Si Dagang Bayan at si
Dagang Bukid
May dalawang dagang magkaibigan, sina Dagang Bayan at Dagang
Bukid. Magkalayo ang kaniiang mga tirahan subalit patuloy pa rin ang kanilang
pagkakaibigan.
Isang araw, dinalaw ni Dagang Bayan si Dagang Bukid.
“Napakalayo ng lugar mo. Nagutom ako sa pagod. Kumain na
tayo,” ani Dagang Bayan.
“Wala akong pagkain dito. Halika, maghanap tayo,” sagot ni
Dagang Bukid.
“Ano? Maghahanap pa tayo?” di-makapaniwalang tanong ni
Dagang Bayan.
“Oo, ganyan talaga rito sa bukid. Hahanapin mo muna ang
iyong kakainin,” malumanay na sagot ni Dagang Bukid.
Naglakad silang dalawa. Sa may daan, nakakita sila ng supot.
Dali-dali nila itong binuksan.
“Tinapay! Masarap na tinapay!” sabi ni Dagang Bayan.
“Teka, akin ‘yan. Ako ang unang nakakita r’yan,” sabi naman
ni Dagang Bukid.
“Para walang away, hati na lang tayo,” mungkahi ni Dagang
Bayan. Tango lamang ang tugon ng kanyang kaibigan.
Hinati ni Dagang Bayan ang tinapay. Iniabot niya ang maliit
na bahagi kay Dagang Bukid.
“Naku, hindi pantay ang pagkakahati mo,” reklamo ni Dagang
Bukid.
“Oo, nga ‘no? Bawasan natin,” sagot ni Dagang Bayan, at
pagkatapos ay kinagatan niya ang mas malaking bahagi.
“Naku, lumiit naman itong isa,” sabi ni Dagang Bukid.
Kinagatan naman ni Dagang Bayan ang kabilang bahagi ng
tinapay.
“Naku, lumiit nang pareho,” himutok ni Dagang Bukid.
“Para walang problema, akin na lang lahat ito. Ang susunod
nating makikita ay sa iyo naman,” sabi ni Dagang Bayan sabay subo sa lahat ng
tinapay.
Dito nakahalata si Dagang Bukid.
“Niloko mo ako! Paano kung wala tayong makitang pagkain?”
pagalit niyang wika kay Dagang Bayan.
Dahil dito, nag-away ang magkaibigang daga, at ang kanilang
pagkakaibigan ay tuluyang naglaho.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento