Ang Dasalan ni Belen
ni Lamberto "Bert" Cabual
I. Tungkol sa Manunulat
Si Lamberto “Bert” B. Cabual ay pumunta sa London at umalis ng Pilipinas kung saan siya nagtrabaho bilang isang guro at radio announcer – napilitang umalis dahil sa kalagayan ng ekonomiya. Ngunit lagi niyang dala ang malalim na pagmamahal sa kanyang katutubong lupain at matinding simpatya sa paghihirap na dinaranas nito. Ginamit niya ang emosyong ito upang sabihin ang kwento ng mga maggagawang Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng kanyang mga tula . Sa kanyang libro, “Pangingibang-lupa,” isinabuhay niya, gamit ang kanyang katutubong wika, ang kalungkutan at pangungulila, ang hirap at sakit, ang takot at pag-aalala ng mga manggagawang Pilipino layo sa kanilang mga pamilya. Ito ang unang aklat ng mga tula na gawa ng isang Pilipino sa Britanya. Habang si Bert ay nagtatrabaho sa isa sa mga malalaking ospital sa London at hindi nagtagal ay sa Royal Mail naman, nalaman niya ang lahat ng paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na trabaho, dahil na rin sa kakaibang kapaligiran, habang patuloy nilang sinasanay ang sarili sa bagong kultura at paraan ng pag-isip.
II. Buod
Tinulungan ng tagapagsalaysay ang babaeng nalaglagan ng wallet, si Belen. Bilang pasasalamat ay bibigyan dapat ng pera ni Belen ang tagapagsalaysay ngunit agad naman itong tumanggi kung kaya't pinaanyayahan na lamang na kumain kasabay niya upang makilala na rin niya ito ng lubusan. Bago maghiwalay ay binigyan ni Belen ng isang dasalan ang tagapagsalaysay at pinapangako ito na laging gagamitin. Pagdating sa bahay ay agad na binuklat at binasa ng tagapagsalaysay ang dasalan at ito ay umantig sa kanya ngunit may mga tanong na nabuo sa kanya tungkol sa pangungumpisal na hindi maipaliwanag ng dasalan kung kaya't sumangguni siya sa ama na isang napakarelihiyosong tao at napaliwanag naman ng ama ngunit iniwan sa kanya ang mga salitang "Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon." Araw ng Sabado, may kung anumang elemento ang nagtulak sa kanya upang magsimba at doon ay nakita niya rin si Belen na nagsisimba. Kinagabihan ay dinalaw niya si Belen sa kanilang bahay at doon nagtapat ng kanyang nararamdaman para sa dalaga ngunit agad naman itong tinanggihan ng dalaga sa pagtatapat na siya ay magmamadre. Kapwa malungkot ang dalawa dahil mahal nila ang isa't isa ngunit hindi ito angkop at doon naisip ng tagapagsalaysay ang mga salitang iniwan sa kanya ng ama.
III. Mga Tauhan
Tagapagsalaysay - hindi nabanggit sa kwento ang kanyang pangalan. Ang tumulong at kinalaunan ay nagkagusto kay Belen.
Belen Ledesma - isang magandang babae na nagustuhan ng tagapagsalaysay at gayun din siya dito ngunit may nais na magmadre.
Daddy - ang ama ng tagapagsalaysay na nagsisilbi bilang lay minister sa Parokya ng Santisima Trinidad, isang simbahan na hindi kalayuan sa kanilang bahay. Relihiyoso, nagba-Bible Study at sumasama sa mga Ispiritwal na mga pagpupulong ng simbahan.
IV. Mga Paksa at Tema
'Love at first sight' - mapapansin natin ito sa tagapagsalaysay nung naliwanagan na ang isip niya at nakita si Belen at tinamaan siya.
Ang pagiging madre o pari - alam naman natin na hindi dapat magkaroon ng asawa't anak ang mga madre at pari dahil iniaalay na nila ang kanilang serbisyo sa Diyos lamang. Makikita natin sa kwento na isinantabi ni Belen ang nararamdaman para sa tagapagsalaysay kahit mahirap dahil na rin sa kanyang kagustuhan na magmadre.
Ang relasyon ng ama sa anak - hindi masyado kapansin-pansin ngunit gusto kong bigyang pansin ito dahil sa aking palagay, hindi man tuwiran na inilahad ay parang makikita natin dito yung 'bonding' ng ama at ng anak na lalaki pati na rin yung mga bagay na hindi natin alam ay maaring maipalawanag ng ating mga magulang kung kaya't dapat tayo'y nagtatanong upang maliwanagan o mapangaralan tayo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento