Tanging Pamana

Tanging Pamana Ni: Hilario Coronel


"Karunungan… tanging pamana ng magulang na sasandatahin ng anak sa pagtugpa sa dako pa roon ng buhay." 


Kung may mga amang matatala sa kasaysayan dahil sa kahigpitan sa anak, si Tatang ay makakabilang marahil. Hindi naman malupit si Tatang. Sa kanya, basta tama ka’y tama ka, bagamat hindi ka niya pupurihin nang harapan. Ngunit kapag gumawa ka ng kaaliwaswasan ay humanda ka’t madudurog sa iyo ang lanubo ng bayabas.

Hindi nawawalan si tatang ng lanubo ng bayabas na nakasuksok sa dinding. Lagi ring nakasabit sa isang pako sa dinding ang kanyang lumang sinturon. Bihirang mamalo si Tatang, ngunit pangilagan mo naman ang kabihirang iyon.

Kaipala’y dahil sa ako ang bunsong anak na lalaki kung kaya malimit na ako ang kasama ni Tatang kung umaahon siya sa bayan. Madalas ituro sa akin ni Tatang ang paaralang elementarya sa kabayanan.

-Diyan ka mag-aaral anak, pagkatapos mo ng apat na grado sa’tin, - laging sinasabi ni Tatang.

Ngunit hindi ang sinasabi noon ni Tatang ang laman ng aking isipan. Ang ibig ko’y makahiwalay sa kanya at makasama ang maraming batang nagtakbu-takbo sa daan. Ang nasa gunita ko’y ang holen at buwal-preso na iniwan ko sa amin.

Wala akong hilig sa pag-aaral noon. Nakaiinip sa akin ang pag-upo sa desk sa loob ng iskwelahan. Inaantok akong lagi sa pakikinig sa pagkukuwento ng aming maestra. Subalit hindi ko masabi iyon kay Tatang. Tiyak na makakagalitan lamang niya ako.

Minsan ay palaban ako ng babag sa iskuwelahan. Nang umuwi ako’y punit-punit ang aking damit. Nalaman pala agad iyon ni Tatang. Hindi pa ako nakapapanhik ay nakita ko na sa pinto si tatang - naghihintay sa akin. Halos mangatog ako sa takot.

Nang mailapag ko ang aking mga libro sa papag ay narinig kong nagsalita si Tatang. Hindi natuloy ang tangka kong pagpanaog. Patag na patag ang boses ni Tatang.

- Dumapa ka!

Wala akong nagawa kundi umunat sa sahig. Ngunit nakataas ang aking ulo.
- T-tatang...- parang pagtutol ko.
- Baba’ng ulo

Pumikit na lamang ako matapos kong idikit ang aking mukha sa sahig.

- Di ba kabilin-bilinan ko’y huwag kang makikipagbagbagan?

- Opo! - Wala akong ibang maisasagot.

- Di ba kabilin-bilinan ko’y ang pag-aaral ang asikasuhin mo?

- Opo!

- Uli-uli’y magtatanda ka!

Hindi na ako nakasagot sapagkat lumagapak na sa aking pigi ang sinturon ni Tatang. Kung mamalo si tatang ay minsan lamang, hindi na inuulit, sapagkat talagang hindi na kailangang ulitin. Halos mamilipit ako sa sakit. Subalit hindi man lamang ako nakaingit.

Ayaw na ayaw ni Tatang na kami’y iiyak dahil lamang sa pagkakapalo. Ang pag - iyak daw ay tanda ng kahinaan ng pusong - babae.

Ang ano mang pagkagalit ni Tatang ay madali niyang nalilimot. Nang hapong iyong napalo ako ay sa tabi ko siyang nahiga sa pagtulog.

- Mag-aral kang mabuti, Anak, Ayokong ang pinagdaanan ko’y manahin mo pa. Ikaw man lang e maiba sa mga kapatid mo. Ikaw man lang e may marating...


Ngunit hindi ko kayang unawaa\in noon ang sinasabi ni Tatang. Ang nararamdaman ko’y hapdi ng aking pigi. Ang nasa dibdib ko’y pagtatampo o marahil ay sama ng loob kay Tatang dahil sa pagkakapalo sa akin.

- ‘Yan lang ang tanging pamanang maiiwan ko sa’yo.

Lalong hindi ko maunawaan ang pangungusap na iyon ni Tatang. Pumikit ako nang mariin, ngunit nanatili akong gising. Nagtulug-tulugan ako, at makaraan ang ilang sandali’y bumangon si tatang at umalis sa aking tabi.

Kung anong higpit ni tatang ay siya namang luwag ni Inang, bagamat kapag sinabi ni tatang na ayaw niya ay walang masabi ang aking ina. Lahat kaming magkakapatid ay di makasuway kay tatang. At kapag nagsasalita siya’y tahimik kaming lahat. Sa munting pagkakamali nami’y “sinasabon” kami, at kapag kaaliwaswasan na nga ay lanubo ng bayabas o lumang sinturon ang sasayad sa aminng pigi.

Subalit nagagawa rin ni tatang na maging masaya kami. At matapos siyang “magsermon” ang pangaral niya’y nauuwi sa pagpapatawa. Ako ang laging nakikita ni tatang sa gayong pagkakataon.

- Suminga ka muna, - sasabihin ni tatang sa akin. - tila me bara’ng ilong mo.

Hindi ako sasagot; ni hindi ako matatawa. Kung mangiti man ako’y pilit na pilit lamang. Sa loob - loob ko, lagi na lamang ako ang nakagagalitan. Sapagkat sa aming magkakapatid ay madalas na ako ang makatikim ng sinturon ni tatang. At kahit nagpapatawa si Tatang, ang nagugunita ko’y ang matitinding palong tinanggap ko, at kaypala’y tatanggapin pa.

Nang nasa hayskul na ako’y hindi nagagamit sa akin ni tatang ang lanubo ng bayabas at ang lumang sinturon. Subalit mahigpit parin siya, nakikita parin niyang lagi ang munting pagkakamali at pagkukulang ko, hindi ko parin masusunod ang balang maibigan ko.

Isang kamag-aral na tagabayan ang madalas kong ihatid sa pag-uwi. Yaon ang aking unang pag-ibig. Ngunit sa di ko malamang pangyayari, nabalitaan iyon ni Tatang.

- huwag mo munang isipin ang pag-aasawa. Madaling humananp ng mapapangasawa... kapagtapos ka na’y babae na ang hahabol sa'yo...

- Ano’ng gagawin mo kung magkaasawa ka? Labing - walong taon ka lang. Gusto mo bang matulad sa ibang kapatid mong nagsipag-asawa agad... na nakatayo pa’ng tanim na palay e wala nang uhay?

Marami pang sinabi si Tatang, ngunit ang huling pangungusap niya’y parang idinuldol sa aking Mukha. - Batang - bata ka pa...

- Bata pa ba’ng palagay n’yo sa ‘kin? - Napalakas ang aking tinig.

Nabigla si tatang. Ako ma’y nabigla rin sa pagkakasagot ko sa kanya. Inaasahan kong hahagilapin ni tatang ang kanyang lumang sinturon o ang lanubo ng bayabas at ako’y bibirahan ng hagupit. Ngunit naglapat lamang ang mga labi ni Tatang. At pagkaraa’y nanaog siya.

Kinabukasan ay wala man lamang binaggit si tatang ukol sa akin nang nag-agahan na kami. Hindi ako makatingin kay tatang.

Tuwing hapon, bago kumagat ang dilim ay nasa amin na ako. Datapwat isang araw ay napasama ako sa ilang kaklase sa pag-aaral ng sayaw. Malapit nang magdaos ng sayawan sa aming klase at ibig kong makadalo. Nang umuwi ako’y maghahatinggabi na.

Dinatnan ko si tatang na lamang ang gising sa amin. Nagmano akong kinakabahan. Ngunit hindi niya itinanong kung bakit ako ginabi sa pag-uwi. Hindi ko nakita ang dating anyo niya kung ako’y nakagagawa ng isang bagay na hindi niya naibigan.

- Kumain ka na ba? - Iyon lamang ang itinanong ni tatang. Binantayan ako ni tatang habang kumakain. At nang patayin niya ang gasera at mahiga siya ay nakahiga na ako.

Hindi ko na kinaringgan ng pangaral si tatang buhat noon. Kung ginagabi ako sa pag-uwi’y wala siyang sinasabi. Kung nakagagawa ako ng munting pagkakamali na dating ikinagalit niya ay hindi siya nagsisiklab.

Nang muli kong marinig ang pangaral ni Tatang ay hindi ako nakagawa ng ano mang pagkukulang o pagkakamaling sukat niyang ikagalit. Noo’y ibang-iba ang pagsasalita ni Tatang.

Tapos ka na sa hayskul, anak. Palagay ko’y me sapat ka ng lakas at puhunan upang ikaw na’ng magpatuloy sa’ming nasimulan na. Sikapin mong makakita ng trabaho sa Maynila...

Tumango lamang ako. Nakatitig ako sa mukha ni tatang.

- Pero higit sa lahat, sikapin mong makapag-aral at makatapos. Wala kaming maipamamana sa’yo, - at nabasag ang dating patag at matigas na tinig ni tatang. -
Wala kaming maaangking sariling lupa kundi ang putik na dumikit sa suwelas ng aming sinelas
... Ikaw man lang e maiba sa’yong mga kapatid...

Sa pagkatitig ko noon kay Tatang, nakita ko ang maraming taong pinagdaanan ng aking ama: marami nang salit na puti ang kanyang buhok, malalalim ang gatla sa kanyang noo, at bahagya na siyang hukot.

Saka ko biglang nagunita ang maraming taong nakaraan - kung papaano kami napalaki ni tatang, sa tulong ni Inang. Isang magsasaka si tatang. Kung walang trabaho sa bukid ay lumuluwas siya sa Maynila at nakararating sa mga kanugnog-bayan sa pag-aanluwage. Nagtrabaho rin si tatang sa patubig na itinayo sa aming lalawigan. Si inang nama’y tumatanggap ng tahiin. Naging katulong siya ni tatang sa lahat ng hirap sa pagpapalaki sa amin.

Kinasihan naman ako ng kapalaran sa Maynila. Nakakita ako ng trabaho at nakapag-aral sa gabi. Isinulat ko agad iyon sa aking ama at ina. Alam kong labis nilang ikagagalak ang balitang iyon. Sa aming nayon ay ako ang kauna-unahang nakapag-aral sa tanyag na unibersidad sa maynila pagkaraan ng liberasyon.

Pagkaraan ng isang buwan ay umuwi ako sa amin. Tuwang-tuwa si Inang. Tatayo-uupo naman si Tatang at tingin nang tingin sa akin. Naroon ang aking ibang mga kapatid na pawang may asawa na.

Nang gabing iyon, bago matulog, ay kaharap ko si tatang at si Inang ang salita nang salita. Pasingit-singit lamang si Tatang.

- Tingnan mo anak, maraming nakapupuri sa tatang mo, - ani Inang - katulad din daw natin silang ‘sang kahig ‘sang tuka e nakapagpapaaral pa kami ng anak sa maynila...

- Hindi naman lahat, -lahok ni Tatang.

Napatingin ako kay Tatang at pagkaraa’y kay Inang.

- Oo nga nak, - amin ni Inang. - Kung me nakapupuri man sa’min ng ‘yong ama e meron din namang kumukutya.

- Ano hong kumukutya? - Napakunot-noo ako. Napakalakas daw ng loob namin. Kinaya raw namin ang hindi kaya.

Napakagat labi ako. Sa aming nayon ay talagang gayon - kung maynatutuwa man sa iyo’y hindi naman nawawalan ng nangimgimbulo o naiinggit.

Pero huwag mo silang intindihin Anak, - patuloy ni iang. - Alam mo naman dito sa’tin. Kung pinapag-aral man ang isang anak e para matutong bumasa at sumulat lamang. Pagkatapos e kinakatulong na sa bukid o sa pagtitinda at paglala ng sumbrero.

Nasaktan ang aking damdamin sa ipinagtapat na iyon ni inang. At sa isipan ko’y nagtumining ang pasiyang magsikap sa pag-aaral at ipakilalang mayroon akong mararating.

Dumalang ang pagkikita namin ni tatang at ni Inang. Nagsikap ako sa pag-aaral, ginawa kong araw ang gabi, hanggang makatapos ako ng karunungan sa pagpapahayag at mapaugnay sa isang malaganap na lingguhan.

Nasa pasulatan ako isang araw nang tumanggap ako ng balita mula sa amin: malubha raw si Tatang!

Nabigla ako sa balitang iyon. Nagpaalam ako sa aming patnungot at ako’y karakang umuwi sa amin.

Dinatnan kong nakaratang si Tatang, ngunit hindi pa ganap na magaling ay nanaog at nagbunot ng damo sa aming bakuran. Nabinat si Tatang. Ayon sa manggagamot na tumitingin ay ibigay na raw kay Tatang ang anumang maibigan niya.

Nakapagsasalita pa nang malinaw si Tatang. At malinaw pa rin ang kanyang paningin. Nakilala niya agad ako nang lumapit.

- Anuman ang ipagkaloob ng Diyos Anak, - simula ni Tatang, - e hindi na’ko nag-aalala... Me maiiwan na ‘kong pamana sa’yo. Wala akong tanging maipagbilin sa’yo kundi...papag-aralin mo ang ‘yong kapatid na bunso...at...at pumili ka ng mapapangasawang... kung buhay man ako’y maipagmamalaki ko...

Ibig kong magsalita, ngunit tuyung-tuyo ang aking lalamunan. Yaon ang kahuli-hulihang pangaral sa akin ni Tatang. Ibig kong maiyak. Subalit nagunita kong ayaw ni Tatang ng umiiyak. Tumalikod na lamang ako upang ikubli ko sa kanya ang luhang nangilid sa aking mga mata.

Nang ganap kong maunawaan ang kahulugan ng lahat ng paghihigpit ni Tatang, ng kanyang mga pangaral, ng kanyang pagsisikap na mapag-aral ako ay noong umaga ng ikalawa ng Mayo, apat na taon na ngayon ang nakaraan.

Noong yumao si Tatang.

Napaiyak ako at nalaglag ang aking Luha. Ngunit ang pag-iyak ko’y isang pagkaunawa sa tanging pamanang sinasabi ni Tatang. Ang Tahimik kong luha, habang ipinapasok sa nitso ang bangkay ni Tatang, ay isang pagkaunawa sa lahat ng paghihigpit ni Tatang na natutuhan kong paghimagsikan. Sa paghihigpit na yao’y naihanda ako ni Tatang sa pagharap sa buhay.

Yaon ang tanging pamanang naiwan ni Tatang sa akin.


0 comments:

Post a Comment