Huwebes, Setyembre 2, 2010

Talambuhay

Ang talambuhay ay isang anyo ng panitikan na nagsasaad ng kasaysayan ng buhay ng isang tao. Bagaman maaring iugnay ang nilalaman nito sa mga pangyayaring humubog sa kasaysayan ng mga lahi o lipunan, nahahangganan ang sakop nito ng kapanganakan at kamatayan ng paksa nito. Ito ay dahil ang pangunahing tuon ng talambuhay ay ang paksa nitong tao, na siyang higit na binibigyang-pansin kaysa iba pang mga bagay.

Isinulat ang mga unang talambuhay upang magsilbing gabay ng mga mambabasa sa kanilang pamumuhay. Binigyang-pansin ng mga ito ang magagandang katangiang dapat tularan at di-magagandang katangiang dapat iwasan. Paglaon ay ginamit ang mga talambuhay hindi lamang upang dakilain ang magagandang katangian at batikusin ang di-magagandang katangian, kundi upang magbigay-impormasyon tungkol sa buhay ng paksa nitong tao.

Mga Uri

Maaring uriin ang talambuhay batay sa may-akda o nilalaman nito.

Uri ng talambuhay ayon sa may-akda

1. Talambuhay na Pansarili - paglalahad tungkol sa buhay ng isang tao na siya mismo ang sumulat.
2. Talambuhay na Pang-iba - paglalahad tungkol sa buhay ng isang tao na isinulat ng ibang tao.

May dalawang uri ng talambuhay na pang-iba.

1. awtorisado - may pahintulot ng taong paksa ng talambuhay ang pagsusulat ng nasabing paglalahad.
2. di-awtorisado - walang ganoong pahintulot. Maaaring maharap sa suliraning legal ang sumulat ng isang di-awtorisadiong talambuhay kung ito ay naglalaman ng maseselang impormasyon na itinuturing ng paksa na nakasisira sa kanyang pangalan o pagkatao.

Uri ng talambuhay ayon sa nilalaman

1. Talambuhay na Karaniwan - paglalahad tungkol sa buhay ng isang tao mula pagsilang hanggang sa kanyang pagkamatay. Kasama rito ang mga detalye tulad ng kanyang mga magulang, mga kapatid, kapanganakan, edukasyon, mga karangalang natamo, mga naging tungkulin, mga nagawa, at iba pang mahahalagang bagay tungkol sa kanya.

2. Talambuhay na Di-karaniwan - hindi gaanong binibigyan-diin dito ang mahahalagang detalye tungkol sa buhay ng tao maliban kung ito’y may kaugnayan sa simulain ng paksa. Sa halip ay pinatutuunang-pansin dito ang kanyang mga layunin, adhikain, simulain, at paninindigan, at ang kaugnayan ng mga ito sa kanyang tagumpay o kabiguan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento