Ang Usa sa
Ilug-ilugan
Isang Usang nahapo sa katatakbo ang huminto sumandali sa
tabi ng ilug-ilugan. Uminom siya sa sobrang uhaw. Aalis na sana siya nang
napansin ang sariling anyo sa malinaw na tubig. Matagal niyang pinagmasdan ang
sarili at humanga siya sa nasalamin.
“Talagang maganda nga pala ang mga sungay kong sanga-sanga.
Para itong mga korona ng isang napakagandang prinsesa!”
Habang iniyuyuko ang ulo upang lalong maaninaw ang kaniyang
nagniningning na mga korona ay napatapak siya sa malinaw na tubig. Napamulagat
siya nang makita ang anyo ng kaniyang mga binti.
“Aba, aba. Nakahihiya pala ang mga binti ko. Sobra sa payat.
Hindi bumabagay sa kaakit-akit na mga korona ko!”
Sa kaaaninaw sa sarili ay nagulat siya nang may marinig na
mga kaluskos na papalapit sa kinatatayuan niya. Nang lingunin niya ay naroroon
at naghihintay pala ang Leyong handa nang sumakmal sa kaniya.
Kumaripas siya ng takbo. Kahit payat ang mga binti ay parang
buhawi siya sa bilis ng pagtakbo. Nakapasok na siya sa loob ng kagubatan nang
masabit sa mga halaman ang mga sungay niya.
Ang mga korona niyang ipinagpaparangalan ang maghahatid pala
sa malagim niyang kamatayan.
Aral: Mahalin ang
bawat bagay na bigay sa atin ng Diyos. May kadahilanan kung bakit ibinigay Niya
ito sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento