Ang mga kasabihan at salawikain ay naglalayong magbigay payo at patnubay sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Ang mga kasabihang Pilipino at salawikaing Tagalog ay isinasaad sa mga maiiksing pangungusap lamang subalit ang mga eto ay makahulugan at makabuluhan. Eto ay kadalasang tumatalakay din sa mga karanasan ng ating mga ninuno at nakatatanda at naglalayong ituwid ang ating pamumuhay ng naaayon sa kanilang mga naging karanasan.
Salawikain, na tinatawag kung minsang kawikaan, ang isa sa mga katutubong tula na lumaganap sa Pilipinas bago pa dumating ang mga mananakop na banyagang Europeo. Taglay ng salawikain ang malalim na pagpapahiwatig, o ang maligoy na paraan ng pagsasabi, upang ikubli ang ibig sabihin ng nagsasalita. Kung ang bugtong ay may iisang sagot, pansin ng mga kritikong sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario, ang salawikain ay makapagtataglay ng maraming sagot o pakahulugan.
Pamantayan sa pamimili
Libo-libo man ang salawikain sa Pilipinas, maaari pa ring mahugot sa hanay nito ang mga hiyas na hindi maluluma mag pahanggan ngayon.
1. Ang paggamit ng talinghaga.
2. Ang paggamit ng imahen o hulagway.
3. Ang masining na paggamit ng sukat at tugma sa ilang pagkakataon.
4. Ang paggamit ng katutubong dalumat o konseptong mula sa isang bayan o lipi.
5. Ang himig at tinig ng tula. Ang kombinasyon ng katutubong kasiningan at bisa nito ang pinahalagahan sa pamimili.
Ang mga pangunahing layunin ng mga salawikain ay ang pangangaral o kaya'y ang pagsasabi ng katotohanang hindi mapasusubalian.
Ang mga Pilipino ay may sariling kalipunan ng salawikain. Kung saan, paano, at sino ang nagpasimula ng mga ito ay walang makakapagsabi. Marahil ang ilan ay dala rito ng mga dayuhan. Ang iba ay pamana ng mga ninunong Pilipino na nagpalipat-lipat sa mga labi ng salinlahi.
Ang salawikain ay nasa berso, maaaring may sukat, at kadalasa'y may tugma. Ito ang dahilan kung bakit madali itong maisaulo ng bata't matanda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento