Ang Uwak at ang Gansa
Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na
gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal
sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan.
Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya
sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.
Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan
niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na
paglalakad ng isang pulutong na mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang
mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg.
Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos
nilang tinig.
“Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo
nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi,
nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.”
Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga
Gansa. “Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?”
“Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng
Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!”
Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalaiangoy na
rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy.
Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang
lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang
mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon.
Aral: Huwag
pangarapin ang di kayang abutin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento