Huwebes, Setyembre 23, 2010

Kabanata 17

Kabanata 17
Basilio


Halatang pagod na pagod si Basilio nang dumating ito sa kanilang bahay. Pawis na pawis ito at mayroon pang dugong dumadaloy sa noo nito. Napahagulgol at napasigaw si Sisa nang makita ang sinapit ng panganay na anak. Subalit inalo naman ito nang anak at sinabing nadaplisan lamang siya ng bala nang paputukan siya ng mga gwardiya sibil na humahabal sa kanya, at ang kapatid naman niya’y naiwan sa kumbento. Hindi maikaila ni Basilio sa ina ang ipinaratang sa kapatid na pagnanakaw na sadya namang ikinabagabag ng ina. Nang mahimasmasan ang mag-ina, inalok ng ina ang kanyang anak kung nais nitong kumain at saka ikwinento ng may ngiti sa labi ang pag-uwi ng ama, na siya namang sinagot ng anak sa pamamagitan ng pagsimangot.

Hindi na naghapunan ang mag-ina at mas pinili nilang matulog na lamang. Subalit hindi makatulog si Basilio at pilit na pumapasok sa kanyang gunita ang imahe ng kapatid na sinasaktan at ang nagmamakaawang tinig nito. Inalon ang mga pangitaing ito sa kanyang panaginip. Nakita niya ang kapatid na takot na takot na nagsusumiksik sa isang sulok ng madilim na kumbento habang hinahabol ng yantok ng kura ang manipis nitong katawan. Pilit nitong iniiwasan ang palo sa pamamagitan ng kamay. Namimilipit ito sa sakit at iniuuntog ang ulo sa sahig. Marahil sa sakit na bumabaliw sa buong katauhan ng bata’y kinagat nito ang kura sa kamay, na naging sanhi ng paghiyaw nito’t ‘di sinasadyang mabitawan ang yantok. Ngunit hindi ito nakaligtas sapagkat pinalo siya ng Sakristan Mayor sa ulo na naging sanhi ng kanyang pagbagsak at pagkawala ng malay. At hindi pa sila nasiyahan dahil mahigantihin ang kura’t tinadyakan nito ang walang malay na batang nakahandusay sa sahig. Sa mga sandaling iyon, naapuhap ang gising ni Basilio. Isang panaginip lamang pala iyon!

Subalit nang tanungin ng ina kung ano ang napanaginipan ng anak, nagsinungaling ang anak upang hindi na lalong mag-alala pa ang ina. At sa halip, mas pinili na lamang nito na isalaysay sa ina ang balak niyang mangyari sa kanila sa hinaharap. Sa kakasalaysay ng kanyang mga pangarap, dinalaw na rin ng antok si Basilio, subalit ang kanyang ina’y nanatiling gising sa pangamba sa isa pang anak.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento