Sabado, Pebrero 9, 2013

Impeng Negro

Impeng Negro
ni Rogelio R. Sikat

I. Tungkol sa May-Akda

Si Rogelio R. Sikat (kilala rin bilang Rogelio Sícat) (1940-1997) ay isang Pilipinong piksyonista, mandudula, tagasalinwika, at tagapagturo. Siya ay anak nina Estanislao Sikat at Crisanta Rodriguez. Ipinanganak siya noong Hunyo 26, 1940 sa Alua, San Isidro, Nueva Ecija, Pilipinas. Siya ang pang-anim sa walong magkakapatid. Si Rogelio Sikat ay nagtapos na may Batsilyer ng Panitikan sa Pamamahayag mula sa Pamantasan ng Santo Tomas at isang MA sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas.

Si Rogelio Sikat ay nakatanggap ng maraming pampanitikang premyo. Siya ay tanyag dahil sa "Impeng Negro", ang kanyang maikling kuwento na nagwagi ng gantimpalang Palanca noong 1962 sa Filipino (Tagalog). Marami sa kanyang mga istorya ang unang lumabas sa Liwayway, isang sikat na magasing pampanitikan na nasa wikang Tagalog. Ang nangyaring pagpapahalaga kay Sikat sa kanyang nagawa ay nakalahad sa "Living and Dying as a Writer" na isinulat ni Lilia Quindoza-Santiago. Lumitaw ang artikulo sa Pen & Ink III.

Si Rogelio Sikat ay propesor at dekano ng Kolehiyo ng mga Sining at mga Titik sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman mula 1991 hanggang 1994. Si Angelito Tiongson, na isang propesor sa Kolehiyon ng Komunikasyong Pangmasa sa U.P. ay gumawa ng isang tampok na pelikula pinamagatang "Munting Lupa" batay sa "Tata Selo" ni Sikat, na isa pang nagantimpalaang kuwento. Lumikha naman ang direktor ng pelikula at teatro na si Aureaus Solito ng isang maikling pelikula noong 1999 na batay sa "Impeng Negro" ni Sikat. Noong 1998, bagaman sumakabilang-buhay na si Sikat, pinarangalan siya ng Manila Critics Circle ng isang National Book Award para sa pagsasalinwika.

II. Buod

May isang binatang lalaki na nagtatrabaho para sa kanyang ina at mga kapatid, siya ay nagngangalang Impen. Siya ay kadalasang kinukutya ng mga tao sa kanilang lugar dahil sa kanyang kaitiman at kulot na buhok. Isang araw, siya ay pinaalalahanan ng kanyang ina na huwag na lang pansinin ang mga nang-aasar sa kanya para makaiwas sa gulo. Sinubukan nyang huwag lumaban, lalo na kay Ogor na nangunguna sa pang-aapi sa kanya. Ngunit nang siya ay patuloy na naasar at inunahan sa pagsalin ng tubig, hindi nya napigilan ni Impen ang kanyang sarili at dinagukan si Ogor kahit na ito ay matipuno habang siya ay payat na payat lamang. Nagpalitan sila ng dagok pero sa bandang huli, napasuko ni Impen si Ogor at walang nakakibo sa mga agwador. Kinagulat ng mga tao ang nangyari at pinangimian nila si Impen.

III. Mga Tauhan

Impen - isang lalaking labing-anim na taong gulang, laging kinukutya ng mga tao dahil sa kanyang kaitiman
Ogor - matipuno ang kanyang katawan, laging nangunguna sa pangungutya kay Impen
Inay - nangangaral at nagpapaalala kay Impen na huwag makipag-away
Kano - pitong taong kapatid ni Impen na maputi
Boyet at Diding - mga nakababatang kapatid ni Impen
mga agwador - kasamahan ni Impen sa pag-iigib ng tubig na palaging nangungutya sa
                         kanya
Taba - pagbibilhan ni Impen ng gatas para sa kanyang kapatid

IV. Mga Tema

Responsibilidad ng Lalaki

Sa maikling kwento na ito, makikita natin na ang lalaki ay inaasahan ng pamilya. Sila ang kadalasang nagtatrabaho para may makain at mabuhay ang pamilya.

Pagkakaiba ng mga Tao

Nasa kwento na ang pagkakaroon ni Impen ng ibang kulay o pagiging maitim ay naging dahilan ng pangungutya sa kanya ng mga tao dahil sya ay naiiba.

Pagkakaroon ng Lakas ng Loob na Ipagtanggol ang Sarili

Nagawa ni Impen na lumaban kay Ogor kahit na ito ay mas matipuno kaysa sa kanya dala ng matinding pagkaapi at pag-apak sa kanyang katauhan.

2 komento: