Miyerkules, Enero 9, 2013

Suyuan sa Tubigan


Suyuan sa Tubigan
ni Macario Pineda


Sumisilip pa lamang ang araw ng kami'y lumusong sa landas na patungo sa tubigan ni Ka Teryo. kasabay namin si Ka Albina na kasama niyang si Nati at ang kanyang pamangking si Pilang. Ang tatlo'y may sunong na mga matong ng kasangkapan at pagkain.

"Ang Ka Teryo mo'y hindi makakalusong. Masidhi na naman ang rayuma," wika ni Ka Albina  sa akin. "Kung di nga lang lubugin ang tubigan naming yaon ay naurong sana ang pasuyo namin ngayon. Mahirap ang wala ang Ka Teryo mo."

"Maano naman ho iyon," tugon ko. "Nariyan naman si Ka Ipyong at si fermin."

"Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?" tanong ni Ore." Aanim pa kaming nagkakasabay-sabay ngayon."

"Wika ni Ipyong ay baka raw umabot sa dalawampu kayong lahat."

Nilingon ni Pakito ang dalawangdalaga. "Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. kay raming pagkain marahil," wika niya.

Nagtawa si Nati. Tila nga naman nagpapahiwatig ng malaking gutom ang panannalita ni Pakito. Si Pilang ay walang imik at tila matamang pinagmamasdan ang landas na tinalunton. Magaganda ang mga paa ni Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang kanyang banayad na paghakbang.

Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang kalakina hanggang maagapay siya kay Nati, "Aling Nati," wika niyang nakatawa, "ako na ho sana ang pasunungin ninyo ng matong na iyan."

nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si Pastor. "Salamat ho," tugon niya. "Diyan ho lamang sa araro at kalabaw ninyo ay napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng matong. Nais ba ninyong matambak?"

"Bakit hindi mo aluking sunugin ang matong ni Pilang?" wika ni Pakito. "Si Nati ba lamang ang pinahahalagahan n'yo?"

Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor ay halos pagulantang na tumawa kay Pakito. At lumingon si Ka Albina sa amin alangang matawa, alangang magalit ang anyo ng kanyang mukha.

Pinamulahan ng mukha si Pilang ngunit kahit isang ngiti ay wala siyang isinalo sa aming katuwaan. Patuloy ang banayad niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi ang kanyang binti sa ibabaw ng putikang landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang nagpatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin kong tila may malalim na iniisip ang binata ni Ka Inso.

Nang Kami'y dumating sa tubigang aararuhin ay malapit nang makatapos ng pagtitilad si Ka Ipyong at si Fermin. Sa hindi kalayuan ay natanaw naming dumating sina Ka Punso, Ka Imong, Toning , Ilo, at Asyong. Sa malayo ay may ilan nang dumarating na hindi namin mapagpasiya.

Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni Fermin. "Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin," wika niya sa amin.

"Mangyari'y nagpapagawa naman ng bahay si Fermin," pagtatangol sni Pakito. "Hayan nga naman, mayroon na silang bahay."

"Parang bakal naman ang kalabaw na iyan," wikani Ore, "At saka matakaw pa. Kupi kasi ang sungay kaya matigas."

"Siyanga," ayon ni Yoyong. "Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan."

Pinagmasdan ko si Bonita ko. "Paano kaya ang matsora ko? Huwag di mahirapan ay ayaw nang kumain. Ayaw magtakaw.'

Nalingunan ko si Pastor na nakaupo sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa pag-ayos ng mga kasangkapang gagamitin. "Huwag na, Pastor," wika ng dalaga. "Piniritong kamote at kape lamang ang ihahain. Kaya na namin ni Nati iyan."

"Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?" tanong ni Pastor. Nang yumuko si Pilang upang hanguin ang iba pang mga kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang binata sa dalaga.

Nilingon ko si Ore. Ang binata ay nakaupo at tila ang kanyang guyurang pinagdurugtong lamang ang kanyang nakikita. Mapulang-mapula ang mukha ni Ore.

Nang dumating sina Ka Punso ay ang kalabaw ni Asyong na bagong bii ang aming pinagkulumutan.

Walang malamang tugunin si Asyong sa aming mga pagtatanong, "Dalawa't kalahati ng aba iyan, Asyong?" "mabuti ba sa tubigan?" "Tila maliksi! Mainam ang mga braso." "Tuyong-tuyo ang mukha." "May ilalabas ang kalabaw na iyan." "Hindi naman lubhang malaki ano?" "Ano kaya? maiharap kaya natin iyan sa kalakian niKa Pedro?" "Saan mo nabili, Asyong?" "Sino ang kasama mong pumili?"

"Si Punso yata ang kasama niya,' wika ni Ka Imong. Nilingon namin si Ka Punso na hindi nakikisalamuha sa aming pagkakagulo sa kalabaw ni Asyong. "Hoy tsip," wika namin, "kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw ang may tuklas nito, a."

Nagtawa si Ka Punso. "Paano pa. Sa lagay ba'y asin ko na'y lako ko pa?" At nagtawanan
kaming lahat.

"Halina kayo." tawag ni Ka Albina sa amin. 'Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan."

Gumawi ako sa dalawang dalagang nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga pinggan ng piniritong kamote. 'Maaari na ba akong maging serbidor diyan?" wika ko kay Nati.

Bigla akong inabutan ni Nati ng isang tasa ng kape. "Kumain ka na lang, lalaki ka. Tinawag ka rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor."

Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape ay kusa niyang sinapupo ang mapuputing daliri ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng mainit. "Salamat," wika pa ng saragateng si Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang ngunit hindi siya nagsalita gaputok man

Lumapit si Ore sa aking kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang kape na tinimplahan ni Pilang ng asukal: akal ko'y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore kay Nati Lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at kamote kay Ore.

Habang nagkakainan kami ay pasulyap-sulyap akokina Nati, Pilang, Ore, at Pastor. Makailang nagpalitan ng makakahulugang titig sina Nati at ore. Si Pastor at laging kay Pilang nakasulyap. Ang dalaga naman ni Ato ay laging nakatungo sa kanyang ginagawa. Ngunit ngminsang mahuli niyang sa kanya nakatitig si Pastor ay pinamulahan siyang gayon na lamang ng mga pisngi. At dagli niyang inayos ang kanyang saya upang matakpang mabuti ang kanyang binti.

Pagkatapos ng kainan ay nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating ni Pekto. Nagpapatakbo ng kalabaw na nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka Gabino. At Humihiyaw, 'Kaunti na akong mahuli sa pista... kaunti na akong mahuli..." Kay saya ni Pekto at kay liksi niya sa pag-aangat ng kanyang araro kung nilalampasan niya ang mga pilapil. Si Pekto ang may sabi sa akin na kung mayroon daw suyuan sa tubigan ay tila,ay pista ang mga magsasaka. Makisig dangan kasi ang kalakina ni Pekto.

Naunang napalakad si Ka Punso. At kami'y nagsunod-sunod. Ikalabin-lima ako sa hanay. Ang sinusundan ko'y si Ka Imong. 'Huwag muna kayong bubugaw. bayaan muna nating mag-init-init ang ating mga kalabaw," wika ni Ka Imong.

Nilingon ko sina Ore at pastor. Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin. Ang dalawa'y tila nagkakahiyaang hindi ko mawari.

Nang tanawin ko ang dalawang dalaga ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang ayos ng aming mga kalabaw.

Nakalimang likaw muna kami bago bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng putik si FIlo ay bumugaw na rin ito. At ng maramdamam ni Asyong at ni Ka Punso ang kilusan sa kanilang likuran ay lumingon ang dalawa. Nakatawa si ka Punso. Ang kanyang kalabaw ay tila nakikimatyag. Sanay na sanay sa mga katuwaan ng suyuan ang kalabaw na iyon.

Si Uwing, na pagdating nagtilad na sa ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. "Arya na kayo... arya na..." hiyaw niya. Tila ko nakita kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping usos ni Uwing. Para kong nakikitang ang dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa kanyang pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang mga ngiping pantay-pantay ni Pilang, mapuputi at nagkikislapang anaki'y nakar. Nilingon ko si Ore at Pastor. Tila nagkakahiyaan pa rin ang dalawa.

Binanat ni Ka Punso ang kanyang pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian. Sinutsutan si Asyong ang kanyang bagong bili. Nagkapitikan kami ng aming mga kalabaw. Nagbugawan kami. Nag-umalon ang mga kalamnan ng mga hita ng aming mga katulong. Sumagitsit ang subsob kung bungkalin ang malagkit na putik. halos kumalabog ang lupa kung ibaliktad ng lipya. At nagtayo ang mga ulo ng aming mga kalabaw. tila nahahalata ng aming mga katulong na hindi nila dapat isubo sa kahihiyan ang kanilang mga panginoon.

At sa gayon ay madaling natapos ang malaking pitak na nilusungan namin. gayunman mataas-taas na rin ang araw ng kami'y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

"Halina muna kayo." hiyaw ni Ka Albina. 'Magminindal muna kayo bago simulan iyan."

"Nariyan na kami," hiyaw ni Ka Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian. Sunod-sunod kaming pumitik, nagbugawan kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang mga kalabaw. Sumagitsit ang tubig, tumilapon ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya sa liwanag ng araw. Kay saya ng aming hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang tinig ni Pekto. "Pista... pista ng magsasaka."

Kaning mainit, bukayong niyog, at adobong manok ang aming minindal. Nagmamadali tuloy ako sa pag kakalag kay Bonita. ngunit nang makakain na kami ay saka lamang namin napansin sina Pastor, Ore at Tinong pala ay kasalukuyang nasusubukan sa tarakan sa ikatlong pitak. Nauuna si Pastor, sumusunod si Ore, nasa hulihan si Tinong.

"Salbahe talaga yang si Tinong," wika ni Ka Punso. "Tiyak na siya ang nagbuyo sa dalawa. Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?"

Malimit ang hiyaw ni Tinong sa kanyang kalabaw ngunit sina Pastor at Ore ay walang imikan. Banat na banat ang kanilang mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng kanilang mga araro, nag-uumalon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanilang mga kalabaw.

At sumusubo lamang kami ng pagkain ay nasa malayo ang aming isip at mga mata. Sinulyapan ko ang dalawang dalaga. Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay nakatungong may kung anong inaayos. Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong nagtatarakan.

"Noong si Juana ay aking nililigawan ay nakatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao," wika ni Ka Punso. "Alam kong nais niyang gumiri kay Juana. Maganda ang kalabaw ng taga-Dalig na yaon. Ang gilas ng tindig - kung masisindakin ka'y sasabihin mong mahirap girian nang gayun-gayon lamang." Kumislap ang mga mata ni Ka Punso.

Mangyari pang di si Pekto ang hahabol sa pangyayari. "Ano ang nangyari Ka Punso?" tanong ng binata ni Ka Gabino, "Nagkahiritan ba kayong mabuti?"

"Nahuhuli ako. At sampung likaw na yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko naman ay napapansin kong ibig nang tumigil. Bumubula ang ang bunganga. Palagay ko'y abot na ang hingal."

Tinanaw ko ang tatlong nagsusubukan. Naiiwan na si Toning. Nagkakabuntutan pa rin ang mga kalabaw nina Ore at Pastor.

"Noong nakadadalawangpung likaw na kami marahil ay pinilantik ng taga_Dalig ang kanyang kalabaw. Akala niya marahil ay maiiwan na ako. Sa pilantik niyang iyon ay akalain ninyong biglang mahiga ang kanyang kalabaw. Kay lalim ng lubak na ginawa." kay lakay ng halakhak ni Pekto.

"At ang kalabaw mo Ka Punso?" tanong ko, "hindi ba nahirapan?"

Nagtawa nang malakas si Ka Punso. "Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo'y ayaw man lamang tumayo kinabukasang ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama." Lalong napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa ilong ng isang butil ng kaning nanggaling sa bibig ni Ka Punso.

Patuluyan ng tumigil si Toning. Pinanonood na lamang niya ang nag tatarakan. May labinlimang likaw na ang kanilang nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang dalawa. Napabuntong-hininga ako nang pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula sa kinauupuan namin ay tila ko nakita ang mukha ni Ore - kunot ang noo, tiim ang mga ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil ang ugit ng araro, at halos magsugat ang kaliwang palad sa pagbanat ng pamitik. Napapaangat ako sa bawat hakbang ng kalabaw ni Ore. Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore ay nakatuon sa likuran ng kanyang kalabaw.

At wari'y malikmatang gumuhit sa balintataw ng aking mga mata ang mga liham ng dulang nangyari na sa paligid-ligid ng mga tubigang yaon: si Ka Punso't Ka Juana, si Ka Imong at si Ka Marta, si Fermin at si  Gundang, si Asyong at si Auring, si... mga pasalising tagpo sa malaki't lalong makabuluhang dula ng buhay.

Muling pumilantik si Ore. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si Pastor. Hindi pa siya pumipilantik ay nakakadalawa na si Ore.

Nilingon ko si Nati. Ang dalaga ni Ka Albina ay napapatunganga sa panonood ng pagsusubukan. Si Pilang ay nakatungong naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-mapula ang mga pisngi ng dalaga.

Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore. Ngunit ang kalabaw nito ay lalong nag-uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa pagsunod sa kalabaw ni Pastor. Isang pamitik na ang agwat ni Pastor kay Ore. At damak-damak na palayo si Pastor. Naghiyawan kami.

Pumilantik si Ore at sinabayan ng isang sutsot. Lalong nag-umahon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanyang kalabaw. Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si ore. Lalong bumilis ang hakbang ng kanyang kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga ay unti-unting umabot si Ore kay Pastor. Isa pang pilantik. Nag-umunat angkalabaw ni Ore. Bumubula ang bunganga ng kalakian. Yuko ang ulo at lahat ng lakas ay ibinigay na. Lalo kaming naghiyawan.

Lumingon si Pastor. Nakita niyang umabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor ang kanyang pamitik. Sinutsutan niya ang kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang makalatay na pilantik. Umigpaw ang kalabaw. Lalo naman nag-umunat ang kalakian ni Ore. Mayroon pa kayang ilalabas ang bumubuntot na kalabaw? At naghiyawan kami nang malakas nang aming makitang pagkatapos ng ilang makalagot-litid na pagpupumilit ay biglang tumigil ang kalabaw ni Ore. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.

"Magkalag muna kayo," hiyaw ni Ka Punso."Naghihintay ang pagkain... Pastor, magkalag muna kayo."

Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kanyang kalabaw. Pagkatapos masabuyan ng tubig ay nakatawang lumapit sa amin. Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang kalabaw na abot-abot ang paghingal.

Inabutan ni Pilang ng pinggan si Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga.

'Ore," hiyaw ko. "Halika na. Kumain ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa kalabaw mo."

Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore. Mapulang mapula ang kanyang mukha. At paulit-ulit niyang ikinukuskos ang kanyang mga palad sa kanyang pantalong maong. Malinis na malinis na ang palad ni Ore ay kuskos pa rin siya nang kuskos. Naiisip ko tuloy: mayroon kayang putik ang kanyang mga palad na siya lamang ang nakakakita?

"Talagang matikas ang kalakian ni Pastor," wika niya.

Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor - kumakain na siya sa tabi ng dalawang dalaga.

Nang ako'y tumayo upang tunguhin ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si Pilang sa binata. At doon sa kinauupuan ng binata - ilang hakbang ang layo sa karamihan - doon siya dinulutan ni Pilang. Ano kaya ang kanyang sinasabi kay Ore?

Nang ako'y muling tumanaw mula sa aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na kalabaw ay nakita kong tila naibsan na ng hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang mga binti ni Pilang ay tila lalong mapuputi.

  

Mga Talasalitaan
1. Suyuan - Ligawan / pakiusap
2. Tubigan - palayan
3. Sunong - nakapatong sa ulo
4. Matong - malaking lalagyan ng palay na yari sa sawali o balat ng kawayan
5. Kalakian - lalaking kalabaw na nasa kasibulan o kalakasan
6. Araro - kasangkapang ginagamit sa pagbubungkal ng bukid
7. Napuputot - hirap sa dami ng gawain
8. Matambak - mabunton sa isang lugar; magkapatong-patong
9. Pagtitilad - paghahati sa lupang aararuhin
10. Matsora - babaeng kalabaw
11. Guyuran - dalawang malalaking lubid na panuto ng kalabaw sa paghila ng araro
12. Sinapo - pagsalo upang hindi mahulog
13. Maligwak - matalo
14. Nagsipagsingkaw - Paggamit sa hayop sa pagpapahila ng araro ; gamit sa kasangkapang panunuot sa hayop sa paghilo ng araro
15. Likaw - paikut-ikot, pag-ikot
16. Usos - pagbaba o pagbulusok ng anumang bagay na nakabitin
17. Pamitik - pisi o lubid na nakakabit n parang singsing sa ilong ng kalabaw
18. Nagpitikan - lagyan ng pitik, pagpapiglas ng daliri
19. Sudsod - matulis na bahagi ng ararong bumabaon sa lupa kung ginagamit
20. Sagitsit - tunog o ingay na galing sa anumang tumatakbo o lumilipad
21. Pitak - ang bawat hating lupang naliligiran ng pilapil
22. Gumiri - lumandi, kumendeng
23. Umigpaw - paglulukso sa ibabaw
24. Pumilantik - hagupit

17 komento:

  1. Who is the narrator in this story? Pls answer it asap :D God Bless

    TumugonBurahin
  2. unnamed po ang narrator

    TumugonBurahin
  3. it's Macario Pineda

    TumugonBurahin
  4. Uhm, Can someone please tell me what theory is used. Is it Moralism/Moralostiko?

    TumugonBurahin
  5. anong lenggwahe ang ginamit sa kwento? salamat

    TumugonBurahin
  6. self taught subject, ano po ang ibig sabihin ng pinagkulumutan

    TumugonBurahin
  7. Ayus Ang kwentong it magalung tqj
    ina

    TumugonBurahin
  8. Mga Tugon
    1. HAHAHAHAH oo nga, pero need parin basahin para sa project. HAHAHAHA

      Burahin
  9. oh andito kayo para sa project no HAHAH

    TumugonBurahin
  10. Pano po siya naging pormalismo?

    TumugonBurahin