Aanhin Nino Yan?

Aanhin Nino Yan?
Vilas Manwat
Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.
Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.
Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.
Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”
Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.
“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”
Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”
Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.
“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.
“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”
“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.
“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”
“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”
Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”
“Nagbabasa ka ba ng libro?”
“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”
Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.
“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”
Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”
Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.

Plop! Click!

Plop! Click!
(Dobu Kacchiri)

Mga Tauhan:
Koto
Kikuichi
Isang Nagdaraan


Koto : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?

Kikuichi : Nariyan na!

Koto : Nasaan ka?

Kikuichi : Heto na ‘ko.

Koto : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na din naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?

Kikuichi : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.

Koto : Ano pang hinihintay natin kung ganoon. Maghanda ka ng sake.

Kikuichi : Ngayon din. Nakahanda na ang bote ng sake

Koto : Umalis na tayo agad. Halika na!

Kikuichi : Nakahanda na ako.

Koto : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid ng tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.

Kikuichi : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdaman mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.

Koto : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot ditto.

Kikuichi : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.

Koto : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.

Kikuichi : Gaya ng sabi mo kasiya-siya ang magbiyahe.

Koto : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay ka na lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kwento. Bakit di mo ensayuhin ang Labanan sa Heike, ang pamosong epiko?

Kikuichi : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Maswerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.

Koto : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso

Kikuichi : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.

Koto : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Heike, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji― silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dugo! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba, ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabag-habag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!...”

Kikuichi : Kagila-gilalas pala talaga ang epikong iyan. Nagagalak akong marinig.

Koto : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa’kin!

Kikuichi : Sige lang, sumusunod ako.

Koto : Maraming bumibigkas ng Heike,pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pagaralan mo itong mabuti.

Kikuichi : Iinsayuhin kong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.

Koto : Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo” gagawin kitang isang “Koto”.

Kikuichi : Napakabuti mo ngang talaga.

Koto : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.

Kikuichi : Oo nga, pakiramdam ko’y dagat nga iyon.

Koto : Kailangan nating tawirin ito. Anong dapat nating gawin?

Kikuichi : Ano nga bang dapat nating gawin?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil may lalakarin ako sa kabilang bundok, Kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa iyon? Titigil muna ako rito at panoorin sila pansumandali.

Koto : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.

Kikuichi : Sige. Ayan. naghagis na ako. PLOP!

Koto : Malalim doon.

Kikuichi : Malalim na malalim doon.

Koto : Subukan mo sa ibang direksyon.

Kikuichi : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!

Koto : Mababaw doon.

Kikuichi : Mukha ngang mababaw doon.

Koto : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!

Kikuichi : Pero amo, teka muna sandali.

Koto : Bakit?

Kikuichi : Bubuhatin ko na kayo sa likod ko.

Koto : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.

Kikuichi : Pero kaya nga ako narito para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.

Koto : Hindi huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan nalang tayo sa isa’t isa saka lumakad ng painut-inot.

Kikuichi : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangan mabuhat ko kayo sa aking likuran.
Koto : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papaya akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na ang sarili mo.

Kikuichi : Salamat, Nakahanda na ako.

Nagdaraan: Mautak ang mga bulag na iyon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Maswerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat pagtawid sa dagat. (papatong siya sa likod ni Kikuichi.)

Kikuichi : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.

Nagdaraan: (Sa mga manonood). Hindi ko inaasahan ang swerteng ito. Tuwang-tuwa ako.

Koto : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?

Kikuichi : Na-ri-to a-ko!

Koto : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?

Kikuichi : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.

Koto : Kabubuhat lang sakin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon magisa pala tumawid.

Kikuichi : (Magmamadaling tumawid sa pinanggalingan) Kailan kayo tumawid na muli rito amo?

Koto : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.

Kikuichi : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.

Koto : Huwag kang magalaw.

Kikuichi : Lalakad na ako ng painut-inot. Mukhang napakalalim dito.

Koto : Basta mag-ingat ka at huwag kang masyadong magalaw.

Kikuichi : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!

Nagdaraan: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!

Koto : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.

Kikuichi : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyin ko kayo. talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.

Koto : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?

Kikuichi : Anong sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.

Koto : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.

Kikuichi : Sige po. Nagdaraan: Aba’t may isa pa pala akong swerte. Akong iinom noon

Kikuichi : Nagtatagay na po ako. Glug! Glug!

Koto : Tama na yan Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.

Kikuichi : Sigurado, amo.

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Ang sarap nito!

Koto : Ano na, Kikuichi? Bakit do mo ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lag po’t binigay ko sa inyo.

Koto : Iyon din ang akala ko, pero wala ni isang patak ng baso ko.

Kikuichi : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay ulit ako. Heto, pupunuin ko na ang baso.

Koto : Sige, Bilisan mo.

Kikuichi : Eto na. Glug! Glug!

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Aba’t may kasunod pa! Walang kasingsarap ang sakeng ito!

Koto : Tama na ‘yan. uminom ka rin ng kaunti.

Kikuichi : Pwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake di po ba?

Koto : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lamang po ng isang punong baso para sa inyo.

Koto : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak hindi mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-nom.

Kikuichi : Naku, hindi ganyan magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.

Koto : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? hindi ka lang gago, dinaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. tagayan mo ako ulit.

Kikuichi : Gusto ko po sana. pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.

Koto : Ano? ni isang patak wala nang natira?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Talagang nakakaaliw ito. Pagaawayin ko sila. Bang! Bangg!

Koto : Aray, Aray ko! Ano ba’t sobra na ito. Matapos mo akong agawan ng inumin, ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.

Kikuichi : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?

Koto : Sinaktan mo na ako, ulol!

Kikuichi : Itinabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksyon ninyo ang mga kamay ko.

Koto : A, hindi pala? At sino pang mananakit sakin, aber? sino, sabi?

Kikuichi : Aray, Aray ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?

Koto : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa inyo ang mga kamay ko.

Kikuichi : Hindi nakatutok? Sinong nanakit sa akin? Magsalita kayo, sino pa?

Koto : Aray, Aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?

Kikuichi : Nasa binti ko ang mga kamay ko.

Koto : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?

Kikuichi : Aray! Tama na! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko, Amo.

Koto : Ano? Abusuhin?

Kikuichi : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?

Koto : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.

Kikuichi : Di dumadapo? kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?

Koto : Aray, Ano ka ba?

Kikuichi : Aray ko po, tama na!

Nagdaraan: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero, teka! Aba’t tinuluyan na nilang magsuntukan. Delikado pa ang manatili pa ditto. kailangang makaalis na ako habang may araw pa.

Koto : Nauubos nang pasensiya ko. hindi kita patatakasin lintik ka!

Kikuichi : Bakit ako sinasaktan?

Silang Dalawa: A-a-aray…
Kikuichi : Ikinahihiya ko kayo amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapangap lang pala kayong mabait. Santo-santito!

Koto : Huwag, sandal lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patakasin!

Ang Ama

Ang Ama
Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y inuuwi ng ama – malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila’y masayang nakiupo sa kanila’t kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo’y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya’y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata’y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila’y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.

Ngayo’y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati siyang nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod – payat, maputla, at napakaliit – at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, “Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata”.

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, ‘yong katulad ng minsa’y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya’t nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari’y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta.” Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana’y tanggapin mo.” Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.

Walang Panginoon

Walang Panginoon
ni Deogracis Rosario


Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.

"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."

"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.

Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."

Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.

"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"

Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, ..:namespace prefix = st1 ns = "urn:schemas-microsoft-com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.

Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.

Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.

At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.

"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."

Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.

Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."

Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.

"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"

"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.

"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.

Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.

"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.

"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.

Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.

"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."

Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.

Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.

"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Walang Panginoon

Walang Panginoon
ni Deogracis Rosario


Ang kuwento ni Deogracias A. Rosario, Walang Panginoon, ay umiikot sa isang maralitang pami lya at sa kanilang pakikipagtunggali sa mga mayayamang nagsasamantala sa kanila. Mababatid ang pagtatagisan ng dalawang puwersa, ang naghaharing uri na kinakatawan ni Don Teong at ng mababang uri na makikita sa tauhang si Marcos. Dahil sa pangunahing temang ito, maaaring suriin ang kuwentong ito ayon sa Marxismong kritisismo.

Kung susuriing mabuti ang pangunahing suliranin tungkol sa pag-agaw, pagbuwis at paglisan mula sa saka, makikita ang isyu ng class struggle kung saan ang matataas na uri ay may kakayahang samsamin kung anuman ang mayroon ng mga mahihirap. Hindi rin binigyang halaga ang karapatan o katwiran ng pamilya ni Marcos ng sistemang judicial dahil sa pagiging mahirap nila. Bunga nito ang pang-aapi at pagsasamantala ni Don Teong sa pamilyang hindi na aahon pa mula sa kahirapan, habang patuloy na yumayaman si Don Teong. Ito rin ay pumapatungkol sa malaking agwat ng mahihirap at mayayaman sa isang lipunan na siyang tinutuligsa ng Marxismo. Mahalaga ring tingnan ang pag-iibigan nina Marcos at Anita na tila isang kasuklam-suklam na kasalanan para kay Don Teong na naitulak pa ang sariling bugbugin ang anak pagkatapos mabatid ang pag-iibigan ng dalawa. Dito pumapasok ang pagbubukod ng mga mayayaman sa mga mabababang uri o alienation mula sa lipunan. Panghuli, ang paghihiganting ginawa ni Marcos ay isang pagtugon sa teorya ng Marxismo sa kamatayan ng kapitalistang uri dulot ng pag-aalsa ng mga manggagawa. Sa huling talata ng kuwento ipinahayag ang pagbuwag ng isang kapangyarihang mapang-api at ang paglaya ng isang mahirap sa mga kamay ng mataas na uri.

Isang kasangkapan ang pamagat sa pagpapatingkad ng pangkalahatang tema ng kuwento-ang pagpatay sa isang sistemang walang katarungan at isang kalakarang tagilid at pabor lamang sa mayayaman. Ang pagbanggit ng ’walang panginoon ’ sa hulihan ng kuwento ay isang pag-asam ng isang lipunang walang mataas at walang mababa, isang lipunang komunismo. Ang panginoon ay kumakatawan sa mga tao o bagay na pinagmumulan ng kapangyarihan na nagbubunga sa isang mapang-aping sistema na sanhi naman ng pagdurusa ng mga mahihirap. Sa pagpatay kay Don Teong sa hulihan ng kuwento ay isang paraan ng pagpapahayag ng mensahe na ang patuloy na pang-aabuso ng isang tao sa mga mabababa sa kanya ang siyang maghahatid sa kanya sa ilalim ng lupa. Mangyayari lamang ito kapag may mga nakatataas at may naaapi kung kaya’t ang pamagat ng kuwento ay ang pagnanais na walang panginoon.

Kayarian ng mga Salita

Kayarian ng mga Salita

Ano ba ang salita?

Ang salita ay pinagsama-samang titik na mayroong kahulugan

AASLIT

SALITA

Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:
awit
bayani
watawat
talino
halaga
yaman
pinto
sahig
pera
aklat
bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

    a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
    Mga halimbawa:
    mahusay
    palabiro
    tag-ulan
    umasa
    makatao
    may-ari

    b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
    Mga halimbawa:
    lumakad
    pumunta
    binasa
    sumamba
    tinalon
    sinagot
   
    c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
    Mga halimbawa:
    talaan
    batuhan
    sulatan
    aralin
    punahin
    habulin
   
    d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

        1. Unlapi at Gitlapi
        Mga Halimbawa:
        isinulat
        itinuro
        iminungkahi
        ibinigay

        2. Unlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        nagkwentuhan
        palaisdaan
        kasabihan
        matulungin

        3. Gitlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        sinamahan
        pinuntahan
        tinandaan
        hinangaan

    e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi,
    gitlapi, at hulapi.
    Mga halimbawa:
    pinagsumikapan
    nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

    a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
    Mga Halimbawa:
    taun-taon
    masayang-masaya
    bahay-bahay
    mabuting-mabuti

   b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
    Mga Halimbawa:
    pala-palagay
    malinis-linis
    susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

    a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
    Mga Halimbawa:
    isip-bata (isip na gaya ng bata)
    buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
    abot-tanaw (abot ng tanaw)
    sulat-kamay (sulat ng kamay)

    Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa
    nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

    b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
    Mga Halimbawa:
    hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
    dalagangbukid (isang uri ng isda)
    talasalitaan (bokabularyo)
    hanapbuhay (trabaho)

Mga Pangunahing tuntunin sa Pagsulat

Mga Pangunahing tuntunin sa Pagsulat

1. Iwasan ang pangawing na ay sa pangungusap
    -higit na mabisa ang pangungusap kapag walang ay.
    -naaangkop lamang ang ay bilang pangawing sa dalawang bahagi ng
    pangungusap na di magkaugnay.

2. Gamitin ang wastong salita
    Mali: Nang mabuksan niya ang bintana, tumagos sa silid ang liwanag.
    Tama:Nang mabuksan niya ang bintana, pumasok sa silid ang liwanag.

3. Iwasan ang salitang hiram na hindi kailangan tulad ng:

 pero
 mas
 sobra
 siguro
 pareho
 para
 masyado
 para que
 porque

    Wastong gamitin ang para bilang pang-ukol.
    Halimbawa:
    Para sa iyo ang mga bulaklak na ito.
   
    Wasto ring gamitin ang parang sa halip na tila.
    Halimbawa:
    Parang uulan.

4. Iwasto ang pagbabanghay ng mga pandiwa.


 Mali
 Tama
 Kinakalimutan
 kinalilimutan
 kakalimutan
 kalilimutan
 ikinakabuti
 ikinabubuti
 ikakabuti
 ikabubuti
 ipinapagamot
 ipinagagamot
 ipapagamot
 ipagagamot
 ipinapagsama
 ipinagsasama
 ipapagsama
 ipagsasama
 nakakalungkot
 nakalulungkot
 nakakapagbigay
 nakapagbibigay
 nakakapang-akit
 nakapang-aakit
 ipapagawa
 ipagagawa
 pinapasigaw
 pinasisigaw
 pinapag-usapan
 pinag-uusapan


5. Buuin ang banghay; hindi dapat mawala ang I sa simula o gitna ng pandiwa.
    Mali:
    Kinandado ko ang pinto.
    Bakit mo inurong ang demanda?
    Inakyat ko sa kwarto ang bentilador.
    Dali-dali naming siyang sinakay sa kotse.

6. Gamitin nang wasto ang may at mayroon.

7. Gamitin nang wasto ang ng at nang.

8. Huwag gawing pandiwa ang salitang Ingles.

9. Iuna ang pangngalan sa pang-uri.

10. Idugtong ang pang-angkop na na sa salitang sinusundan kapag nagwawakas ito sa patinig na N.
    Wasto: Nasunog kahapon ang tindahang binibilhan namin ng sapatos.
    Mali: Nasunog kahapon ang tindahan na binibilhan namin ng sapatos.

11. Iwasan ang pagsusunud-sunod ng higit sa dalawang salitang nagtatapos sa –ng.
    Wasto: Ayaw niyang maniwala na walang pasok sa Sabado.
    Mali: Ayaw niyang maniwalang walang pasok sa Sabado.

12. Hindi na kailangan ang pantukoy na mga kapag ginagamit ang pangngalan bilang palasak.
    Wasto: Murang-mura ngayon ang melon.
    Kulang na kulang sa doktor ang nayon namin.
    Mali: Murang mura ngayon ang mga melon.
    Kulang na kulang sa mga doktor ang nayon namin.

13. Iwasan ang katagang walang silbi.
    Wasto:Marami pa akong ikukwento sa iyo bukod sa narinig mo na.
    Mali: Marami pa akong ikukwento sa iyo bukod pa roon sa mga narinig mo na.

14. Huwag lumikha ng sariling pandiwa o pandiwari.
    Iwasan:
    May kailangan siya kaya maganda ang pagsalita niya sa akin.
    Huwag mong tapunin ang papel na iyan.
    Sagutan mo na ang sulat ng nanay mo.

15. Gamitin ang wastong gitlapi.

 Mali
 Tama
 ihinihiwalay
 inihihiwalay
 ilinalabas
 inilalabas
 iwinawasiwas
 iniwawasiwas


16. Baybayin nang buo ang mga salita.
    Mali:
    Lumakas ang ulan nung mag-aalas singko.
    Nauunawaan ko na yung ipinaliliwanag mo.
    Huwag niyong kalilimutan ang bilin ko.
    Ke dami mo naming sinasabi.
    Mataas siya kesa sa iyo.
    Baka hindi mo siya Makita uli.
    Nasa taas ng aparador ang hinahanap mo.
    Nagdadalwang isip ako tungkol sa balak natin.
    Konti na akong masagasaan kanina.
    Ba’t lagi kang nakasimangot?

    Iwasan din ang paggamit ng ewan at ayoko.
    Sa pagsulat, gamitin ang lamang, hindi ang kolokyal na lang.

Kabanata 55

Kabanata 55
Ang Pagkakagulo



Oras ng hapunan pero nagdahilan si Maria na wala siyang ganang kumain. Kaya niyaya niya ang kaibigan ni Sinangsa piyano. Nagbulungan silang dalawa habang palakad lakad si Pari Salvi sa loob ng bulwagan. Hindi mapakali si si Maria sa paghihintay nilang magkaibigan ang pagdating ni Ibarra. Kasalukuyan kumakain noon ang argos na si :Linares at isinadasal nilang umalais na ang “multong” si Pari Salvi. Nakatakdang dumating sa ikawalo ng gabi si Ibarra. Ika-walo rin ng gabi ang nakatakdang paglusob sa kumbento at sa kwartel. Nang sumapit ang ikawalo, napaupo sa isang sulok ang pari samantalang ang magkaibigan ay hindi malaman ang gagawin. Nang tumugtog ang kampana, silang lahat ay tumindig upang magdasal. Sya namang pagpasok ni Ibarra na luksang luksa ang suot. Tinangkang lapitan ni Maria ang kasintahan ngunit biglang umalingawngaw na lamang ang sunod sunod na putok. Napapatda si Ibara, hindi makapagsalita. Ang Kura naman ay nagtago sa likod ng haligi. Ang mga tao sa bahay ni Kapitan Tiyago ay nakakarinig ng puro putokan, sigawan at pinagbuhan sa may kumbento. At mga nagsisikain na kumedor ay biglang pumasok at panay na ‘tulisan…tulisan…Si Tiya Isabal ay panay ang dasal samantalang ang magkaibigan ang nagyakapan. Si Ibarra ay walang tinag sa kinatatayuan. Nagpatuloy ang putukan atsilbatuhan kasabay ng pagsasara ng mga pintuan at bintana ng biglaan.

Nang mawala ang putukan, pinapanaog ng alperes ang kura. Inakala ng mga nasa bahay na nasugatan ng malubha sa pari Salvi. Tiniyak ng alperes na wala ng panganib kaya lumabas na sa pinagtataguan ang kura, nanaog ito. Si Ibara ay nanaog din. Pinasok naman ni Tiya Isabel ang magkaibigan sa silid. Hindi nagkausap si Ibarra at Maria, basta nagpatuloy nalamang sa paglakad ng binata, mabilis. Napadaan siya sa hanay ng mga sibil na naka bayoneta pa. Sa may bandang tribunal, nangingibabaw ang tinig ng alperes sa pagtatagubilin sa kapitan na wag niyang pabayaan makatakas ang mga nahuling lumusob.

Pagdating ni Ibarra sa bahay, kaagad na inutusan ni Ibarra ang kanyang katulong na ihanda ang kanyang kabayo. Tumuloy siya sa gabinete at isinilid nya ang kanyang maleta ang mga hiyas, salapi, ilang mga kasukatan at larawan ni Maria. Nagsukbit siya ng isang balaraw at dalawang rebolber. Ngunit aalis na lamang siya nakarinig sya ng malaks na pagputok sa pintuan. Tinig ng isang kawal na kastila. Lalaban sana siya ngunit nagbago ang kanyang isip. Binitawan niya ang kanyang baril at binuksan ang pinto. Dinakit siya ng Sarhento ng mga dumating na kawal. Isinama.

Sa kabilang dako, gulong gulo ang isip ni Elias ng pumasok siya sa bahay ni Ibarra. Para siyang sinusurot sa sariling budhi. Naalalala niya ang sinapit ng kanyang angkan, ang kanyang nuno, si Balat, kapatid na babae at ang kanyang ama. Waring ang lahat ay tinatawag siyang duwag… isang duwag. Labis na pangingipospos ang kanyang damdmin. Hanggang sa maisip niyang balikan ang bahay ni Ibarra. Dinatnan niya ang mga katulong ni Ibarra na hilong naghihintay sa kanilang amo. Nang malaman niya ang nangyari kay Ibarra, nagkunwari itong umalis. Pero lumigid lamang saka umakyat sa bintana na patungo sa gabinete. Nakita niya ang mga kasulatan, mga aklat, alahas at baril. Dinampot niya ang baril at ang iba naman ay isinilid niya sa sako at inihulog sa bintana. Nakita niyang dumating ang mga sibil. Kinuha ni Elias ang larawan ni Maria at isinilid ito sa isang supot. Nagipon siya ng mga damit at papel, Binuhusan niya ito nga mga gas at saka sinilaban.

Ang mga kawal ay nagpupumilit namang pumasok. Sinabihan sila ng matandang katulong ng walang pahintolot sa may-ari, kaya hindi maa-ari silang pumasok. Naalaska ng husto ang directocillo, sa isang hudyat niya tinabig ng kawal ang matanda at mabilis silang pumanik. Pero sinalubong sila ng makapal na usok at ang apoy na nakarating na sa gabinete. Biglang nagkaroon ng bmalalakas na pagsabog. Mabilis pa sa lintik na umatras at nanaog ng bahay ang mga kawal kasama ang mga katulong ni Ibarra.

Kabanata 50

Kabanata 50
Ang mga Kaanak ni Elias


Isinalaysay ni Elias ang kanyang kasaysayan kay Ibarra upang malaman nito na siya ay kabilang din sa mga swimpalad.May 60 taon na ang nakakalipas, ang kanyang nuno ay isang tenedor de libros sa isang bahay- kalakal ng kastila.Kasama ng kanyang asawa at isang anak na lalaki, ito ay nanirahan sa Maynila.Isang gabi nasunog ang isang tanggapang pinaglilingkuran niya. Isinakdal ang kanyang nuno sa salang panununog. Palibhasay maralita at walang kayang ibayad sa abogado, siya ay nahatulan. Ito ay ipinaseo sa lansangan na nakagapos sa kabayo at pinapalo sa bawat panulukan ng daan. Buntis noon ang asawa, nagtangka pa ring humanap ng pagkakakitaan kahit na sa masamang paraan para sa anak at asawang may sakit. Nang gumaling ang sugat ng kanyang nuno, silang mag-anak ay namundok na lamang. Nanganak ang babae, ngunit hindi nagtagal namatay ito. Hindi nakayanan ng kanyang nuno ang sapin-saping pagdurusang kanilang natanggap. Nagbigti ito. Hindi ito naipalibing ng babae. Nangamoy ang bangkay at nalaman ng mga awtoridad ang pagkamatay ng asawa.Nahatulan din siyang paluin.Pero, ito ay hindi itinuloy at ipinagpaliban sapagkat dalawang buwan siyang buntis nuon. Gayunman, pagkasilang niya, ginawa ang hatol.
Nagawang tumakas ng babae mula sa malupit na kamay ng batas, lumipat sila sa kalapit na lalawigan. Sa paglaki ng anak na panganay, ito ay naging tulisan. Gumawa siya ng panununog at pagpatay upang maipaghiganti nila ang kaapihang natamo. Nakilalasiya sa tawag na balat. Ang lahat ay natakot sa kanyang pangalan. Ang ina ay nakilala naman sa tawag na haliparot,delingkuwente at napalo at ang bunso dahil sa mabait at tinawag na lamang anak ng ina.
Isang umaga, nakagisnan na lamang ng anak ang ina na patay na. Ito ay nakabulagta ssa ilalim ng isang puno at ang isang ulo ay nakatingala sa isang bakol na nakasabit sa puno. Ang kanyang katawan ay ibinaon samantalang ang mga paa,kamay ay ikinalat. Ang ulo naman ay siyang dinala sa kanyang ina. Walang nalalabing paraan sa nakakabata dahil sa kalunos-lunos na pangyayaring ito kundi ang tumakas. Siya ay ipinadpad ng kapalaran sa Tayabas at namasukang obrero sa isang mayamang angkan. Madali naman siyang nakagiliwan sapagkat nagtataglay nga ito ng magandang ugali.

Siya ay masikap at ng nagkaroon ng puhunan, napaunlad niya ang kanyang kabuhayan hanggang sa makakilala siya ng isang dalagang taga-bayan na kanyang inibig ng tapat. Gayunman sinasagilahan siya ng matinding pangamba na mamanhikan. Nangangambasiyang matuklasan ang tunay niyang pagkatao. Mahal palibhasa ang babae, minsan ay nailugso nito ang puri at desidido siyang panindigan ang nagawa. Ngunit, dahil sa mayaman ang ama ng babae at wala siyang kayang ipagtanggol ang sarili. Siya ay nakulong sa halip na makasal siya sa babae.
Bagamat hindi nagsama ang magkasuyo, ang kanilang pagtatampisaw sa dulot ng pag-ibig ay nagkaroon ng bunga. Ang babae ay nanganak ng kambal, isang babae at isang lalaki. Ang lalaki ay si Elias. Bata pa sila ay iminulat sa kanilang patay na ang kanilang ama. Naniniwala naman sila sapagkat musmos pa lamang ay namatay ang kanilang ina. Nang magkaroon ng sapat na isip, palibhasa’y may kaya ang nuno si Elias ay nag-aral sa mga Heswitas samantalang ang kapatid na babae ay sa Concordia. Nagmamahalan silang magkapatid at ang pag-igkas ng panahon ay hindi nila namamalayan. Namatay ang kanilang nuno kaya’t umuwi silang magkapatid upang asikasuhin ang kanilang kabuhayan.
Maganda ang kanilang hinaharap, ang kanyang kapatid na babae ay nakatakdang ikasal sa binatang nagmamahyal sa kanya, ngunit ang kanilang kahapon ang nagwasak sa kanilang kinabukasan. Dahil sa kanyang salapi at ugaling mapag-mataas, isang malayong kamag-anak ang nagpamukha sa kanilang kahapong nagdaan. At ito ay pinatunayan ng isang matandang utusan nila. Iyon pala ang kanilang ama. Namatay na naghihinagpis ang kanilang ama dahil sa pag-aakalang siya ang naging dahilan ng kasawian nilang magkapatid. Pero, bago ito namatay naipagtapat niyang lahat ang kahapon ng magkakapatid.

Lalong binayo ng matinding kalungkutan ang kapatid ni Elias nang mabalitaan niyang ikinasal sa iba ang kanyang kasintahan. Isang araw nawala na lamang ito’t sukat.Lumipas ang anim na buwan nabalitaan na lamang ni Elias na mayroong isang bangkay ng babaing natagpuan sa baybayuin ng Calamba na may tarak sa dibdib. Ito ang kanyang kapatid. Dahil dito siya ay nagpagala-gala sa iba’t-ibang lalawigan bunga ng iba’t-ibang pagbibintang tungkol sa kanya na hindi naman niya ginagawa. Dito natapos ang salaysay ni Elias.
Nagpalitan pa ng iba’t-ibang pananaw ang dalawa hanggang sa sabihin ni Ibarra kay Elias na sabihin niya sa mga sumugo sa kanya na siya (Ibarra) ay taus-pusong nakikiisa sa kanilang mga damdaming. Lamang, wala siyang magagawa kundi ang maghintay pa sapagkat ang sama ay di-nagagamot ng kapwa sama rin. Dagdag pa rito, sa kasawian ng tao siya man ay matroong kasalanan din. Nang makarating na sila sa baybayin, nagpaalam na si Ibarra at sinabi kay Elias na siya ay limutin na at huwag babatiin sa anumang kalagayang siya ay makita nito. Nagtuloy si Elias sa kuta ni Kapitan Pablo at sinabi sa kapitan na siya kung di rin lamang mamamatay ay tutupad sa kanyang pangako na aanib sa kanila sa sandaling ipasiya ng pinuno na dumating na ang oras ng pakikibaka sa mga Kastila.

Kabanata 49

Kabanata 49
Ang Tinig ng mga Pinag-uusig


Nang lumulan si Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan. Kaya, kaagad na humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata. Sinabi ni Ibarra ang dahilan, nakasalubong niya ang alperes at gusto nitong muli na magkausap. Dahil nag-aalala siyang makita si Elias, nagdahilan na lamang siya. Nanghinayang naman ang binata ng sabihin ni Elias na di siya matatandaan ng alperes. Saglit na napabuntonghininga si Ibarra sapagkat biglang pumasok sa kanyang isip ang kanyang pangako kay Maria.

Hindi na nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo ng mga sawimpalad. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan (Si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at pagbabala. Ang kahilingan ng mga sawimpalad, ani Elias ay (1) humingi sila ng makaamang pagtangkilik sa gobyerno na katulad ng mga ganap na pagbabago sa mga kawal na sandatahan, sa mga prayle, sa paglalapat ng katarungan at sa iba pang pangangasiwa ng gobyerno (2) pagkakaloob ng kaunting karangalan sa pagkatao ng mga tao, ang kanilang kapanatagan at bawasan ang lakas at kapangyarihang taglay ng mga sibil na madalas na nagiging puno’t dulo ng paglapastangan sa karapatang pantao.

Tumugon si Ibarra na anumang pagbabago na sa halip na makakabuti ay lalo pang makakasama. Sinabi nitong maaari niyang pakilusin ang kanyang mga kaibigan sa Madrid sa pamamagitan ng salapi at pati na ang Kapitan-Heneral ay kanyang mapapakiusapan, ngunit lahat sila ay walang magagawa. Siya man ay hindi gagawa ng anumang pagkilos ukol sa mga bagay na iyon sapagkat kung may kasiraan man ang korporasyon, ay matatawag naman nilang masasamang kailangan.

Nagtaka si Ibarra, hindi niya sukat akalaing ang isang tulad ni Ibarra ay naniniwala satinatawag na masamang kailangan na para bang nais palabasin nito na kailangang gumawa muna ng masama upang makapagdulot ng mabuti. Naniniwala siya na kapag ang sakit ay malala, kailangang gamutin ng isang mahapding panlunas. Ang sakit ng bayan ay malubha kaya’t kailangan ang kaparaanang marahas kung ito ay makakabuti. Ang isang mabuting manggagamot, anya ay sinususri ang pinagmulan ng sakit at hindi ang mga at hindi ang mga palatandaan nito na sinisikap na bigyan ng lunas. Katulad ng mga sibil na sa pagnanais daw na masugpo ang kasamaan, ito’y iniinis sa pananakot, paggawa ng marahas at walang habas na paggamit ng lakas. At kapag pinahina ang guwardiya sibil ay malalagay naman sa panganib ang katahimikan ng bayan. Paano raw magkakagayon gayong 15 taon nang may mga sibil, ngunit ang mga tulisan ay patuloy pa rin sa pandarambong. Ang mga sibil ay walang naidudulot na kabutihan sa bayan sapagkat kanilang pinipigil at pinahihirapan ang isang tao kahit na marangal dahil lamang sa nakalimutan ang cedula personal, at kapag kailangang malinis ang kanilang mga kuwartel, ay manghuhuli sila ng mga kaawa-awang mamamayan na walang lakas na tumutol.

Napag-usapan pa nila na bago itatag ang guardia civil nanunulisan ang mga tao dahil sa matinding pagkagutom. Binigyang diin naman ni Elias na ang mga sawimpalad na hinihingi ng bayan ang pagbabago sa mga palakad ng mga prayle at ng isang pagtangkilik laban sa korporasyon. Pero, sinabi naman ni Ibarra na may utang na loob na dapat tanawin ng bayan sa mga paring pinagkakautangan ng pananalig at patangkilik noon laban sa mga pandarahas ng mga may-kapangyarihan.

Lumitaw sa pagpapalitan ng kuro-kuro ng dalawa na kapwa nila mahal ang bayan. Pero, hindi napahinuhod ni Elias si Ibarra tungkol sa pakiusap ng mga sawimpalad. Kaya, ipinahayag niya kay Ibarra na sasabihin na lamang daw niya sa mga ito na ilipat na sa Diyos o sa kanilang mga bisig ang pagtitiwala na sa kapwa tao na di magtatamong-pala.

Kabanata 48

Kabanata 48
Ang Talinhaga

Dumating kinabukasan si Ibarra na gaya ng pagkakabalita ni Lucas sa magkapatid na Tarsilo at Bruno. Ang unang sinadya ng binata ay ang tahanan ni Kapitan Tiyago upang ibalita na siya ay hindi escomulgado at dalawin si Maria. May dala siyang sulat mula sa arsobispo na ibinigay nito sa kura at nagsasaad na inaalis na ang excomunion. Tuwang- tuwa si Tiya Isabel, sapagkat boto siya kay Ibarra at ayaw din niyang mapangasawa ng kanyang pamangkin si Maria ang kastilang si Linares. Tinawag ni Isabel si Maria at pinatuloy si Ibarra.

Ngunit biglang naumid ang dila ng binata sapagkat nakita niyang kalapit ng kasintahan si Linares na nasa balkon. Nakasandig sa silyon si Maria at may hawak na abaniko. Sa may paanan nito ay nandoroon si Linares na nagkukumpol ng rosas at sampaga. Namulat si Linares ng makita si Ibarra samantalang si Maria ay namula at hinayaang malaglag na lamang ang tangang pamaypay. Sinikap nitong tumayo, pero hinang-hina siya dahil nga sa pagkakasakit. Si Linares ay waring napapatda at hindi makapagsalita.

Sinabi ni Ibarra sa kasintahan ang dahilan ng kanyang diipinasabing pagdalaw. Nakatingin lamang sa kanya si Maria na parang inuunawa ang bawat katagang namutawi sa kanyang labi. Malungkot si Maria, kaya nakuro ni Ibarra na bukas nalamang siya dadalaw.Tumango ang dalaga. Umalis si Ibarra na ang puso ay ginugutay ng matinding pag-aalinlangan, gulo ang kanyang isip. Sa paglakad niya, humantong siya sa ipinapagawang paaralan. Binati siya ni Nol Juan at mangagawang dinatnan niyang abalang gumagawa. Binigyang diin ni Ibarra sa mga dinatnan na wala ng dapat ipangamba sa kanya ng sinuman sapagkat siya ay hindi na excomugaldo. Pero, tinugon siya ni Nol Juan na hindi nila pinapansin ang excommunion sapagkat silang lahat ay pawang excomulgado.

Nakita ni Ibarra si Elias na kasama ang mga manggagawa. Yumukod si Elias at ipinahiwatig sa pamamagitan ng tingin na mayroon siyang gustong sabihin sa kanya. Dahil dito, inutusan ni Ibarra si Nol Juan na kunin at ipakita sa kanya ang talaan nito ng mga obrero upang kanyang tignan. Nilapitan ni Ibarra si Elias na nag-iisang nagkakarga ng bato sa isang kariton. Sinabi ni Elias na nais niyang makausap ang binata nang ilang oras. Ipinakiusap nitong mamangka sila sa baybay ng lawa sa bandang hapon upang pag-usapan ang isang napakahalagang bagay. Tumango lamang si Ibarra nang makitang papalapit na sa kanila si Nol Juan. Si Elias naman ay lumayo na. Nang tignan ng binata ang talaan ng mga obrero, wala ang pangalan ng pilotong si Elias.

Kabanata 47

Kabanata 47
Ang Dalawang Senyora


Habang nakikipaglaban ang lasak ni Kapitan Tiyago, magkaakbay naman na namamasyal sina Donya Victorina at Don Tiburcio upang malasin ang bahay ng mga Indio. Ayon sa Donya pangit ang mga bahay ng mga Indio. Sa kanilang paglakad, nababanas siya ng husto kapag hindi nagpupugay sa kanila ang mga nakakasalubong. Dahil dito, inutos niya sa Don na mamalo ng sumbrero. Pero, tumanggi ang Don bunga raw ng kanyang kapansanan.

Nang mapadaan ang Donya sa tapat ng bahay ng alperes nagkatama ang kanilang mga paningin. Parehong matalim. Tiningnan ng alperes ang Donya mula ulo hanngang paa, ngumuso at dumura sa kabila. Sinugod ng Donya ang alperes at nagkaroon ng mainitang pagtatalo… Binanggit ng Donya ang pagiging labandera ng alperesa samantalang pinagdidikdikan naman ng huli ang pagiging pilay at mapagpanggap na asawa ng Donya. Puyos sa galit, Habang hawak na mahigpit ang latigo ng alperes na nanaog si Donya Consolacion, upang daluhugin si Donia Victorina. Pero, Bago mag-pang-abot ang dalawa, dumating ang alperes. Umawat si Don Tiburcio. Ang pangyayari ay sinaksihan ng maraming tao na nakatawag pansin ng kanilang pagtatalakan.

Dumating ang kura at pinatitigil ang dalawa, ngunit pasinghal na binulyawan siya ng alperes kasabay sa pagtawag ditong ‘mapagbanal-banalang Carliston’. Nagalit naman ng husto si Victorina at sinabi kay tiburcio na kailangan hamunin niya ang alperes sa pamamagitan ns sabelo o rebolber. Tumanggi ang Tiburcio, kaya nahablot na naman ng di oras ang kanyang pustiso ng nagtatalak na asawa.

Pagdating sa bahay ng mag-asawa, inabutan nilang kausap ni Linares si Maria at ang mga kaibigan nito. Kay Linares nabaling ang atensyon ng Donya, inutusan nito na siya ang humamon sa Alperes sa pamamagitan ng baril o sable at kung hindi ibubulatlat nito sa madla at kay Kapitan Tiyago ang tunay nitong pagkatao. Namutla si Linares at humingi ito ng paumanhin sa Donya.

Siya namang pagdating ni Kapitan Tiyago na lugo-lugo sapagkat natalo ang kangyang lasak. Hindi pa nakapagpapahinga si Tiyago, Tinaltalan kaagad siya ng Donya. Sinabi niya sa Kapitan na hahamunin ni Linares ang alperes at kapag hindi niya ito nagawa, di dapat itong magpakasal kay Maria. Sapagkat ang duwag ay hindi nababagay sa inyong anak, pagdidiin pa ng Donya. Dahil sa narinig nagpahatid si Maria sa kanyang silid.

Kinagabihan, bago umalis sina Donya Victorina at Don Tiburcio iniwan nila ang kuwenta sa paggagamot kay Maria at ito’y umaabot sa kung ilang libong piso. Naiwan naman si Linares na nasa gipit na kalagayan.

Kabanata 46

Kabanata 46
Ang Sabungan


Katulad din ng iba pang bayan ng Pilipinas, may sabungan din sa San Diego. Ito ay nahahati sa tatlong bahagi. May pasukan ito sa pinto na binabantayan ng isang babaeng naniningil ng bayad sa pagpasok. Nakahanay naman sa magkabilang daraanan na mga tao ang mga tindera na nagtitinda ng kung anu-ano na katulad ng pagkain, gamit na maliliit sa bahay, sigarilyo at iba pa. Kalapit ito ng isang may kalakihan ding lugar na kinaroroonan ng mga tahur, magtatari at mga sobra ang hilig sa sabong. Dito nagpapalipat-lipat nang mabilis ang kuwarta sa kamay ng mga tao at pakikipagsunduan. Ang tawag sa lugar na ito ay ulutan. Ang ikatlong bahagi naman ng sabungan ay tinatawag na ruweda. Dito dinaraos ang mga sultada. Makikita sa lugar na ito ang mga taong may matataas na tungkulin, mayayaman, ang mga tahur at sentensyador.

Nasa loob ng sabungan sina Kapitan Pablo, Kapitan Basilio at Lucas. Nagtanong si Kapitan Basilio tungkol sa manok na isasabong ni Kapitan Tiyago samantalang papasok ito sa sabungan na kasunod ang dalawang alalay o utusan na may dalang isang lasak na manok at isang malaking putting tinali. Bulik naman ang manok ni Kapitan Basilio. Nagkaroon muna ng batian tungkol sa pagkakasakit ni Maria Clara, pagkaraan nagkasundo ang dalawa na paglabanin ang bulik at ang lasak sa pustang P 3,000. Parang apoy na kumalat ang paglalaban. Nagkaroon ng pustahan ang mga sabungero. Lumilitaw na dehado ang pula at llamado naman ang puti.

Habang hindi magkamayaw sa pagpusta ang ilang sabungero sa gagawing pagsusultada, ang dalawang binatang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno ay naiinggit sa mga pumupusta. Sila ay matamang pinagmamasdan ni Lucas.Pamayamaya ay lumapit ang pinakabata sa dalawa kay Lucas at nakiusap na pautangin ito ng pera para may maipusta. Sina Bruno at Tarsilo ay may masaklap na karanasan sa mga sibil, ang kanilang ama ay pinatay sa palo ng mga ito.

Tinanong ni Lucas ang magkapitd kung payag na sila sa kondisyong kanyang ibinigay. Ayaw ng nakatatanda. Dahil dito, sinabi ni Lucas na kahit kilala man niya ang magkapatid na ayaw ipaghiganti ang pagkamatay ng kanilang ama, hindi niya mapapautang ang mga ito ng perang hindi niya pag-aari. Ang Pera, anya ay kay Don Cisostomo Ibarra. Gayunman, kung papayag sila sa kanilang amuki, madali niyang mabibigyan ng pera ang mga ito. Ikinatwiran ng dalawa, na kundi lamang sa kanilang kapatid na babae ay matagal na siguro silang nabitay. Pero, sinagot sila ni Lucas na mga nabibitay ay mga duwag lamang, walang salapi at mahihina at kung sakali ay malapit lamang ang bundok.

Samantala, pinagsalpuk na ang dalawang manok, na ilang sandali lang ay kapwa sugatan. Pero matindi ang sa puti. May tarak ito sa dibdib samantalang ang sa pula naman ay sa pakpak lamang. Gayunman, unang bumulagta ang puit na nagkikisay at sumunod naman ang pula na ipinipikit ang mga mata. Ang nanalo sa labanan ay ang pula. Hiyawang umaatikabo ang sumunod.

Nanghinayang sina Tarsilo at Bruno at hindi sila nakapusta disin sana’y nanalo ng tig-P100 bawat isa. Sa di kalayuan, nakita nila si Pedro, ang asawa ni Sisa na binibilangan ng pera ni Lucas. Naisip nilang pumusta sa sususnod na laban.

Tiyempo namang ang isusunod na paglalabanin ay ang bulik ni Kapitan Basilio at ang lasak ni Kapitan Tiyago. Nakalimutan ng magkapatid ang tungkol sa kanilang kapatid na babae. Naisip nilang walang mangyayari sa kanila kung kukunin nila ang inaalok na pera ni Lucas sapagkat si Crisostomo ay kaibigang matalik ng heneral at kasama pa nito sa pamamasyal.

Nang lumapit ang magkapatid kay Lucas, hindi sila nabigo. Sila ay binigyan ng tig- P30.00 sa kasunduang sasama sila sa pagsalakay sa kuwartel. Kapag sila ay nakapagsama pa, tig-sasampu uli sa bawat maisama nila. Kapag nagtagumpay sila sa gagawing pagsalakay, may tig-P100 at ang mga kasama nila at sila naman ay tig-P200 ang tatanggapin. Tumango sila pareho sa lahat ng kondisyon. Kaagad na tinanggap ang perang hinihingi nila.Tinagubilinan ni Lucas ang magkapatid na kinabukasan ay darating ang mga sandatang padala ni Ibarra. Sa ikawalo naman ng gabi sa makalawa ay kailangan magtungo sila sa libingan upang tumanggap ng utos. Ito lamang at naghiwalay na sil;ang tatlo. Tuloy ang sabong.

Kabanata 45

Kabanata 45
Pagsusuri sa Budhi


Nabinat si Maria pagkatapos na makapagkumpisal. Sa kanyang pagkahibang walang sinasabing pangalan kundi ang pangalan ng kanyang inang hindi man lamang nakikilala.Siya ay binabantayang mabuti ng kanyang mga kaibigang dalaga. Si Tiyago naman ay nagpamisa at nangako na magbibigay ng tungkod na ginto sa Birhen ng Antipolo. Unti-unti namang bumaba ang lagnat ni Maria.

Takang-taka naman si Don Tiburcio sa naging epekto ng gamot na inireseta niya sa dalaga. Sa kasiyahan ni Donya Victorina hindi niya nilabnot ang pustiso ng asawa.

Isang hapon napag-usapan ang nakatakdang pag lipat ng parokya ni Pari Damaso sa Tayabas. Sinabi ni Kapitan Tiyago na ang ganitong pagkakalayo ng pari ay labis na daramdamin ni Maria sapagkat para na rin niya itong ama. Ipinaliwanag din niya na ang pagkakasakit ng dalaga ay bunga ng mga pangyayari noong pista. Sinabi naman ng kura na mabuti nga ang di pag papahintulot ng kapitan na mag kausap ang anak at si Ibarra. Pero, tinutulan ng Donya ang ganitong pananaw ng dalaga sapagkat matibay ang kanyang paniniwala, na si Don Tiburcio ang nakapagpagaling kay Maria.

Hindi pinansin ni Pari Salvi ang Donya at sa halip sinabi niya na malaki raw ang nagawa ng pangungumpisal sapagkat daig ng isang malinis na budhi ang lahat namga gamot na gaya ng pinatutunayan na ng maraming pagkakaton. Dahil dito, nabanas ang Donya at iminungkahi niya kay Pari Salvi na gamutin ng kanyang kumpisal Si Donya Consulation na asawa ng alperes.

Hindi umimik ang pari at sa halip ay tinagubilinan niya si Kapitan Tiyago na ipahanda kay Tiya Isabel si Maria sa isang pangungumpisal muli sa gabing iyon at bibigyan nniya ng viatico kinabukasan upang tuloy-tuloy na ang kanyang paggaling.

Samantala,pinainom ni Sinang si Maria ng isang pildoras na mula sa bumbong na kristal at bilin ng doktor ay itigil ito kaag nakakaramdam siya ng pamimingi. Itinanong ni Maria kay Silang kung hindi sumulat si Ibrra. Sumagot si sinang na abala si Ibarra sa pag-aasikaso na mapatawad ng arsobispo ang kanyang ekskumunyon. Saglit na natigil ang kanilang pag\uusap sapagkat siyang pagpasok ni Tiya Isabel upang ihanda muli si Maria na sulatan niya si Ibarra at sabihing limutin na niya ito. Di nakapag tanong si Sinang dahil nagsisimula na si Tiya Isabel, si Maria naman ay nag-iisip ng mga kasalanan. Binasa ni Tiya Isabel ang sampung utos. Pagkaraan ay nagtulos ng isang malaking kandila sa harap ng altar ng mahal na Birhen.

Nagtagal ang kumpisalan sa gabing iyon. Napansin ni Tiya Isabel na sa halip na makinig ang pari sa sinasabin ni Maria, tila ba binabasa ang nasa isip ng dalaga. Nung lumabas ng silid si Pari Salvi, ito ay namumutla at nakapangagat labi, kunot ang nuo at pawisan. Sa malas, siya ang kinumpisalan na di nagtamo nag patawad.

Kabanata 43

Kabanata 43
Mga Balak o Panukala

Tuloy-tuloy si Padre Damaso sa kamang kinahihigan ni Maria at luhaang sisnabi sa “Anak ko, hindi ka mamamatay.”Nagtaka si Maria sa nakitang anyo ng pari. Ang mga nakakakilala sa prayle ay halos hindi rin makapaniwala na ang paring may magaspang na ugali at matipunong anyo ay mayroon palang gayong kalambot na damdamin ng pari. Tumindig si Pari Damaso at nagpunta sa silong ng balag sa ilalim ng balkkonahe at umiyak na parang batang ibunulalas ang lahat ng sama ng loob. Dahil dito, nasabi ng lahat na talagang mahal na mahal ng pari ang inaanak na si Maria.

Nang kumalma na ang damdamin ng pari, ipinakilala ni Donya Victorina si Linares. Sinabi ni Linares na siya ay anaanak ng bayaw ni Damaso na si Carlicos. Ibinigay ni Linares ang sulat sa pari na binasa naman niya. Lumitaw na si Linares ay nangangailangan ng trabho at mapapangasawa. Ayon kay Damaso madali niyang maihanap ng trabaho ang binata sapagkat ito ay tinanggap na abogado sa Universidad Central. Tungkol naman sa pag-aasawa, sinabi ni Damaso na kakauapin nila si Tiyago.

Naiwan si Pari Salvi na malungkot at nagmumuni-muni. Nagitla na lamang siya nang batiin ni Lucas, na hinihingi umano ng payo tungkol sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Nagdrama ng husto si Lucas, pilit na nagpapatulo siya ng luha nan isalysay niya ang pakikipagkita niya kay Ibarra at binigyan lamang ng P500.00 para sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Nagalit ang pari sa kadramahan ni Lucas, kaya pinagtabuyan niya ito at pasalamat siya’t hindi siya ipinabilanggo ni Ibarra. Umalis na bumubulong-bulong si Lucas.

Kabanata 42

Kabanata 42
Ang Mag-asawang De Espadaña


Malungkot sa bahay ni Kapitan Tiyago sapagkat may sakit si Maria. Pinag-uusapan ng magpinsang Tiya Isabel at Kapitan Tiyago kung alin ang mabuting bigyan ng limos, ang krus sa Tunasan na lumaki, o ang krus sa Matahong na nagpapawis. Nais malaman ni Tiyago kung alin sa dalawang ito ang higit na mapaghimala. Napagdesisyonan na parehong bigyan ng limos ang dalawang ito upang gumaling kaagad ang karamdaman ni Maria. Natigil ang pag-uusap ng magpinsan nang mayroong tumigil sa harap ng bahay. Ang dumating ay sina Dr. Tiburcio de Espadana, na inaanak ng kamag-anak ni Pari Damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya.

Inaasahan ni Tiyago ang mga dumating na panauhin. Pagkatapos na maipakilala ni Victorina si Linares, sinamahan sila ni Tiyago sa kani-kanilang silid.

Sa biglang tingin, aakalain na si Donya Victorina ay isang Orofea. Siya ay isang ginang na may edad na 45, pero ipinamamalitang siya ay 32 taong gulang lamang. Nuong bata at dalaga pa siya at kapani-paniwalang maganda ito. Kaya, hindi siya nagpasilo sa mga lalaking Pilipino at ang pinangarap niyang mapangasawa ay isang dayuhan. Isa siyang social climber at ibig na mapabilang sa mataas na antas ng lipunan. Ngunit, ang bitag na inihanda niya ay walang nasilo. Nalagay siya sa pangangailangan na kailangang makapangasawa siya ng dayuhan. Napilitan siyang masiyahan sa isang maralitang Kastila na taga-Espanya itinaboy ng bayang Extremadura at ipinadpad ng kapalaran sa Pilipinas. Ang kastilang ito ay Tiburcio de Espanada na may 35 taong gulang,ngunit mukha pang matanda kay Donya Victorina.

Nakarating siya sa Pilipinas sakay ng barkong Salvadora. Sa barko dumanas siya ng katakot-takot na pagkahilo at nabalian pa ng paa. Nahihiya na siyang magbalik sa Espanya, dahil ipinasya na niyang manatili sa Pilipinas. Eksaktong 15 araw siya sa bansa nang matanggap siya sa trabaho dahil sa tulong ng mga kababayang Kastila. Sapagkat hindi naman siya nag-aral pinayuhan siya ng mga kababayan na humanap nang magandang kapalaran sa mga lalawigan at magpanggap na isang mediko na ang tanging puhunan ay ang pagiging kastila. Ayaw sana niyang sumunod dahil nahihya siya, pero dahil sa gipit na gipit na siya,wala siyang mapagpipilian kundi sumunod sa payo.

Siya ay dating nagtatrabaho sa pagamutan ng San Carlos bilang tagapagbaga ng mga painitan at tagapaspas ng alikabok sa mga mesa at upuan pero wala talagang kaalam-alam sa panggagamot. Sa una mabana ang singil. Lumalaon pataas ng pataas, sinamantala niya ng husto ang pagtitiwala ng mga Indio. Dahil dito, umaasa siya na tuloy-tuloy na ang kanyang pagyaman. Ngunit, nagsumbong ang mga tunay na mediko sa Protomediko de Manila na siya ay pekeng doktor. Nawalan na siya ng pasyente. Babalik na sana siya sa pamamalimos sa mga kakilala’t kababayan subalit napangasawa nga niya si Donya Victorina.

Pagkakasal, lumipat sila sa Santa Ana at dito idinaos ang kanilang pulut-gata. Ilang araw ang nagtagal bumili ng aranya at karomata si Donya Victorina at matutuling kabayo mula sa Albay at Batangas para sa gamit nilang mag-asawa. Binihisan din niya ng husto ang asawa para magmukhang kagalang-galang. Ang Donya ay nagsimulang maging ilusyunada bilang isang Orofea. Nagpusod-Espanyola at naglagay ng mga palamuti sa katawan. Ilang buwan ang lumipas, Ipinamalita niyang siya ay naglilihi at sa Espanya manganganak sapagkat ayaw ipanganak ang anak na tatawaging rebolusyunario. Ang kanyang pangalan ay dinagdag din ng de, kayat nakalimbag sa mga tarheta nito ang Victorina delos Reyes de Espanada.

Dumaan ang tatlong buwan, ang inaasahang pagbubuntis ng Donya ay naunsyami kayat wala siyang magawa kundi ang manatili sa “lupaing ito ng mga salvaje.” Ang ginawa niya ay nagpatingin sa mga hilot at manggagamot, ngunit wala ring nangyari. Hindi siya nagkaanak.

Dahil siguro nadisperada ang Donya sa hindi pagkakaroon ng anak, naibunton niya ang kanyang ngitngit sa asawa nito. Parang maamong kordero ang Don, kahit na ano ang gawin ng Donya hindi ito nakakarinigan ng reklamo, kapag nagagalit ang Donya, nilalabnot niya ang pustiso ng asawa at kung minsan nama’y hindi niya ipinapahintulutan lumabas ng bahay.

Isang araw, naisip ng Donya na ang asawa ay dapat na maglagay ng titulong medicina at cirugia. Tumutol ang Don sapagakat pamemeke na naman ang gagawin niyang panggagamot. Ngunit, wala siyang magawa at sumunod na lamang sa Donya. Tunay na amini’t hindi, siya ay Ander de Saya.

Nagpaukit sa marmol ang Donya ng karatulang may nakasulat na:DOCTOR DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE ENFERMEDADES at ito ay ikinabit sa kanyang bahay.

Naisip din ng Donya na kumuha ng tagapangasiwang kastila sa kanyang mga ari-arian sapagkat hindi niya pinagkakatiwalaan ang mga Pilipino. Ipinakaon naman ng Don ang pamangkin si Linares na nag-aaral ng pagkamananggol, sa gastos ng Donya.