Biyernes, Setyembre 3, 2010

Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon

Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon

1. Panahon ng Katutubo

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga sinaunang Pilipino.

Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa.

Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga piraso ng kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang mga natagpuan ng mga arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang dumating sila sa bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

2. Pananakop ng Kastila

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop.

Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-asal at ang ikalawa ay ang panitikang panrebolusyon.

1. Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal

Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at mga dulang duplo at karagatan.

Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil, sa nadaramang takot at pagiging madamot ng mga Kastila.

Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; ang Doctrina Christiana na nalimbag noong 1553 na isang panrelihiyong aklat.

Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula sa nama’y ang mga senakulo, Santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng mga Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa Mindanao at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang Kristiyanismo. Nauso rin ang carillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumalaw sa likod ng isang mailaw at puting tela.

Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.

Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos Felices (Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang nalathala ang pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang labinlimang tomo.

2. Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso

Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila, karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.

Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila.

Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na naglalayong “matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakat ng mga Kastila at upang pairalin ang kalayaan at demokrasya.”

Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat.

Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi ng pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas laban sa mga Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos.

Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at marami pang iba ay nagsisulat din.

3. Pananakop ng Amerikano

Dahil sa pagnanais ng mga Pilipino na mapatalsik ang mga Kastila, naging tagapagsagip ang mga Amerikano nang dumating sila noong 1898 na tuluyang nagpabagsak sa pamahalaang Kastila.

Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang naging pangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Sa panahong ding ito isinilang ang mga ilang imortal na makatang Pilipino na nagsisulat sa Ingles at Tagalog.

Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerikano sa bansa, sumulat ang mga Pilipino sa Kastila, Tagalog at iba pang wikang panlalawigan. Nagsimula lamang umusbong ang mga panitikan sa Ingles noong 1910 dahil sa mga bagong silang na manunulat.

Kabilang sa mga manunulat sa panahong ito sina Cecilio Apostol na sumulat ng mga oda para kay Rizal; Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang natatanging mga talumpati; si Lope K. Santos na sumulat ng obra-maestrang “Banaag at Sikat” at nagpauso ng panitikang sosyalista; si Jose Corazon de Jesus na tinaguriang Makata ng Pag-ibig at may panulat-sagisag na ‘Huseng Batute;’ at si Jose dela Cruz na may panulat-sagisag na ‘Huseng Sisiw’ dahil sisiw ang ipinababayad kapag nagpapagawa sa kanya ng tulang pag-ibig; si Severino Reyes na sumulat ng imortal na dulang “Walang Sugat” at tinaguriang Ama ng Dulang Tagalog; si Zoilo Galang na pinakaunang nobelistang (A Child of Sorrow) Pilipino sa Ingles at maraming-marami pang iba.

Ang mga Amerikano ang nagpakilala ng mga fairy tale sa mga Pilipino na ginamit ng mga gurong Tomasites sa pagtuturo.Ipinakilala rin ng mga ito ang iba pang uri (genre) ng panitikan gaya ng oda at nagpakilala sa pinilakang-tabing – ang pelikula.

Dahil sa impluwensiyang pangteknolohiyang dala ng mga Amerikano, naimpluwensiyahan din ang panitikan sa bansa. Dula ang naging pangunahing panitikan sa panahong ito. Dala nila ang mga bodabil na isang uri ng dula kung saan umaawit at sumasayaw ang mga artista na nagbunga sa sarsuwela ng Pilipinas. Dahil sa dala rin ng mga Amerikano ang pelikula sa bansa, ngunit nag-umpisa ito sa mga artistang gumagalaw lamang at nagsasalitang walang tinig (silent films); unti-unting naisantabi pansamantala ang dulang panteatro sa bansa dahil sa nakahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikulang-tahimik.

Ang mga unang pelikulang ginawa sa bansa ay halos mga dokumentaryo ukol sa pagsabog ng mga bulkan at iba pang kalamidad at ang iilang dokumentaryong bunga lamang ng pagka-ignorante ng mga Amerikano sa mga katutubong Pilipino.

Ang mga unang pormal na pelikula sa bansa ay ukol sa buhay ng bayaning si Rizal at ng kanyang dalawang nobela. Ang pinakaunang pelikulang Hollywood na ginawa sa bansa ay ang pelikulang Zamboanga. Ito ang kauna-unahang Hollywood film na may underwater scene. Ngunit ang pinakaunang pelikulang produksyon ng Pilipino ay sa pamumuno ni Jose Nepumuceno hango sa dulang panteatrong Dalagang Bukid (dula ni Hermogenes Ilagan) na malateatro rin ang kinalabasan.

Di naglaon, ninais na rin ng mga Pilipino na makawala sa kamay ng mga Amerikano. Ngunit hindi rin naging mabilis ang pagkamit sa kalayaan.

Ang dula ay sadyang kinasangkapan ng mga manunulat na Pilipino upang ipahayag ang hangad na paglaya ng bayan at makabayang pananaw. Ang kalayaang tinamasa sa kamay ng mga Amerikano ay alangang ihambing sa ipinalasap ng mga Kastila. Gayunpaman, hindi rin nasiyahan ang mga manunulat.

Isa sa mga unang dulang itinanghal sa panahon ng mga Amerikano na umuusig sa mga Amerikano at sedisyoso ay ang kay Juan K. Abad na itinanghal noong Mayo ng 1903 – ang Tanikalang Ginto. Inakyat ng mga alagad ng batas ang Batangas habang itinatanghal ang dulang ito dito at dinakip ang may-akda. Ngunti napawalang sala rin sa tulong ng isang mahusay na manananggol na Pilipino. Ang dulang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay tumuligsa rin sa Amerikano. Ngunit pinakamatindi ang paghihimagsik ng dulang “Hindi Ako Patay” na hindi na nakilala ang may-akda dahil sa ginamit nito ang pangalan ng kanyang may-bahay.

4. Pananakop ng Hapon

Sa pambobomba ng Amerika sa Hiroshima, gumanti ang Hapon sa paglusob nito sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Dahil nasa isalalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nililikha.

Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.

Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-feministang maikling-kwento.

Dahil sa dinalang haiku (maikling tulang may tatlong taludtod at may bilang na pantig na 5-7-5 sa taludtod), nagkaroon ang mga Pilipino ng tanaga (maikling tulang may apat na taludtod at ang bilang ng pantig ay 7-7-7-7)

5. Panahon ng Pagkamit ng Kalayaan hanggang Kasalukuyan

Naging makasaysayan sa mga Pilipino ang pagbabalik ng kanilang kalayaan mula sa kamay ng mga Hapon. At dahil sa kalayaang natamo, higit ring sumigla ang kalayaang pampanitikan ng bansa.

Bilang patunay ng kasiglahan ng panitikang Filipino sa iba’t ibang uri sa panahong ito ay ang pagkakalimbag ng mga sumusunod na katipunan ng mga aklat: Mga Piling Katha at Mga Piling Sanaysay ni Alejandro Abadilla, Maiikling Kwentong Tagalog ni Teodoro Agoncillo, Ako’y Isang Tinig ni Genoveva Edroza-Matute at marami pang iba. Kinilala rin buhat sa panahong ito ang mga panitikang panlalawigan dahil sa mga inilunsad na mga pambansang pananaliksik at pagsasaling-wika ng panitikan ng Pilipinas.

Lalo pang sumigla ang panitikang Filipino nang ilunsad ang gawad Carlos Palanca Memorial Awards for Litetature.

Sumilang din sa panahong ito ang aktibismo ng mga batang mag-aaral noong nagsisimula ang dekada ’80 at ang kanilang panitikang aktibista gaya nina Virgilio Almario (na may sulat-panulat na Rio Alma) at Quintin Perez.

Pinakamasigla rin ang mga panitikang namayagpag sa media gaya ng sa radyo, telebisyon at sinehan. Nagsilang ang panahong ito ng mga musikerong Imelda Papin at Victor Wood, ng Hotdog, Sampaguita, Asin, Ryan Cayabyab, Levi Celerio, Pepe Smith at Freddie Aguilar na naging laman ng mga jukebox. Mga lagaristang gaya nina Ricardo “Ricky” Lee (may-akda/Himala at Oro, Plata, Mata), Lino Brocka (tagadirehe/Maynila sa Mga Kuko ng Liwanag) at Ishmael Bernal (tagadirehe/Himala) at Marilou Diaz-Abaya (tagadirehe/Oro, Plata, Mata). Nagsilabasan rin ang mga karikaturang (komiks) na Darna, Liwayway at Zuma ni Mars Ravelo at ang pinakatanyag na Pugad Baboy.

Nag-uumpisa pa lang ang ikadalawampung siglo, higit na sumigla ang panitikang Filipino dahil sa trend o pinauso na dulot ng media.

Kinilala ang Eraserheads (isang bandang binubuo ng mga mag-aaral ng UP) sa pagpapasigla muli sa OPM. Nagbukas ng daan sa marami pang musikero ang Eheads gaya ng sa Yano, Siakol, Green Department, the Teeth, Rivermaya at Parokya ni Edgar. Nagbigay ng bagong hihip sa kulturang Pilipino ang mga bandang ito na nagpakilala ng iba pang genre ng musika sa lahi. Kinilalang The Beatles of the Philippines ang Eheads dahil sa init na taglay ng bawat pagtanghal at bagong awitin. Ilan sa mga awiting kinilalang imortal sa panahong ito ay ang Huling El Bimbo, Iskin, Banal na Aso Santong Kabayo, Himala, Silvertoes, Alapaap, Overdrive, Peksman, Prinsesa, Pare Ko at Miss sa Loob ng Jeepney. Maliban sa mga banda, kinilala rin ang mga musika ni Jolina Magdangal, Jeremiah, Rossel Nava at Carol Banawa na mga supling ng makabagong melo-musika ng bansa.

Sumigla rin ang mga dulang pantelebisyong pambata lalung-lalo na ang Batibot, Ang TV at 5 and up. At mga dulang panradyo ay kinagigiliwan naman ng mga nakatatanda. Puspusan din ang produksyong pampelikula na nagsalin ng mga maikling-kwento at nobela sa pelikula at ginawang inspirasyon ang mga awit, tula, sanaysay at kasaysayan sa pagbuo ng marami pang dulang pampelikula. Naipanganak din ang maraming genre ng pelikula gaya ng independent flims at cinema veritae film.

Sa kasalukuyan, sinasalin ang mga panitikan hindi lamang sa mga pahayagan, magazine at aklat, hindi lamang sa anyo ng pelikula, palabas pantelebisyon o kaya’y programang panradyo; kundi sa pamamagitan din ng hi-technology – ang Internet. Dahil sa internet nagkaroon ng blogging, video clipping at audio airing na patuloy na bumubuhay sa panitikan hindi lang ng Filipino kundi ng ibang lahi mandin.

Patuloy na dumarami ang mga manunulat na Pilipino sa iba’t ibang anyo at uri ng panitikan gamit ang iba’t ibang media dahil sa mga inumpisahang kurso sa mga universidad at kolehiyo at pangangasiwa ng gobyerno ng mga pagsasanay sa mga kinakikitaang husay na mga mamamayan. Ngunit ang kasiglahan ng panitikan ay hindi magiging buo kung aasahan lamang ang pagdami at pag-usbong ng mga manunulat; kailangan din ang pagpapahalaga at pagmamalasakit ng mga mambabasa na katuwang sa pagtaguyod ng panitikan ng lahi.

http://filipino3zchs.multiply.com

2 komento: