Ang Unggoy at ang
Pagong
Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang
pamamasyal ay nakakuha sila ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at
itanim ito.
Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang
bahaging itaas ng saging. Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil
marami ng dahon. Masaya niya itong itinanim.
Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang
bahagi ng saging.
Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng
saging na itinanim ni Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim
ni Pagong, unti-unti nang sumibol ang dahon nito.
Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang
saging. Hindi nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang
puno. Tinawag niya ang kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang
bunga ng saging.
Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas
at kumain nang kumain sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga
ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong
at tahimik itong umalis.
Maya-maya ay bumalik itong may dalang mga tinik. Inilagay
niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis
nang hindi namamalayan ni Unggoy.
Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa ibaba si Pagong.
Ngunit hindi na niya ito nakita.
Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang
mga tinik sa katawan nito.
“Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?” panaghoy ni Unggoy.
Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa
di kalayuan ay naabutan niya ang humahangos na si Pagong.
“Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?”
usig nito kay Unggoy.
Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit
si Unggoy.
“Dudurugin kita nang pinung-pino,” matigas na sabi ni
Unggoy.
“Mabuti naman at dadami kami,” mahinahong sagot ni Pagong.
Nag-isip si Unggoy. “Alam ko na! Iihawin kita sa apoy.”
“Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo
kong katawan,” wika ni Pagong.
Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring
hawak-hawak ang pagong.
“Itatapon kita sa ilog,” banta ni Unggoy.
“Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!” pagsusumamo ni
Pagong.
Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa
ilog.
“Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?”
patuyang tanong ni Pagong kay Unggoy.
Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa
tubig nakatira si Pagong?
Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy.
Masayang-masaya namang lumangoy papalayo si Pagong.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento