Mga Pusa Laban Sa Mga
Daga
Matagal nang magkaaway ang mga Pusa at ang mga Daga. Lagi at
laging nananalo sa labanan ang mga Pusa. Una, malalaking di hamak ang mga Pusa.
Pangalawa, nakuha raw nila ang husay sa pakikidigma ng mga Tigreng kalahi nila.
Nagpulung-pulong ang mga Daga.
“Wala sa laki yan,” sabi ng mga Dagang Siyudad.
“Nasa tapang at bilis yan,” giit ng mga Dagang Lalawigan.
“Nasa istratehiya ng pakikidigma ang susi,” diin ng mga
Dagang Kosta.
“Tama. Tama. Kailangan ang preparasyon sa labanan!” dugtong
ng mga Bubuwit.
“Maghanda! Maghanda!” sigaw ng lahat sa Dagalandia.
Naghanda nga ang mga Daga. Napagkaisahan nilang pumili ng
apat na heneral na mangunguna sa pakikidigma. Naniniwala ang mga Daga na dapat
unahin ang mga kasuotang pandigma upang mapaganda ang porma ng mga lalaban.
Kaunting panahon lang ang ginawa nila upang mapabuti ang sistema ng pagsalakay
sa mga kaaway. Binuo nila ang loob upang magtagumpay.
Ang apat na heneral ay binigyan ng sapat na awtoridad upang
pamunuan ang apat na batalyong Daga. Tiniyak ng mga Daga na ang mga heneral ay
nabihisan ng kagalang-galang na kasuotan na napapalamutian ng nagkikinangang
medaiyong pandigmaan.
Pinagsikapan din ng mga Dagang masuotan ang mga heneral ng
mga sumbrerong panlaban na may plumahe at makikinang na adornong kaakit-akit sa
nagliliwanag na putukan.
Nang magsimula ang pagsalakay ay nawalan ng panimbang ang
mga sundalo ng Dagalandia. Malaking problema sa apat na heneral ang sumbrero
nila na sa taas ng plumahe at kinang ng mga adornong nagliliwanag sa putukan ay
inaasinta ng mga kalaban.
Naging problema rin ng mga heneral ang mga medalyong
pandigmaang nakakabit sa kanilang mga kasuotan. Ang malalapad na medalyon ay
sumasabit sa mga kamay ng mga heneral. Problema ang mga medalyon kapag
itinuturo na kung sinu-sino ang dapat paputukan at kung kailan dapat pasabugin
ang kanyon sa mga kalaban.
Tulad ng dapat asahan, maraming mga Daga ang naging talunan.
Ang apat na heneral na maganda ang porma sa pakikipagdigmaan ay nasawi sa
kakulangan sa sistema ng pakikipaglaban.
Ilan lamang ang nakabalik sa kani-kanilang lunggang
pinagtataguan. Mabuti na lamang at hindi sila inabutan ng mga Pusang handa ring
pumatay.
Aral: Sa anumang
laban, bigyang tuon ang pinakamahahalagang bagay na ikapapanalo ng koponan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento