na balang araw, magsasama-sama ang mga Pilipino upang buuin ang bagong bayan kung saan wala nang bakas ang anumang pagdaralita.)
Litanya ng Protesta, Oda ng Pag-asa
ni David Michael M. San Juan
Ulap, hangin, dagat, araw, daluyong at palahaw!
Sumisigaw na alingawngaw ng naglahong balangaw,
puso ng bayan ko’y tinarakan ng balaraw!
Tuwa’t ngiti’y naglaho’t pumanaw!
Pitong libong munting perlas sa silanganan,
bughaw, malumbaying sangkalangitan,
paraisong disyerto, tigang sa progreso!
Abang sambayana’y kumaing-dili,
huwad at tiwali s’yang nagiging hari,
punebre’t himutok ang sa bata’y oyayi,
sa dilim at hinagpis, nabuo’t pinaglihi.
Sa kalunsura’y nagbakasakali si Juan,
nagtirik ng kartong bahay-bahayan,
hanggang tibagin din ng damuhong kaunlaran.
Natusta na sa araw ang tagabungkal,
tumanda’t nagkaapo silang nagpapagal,
lupang pangako’y lunod na sa lansihan
Telesforong inagawan, katarunga’y nasaan?
Paroo’t paritong nagsisitakbo.
Baka mahuli sa panginoong trabaho.
Ay naku, ay naku kaybaba ng sweldo!
Ayan na, ayan na kaytaas ng presyo!
Sa sagradong pintuan ng mararangyang simbahan
Isanlibo’t isang abang yagit ay nangaghambalang
Kupi-kuping lata’y bibihirang madampian
Awang sentimo’t mamera, kapurit na pag-asa
Kabundukang inalisan ng koronang marangal,
giniba’t winasak, sinaklot ang pilak.
Sinaklot ng pangamba at takot ang bayan,
kanyang yaman ay sinimot
ng dayuhang nasa tuktok, nasa tuktok ng tatsulok.
Isa-isang namaalam ang tuwa, ang ngiti at pag-asa,
sumuko sa pagdatal ng matagalang karimlan,
sa bitak-bitak na pitak sila’y pumanaw
at panangis ng iniwan ang naiwang alingawngaw.
Alingawngaw ng gutom at digma
sa mundong tigmak ng dugo’t pangakong napako.
Protesta! Protesta! Protesta!
Sa naglahong daigdig!
Protesta! Protesta! Protesta!
Sa panahong nagngangalit!
Protesta! Protesta! Protesta!
Sa paraisong inumit!
Protesta! Protesta! Protesta!
Sa sanlibo’t isang ganid
na kumikitil sa bayan ko’t daigdig!
Protesta! Protesta! Protesta!
Sa walang hanggang paghahari ng dilim!
Kami ang tinig ng protesta
Hatid ay litanya’t bagong pag-asa
Kami ang tinig ng pag-asa,
ang protesta ng pag-asa,
ang pag-asa ng protesta!
Pag-asa! Pag-asa! Pag-asa!
Sa mundong naghihingalo!
Pag-asa! Pag-asa! Pag-sa!
Sa bayang sakmal ng dilim at pangamba!
Pag-asa! Pag-asa! Pag-asa!
Sa ulap, hangin, dagat, araw
at mapasaanman!
Pag-asa! Pag-asa! Pag-asa!
Sa sinisintang bayang alipin ng dayuha’t
tiwaling hari-harian!
Pag-asa, pag-asa at sanlaksa pang pag-asa
sa pagsilang ng bukang-liwayway,
ang bandila ng pagkakaisa, laya’t hustisya’y
sama-sama nating iwawagayway!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento