Muling Maging Dakila
Ferdinand Marcos
Sa araw na ito, animnapu't siyam na taon na ang nakalipas, namatay ang isang batang bayani at propeta ng ating lipi sa kanyang minamahal na lupain. Isang bala ng diktador ang pumaslang sa kanya, at mula sa pagdaloy ng dugo ng martir ay tumubo ang isang bagong bansa.
Ang bansang iyon ang naging unang makabagong republika sa Asya at Africa. Ito ang ating bansa. Ipinagmamalaki nating matatag ang ating bayan sa isang rehiyong matatag; kung saan balota, at hindi bala, ang humuhusga sa kapalaran at mga partido.
Kung kaya pinararangalan natin sa ating kasaysayan ang Kawit at Malolos bilang mga halimbawa ng pambansang kadakilaan. Bakit pambansang kadakilaan? Sapagkat itinayo ng ating mga ninuno ang matibay na haligi ng unang republika sa Asya na taglay lamang ang tapang, talino at kabayanihan.
Ngayon, ang hamon ay hindi na gaanong mapapansin, ngunit ito'y mahalaga pa rin. Kailangang ulitin natin ang mga ginawa ng ating mga ninuno sa isang mas karaniwang panahon, malayo sa madugo at dakilang pakikipagsapalaran - sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pagbabago ng ating lipunan at kalakalan. Sapagkat ngayon, tila nalimutan na ng Pilipino ang kanyang diwa, dangal at tapang.
Maari pang muling maging dakila ang bayang ito. Paulit-ulit kong binabanggit ito. Ito ang aking pinaniniwalaan, at ninanais ng Poong Maykapal na tayo'y magtulungan upang isakatuparan ang ating panalangin. Maraming beses ko nang sinabi ito: sinusulat ng bawat salinlahi ang sariling kasaysayan. Naisulat na ng ating mga ninuno ang kanila. Tangan ang lakas ng loob at kahusayan, kailangang isulat natin ang atin.
Pangarap natin ito. Sa pagpili sa akin, inaako niyo ito. Samahan niyo ako sa pagkamit ng pangarap ng kadakilaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento