Biyernes, Setyembre 3, 2010

Pinag-isa ng Wikang Filipino Ang mga Pilipino

Pinag-isa ng Wikang Filipino Ang mga Pilipino
Resty – Ross Bibe M. Delalamon

Bago ko simulan ang pinaka-nilalaman ng aking talumpati, ay may nais akong ibahagi na isang napapanahong isyu. Isang bagay na kapuna-puna, isang poster na nakapaskil sa bawat silid ng instutusyong ito. Marahil kayo mismo ay napansin ito, na sa unang araw ng buwan ng Agosto ay may isang poster na nagwiwikang Speak English! Go Global!

Panahon nga ng globalization, ngunit hindi naman ibig sabihin nito ay limutin na natin ang ating sarili. Hindi ba’t para itong isang pagbabastos o pagiinsulto sa ating lahi? na mismo sa buwan na kung kailan natin ipinagdiriwang ang ating lahi ay mismo doon pa tayo ininsulto. Imbis na hinggil sa ating wika ang nakabalendra ay ganoon pa ang ating nakikita.

Sana idinikit na lamang ang poster na iyun sa ibang buwan o pagkatapos man ng pagdiriwang ng ating wika, dahil naihahanay ko ito sa pagbabastos sa mga bayani ng ating lahi na nagbuwis ng kani-kanilang buhay alang-alang sa magandang buhay na ating natatamasa sa kasalukuyan. Maging ganun pa man ay sana sa susunod na taon at sa darating pang mga taon ay di na maulit ang ganoong pagkakamali.

Mabalik ako, ngayong buwan ng Agosto, ay ang buwan ng wika, buwan ng ating pagpapamalas at pagpapakita ng ating pagpapahalaga sa sariling wikang tagapagbuklod. Sa pagsisimula, marahil kayong mga aking taga-pakinig ay hindi ang kalakhang Maynila ang naging tinubuang lupa ng inyong mga ninuno. Marahil ang ilan sa inyu ay nagmula pa sa iba’t ibang dako ng ating bansa. Maging ganun pa man, nais ko kayong batiin ng isang maupay na aga!

Kapansin-pansin ang naging reaksyon ng ilan sa inyo, ang ilan ay napaisip kung anu ang aking winika, at ang ilan naman ay natuwa, sapagkat ako’y kanilang naintindihan. Ang aking winika ay isang salitang waray na nangangahulugan ng magandang umaga sa wikang Filipino. Magandang umaga na may iba’t ibang salin sa ibang wika. Nangangahulugan din ang salitang ito sa Ilokano na naimbag nga bigat at sa Bikolano, na marahay na adlaw, maging sa Cebuano ay may pagkakasalin din ito, na maayong buntag. Iba’t ibang salin at iisa ang pagpapakahulugan, sapagkat sa ating bansa ay mayroon tayong walong prinsipal na wika at anim-naput walong maliliit na wikang pang-etniko.

Minsang nabanggit ng aking guro sa Filipino, na ang wika ay ang siyang sumasalamin sa pamumuhay, kultura at tradisyon ng isang lugar. Gaya na lamang sa Cebu na talagang mayaman sa mga nabanggit. Naging tanyag ang rehiyon na ito dahil sa natatanging kultura at tradisyon; at dahil na rin sa pamamagitan ng wikang Cebuano, na malinaw, na naipapahayag at naipapakita ng mga Cebuano ang kanilang damdamin sa pangaraw-araw na gawain. Hindi lamang sa Cebu, maging sa iba’t ibang lugar sa ating bansa ay ganito rin ang paraan nila ng pagpapakita ng yaman ng kanilang lugar.

Masasabi ko ngang mayaman ang ating bansa sa wika sapagkat mayroon tayong iba’t ibang pagkakasalin sa iisang salita. Mayaman nga ang ating wika ngunit may pagka-negatibong epekto din ito, dahil hindi lahat ng mga Pilipino ay nagpakadalubhasa sa ating wika. At hindi lahat ay nakapagbabasa, nakapagsasalita, nakapagsusulat at nakakaintindi ng lahat ng mga wikain sa ating bansa.

Napuna ito ni Pangulong Manuel L. Quezon nung habang siya’y nanunugkulan at nagpupunta sa iba’t ibang lalawigan sa Pilipinas upang magbigay ng talumpati; dahil tuwing siya ay inaanyayahan, ay kinakailangan ay mayroon pa siyang tagapagsalita o tagpagasalin. Ang sitwasyong ito ay pumukaw sa atensyon ng pangulo, sapagkat maaring ikadulot ito ang pagkakawatak-watak ng bansa dahil sa di pagkakaunawaan, kaya naisipan ng pangulo na dapat magkaroon ng wikang pambansa na siyang magbibigay daan sa pagkakaunawaan ng lahat. Ngunit, ang pangulo ay walang hilig makipag-away na ang maging wikang pambansa ay Tagalog na wikang kanyang naiintindihan, kaya hindi niya ipinagpilitan na ang maging wikang pambansa ay Tagalog; at marahil na rin dahil sa laganap ang wikang tagalog sa lipunan noong mga kapanahunang yaon, naging isa ngang ganap na wikang pambansa ang Tagalog.

Ipinanukala ni Pangulong Manuel L. Quezon ang isang Kautusang Tagapagganap Bilang 124, Serye 1937 na ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay batay sa Tagalog. Tatlong taon makalipas ang pagpapanukala, ay sinimulan na din ang pagtuturo ng wikang pambansa sa mga paaralang pampubliko at pribado. Noong taong 1959, ang wikang pambansa ay tinawag na Pilipino batay na rin sa Tagalog. At sa Konstitution ng 1986, Arikulo XVI, seksyon 6, nakasaad dito pinapalitan na ang tawag ng wikang pambansa, at ginawang Filipino ang Pilipino, upang mabigyan ng tamang distinksyon ang tawag sa tao at sa wika, na ang tao ay Pilipino at ang wika ay Filipino.

Sa pamamagitan ng batas na ito nagkaroon ng pambansang pagkakaunawaan at global na pagkakakilanlan ang mga Pilipino. Nagkaroon din ng pangkalahatang pagkakaintindihan sa mga iba’t ibang pananaw, saloobin at kuro-kuro ng bawat indibidual. Kaya sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ating alalahanin ang naging malaking ambag ni Pangulong Manuel L Quezon sa ating wika na kahit na tayo ay pinaghiwa-hiwalay ng tubig ay nagakawa ng Wikang Filipino na tayo ay pagbuklurin.

5 komento:

  1. maraming salamat at napansin ninyo ang ginawa kong talumpati.. ngayon ko lang nakita ulit ito..hehe!!

    TumugonBurahin
  2. salamat po sa paggawa ng ganitong talumpati..mabuhay po kayo!

    TumugonBurahin
  3. Napakagaling ng inyong talumpati Ginoo. Pagpalain po sana kayo at maging inspirasyon ng mga Filipino.

    TumugonBurahin
  4. Kuya maikling impormasyon naman dyan oh kelangan lang sa suring basa

    TumugonBurahin