Si Jupiter at ang
Tsonggo
Isang araw ay ipinakalat ni Jupiter ang balitang magkakaroon
ng timpalak na magtatampok sa pinakamagandang anak ng hayop sa kapaligiran.
Nang dumating ang araw ng laban ay nagtipun-tipon ang lahat
ng hayop sa paanan ng kabundukan. Dala-dala ng lahat ng inang hayop ang
kani-kanilang anak na ipanlalaban. Kahit malalayong gubat, bundok, lambak, ilog
at kuweba ang pinanggalingan ay nawala ang pagod nila makasali lang sa
timpalak.
Tuwang-tuwa ang lahat nang ihudyat ng dagundong at malalakas
na kulog ang pagbukas ng langit. Nagbunyi ang lahat nang matanawan nilang
pababa sakay ng gintong karwahe niya ang Bathalang si Jupiter. Nagyukuan sila
bilang pagbibigay galang sa Bathala ng Kalikasan.
Inikot ni Jupiter ang paanan ng kabundukan. Sinusuri niya
ang lahat ng dala-dalang anak ng bawat inang hayop sa kapaligiran. Papanhik na
sana siya sa ituktok ng bundok upang sabihin ang nagwagi nang malingunan niya
ang inang Tsonggo. Nilapitan ito ni Jupiter at inaninag ang anak na mahigpit na
yakap-yakap. Napaurong ang Bathala nang matanaw na pangung-pango ang ilong ng
batang Tsonggo at pagkakapal-kapal pa ng maitim na nguso nito.
“Anong klaseng nilalang ito? Pagkakapal-kapal ng buhok,
sunug na sunog ang kulay at pagkapangit-pangit.”
Kahit pabulong ay narinig pala ng Inang Tsonggo ang pintas
ng Bathala.
Tinitigan ng Inang Tsonggo ang anak. Lalong hinigpitan ang
yakap, masaya itong hinagkan bago pabulong na nagsabing, “Wala akong pakialam
kung ano man ang sabihin ni Jupiter o ng sinumang huhusga sa iyo. Para sa akin
ikaw at ikaw lamang ang pinakamagandang nilalang sa sandaigdigan.”
Aral: May iba’t ibang
pamantayan ang paghusga sa kagandahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento