(Ang tulang “Bayan ni Felipe: First and Last Episode of Freedom” ay nagsasalaysay sa kasaysayan ng Pilipinas mula noong panahon bago dumating ang mga Kastila, hanggang sa panahon ng pananakop ng mga dayuhan at sa panahon ng sinasabing huwad na kalayaan. Inihahayag sa bawat saknong ang aping kalagayan ng mga Pilipino mula noon hanggang ngayon sa kabila ng pagkakaroon ng sinasabing kalayaan. Sa bandang huli, nagbibigay-pag-asa ang tula na balang araw, mamumulat ang mga Pilipino at sama-sama nilang kakamtin ang tunay na kalayaan para sa Pilipinas.)
Bayan ni Felipe: Una at Huling Episodyo ng Kalayaan
ni Jonathan Vergara Geronimo
Sa bayan ni Felipe, ako’y lumaki.
May kapuluang magulo at tinagpi-tagpi,
sambayanang sira-sira at gumuho.
Sinumpang lipunan na watak-watak,
hinagupit ng delubyo…
Anila’y sa alikabok ni Bathala sumilang.
Sa banggaan ng mga teorya, malayang nagkamalay.
Sabi-sabi sa utak ng alamat, nabuhay.
Ngunit ako’y namulat sa kasaysayan...
Mga magnanakaw!
Minsan, may barkong dumaong, naligaw,
sa tahimik na tribo, katutubong pamumuhay.
Sibilisasyon na likas ay mayaman
at sa dahas na dumating, dumatal:
ninuno ko’y nabuwal.
Mga bayani’y sinilang, nagbuwis ng buhay
Nilagot ang tanikalang alipin at mapanghalay
Sandaling ang pakpak ko’y iwinagayway
Kaysarap damhin ng tagumpay
Subalit, maikli at pansamantala lamang.
Mailap ang ngiti sa labi ng inang bayan,
sa kamay ng traydor muling ninakawan.
Binaluktot ang dila ng wika’t kalakaran.
Muling ibinilanggo sa sistemang kolonyal.
Kinano ang diwa, kinanong kamalayan!
At nagbuno ang mestiso’t sakang.
Madugong giyera ang muling nasaksihan!
Punit-punit na kasarinlan ang namahay.
Sining ng pagtuligsa’y nakilala’t tinanghal.
Sumiklab ang ningas, bagong tunggalian!
Ngayo’y narito, muling hinagkan,
mapait na bisig ng nagbalat-kayong kaaway.
Edukasyon, mga base at kulturang liberal daw,
limos na sandata at gobyernong utusan!
Dayuha’y panginoon, ang diyos ng utang!
Ilang henerasyon pa ang gugugulin
sa salat na kahulugan ng kalayaan natin!
Ilang panahon pa ang iinog sa tulin
sa kapos na kasaysayang bulag at sinungaling!
Bilanggo ang lahat, ang lahat ay alipin!
Huwag kaming patuloy na lupigin!
Huwag kaming patuloy na alipinin!
Huwag kaming tuluyang biguin
sa pangarap ng kinabukasan:
sariling bayan ay mapasaamin!
Sayang! Kasarinlang ipinaglaban,
ngayo’y nagluluksa’t nagdaramdam,
bigo sa katwira’t paninindigan ng iilan,
ginapos ng limot ang tapang at dunong,
paglayang sa halagang dolyar isinuko.
Pagkakagulo, pagguho, pagguho, pagkakagulo
Bayang apoy, kidlat, bagyo’t delubyo!
Hindi marinig ang tinig ng saklolo,
saanmang dako’y gugulong ang mga bato!
Nasusunog, nagliliyab, nalulunod ang bayan ko!
Ay, mahabang alpombra’t mesa,
sa serbesa ng dugo, nagdiriwang sila!
Ay, magarbo’t dumaragsang handa,
bundat na dayuha’t pulitiko, nagsasayaw pa!
CHA-CHA? Aha, CHA-CHA pala!
Bayan ni Felipe, ika’y nasaan?
Bayang inalipin, ginahasa’t nilustay!
Bayang pinilipit ang tatak at kulay!
Likumin, likumin ang alabok ng nakaraan,
sa guho’y itindig ang minimithing kalayaan.
Bayang Pilipinas itanghal nang ganap,
magkaisa, magkaisa’t sariling diwa’y ipalaganap.
‘pagkat bayang Pilipinas…alipin ka, hanggang kailan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento