Buwan ng Wikang Pambansa
Marides Carlos Fernando
Riverbanks Center
2 August 2006
Isang karangalan sa lungsod ng Marikina ang maging bahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ito’y isang makabuluhang gawain sapagkat saan mang bansa ang katutubong wika ay tinataguyod at pinagyayaman. Tunay nga na ang isang katutubong wikang panglahat ay mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, kaisahan at kaunlaran ng bansa.
Bagama’t ang wikang banyaga ay ating itinataguyod din tungo sa epektibong pakikipag-ugnayang pandaigdigan, ang katutubong wika ay kahit kailan ay hindi maaaring maglaho sa ating sistema. Kaakibat ng ating sariling wika ay ang mga kaugaliang Pilipino na dapat nating ipagmalaki ay mapanatili. Kabilang na rito ang paggalang sa kapuwa, sa magulang, sa awtoridad at nakatatanda. Ito’y isang katangiang Pilipino na dapat nating buhayin sapagkat ito’y mahalagang pundasyon ng kaunlaran.
Dapat din nating pahalagahan ang ating kahinahunan na tunay na nadarama sa pagbigkas ng ating sariling wika. Ito at iba pang mga mahahalagang katangian ng Pilipino ay tiyak na bibigyang kulay ng eksibit at mga aklat na ipapamahagi na kalakip sa pagdiriwang ng ating wikang pambansa.
Sana ay mabigyan natin ng pansin ang kahalagahan ng disiplina sa pagdiriwang na ito. Ito ang pinakamagandang mensahe na ating maipaparating sa mga mag-aaral at iba pang saksi sa okasyong ito. Hindi sapat ang galling sa pagbigkas ng wikang Pilipino. Mas mahalaga ay maalala at maisabuhay natin ang mga katangiang susi ng pagsulong at pagbabago. Ako, ikaw, tayo ay Pilipino. May katutubong wika at may katutubong pag-uugali.
Binabati ko ang mga namuno sa pag-oorganisa ng programang ito.Pinupuri ko ang inyong paglalaan ng panahon sa ganitong uri ng gawain.
Mabuhay tayong lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento