Huwebes, Hunyo 30, 2016

Talumpati Para Sa Wika

Talumpati Para Sa Wika
Farah Grace Jimena


“Makahihigit ay wala, kahit anumang sandata,makapagtitibay sa bansa, paggamit ng sariling wika, ang ating tanging tanikala.”

Malaya na tayong mga Pilipino sa pang- aalipin ng ibang bansa. Masasabi na nating ganap na ang ating pagkabansang Pilipino. May sarili na tayong watawat, mayroon na ring pambansang awit at mayroon pang pambansang wika…ang Wikang Filipino.

Wikang Filipino? Ginagamit ba ito?

Hindi na lingid sa ating kaalaman na halos wikang Ingles na ang nagmamanipula nitong ating bansa. Hindi ba’t natatawag na malaya ang isang bansa kapag ginagamit ang sariling wika? Nawawalan ng kabuluhan ang wikang pambansa kapag hindi naman ginagamit sa lipunan, sa paaralan at maging sa pamahalaan. Sa kalagayan ngayon ng mga bagay- bagay sa ating bansa at sa sistema ng ating edukasyon, lumilitaw na tila wala pa tayong wikang sarili sapagkat nagpapamanipula tayo sa mga wikang banyaga.

Sinasabing wika ang sagisag ng pagkalahi… tatak ng isang bansang malaya. Ang mga bansang malaya ay yaong mga gumagamit sa sariliing wika. Sa wikang Filipino naipakikilala ang lahing pagka- Pilipino. Larawan ito ng pagiging matapang, matatag at makatarungan ng mga Pilipino. Ating ibalik sa panahon ng ating mga bayani, kanilang ipinaglaban ang ating bansa sa mga pananakop ng mga mapang- aping mga dayuhan. Ibinuwis nila ang kanilang mga buhay , para lamang makahulagpos tayo sa mga manlolokong dayuhan. At ang Filipino ay ginamit bilang simbolo na isa na tayong malayang bansa.

Sinasabing, kapag walang wika, walang kultura. At kapag walang kultura, walang wika.

Kultura ang kabuuan ng mga paniniwala at lahat ng kaugalian ng mga tao. Kung kaya’t kultura ang pinanggagalingan ng wika. Wika ang nagiging midyum para maipahayag ang kultura ng isang pangkat ng mga tao. Ito ang paraan para mapayabong o mapaunlad ang kultura.  

Sinasabing wika ang matibay na tanikala sa pagkakaisa ng isang bansa.

Kung sariling wika ang ginagamit sa ating bansa, mawawala ang “ communication gap” sa pagitan ng masa ng mga nagsasalita ng sariling wika at mga pinuno na nagsasalita sa wikang Ingles. Sa ganito tayong mga Pilipino’y lagi nang kikilos at gagawa na parang iisang tao sa paghanap ng kaunlaran, kadakilaan at pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng ating wika, nagkakaintindihan tayo. Dito tayo nagkakaisa at nagtutulungan. Kapag ngakakaunawaan, magkakaroon ng kaunlaran itong ating bansa.

Aanhin natin ang wikang dayuhan kung iilan lamang sa atin ang nakaiintindi? Hindi ba’t ang pagiging makabuluhan ng isang wika ay yaong naiintindihan, nagagamit at napapakinabangan ng lahat? Oo nga’t Ingles ang wikang ginagamit sa pandaigdigang kalakaran at ito’y hindi natin maiwawalang- bahala lang. Hindi rin naman masama ang panghihiram dahil nakatutulong ito na mapanatiling buhay ang isang wika. Nagiging midyum ito sa pakikipagkomunikasyon sa ibang bansa.

Ngunit paano kaya kung ang wikang Filipino ang ginagamit natin sa mga panayam, pakikipag- ugnayan at pakikihalubilo sa kapwa Pilipino? Hindi ba’t mas mainam dahil naiintindihan ito ng lahat ng tao sa Pilipinas? At kung gamitin kaya ito sa mga inilalathala sa pahayagan, hindi ba’t mas madali nating maaabot ang mga hinanaing, mga naisin o kaya’y mga pangyayari sa ating bansa?

Wikang Filipino ang sentro ng Pilipinas na pinanggagalingan ng lakas para mapatatag ang ating bansa. Ito ang bumibigkis sa mga Pilipino upang magkaisa para sa ikauunlad nitong bansa.

Wika; sagisag ng kabansaan, sagisag ng kalayaan, sagisag ng karangalan, susi sa pagkakaunawaan, tungo sa kaunlaran, nitong ating Lupang Tinubuan.



Mga Sanggunian:

Farah Grace Jimena. February 1, 2011. Wika. Retrieved from
http://farahgracejimena.blogspot.com/2011/02/wika-talumpati.html

4 (na) komento: