito na parang iyo’y itinataboy. Sa silbato ng tren, tumayo ito. Pahaltak nitong binuksan ang pintong may panel na papel at ang bintanang nasa likod, naupo sa pasimano at inihilig ang katawan sa barandilya. Rumaragasang palayo ang tren, ang alingawngaw ay naglaho at naging isang tunog na katulad ng panggabing hangin. Bumaha ang malamig na hangin sa kuwarto.
“Nasisiraan ka ba ng ulo?” Humakbang din si Shimamura patungo sa bintana. Tahimik sa labas, walang pahiwatig ng hangin.
Walang kagalaw-galaw ang panggabing tanawin. Ang tunog ng bumabagsak na yelo ay tila humuhugong sa kailaliman ng lupa. Walang buwan. Ang mga bituin, na napakarami upang mapaniwalaan, ay napakaningning na bumababa na parang nalalaglag sa bilis ng kawalan. Habang lumalapit ang mga bituin, paurong nang paurong ang langit sa kulay ng gabi. Ang kabundukan sa hangganan, na wari’y nagkakapatung-patong at magkakamukha, ay naghahanay ng kanilang bigat sa saya ng mabituing langit, maitim at solido ngunit hindi tumitinag na nagbabadya ng kanilang kalakihan. Nagsama-sama ang panggabing tanawin sa isang malinaw at payapang kaisahan.
Nang maramdaman ng babae ang paglapit ni Shimamura, yumakap ito sa barandilya. Walang pahiwatig ng kahinaan sa ganitong posisyon. Manapa, sa dilim ng gabi, ito ang pinakamalakas at pinakamahigpit na pag-iwas na maaari niyang gawin. Narito na naman tayo, naisip ni Shimamura.
Maitim man ang mga bundok, nang mga sandaling iyo’y maningning ito dahil sa kulay ng yelo. Kay Shimamura, ang mga bundok ay tila tagusan, tila mapanglaw. Nawala ang kaisahan ng langit at bundok.
Sinalat ni Shimamura ang lalamunan ng babae. “Masisipon ka. Nakita mo nang malamig dito.” Tinangka niyang hilahin ang babae ngunit ito’y kumapit sa barandilya.
“Uuwi ako.” Impit ang boses nito.
“Sige, umuwi ka.”
“Bayaan mo muna akong ganito.”
“Mananaog ako para maligo.”
“Hindi samahan mo ako rito.”
“Kung isasara mo ang bintana.”
“Bayaan mo lang akong ganito.”
Kalahati ng nayon ang nagtatago sa likod ng kulumpon ng cedar sa templo. Sa istasyon ng tren, walang sampung minuto sa taksi, umaandap-andap ang ilaw na parang ito’y naglalamat dahil sa lamig.
Ang buhok ng babae, ang salamin ng bintana, ang manggas ng kanyang kimono – ang lahat ng kanyang hipuin ay malamig, malamig na kailanma’y hindi pa niya naranasan.
Maging ang banig sa kanyang paa ay tila malamig. Humakbang siyang pababa sa banyo.
“Sandali. Sasama ako sa iyo.” Mabait na sumunod ang babae.
Nang inaayos na nito ang mga damit na inihagis ni Shimamura sa sahig sa labas ng banyo, isa pang panauhin, isang lalaki, ang pumasok. Yumuko ang babae sa harap ni Shimamura at itinao ang mukha.
“Aba, may tao pala.” Umurong ang lalaki.
“Sandali,” mabilis na tawag ni Shimamura. “Lilipat kami sa kbilang pinto.” Dinampot niya ang mga damit at humakbang sa banyo ng babae. Sumunod sa kanya ang babae na parang sila’y mag-asawa. Lumusong si Shimamura sa banyo nang di lumilingon. Naramdaman niyang lumabas ang isang malakas na tawa sa kanyang labi nang malaman niyang kasama niya ito. Inilapit niya ang mukha sa gripo ng mainit na tubig at maingay na nagmumog.
PAGKABALIK sa kuwarto, iniangat ng babae ang ulo mula sa unan at itinaas ang buhok sa gilid sa pamamagitan ng maliit na daliri.
“Labis akong pinalulungkot nito,” anang babae. Iyon lamang ang sinabi nito. Ilang sandaling naisip ni Shimamura na medyo nakadilat ang mata ng babae, ngunit nakita niyang likha ng makapal na pilikmata ang ilusyong iyon.
Ang babae, na laging hindi mapalagay, ay buong gabing hindi nakatulog.
Marahil ay ingay ng itinataling obi ang gumising kay Shimamura.
“Ikinalulungkot ko, nagising kita. Pinabayaan na sana kitang matulog. Madilim pa. Tingnan mo – nakikita mo ba ako?” Pinatay nito ang ilaw. “Nakikita mo ba ako? Hindi?”
“Hindi. Napakadilim pa.”
“Hindi, hindi. Tingnan mo akong mabuti. Ayan. Nakikita mo na ako?” Binuksan nito ang bintana. “Masama ito. Nakikita mo ako. Uuwi na ako.”
Muling nabigla sa lamig ng umaga, iniangat ni Shimamura ang ulo mula sa unan. Kulay pa rin ng gabi ang langit ngunit sa kabundukan, umaga na.
“Pero hindi bale. Hindi gaanong abala ang mga magsasaka sa panahong ito, at walang lalabis nang ganito kaaga. Pero palagay mo ba’y may aakyat ngayon sa bundok?” Kinakausap ng babae ang sarili at lumakad-lakad, nahihala nito ang nakalawit na dulo ng itinataling obi. “Walang dumating na panauhin sa biyaheng alas singko mula sa Tokyo. Wala pang gaanong trabaho ang mga tao sa otel.”
Kahit naitali na ang obi, tumayo ito at umupo, at tumayo uli, at naglakad-lakad sa kuwarto, sa bintana nakatingin. Hindi ito mapakali, tulad ng isang alumpihit na hayop panggabi na natatakot sa pagdating ng umaga. Tila napapaibabawan ng isang kakatwa at may mahikang kabaliwan.
Mayamaya’y napakaliwanag na sa kuwarto kaya nakikita na ni Shimamura ang pula sa pisngi ng babae. Pumako ang kanyang mata sa napakatingkad at nangingislap na kapulahang ito.
“Nagliliyab ang pisngi mo. Ganyan kalamig ngayon.”
“Hindi ito dahil sa lamig. Tinanggal ko lang ang aking polbo. Magkulubong lamang ako sa kama’y iinit na akong tulad ng isang pugon.” Lumuhod ang babae sa salaming nasa tabi ng kama.
“Araw na. Uuwi na ako.”
Sinulyapan siya ni Shimamura, at dagling itinungo ang tingin. Yelo ang putting nasa nasa kalaliman ng salamin, at lumulutang sa gitna nito ang mapula at nangisngislap na pisngi ng babae. May hindi mailarawang sariwang kagandahan sa pagkakaiba.
Sikat na nga ba ang araw? Mas matindi ngayon ang liwanag ng araw, tila malamig itong nasusunig. Sa harap nito, lalong naging maitim ang buhok ng babae, pinpatungan ng matingkad at makislap na pula.
MARAHIL, para mapigil ang pagtambak ng yelo, ang tubig sa mga banyo ay pinaaagos sa paligid ng pader ng otel sa pamamagitan ng isang pansamantalang kanal, at sa harap ng entrada, kumalat itong tila isang mababaw na bukal. Isang malaki at itim na aso ang nakatayo sa bato sa tabi ng pinto at dumidila-dila sa tubig. Ang mga ski para sa mga panauhin ng otel, na inilabas marahil mula sa bodega, ay inihilera para patuyuin, at ang bahagyang amoy ng amag ay pinatamis ng singaw. Ang yelong nalaglag sa atip ng pampublikong banyo sa mga sanga ng cedar ay nababasag sa mainit at walang hugis na anyo.
Sa pagtatapos ng taon, ang kalsadang ito’y hindi na makikita dahil sa bagyo ng yelo. Sa pagdalo sa mga parti, kakailanganin ng babae na magsuot ng mataas na botang goma, ng lawlaw na “pantalong pambundok” sa ibabaw ng kanyang kimono, magbabalabal ito ng isang kapa, at tatakpan ang mukha ng isang belo. Sa panahong iyon, mga sampung talampakan marahil ang kapal ng yelo – bago mag-umaga’y dinungaw ng babae ang matarik na kalsada sa gulod, at ngayon, bumababa na si Shimamura sa kalsada ring ito. Sa gilid ng kalsada, nakasabit sa matataas na sampayan ang mga pinatutuyong lampin. Sa ilalim ng sampayan, nakalatag ang tanawin ng hangganan ng bundok, ang yelo sa taluktok ay banayad na kumikinang. Ang mga berdeng sibuyas sa maliliit na hardin ay hindi pa natatabunan ng yelo.
Sa mga bukid, nag-i-ski ang mga batang-nayon.
Nnag papasok na si Shimamura sa parte ng nayon na kaharap ng haywey, nakarinig siya ng isang tunog na tila mahinang ulan.
Sa mga medya-agwa, mabining kumikislap ang naglawit na piraso ng nagyeyelong tubig.
“Nasimulan mo na rin lang e baka puwedeng palahin mo na rin nang kaunti ang sa amin?” Nasisilaw sa matinding araw, isang babaeng pauwi mula sa pampublikong banyo ang nagpupunas ng mukha sa pamamagitan ng isang mamasa-masang tuwalya habang nakatingala sa isang lalaking nagpapala ng yelo sa atip. Marahil, isa siyang weytres na napadpad sa nayon nang mas maaga kaysa panahon ng pag-i-ski. Ang kasunod na pinto ay isang kapihan na lundo ng atip, ang pintura sa bintana’y natutungkab na sa kalumaan.
Hile-hilerang bato ang nakadagan sa atip ng mga bahay para huwag iyong tangayin ng hangin. Tanging sa parteng nakalantad sa araw makikita ang kaitiman ng mga bilog na bato, na may mas malatintang kaitiman dahil sa parang yelong hangin at bagyo kaysa mamasa-masang kaitiman na likha ng natutunaw na yelo. Ang mababang medya-agwa na nakayakap sa yelo ay tila nagpapakita ng kaluluwa mismo sa lupain sa hilaga.
Binabasag ng mga bata ang yelo mula sa kanal at ang mga piraso’y ibinabalibag sa gitna ng kalsada. Pinagkakatuwaan nila ang kislap ng tumatalsik na yelo habang nadudurog. Habang nakatayo sa liwanag ng araw, hindi makapaniwala si Shimamura na gayon kakapal ang yelo. Sandali siyang tumigil para manood.
Isang dalagita, mga dose anyos, ang nakatayong hiwalay sa iba, nakasandal sa isang pader, at may ginagantsilyo. Sa ibaba ng lawlaw na “pantalong pambundok”, hubad ang mga paa nito liban sa sandalyas, at nakikita ni Shimamura na namumula at bitak-bitak ang talampakan nito dahil sa lamig. Katabi ng kabataang ito ang isang paslit na babae, mga dalawang-taong-gulang, nakatayo sa isang bigkis ng kahoy na panggatong at matiyagang hinahawakan ang isang rolyo ng sinulid. Maging ang kupas at abuhing sinulid mula sa paslit ay tila mainit at makislap na nakaikid.
Naririnig ni Shimamura ang kagat ng katam ng karpintero sa isang gawan ng ski mga pito o walong pinto pababa sa kalsada. Mga lima o anim na geisha ang nagdadaldalan sa lilim ng kaibayong medya-agwa. Sa mga ito, natitiyak ni Shimamura, ay kabilang ang babae, si Komako – nalaman niya ang pangalan nito bilang geisha sa isang katulong nang umagang iyon. At totoo nga, nroon ito. Sa malas, napansin siya nito. Inihihiwalay ito ng napakaseryosong mukha sa ibang geisha. Mangyari pang mamumula ito, at sana makapagkunwari man lamang itong walang nangyari -- ngunit bago pa masundan ni Shimamura ang naiisip, nakita niyang namumula na ito hanggang lalamunan. Mas mabuti pa sanang ibinaling nito ang tingin sa malayo, ngunit dahan-dahang luminga ang ulo nito para sundan siya, habang ang mga mata’y nakapako sa lupa, talagang hindi mapalagay.
Nag-aapoy din ang mga pisngi ni Shimamura. Mabilis siyang lumampas sa mga geisha, ngunit dagli siyang sinundan ni Komako.
“Sandali,” habol nito, “hinihiya mo ako sa paglalakad sa ganitong panahon.”
“Ipinahiya kita – at akala mo ba’y hindi rin ako napapahiya, nariyan kayong lahat para abangan ako? Halos hindi ako makaraan dito. Ganito ba lagi?”
“Oo, sa ganitong oras. Sa hapon.”
“Pero palagay ko’y lalo kang mapapahiya kung ganyang namumula ka’t naghahabol sa akin.”
“Ano kung mapahiya ako?” Malinaw at tiyak ang mga salita, ngunit namumula na naman ito. Tumigil ito at ipinupulupot ang isang kamay sa isang punong persimmon sa gilid ng kalsada. “Hinabol kita dahil naisip kong baka maaari kitang imbitahan sa aking bahay.”
“Malapit ba rito?”
“Napakalapit.”
“Pupunta ako kung ipababasa mo sa akin ang iyong diary.”
“Susunugin ko ang aking diary bago ako mamatay.”
“Pero hindi ba mayroong may-sakit na lalaki sa inyong bahay?”
“Paano mo nalaman?”
“Sinalubong mo siya sa istasyon kahapon. May suot kang pang matingkad na asul. Malapit sa kanya ang upuan ko sa tren. At may kasama siyang babae, napakabait na inaalagaan siya. Asawa ba niya? O isang sumundo para siya’y iuwi? O isang taga-Tokyo? Para talagang siyang ina. Humanga ako.”
“Bakit hindi mo man lang binabanggit kagabi? Bakit napakatahimik mo? May bagay na bumabalisa sa rito.
“Asawa ba ng lalaki?”
Hindi sumagot si Komako. “Bakit wala kang sinabi kagabi? Nakapagtataka kang tao.”
Hindi nagustuhan ni Shimamura ang ganitong katalasan. Wala siyang nagawa at walang nangyaring anuman para sa ganitong usapan, at iniisip niyang baka may bagay na likas sa babae na itinatago nito at ngayon lumilitaw. Gayunman, nang puntahan siya nito sa ikalawang pagkakataon, tinanggap niyang tinatamaan siya sa isang marupok na bahagi. Ngayong umaga, nang sulyapan niya si Komako sa salaming kinakikitaan din ng yelo, mangyari pang nagunita niya ang babaeng nasa bintana ng panggabing tren. Bakit wala siyang sinabing anuman?
“E ano kung meron mang may-sakit na lalaki? Wala sinumang nakakapasok sa kuwarto ko.” Lumusot si Komako sa bukas na bahagi ng isang mababang pader na bato.
Sa kanan nila ay may isang maliit na bukid, at sa kaliwa, naghilera ang mga punong persimmon sa pader na hangganan ng katabing bukid. Tila may hardin ng bulaklak sa harap ng bahay, at lumalangoy ang mga pulang larpa sa lawa-lawaang may lotus. Binasag ang yelo sa lawa at itinambak sa pampang. Matanda na at nabubulok ang bahay, tulad ng tuoyt nang puno ng isang persimmon. May patse-patse ng yelo sa atip, nakalundo ang mga kilo na alun-along nakaguhit sa m,edya-agwa.
Kulob at malamig ang hangin sa sahig na lupa ng pasilyo. Inakay ni Komako si Shimamura paakyat sa hagdan bago nasanay ang kanyang mata sa dilim. Matatawag nga iyong hagdan pagkat ang kuwarto ni Komako ay nasa attic, sa ilalim mismo ng bubong.
“Ang kuwartong ito’y dating alagaan ng uod na kinukunan ng seda. Nagulat ka ba?”
“Masuwerte ka ‘ka mo. Sa lakas mong uminom, mabuti’t hindi ka nahulog.”
“Nahulog na ako. Pero, karaniwan, kapag sumobra ang nainom ko, gumagapang ako sa kotatsu sa ibaba at doon natutulog.” Tinantantiyang ipinasok nito ang kamay sa kotatsu, pagkaraa’y bumaba upang kumuha ng uling. Luminga-linga si Shimamura sa kakatwang kuwarto. Kahit iisa lamang ang mababang bintana, sinasangga ng bagong palit na papel sa pinto ang sikat ng araw. Ang mga dingding ay matiyagang dinikitan ng papel, kaya ito’y natulad sa loob ng isang kahong papel: sa itaas, ang naroon lamang ay ang hubad na atip na bumababa sa bintana, parang isang kulimlim na kalungkutang nakalatag sa silid. Iniisip kung ano ang maaaring nasa likod ng dingding, naramdaman ni Shimamura ang alumpihit na pakiramdam na parang siya’y nabibitin sa kawalan. Ngunit kahit dukha ang mga dingding at sahig, wala iyong kadumi-dumi.
Sa ilang sandali, naguni-guni ni Shimamura na sa silid na ito, tumatagos marahil ang liwanag kay Komako, tulad ng pagtagos nito sa maninipis na balat ng mga uod.
Ang kotatsu ay natatakpan ng isang makapal na kumot katulad ng magaspang at guhitang telang koton ng karaniwang “pantalong bundok.” Luma na ang aparador ngunit ang hilatsa ng kahoy ay pino at tuwid – naipundar marahil ni Komako noong ito’y nasa Tokyo. Hindi ito katerno ng mumurahing tokador; samantalang ang pulang kahong panahi ay kumikinang sa pulidong barnis. Ang mga kahong nakasalansan sa dingding sa likod ng manipis na kurtinang lana ay tila ginagamit na estante ng mga libro.
Nakasabit sa dingding ang kimono nang nagdaang gabi. Bukas ito at nakikita ang matingkad na pulang kamison.
Paluksong umakyat ng hagdan si Komako, may dalang uling.
“Galing ito sa silid ng maysakit. Huwag kang mag-alala. Ang apoy daw ay hindi nagkakalat ng mikrobyo.” Halos sumagi sa kotatsu ang bagong-ayos nitong buhok nang haluin nito ang uling. May tuberkulosis sa bituka ang anak ng titser sa musika, aniya, at umuwi sa kinagisnang bahay para mamatay.
Pero hindi tamang sabihing ito’y “umuwi sa kinagisnang bahay.” Ang totoo, ni hidni ito ipinanganak dito. Bahay ito ng kanyang ina. Nagturo ng sayaw ang kanyang ina sa baybayin maging nang ito’y hindi na geisha, ngunit inatake ito sa puso noong nasa edad kuwarenta, at kinailangang bumalik sa bukal na ito para magpagaling. Ang anak, ang ngayo’y maysakit, ay mahilig sa makina maging noong bata pa, at nagpaiwan upang magtrabaho sa isang pagawaan ng relo. Hindi nagtagal, lumipat ito sa Tokyo at nagsimulang mag-aral sa gabi, at hindi ito nakaya ng kanyang katawan. Beinte singko anyos pa lamang ito.
Lahat ng ito’y walang anumang isinalaysay ni Komako, ngunit wala itong sinabing anuman tungkol sa babaeng nag-uwi ng lalaki, at wala rin kung bakit mismo’y nakatira sa bahay na ito.
Sa sinabi ni Komako, gayunman, lubos na hindi mapalagay si Shimamura. Nakabitin sa kawalan, parang nagsalaysay si Komako sa apat na direksiyon.
Nnag lumabas sa pasilyo si Shimamura, may napansin siyang bagay na mamuti-muti sa sulok ng kanyang mga mata. Kahon ito ng samisen, at napuna niyang mas malapad ito at mahaba kaysa nararapat na sukat. Hindi niya mapaniwalaan na nadadala ni Komako ang ganito kahirap dalhing bagay sa mga pagtitipon. Bumukas ang madilim na pinto sa loob ng pasilyo.
“Puwede ko bang tapakan ito Komako?”
Iyo’y malinaw na boses, napakaganda kaya halos malungkot. Hinintay ni Shimamura na bumalik ang alingawngaw.
Boses iyon ni Yoko, ang boses na tumawag sa station master sa kabila ng makapal na yelo nang gabing nagdaan.
“Sige lang.”
Magaang na tumapak si Yoko sa kahon ng samisesn, hawak ang isang krista na orinila.
Sa pamilyar na paraan ng pagkausap nito sa station master nang gabing nagdaan, at sa paraan ng pagsusuot nito ng “pantalong bundok,” malinaw na ito’y katutubo sa lupaing ito ng yelo, ngunit ang lutang na burda ng obi nito, na kalahati’y kita sa ibabaw ng pantalon, ay nagpasariwa at nagpasaya sa magaspang na mapulang kayumanggi at itim na guhit ng pantalon. Sa ganito ring dahilan, ang mahabang manggas ng lanang kimono nito ay nagkaroon ng isang natatangi at mapanuksong halina. Ang pantalon, na biyak sa ibaba ng tuhod, ay humakab sa balakang, at ang makapal na telang koton, kahit natural na matigas, ay tila numipis at lumambot.
Pinukulan ni Yoko ng mabilis at matalim na sulyap si Shimamura pagkaraa’y tahimik na humakbang sa lupnag sahig at lumabas.
Maging nang makaalis na siya ng bahay, binabagabag pa rin si Shimamura ng sulyap na iyon, na nagliliyab sa harap mismo ng kanyang noo. Kasinlamig ito ng isang napakalayong liwanag, pagkat ang hindi mailarawang kagandahan nito ay nagpasikdo ng kanyang puso nang gabing nagdaan, nang ang liwanag na iyon sa bundok ay tumawid sa mukha ng babae sa bintana ng tren, at sandaling tinaglawan ang mga nito. Muling nagbalik ang impresiyon kay Shimamura, at kahalo nito ay ang gunita ng isang salaming puno ng yelo, at lumulutang ang namumulang pisngi ni Komako sa gitna.
Binilisan niya ang lakad. Bilugan at mataba ang kanyang hita, ngunit saklot siya ng isang natatanging sigla habang lumalakad na nakatitig sa mga bundok na labis niyang kinagigiliwan. Bumilis ang kanyang hakbang kahit ito’y halos hindi niya namamalayan. Laging nakahandang patangay sa gising na pangangarap. Hindi niya mapaniwalaan na ang salaming lumulutang sa panggabing tanawin at ang isa pang salamin na puno ng yelo ay sadyang likha ng tao. Ang mga ito’y bahagi nhg kalikasan, at bahagi ng isang tila napakalayong daigdig.
At ang kuwartong nilisan niya ngayon lamang ay naging bahagi na rin ng napakalayong daigdig na iyon.
Nagitla sa sarili, at nangailangan ng isang bagay na makakapitan, tumigil siya sa harap ng isang bulag na masahista sa tuktok ng burol.
“Puwede mo ba akong masahihin?”
“Sandali. Anong oras na ba?” Kinipkip ng masahista ang tungkod at pagkadukot sa isang may takip na pambulsang relo sa obi, ay kinapa ng kaliwang kamay nito ang oras. “Alas dos treinta’y singko. May nagpapamasahe sa akin sa makalampas ang istasyon nang alas tres medya. Pero puwede naman siguro akong mahuli.”
“Ang galing tumingin ng oras.”
“Walang salamin, kaya nakakapa ko ang mga kamay.”
“Nakakapa mo ang mga numero?”
“Hindi mga numero.” Muli nitong inilabas ang relo na yari sa pilak, malaki para sa isang babae, at pinitik ang takip. Inilatag nito ang mga daliri sa mukha, ang isa’y sa alas dose at ang isang sa alas sais, at ang pangatlo, sa gitna, sa alas tres. “Tumatama rin naman ang pagbasa ko ng oras. Maaaring huli ako nang isang minuto, pero hindi ako kailanman pumapaltos nang hanggang dalawang minuto.”
“Hindi ka ba nadudulas sa kalsada?”
“Sinusundo ako ng anak kong babae kapag umuuln. Sa gabi, mga tao sa nayon ang minamasahe ko at hindi ako nakakarating nang ganito kalayo. Nagbibiruang lagi ang mga tao sa otel, sabi’y ayaw daw akong palabasin ng asawa ko kung gabi.”
“Malalaki na ba’ng anak mo?”
“Dose anyos ang panganay kong babae.” Narating nila ang kuwarto ni Shimamura, at sandali silang ntahimik nang magsimula na ang pagmamasahe. Mula sa malayo, umabot sa kanila ang tunog ng isang samisen.
“Sino kaya iyon?”
“Nahuhulaan mo ba kung sinong geisha sa tunog lang?”
“Iyong iba. Ang iba’y hindi. Hindi ka dapat magtrabaho. Tingnan mo, ang kinis-kinis at ang lambut-lambot mo.”
“Wala akong matigas na masel.”
“Matigas dito sa may puno ng leeg. Pero tamang-tama ka lang, hindi masyadong mataba, hindi masyadong payat. Hindi ka umiinom, ano?”
“Alam mo kung umiinom?”
“May tatlo akong kostumer na katulad ng katawan mo.”
“Karaniwang katawan.”
“Pero kung hindi ka iinom, hindi mo naman malalaman kung paano mo talaga mpapasarap ang buhay mo – ang makalimutan ang lahat ng nangyayari.”
“Umiinom ang asawa mo, ano?”
“Sobra.”
“Pero kung sino man iyon, hindi siya gaanong mahusay tumugtog.”
“Mahina talaga.”
“Noong bata pa ako. Mula noong ako’y walo hanggang maglabingwalo. Labinlimang taon na akong hindi tumutugtog. Mula nang mag-asawa ako.”
Lahat kaya ng bulag ay mukhang mas bata kaysa kanilang itsura? Naisip ni Shimamura.
“Pero kapag natuto ka nang bata pa, hindi mo na malilimutan.”
“Nasira ang kamay ko sa trabahong ito, pero magaling pa ang aking tainga. Hindi ako mapalagay kapag naririnig ko sila. Pero palagay ko’y hindi rin ako kuntento sa sarili kong pagtugtog noong bata pa ako.” Sandaling nakinig ang masahista. “Si Fumisiguro sa Izutsuya. Pinakamadaling malaman ang pinakamagaling at pinakamahina.”
“May magagaling?”
“Napakagaling ni Komako. Bata pa siya, pero alam mo naman, hindi masyadong mataas ang pamntayan namin dito sa bunmdok.”
“Hindi ko siya talagang kilala. Pero nakasakay sa tren kagabi ang anak ng titser ng musika.”
“Gumaling na uli?”
“Mukhang hindi.”
“Siyang? Matagal siyang nagkasakit sa Tokyo, at sinasabi nilang naging geisha si Komako noong nakaraang tag-araw para makatulong sa pagbabayad sa doktor. Ewan ko kung nakatulong.”
“Si Komako ma ‘ka mo?”
“May kasunduan pa lamang sila. Pero palagay ko, gumagaan ang kalooban ng isang tao kapag ginawa ang lahat ng makakaya niya.”
“Kasunduan ba ‘ka mo?”
“Sabi nila. Ewan ko, pero iyan ang balita.”
Napakakaraniwang bagay ang makarinig ng tsismis tungkol sa geisha mula sa isang masahista ng bukal, ngunit kabaligtaran at lalong nakakagulat ang naging epekto nito; ang pagpasok ni Komako bilang geisha para tulungan ang nobyo niya ay karaniwang kuwentong nakaiiyak kaya natagpuan ni Shimamura ang sarili na halos hindi ito matanggap. Marahil, ilang konsiderasyong moral – mga kuwestiyon kung tama o maling ipagbili ang sarili bilang geisha – ang nakadagdag sa pagtanggi.
Iniisip ni Shimamura na gusto niyang halukayin pa ang kasaysayan ni Komako, ngunit hindi na nagsalita ang masahista.
Kung may kasunduan na ang lalaki at si Komako, at kung si Yoko ang bago nitong kalaguyo, at ang lalaki’y malapit nang mamatay – muli na namang nagbalik kay Shimamura ang ekspresyong “nasayang na pagsisikap”. Kung magiging tapat sa pangako si Komako hanggang wakas, at ipagbibili pa nito ang sarili para makabayad lamang sa doktor – ano pa ba ito kundi na nasayang na pagsisikap?
Tatapatin niya si Komako sa katotohanang ito, ipamumukha niya kapag nagkita uli sila, sabi niya sa sarili; gayunman, ang buhay nito’y tila naging mas dalisay at mas malinis dahil sa bagong pagkaalam nito.
Namamalayan ang nakakahiyang panganib sa kanyng manhid na pakiramdam sa kung ano ang huwad at hungkag, nakahigang pinatuunan ito ng isip ni Shimamura, sinisikap madama ito, kahit matagal nang nagpaalam ang masahista. Nanlalamig siya hanggang sa kalaliman ng kanyang sikmura – ngunit may nakaiwan sa bintana nang bukas na bukas.
Lumatag na ang kulay ng gabi sa lambak ng bundok, maaga itong nalibing sa mga anino. Sa takipsilim, na ngayo’y nanganganinag pa sa liwanag ng lumulubog na araw, tila lumalapit ang malayong bundok.
Di nagtagal, nang ang mga pagitan ng bundok ay nagiging malayo at malapit, mataas at mababa, ang mga anino nito ay nagsimulang lumalim, at pumula ang langit sa taluktok ng bundok na mayelo, na ngayo’y napapaliguan na lamang ng isang maputlang liwanag.
Nangingitim na nakatayo ang mga kulumpon ng cedar sa pampang ng ilog, sa laruang ski, sa paligid ng templo.
Tulad ng isang mainit na liwanag, bumuhos si Komako sa hungkag na pagkabalisang buamabagabag kay Shimamura.
May miting sa otel para pag-usapan ang mga plano sa panahon ng pag-I-ski. Ipinatawag si Komako para sa parti pagkaraan. Pinainit nito ang kamay sa kotatsu, pagkatapos ay maliksing tumayo at sinalat ang pisngi ni Shimamura.
“Maputla ka ngayong gabi. Nakapagtataka.” Hinila nito ang malambot na laman sa pisngi niya na parang ibig iyong bakbakin. “Pero ikaw din ang may kasalanan.”
Lasing na ng kaunti si Komako. Nang bumalik mula sa parti, bumagsak ito sa harap ng salamin, at halos nakakatawa ang kalasingang ipinakita ng mukha nito. “Wala akong alam doon. Wala. Masakit ang ulo ko. Ang sama ng pakiramdam ko. Masama. Gusto kong uminom. Bigyan mo ako ng tubig.”
Pinagdaop nito sa mukha ang dalawang palad at gumulong nang hindi iniintindi ang maingat na pagkakaayos ng kanyang buhok. Mayamaya, bumangon uli ito at sinimulang tanggalin ang makapal na polbo sa pamamagitan ng malamig krema. Matingkad na pula ang nasa ilalim. Mukhang nasisiyahan ito sa kanyang sarili. Kay Shimamura, nakagugulat ang gayon kabilis na paglipas ng kalasingan. Kumikinig ang balikat ni Komako sa lamig.
Buong Agosto’y halos muntik na itong bumagsak. Sa matinding nerbiyos, sabi nito kay Shimamura.
“Akala ko’y mababaliw ako. Laging akong nag-iintindi sa isang bagay, na hindi ko alam kung ano. Nakakatakot. Hindi ako mapagkatulog.Nakokontrol ko lamang ang sarili ko kapag pumupunta ako sa isang parti. Kung anu-ano ang napapanaginipan ko, at nawalan ako ng ganang kumain. Uupo ako at kung ilang oras n dadagok sa sahig, kahit sa kainitan ng araw.”
“Kailan ka unang naging geisha?”
“Noong Hunyo. Inisip ko noong una na pumunta sa Hamamatsu.”
“Para mag-asawa?”
Tumango si Komako. Hinahabol siya ng lalaki para pakasalan ngunit hindi niya ito magustuhan. Matagal bago siya nakapagdesisyon.
“Pero kung ayaw mo sa kanya, ano ang mahirap sa desisyon?”
“Hindi gayon kasimple.”
“Masarap ang may-asawa?”
“Tumigil ka. Mas malamang na gusto kong malinis at maayos ang lahat ng nasa paligid ko.”
Umungol si Shimamura.
“Alam mo, napakahirap mong kausaping tao.”
“May relasyon ba kayo ng lalaking taga-Hamamatsu?”
Isinigaw ni Komako ang sagot: “Kung mayroon, palagay mo ba’y magdadalawang-isip pa ako? Pero sinabi niyang hangga’t narito ako, hindi niya ako papayagang mag-asawa ng iba. Gagawin niya ang lahat para huwag matuloy.”
“Pero ano’ng magagawa niya mula sa malayong Hamamatsu?” Iyon ba ang inaalala mo?”
sandaling nag-inat si Komako, nilalasap ang init ng sariling katawan. Nang muli itong magsalita, kaswal na ang kanyang tono. “Akala ko’y buntis ako.” Humagikhik ito. “Nakakatawa kapag naaalala ko ngayon.”
Namaluktot itong tila isang bata, at pagkaraa’y dalawang kamay na sinunggaban ang leeg ng kimono ni Shimamura.
Sa malago nitong pilikmata, muli na namang naisip ni Shimamura na kalahati lamang nakadilat ang mga mata nito.
NAKAUPO sa tabi ng painitang-bakal, may isinulat si Komako sa likod ng isang lumang magasin nang gumising si Shimamura kinbukasan.
“Hindi ako makakauwi ngayon. Bumangon ako nang magdala ng uling ang katulong, pero maliwanag na. Pumapasok na ang araw sa pinto. Nalasing ako ng kaunti kagabi, at napasarap ang tulog ko.”
“Anong oras na?”
“Alas otso.”
“Halika, maligo tayo.” Bumangon si Shimamura.
“Hindi ako puwedeng sumama. Baka may makakita sa akin sa bulwagan.” Napakaamo na nito ngayon. Nang bumalik si Shimamura mula sa paliligo, inabutan niya si Komako na matiyagang naglilinis ng kuwarto, may panyong masining na nakatakip sa ulo.
Napakaingat na nitong napunasan ang mga paa ng mesa at ang gilid ng painitang-bakal, at ngayo’y hinahalo nito ang uling ng sanay na kamay.
Kontentong nakaupo si Shimamura, nagsisigarilyo habang ang paa’y nasa kotatsu. Nang malaglag ang abo sa kanyang sigarilyo, dinampot ito ni Komako sa pamamagitan ng isang panyo at dinalhan siya ng isang ashtray. Napatawa si Shimamura, tawang kasinsaya ng umaga. Tumawa rin si Komako.
“Kung may-asawa ka, lagi mo sigurong kagagalitan.”
“Hindi. Pero pagtatawanana aako dahil tinitiklop ko maging maruming damit ko. Hindi ko mapigilan. Talagang ganito ako.”
“Sinabing mahuhulaan mo raw ang lahat sa isang babae tingnan mo lamang ang loob ng kanyang aparador.”
“Kay ganda ng araw.” Nag-aalmusal sila at bumabaha ang pang-umagang araw sa kuwarto. “Maaga sana akong nakauwi para magpraktis ng samisen. Iba ang tunog sa araw na tulad nito.” Tumingala si Komako sa kristal na langit.
Malambot at krema ang yelo sa malayong bundok, parang may belong manipis na usok.
Naalala ang sinabi ng masahista, iminungkahi ni Shimamura na sa kuwarto na niya magpraktis ng samisen si Komako. Dagli itong tumawag sa bahay upang humingi ng kopya ng musika at pamalit na damit.
Kung gayo’y may telepono pala sa bahay na nakita niya nang nagdaang araw, naisip ni Shimamura. Ang mata ng isa pang babae, si Yoko, ay lumutang sa kanyang gunita.
“Dadalhin dito ng batang iyon ang iyong musika?”
“Maaari.”
“May kasunduan kayo ng anak na lalaki, di ba?”
“Aba! Kailan mo nasagap iyan?”
“Kahapon.”
“Kakatwa ka talaga. Kung nabalitaan mo kahapon, bakit hindi mo sinabi sa akin?” Ngunit ang tono nito’y di nagpakita ng katalasang tulad nang araw na nagdaan. Ngayon, may malinis na ngiti lamang sa mukha nito.
“Madaling ungkatin ang bagay na iyon kung hindi kita iginagalang.”
“Ano ba talaga ang iniisip mo? Kaya ayaw ko sa mga taong galing ng Tokya.”
“Binabago mo ang usapan. Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.”
“Hindi ko binabago ang usapan. At pinaniwalaan mo naman?”
“Oo.”
“Nagsisinungaling ka na naman. Alam kong hindi ka naniniwala.”
“Katunaya’y hindi ko mapaniwalaan ang lahat. Pero sabi nila’y naging geisha ka para tumulong sa pagbabayad sa doktor.”
“Parang kuwento sa isang mumurahing magasin. Pero hindi totoo. Wala kaming kasunduan kailanman. Naiisip lang ng tao na gano’n. Hindi dahil ibig kong tumulong kaninuman kung bakit ako naging geisha. Pero malaki ang utang-na-loob ko sa kanyang ina, at kailangang gawin ko ang aking makakaya.”
“Matalinghaga kang magsalita.”
“Sasabihin ko sa iyo ang lahat. Pakalilinawin ko. Para ngang may panahon na inisip ng kanyang ina na magandang ideya kung pakakasal kami. Pero inisip lamang niya ito. Hindi niya sinabi kahit kanino. Parang alam lang namin pareho ang nasa isip niya, pero hanggang doon lang. At iyan lamang ang nangyari.
“Magkaibigang magkababata.”
“Tama. Pero matagal kaming nagkahiwalay. Nang ipadala nila ako sa Tokyo para maging geisha, siya lang ang naghatid sa akin. Isinulat ko iyon sa pinakaunang pahina ng aking pinakalumang diary.”
“Kung nagkasama kayong dalawa, kasal na siguro kayo ngayon.”
“Ewan.”
“Pakakasal ka kanya.”
“hindi mo siya dapat alalahanin. Hindi magtatagal ay mamamatay na siya.”
“Pero tama bang lumalabas ka ng bahay kung gabi?”
“Hindi mo dapat itanong iyan. Paano ako mapipigil ng isang malapit nang mamatay para gawin ang gusto ko?”
Walang maisip si Shimamura.
Bakit kaya ni isang salita’y hindi nababanggit ni Komako ang batang si Yoko?
At si Yoko, na nag-alaga sa may-sakit na lalaki sa tren, maaaring katulad ng pag-aalaga rito ng ina nito noong siya’y musmos pa – ano ang mararamdaman nito pagpunta sa otel, dala ang pamalit na kung ano – ng lalaking kasabay na umuwi ni Yoko?
Natagpuan ni Shimamura ang sarili na ginugunita ang mga dati niyang malayong pantasya.
“Komako, Komako.” Mababa ngunit malinaw ang magandang boses ni Yoko.
“Maraming salamat.” Lumabas si Komako papunta sa silid-bihisan. “Ikaw pa mismo ang nagdala. Nabigatan ka siguro.”
Dagling umalis si Yoko.
Nalagot ang pang-itaas na kuwerdas ng samisen nang tentatibo itong kalabitin ni Komako. Habang pinapalitan nito ang kuwerdas at itinotono ang instrumento, nakita ni Shimamura na may tiyak at tiwala itong salat. Dinampot nito ang makapal na balutan at binuksan iyon sa ibabaw ng kotatsu. Sa loob ay may ordinaryong libro ng mga awit at mga dalawampung piyesa ng musika. Nagtatakang sumulyap si Shimamura sa huli.
“Nagpapraktis ka mula rito?”
“Kailangan. Walang iba rito na makapagtuturo sa akin.”
“Iyong babaeng kasama mo sa bahay?”
“Paralisado siya.”
“Kung nakapagsasalita siya, maaari pa siyang makatulong sa iyo.”
“Pero hindi siya makapagsalita. Nagagamit pa niya ang kaliwang kamay para ituro ang mga mali sa sayaw, pero naiinis lang siya sa pakikinig sa samisen nang hindi maituro ang tama.”
“Naiintindihan mo talaga ang musika sa pagbasa ng piyesa?”
“Naiintindihan ko talaga.”
“Matutuwa ang ginoong naglathala niyan kapag natuklasan niyang may isang tunay na geisha – hindi ordinaryong baguhan lamang – na nagpapraktis sa kanyang kopya sa malayong bundok na ito.”
“Sa Tokyo, inaasahan nilang sasayaw ako, at binigyan nila ako ng mga leksiyon sa sayaw. Pero halos wala akong natutuhan sa pagtugtog ng samisen. Kung makakalimutan ko pa ito, wala nang makapagtuturo sa akin. Kaya gumagamit ako ng piyesa.”
“At ang pagkanta?”
“Ayokong kumanta. Natuto ako ng ilang kanta mula sa aking pagsayaw, at nakakaya ko naman, pero ang mga bago’y kailangang matutuhan ko sa radyo. Hindi ko alam kung gaano ako katama. Sa aking sariling estili – tatawa ka lang, alam ko. Bumubigay ang boses ko kapag kumakanta ako sa isang taong kilala ko. Lagi itong malakas at matapang sa mga estranghero.” Sandali itong nagmukhang tila mahiyain, pagkaraa’y pumanatag uli at sumulyap kay Shimamura na parang isineseyas na kumanta na ito.
Napahiya si Shimamura. Sa kasamaang-palad ay hindi siya mang-aawit.
Sa pangkalahata’y pamilyar siya sa musikang Nagauta ng teatro at sayaw sa Tokyo, at alam niya ang titik ng karamihan sa mga awit. Pero wala siyang pormal n pagsasanay. Katunayan, iniuugnay niya ang musikang Nagauta hindi sa pribadong pagtatanghal ng isang geisha kundi sa aktor na nasa entablado.
“Pinahihirapan ako ng kostumer na ito.” Kasabay ng mabilis na pagkagat sa pang-ibabang labi, ikinalang ni Komako ang samisen sa tuhod, at, nang tila naging ibang tao siya, taimtim niyang binalingan ang mga titik na nasa harap.
“Pinapraktis ko na ang isang ito mula pa noong nakaraang taglagas.”
Humagod ang lamig kay Shimamura. Tila tumaas ang kanyang balahibo hanggang pisngi. Binuksan ang mga unang nota ang isang nananagos na kahungkagan sa kanyang kaibuturan, at sa kahungkagang ito’y tumaginting ang tunog ng samisen. Nagitla siya – o manapa’y napaurong siya na parang nasapol ng isang tamang-tamang suntok. Nabalot ng damdaming halos pagsamba, sinasabayan ng mga alon ng pagsumbat sa sarili, walang pananggol, parang pinagkaitan ng lakas – wala siyang nagawa kundi patangay sa agos, sa sarap ng pagpapatianod saan man siya gustong dalhin ni Komako.
Geishang bundok ito, nasabi ni Shimamura sa sarili, wala pang beinte anyos, at hindi maaaring gayon siya kagaling. At kahit na nasa isang maliit na kuwarto, hindi kaya nito hinahablot ang instrumento na parang nasa entablado? Siya mismo’y natatangay ng sarili niyang emosyonalismong bundok. Sinadya ni Komako na basahin ang mga kataga sa iisang tono, minsa’y bumabagal at minsa’y nilalampasan ang isang napakahirap na pasada; ngunit unti-unti, tila ito nilukuban ng isang engkanto. Habang tumataas ang boses nito, nagsimulang makaramdam si Shimamura ng bahagyang pagkatakot. Hanggang saan siya tatangayin ng makapangyarihan at tiyak na himig nito? Bumiling siya at iniunan ang ulo sa isang braso, na parang bagot sa naririnig.
Para siyang nakawala nang matapos ang awit. A, umibig sa akin ang babaeng ito… ngunit nayamot siya sa sarili sa ganitong isipin.
Tiningala ni Komako ang maliwanag na langit sa ibabaw ng yelo. “Iba ang tono sa araw na ito.” Ang tono’y naging kasingyaman at kasintaginting, tulad ng ipinahiwatig ng tinuran nito. Iba ang paligid. Walang mga dingding ng teatro, walang manonood, walang alikabok ng lunsod. Kristal na lumulutang ang mga nota sa malinis na umaga ng taglamig, upang umabot ang tunog sa malayo at nagyeyelong taluktok ng bundok.
Habang nagpapraktis na mag-isa, hindi marahil namamalayan sa sarili kung ano ang nangyayari, at ang tanging kapiling ay ang malawak na lambak na ito sa bundok, tila naging bahagi ito ng kalikasan upang magkaroon ng ganitong espesyal na kapangyarihan. Ang kalungkutan niya’y naghahatid ng dalamhati at pinapanday ang isang ligaw na lakas ng determinasyon. Walang dudang ang pagtugtog niya’y tagumpay ng determinasyon, at ipalagay mang nagkaroon siya ng kaunting pagsasasanay, natutuhan niya ang mga komplikadong awit mula sa mga kopya, at ngayo’y inaawit ang mga ito mula sa alaala.
Kay Shimamura, isang nasayang na pagsisikap ang ganitong paraan ng buhay. Naramdaman din niya rito ang isang pangungulilang nanawagan sa kanya at humihingi ng simpatiya. Ngunit ang buhay at takbo ng buhay ay walang dudang dumadaloy nang ganito kadakila mula sa samisen, nang may panibagong halaga kay Komako mismo.
Si Shimamura, na hindi sanay sa pasikut-sikot na teknik ng samisen, at emosyon lamang sa tono ang naiintindihan, ang siya marahil ideyal na tagapakinig ni Komako.
Nang simulan ni Komako ang pangatlong awit – sensuwal na kalambutan ng musika marahil ang sanhi – nawala ang panlalamig at pagtaas ng balahibo, at si Shimamura, na panatag at matamang nakikinig, ay tumitig sa mukha ni Komako. Isang matinding pagkakalapit na pisikal ang lumukob sa kanya.
Ang mataas at manipis na ilong ay karaniwan nang bahagyang malungkot, bahagyang namamanglaw, ngunit ngayon, kasabay ng malusog at matingkad na pamumula ng pisngi, para nitong ibinubulong: Narito rin ako. Parang ipinakakahulugan ng makikinis na labi ang isang nagsasayaw na liwanag kahit na ang mga ito’y parang talulot na nakatikom; at kung sa isang saglit ay nababanat ang mga ito, gaya ng hinihingi ng pagkanta, mabilis itong tumitikom uli sa isang nakahahalinang maliit na talulot. Ang bighani ng labi ay katulad na katulad ng bighani ng kanyang katawan mismo. Dahil sa mga mata niyang mamasa-masa at kumikislap, nagmukha siyang isang batang-batang babae. Wala siyang polbo, at sa ningning ng isang geishang lunsod ay sumapi ang kulay ng bundok. Ang kanyang balat, na nagpapahiwatig ng kasariwaan ng isang bagong talop na sibuyas o ng puno ng lila marahil, ay bahagyang namumula hanggang lalamunan. Higit sa lahat, ito’y malinis.
Matigas at tuwid na nakaupo, tila mas mahinhin siya at mukhang dalag kaysa dati.
Ngayon, habang nakatingin sa isang bagong piyesa, kinanta niya ang isang awit na hindi pa niya naisasaulo. Nang matapos ito ay tahimik niyang isinuksok ang pangkalabit sa ilalim ng mga kuwerdas at binayaan mapahinga ang sarili sa mas maginhawang posisyon.
Ang pagbago niya ng upo’y mabilis na naghatid ng anyong nakakatukso at nanghihikayat.
Walang maisip sabihin si Shimamura. Hindi pansin ni Komako kung ano ang palagay niya sa pagtugtog. Parang wala siyang pakialam na nasisiyahan sa kanyang sarili.
“Mahuhulaan mo ba lagi kung sino ang geisha sa tono ng kanyang samisen?”
“Madali. Wala pa kaming dalawampu rito. Depende iyan sa estilo. Ang pagiging indibiduwal ay higit na lumalabas sa ilang estilo kaysa iba.”
Muli nitong dinampot ang samisen at inilipat ang bigat ng katawan kaya ang mga paa ay nakahilig sa isang panig at ang instrumento ay nakapatong sa kalamnan ng binti.
“Ganito ang paghawak kung maliit ka.” Yumuko ito sa samisen na parang napakalaki nito para sa kanya. “I-ti-im na buhok . . .” Nagboboses-bata si Komako at parang nag-aaral na kinalabit ang mga nota.
“Itim na buhok ba ang una mong natutuhan?”
“O-o.” Parang batang ipinilig nito ang ulo, walang alinlangang tulad ng ginawa nito noong araw na napakaliit pa niya para mahawakan nang husto ang samisen.
HINDI na tinatangkang umuwi ni Komako bago mag-umaga kapag nagpapaiwan ito sa gabi.
“Komako,” mula sa bulwagan sa dulo ay tatawag ang dalawang-taong gulang na anak na babae ng tagapangasiwa ng otel, ang boses ay tumataas sa punto ng salitang bundok. Silang dalawa’y masayang maglalaro sa kotatsu hanggang sa bago tumanghali, at pagkaraa’y sabay silang mananaog para maligo.
Pagkagaling sa paliligo, sinuklay ni Komako ang buhok. “Tuwing makakikita ng geisha ang bata, tumatawag ito, “Komako” sa nakakatawa niyang punto, at kapag nakakita siya ng retrato ng iba na lumang estilo ang buhok, si “Komako” rin iyon. Alam ng mga bata kung mahal mo sila. “Halika, Kimi. Maglaro tayo kina Komako.” Tumayo si Komako upang umalis, pagkaraa’y tinatamad na naupo sa beranda. “Mga sabik na taga-Tokyo, nag-I-ski na.”
Ang kuwarto’y nakatunghay sa mismong dausdusan ng ski sa paanan.
Mula sa kotatsu, sumulyap si Shimamura. Patse-patse na ang yelo sa bundok, at lima o anim na taong nakaitim na damit pang-ski ang nagpaikut-ikot sa may pilapil ng bakod. Parang sira ang mga ulo. Banayad ang dalisdis, at ang mga pilapil ay hindi pa natatakpan ng yelo.
“Mga estudyante yata. Linggo ba ngayon? Ano’ng mapapala nila?”
“Magagaling din naman sila,” ani ni Komako, na parang sarili ang kinakausap. “Laging nagugulat ang mga panauhin dito kapag binabati sila ng isang geisha sa iskihan. Hindi siya nakikilala dahil sunog siya sa tindi ng lamig. Sa gabi, tinatakpan ito ng polbo.”
“Nagsusuot ka rin pang-ski?”
Nagsusuot daw siya ng “pantalong bundok” sabi nito. “Pero malaking abala ang panahon ngayon ng ski. Malapit na naman. Makikita mo sila sa gabi sa otel, at sasabihin nila, magkikita tayo uli kinabukasa habang nag-i-ski. Dapat sigurong itigil ko na ang pag-i-ski sa taong ito. Sige, aalis na ako. Halika na, Kimi. Uulan ng yelo ngayong gabi. Malamig lagi ang gabi bago umulan ng yelo.”
Lumabas si Shimamura sa beranda. Inaakay ni Komako si Kimi sa matarik na daan sa ibaba ng dausdusan ng ski.
Nagsisimula nang mag-ulap ang langit. Nagtutumayog ang mga bahagi ng bundok na naaarawan sa kabila ng mga bahaging naliliman. Bawat sandali’y nagbabago ang laro ng liwanag at anino, iginuguhit ang isang napakalamig na tanawin. Mayamaya, maging ang laruan ng ski ay madidiliman na rin. Sa ibaba nakikita ni Shimamura ang tila mga karayom na yelo, parang puting buhangin sa mga lantang chyrsanthemum, kahit tumutulo pa ang yelo mula sa atip.
Hindi umulan ng yelo nang gabing iyon. Bumagyo ng buu-buong yelo na naging ulan.
Muling ipinatawag ni Shimamura si Komako nang gabing iyon bago siya umalis. Aliwalas ang gabi at maliwanag ang buwan. Pagdating ng alasonse, nanigid ang lamig ngunit nagpumilit si Komako na sila’y maglakad-lakad. Hinatak siya nito mula sa kotatsu.
Nagyeyelo ang kalsada. Tahimik na nakahimlay ang nayon sa illaim ng malamig na langit. Itinaas ni Komako ang laylayan ng kimono at ipinaloob ito sa kanyang obi. Kumikislap ang buwan na parang patalim na asul na yelo.
“Pupunta tayo sa istasyon,” sabi ni Komako.
“Gaga. Mahigit isang milya iyon. Pa’no pa ang pagbalik?”
“Malapit ka nang bumalik sa Tokyo. Tingnan lang natin ang istasyon.”
Namamanhid si Shimamura mula sa balikat hanggang pigi.
Pagbalik sa kuwarto, malungkot na napalupasay si Komako. Yuko ang ulo at ang mga kamay ay malalim na nakapasok sa kotatsu. Kakatwa, tumangi itong sumama sa kanya sa paliguan.
Nakahanda na ang higaan, na ang paa ng kutson ay nakapaloob sa kotatsu. Malungkot na nakaupo sa gilid si Komako nang bumalik si Shimamura mula sa paliligo. Walang sinabi si Komako.
“Ano’ng nangyari sa iyo?”
“Uuwi na ako.”
“Huwag kang gaga.”
“Mahiga ka na. Bayaan mong umupo muna ako rito sandali.”
“Bakit gusto mong umuwi?”
“Hindi ako uuwi. Mauupo lang ako rito hanggang umaga.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Hindi ako mahirap intindihin.”
“E, bakit . . .?”
“Masama . . . ang pakiramdam ko.”
Andito ang Buod:
ano b angaral na mapupulot dito
TumugonBurahinmay buod po ba kayo para dito?
TumugonBurahinwala ba itong buod?
TumugonBurahinmadali lang naman gumawa ng buod basta maintindihan mo ang kwento
TumugonBurahinIto na po ang pinaka buod ng Lupain ng Taglamig. Mahaba po talaga ang nobelang ito.
TumugonBurahinwala na bng pinakamaikling buod nito? kailangan lng kc namin sa assignment?
TumugonBurahinsigi igagawa kita ng mas maikling buod nito
TumugonBurahinhmmm..pwede po bang makahingi ako ng mga tauhan ng kwento nito at ng mga ginawa nila...salamat po.. ^_^
TumugonBurahinbuod
TumugonBurahinhttp://teksbok.blogspot.com/2013/01/lupain-ng-taglamig.html
Pambhra.. kailangan ko po ng buod.. saan ba meron.. aiixxtt... anu po ba mga akdang feminismo ang teorya.?
TumugonBurahinmatagal ko ng inilagay ang buod nito andyan po ang link sa comments, konting silip lang, saka hindi po lahat ay kailangang isubo. Lagi po nating tatandaan na ginawa ko ang blog na ito upang maging gabay nyo po lamang. Maraming salamat sa pagbisita ninyo.
TumugonBurahinano po bang uri ng nobela ito ?
TumugonBurahinang hirap makahanap ng buod.. ang haba nmn kasi tsaka 'di ko masyado magets..
TumugonBurahinwala po bang buod ???
TumugonBurahinBasahin nyo minsan ang mga comment matagal ko ng nilagay ang buod
TumugonBurahinhttp://teksbok.blogspot.com/2013/01/lupain-ng-taglamig.html
-bokals(admin)
itatanung ko lng po sana kung saan pong bansa nagmula itong kwento? salamat.
TumugonBurahinsa japan
TumugonBurahinano po ang symbol na ginamit sa nobela
TumugonBurahinanong pagkakakilala mo kay shimamura at komako?
TumugonBurahinsa pangyayari sa buhay ni komako, makatwiran ba ang pagiging geisha nya?
TumugonBurahinano ang naging impresyon ni shimamura kay komako? tukuyin ang pahayag sa nobela
tukuyin sa bahagi ng nobela ang nagpapakilala sa kalakasan ng karakter ni shimamura ; ni komako
meron po kayo yung sobrang ikling summary lang :)
TumugonBurahinhindi naman buod yan eh! buong storya yan ng "lupain ng taglamig"
TumugonBurahinanu po ang aral na napulot sa lupain ng taglamig
TumugonBurahinpaano po ba naging pemenismo ang teorya nito ?
TumugonBurahinmeron pa po bang pwedeng teorya na pwedeng maging angkop sa nobela?
salamat ;)