Tanaga
Ang tanaga ay isang maikling katutubong Pilipinong tula na naglalaman ng pang-aral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan. Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig. May tugmang isahan (aaaa) ang sinaunang anyo nito, ngunit pinasukan ng eksperimentasyon ng mga makata sa paglipas ng panahon. Kabilang sa mga pagbabago ang pagpapasok ng tugmaang inipitan (abba), salitan (abab), at sunuran (aabb).
Ilan sa mga katangian ng tanaga ang masining na pagkasangkapan sa talinghaga (metaphor), ang pagtitimpla ng mga imahen, ang pagpapaindayog ng tunog ng mga salita, at ang banayad na pagpapahiwatig mula sa inilalarawan, inihahambing, o inilalahad na bagay, pangyayari, o tagpo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento