Si Amado V. Hernandez ay makata, nobelista, mandudula, peryodista, at itinanghal na Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng panitikan. Nagsulat din siya sa ilalim ng mga pangalang Herminia dela Riva, Amante Hernani at Julio Abril.
Isinilang siya noong 13 Setyembre 1903 sa Tundo, Maynila, at supling nina Juan Hernandez at Clara Vera. Napangasawa niya si Honorata "Atang" de la Rama na tinaguriang "Reyna ng Kundiman" na napabilang din sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Nag-aral si Hernandez sa Manila High School sa Gagalangin, Tundo, Maynila; at sa American Correspondence School at doon niya nakamit ang titulong batsilyer sa sining.
Nagsimula bilang peryodista, at pagkaraan ay naging editor, si Hernandez sa mga pahayagang gaya ng Watawat, Pagkakaisa, Makabayan, Sampaguita, at Mabuhay Extra. Sumapi siya sa Akademya ng Wikang Tagalog at Manila Press Club noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; at naging tiktik para isulong ang paghihimagsik. Nahirang siyang konsehal noong 1945, at nahalal noong 1947. Nakilahok siya sa kilusang manggagawa noong dekada 1940–1950, at kinatawan ang mga mamamahayag sa Congress of Labor Relations (CLO). Noong 1947, nahalal siyang pangulo ng CLO ngunit nabilanggo naman siya noong 1951 dahil sa paratang na pagiging subersibo. Pinalaya siya noong 1956, at napawalang sala nang ganap noong 1964. Muling pumalaot sa peryodismo si Hernandez, at naging kolumnista sa Taliba noong 1962–1967, at editor ng Ang Masa. Nahalal si Hernandez na ikalawang pangulo ng Aklatang Bayan, ang pinakamalaking samahan ng mga manunulat na itinatag noong bago magkadigma; at pagkaraan ay sumapi sa Ilaw at Panitik na samahan ng mga kabataang makata at mangangatha. Nakipagbalagtasan siya sa pahayagan at kinalaban ang tarikang si Jose Corazon de Jesus.
Tumanggap ng tinatayang 20 gawad at parangal si Hernandez noong bago sumiklab ang digmaan, at kabilang dito ang "Ang Makata ng Ilaw at Panitik" (1925) na sumungkit ng dalawang medalyang ginto para sa maikling kuwento. Nagwagi rin siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa "'Isang Daang Langit" (1962); Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (1958, 1961); Hagdan sa Bahaghari (1959); National Press Club Journalism Award (1963–1965); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa pamahalaang lokal ng Maynila (1964); Balagtas Memorial Award mula sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (1969); Gawad Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University (1970). Iginawad nang postumo sa kaniya ang pagkilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1970.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento