Sabado, Oktubre 30, 2010

Plop! Click!

Plop! Click!
(Dobu Kacchiri)

Mga Tauhan:
Koto
Kikuichi
Isang Nagdaraan


Koto : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?

Kikuichi : Nariyan na!

Koto : Nasaan ka?

Kikuichi : Heto na ‘ko.

Koto : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na din naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?

Kikuichi : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.

Koto : Ano pang hinihintay natin kung ganoon. Maghanda ka ng sake.

Kikuichi : Ngayon din. Nakahanda na ang bote ng sake

Koto : Umalis na tayo agad. Halika na!

Kikuichi : Nakahanda na ako.

Koto : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid ng tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.

Kikuichi : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdaman mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.

Koto : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot ditto.

Kikuichi : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.

Koto : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.

Kikuichi : Gaya ng sabi mo kasiya-siya ang magbiyahe.

Koto : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay ka na lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kwento. Bakit di mo ensayuhin ang Labanan sa Heike, ang pamosong epiko?

Kikuichi : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Maswerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.

Koto : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso

Kikuichi : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.

Koto : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Heike, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji― silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dugo! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba, ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabag-habag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!...”

Kikuichi : Kagila-gilalas pala talaga ang epikong iyan. Nagagalak akong marinig.

Koto : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa’kin!

Kikuichi : Sige lang, sumusunod ako.

Koto : Maraming bumibigkas ng Heike,pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pagaralan mo itong mabuti.

Kikuichi : Iinsayuhin kong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.

Koto : Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo” gagawin kitang isang “Koto”.

Kikuichi : Napakabuti mo ngang talaga.

Koto : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.

Kikuichi : Oo nga, pakiramdam ko’y dagat nga iyon.

Koto : Kailangan nating tawirin ito. Anong dapat nating gawin?

Kikuichi : Ano nga bang dapat nating gawin?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil may lalakarin ako sa kabilang bundok, Kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa iyon? Titigil muna ako rito at panoorin sila pansumandali.

Koto : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.

Kikuichi : Sige. Ayan. naghagis na ako. PLOP!

Koto : Malalim doon.

Kikuichi : Malalim na malalim doon.

Koto : Subukan mo sa ibang direksyon.

Kikuichi : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!

Koto : Mababaw doon.

Kikuichi : Mukha ngang mababaw doon.

Koto : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!

Kikuichi : Pero amo, teka muna sandali.

Koto : Bakit?

Kikuichi : Bubuhatin ko na kayo sa likod ko.

Koto : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.

Kikuichi : Pero kaya nga ako narito para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.

Koto : Hindi huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan nalang tayo sa isa’t isa saka lumakad ng painut-inot.

Kikuichi : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangan mabuhat ko kayo sa aking likuran.
Koto : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papaya akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na ang sarili mo.

Kikuichi : Salamat, Nakahanda na ako.

Nagdaraan: Mautak ang mga bulag na iyon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Maswerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat pagtawid sa dagat. (papatong siya sa likod ni Kikuichi.)

Kikuichi : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.

Nagdaraan: (Sa mga manonood). Hindi ko inaasahan ang swerteng ito. Tuwang-tuwa ako.

Koto : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?

Kikuichi : Na-ri-to a-ko!

Koto : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?

Kikuichi : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.

Koto : Kabubuhat lang sakin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon magisa pala tumawid.

Kikuichi : (Magmamadaling tumawid sa pinanggalingan) Kailan kayo tumawid na muli rito amo?

Koto : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.

Kikuichi : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.

Koto : Huwag kang magalaw.

Kikuichi : Lalakad na ako ng painut-inot. Mukhang napakalalim dito.

Koto : Basta mag-ingat ka at huwag kang masyadong magalaw.

Kikuichi : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!

Nagdaraan: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!

Koto : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.

Kikuichi : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyin ko kayo. talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.

Koto : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?

Kikuichi : Anong sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.

Koto : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.

Kikuichi : Sige po. Nagdaraan: Aba’t may isa pa pala akong swerte. Akong iinom noon

Kikuichi : Nagtatagay na po ako. Glug! Glug!

Koto : Tama na yan Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.

Kikuichi : Sigurado, amo.

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Ang sarap nito!

Koto : Ano na, Kikuichi? Bakit do mo ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lag po’t binigay ko sa inyo.

Koto : Iyon din ang akala ko, pero wala ni isang patak ng baso ko.

Kikuichi : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay ulit ako. Heto, pupunuin ko na ang baso.

Koto : Sige, Bilisan mo.

Kikuichi : Eto na. Glug! Glug!

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Aba’t may kasunod pa! Walang kasingsarap ang sakeng ito!

Koto : Tama na ‘yan. uminom ka rin ng kaunti.

Kikuichi : Pwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake di po ba?

Koto : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lamang po ng isang punong baso para sa inyo.

Koto : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak hindi mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-nom.

Kikuichi : Naku, hindi ganyan magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.

Koto : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? hindi ka lang gago, dinaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. tagayan mo ako ulit.

Kikuichi : Gusto ko po sana. pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.

Koto : Ano? ni isang patak wala nang natira?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Talagang nakakaaliw ito. Pagaawayin ko sila. Bang! Bangg!

Koto : Aray, Aray ko! Ano ba’t sobra na ito. Matapos mo akong agawan ng inumin, ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.

Kikuichi : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?

Koto : Sinaktan mo na ako, ulol!

Kikuichi : Itinabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksyon ninyo ang mga kamay ko.

Koto : A, hindi pala? At sino pang mananakit sakin, aber? sino, sabi?

Kikuichi : Aray, Aray ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?

Koto : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa inyo ang mga kamay ko.

Kikuichi : Hindi nakatutok? Sinong nanakit sa akin? Magsalita kayo, sino pa?

Koto : Aray, Aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?

Kikuichi : Nasa binti ko ang mga kamay ko.

Koto : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?

Kikuichi : Aray! Tama na! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko, Amo.

Koto : Ano? Abusuhin?

Kikuichi : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?

Koto : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.

Kikuichi : Di dumadapo? kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?

Koto : Aray, Ano ka ba?

Kikuichi : Aray ko po, tama na!

Nagdaraan: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero, teka! Aba’t tinuluyan na nilang magsuntukan. Delikado pa ang manatili pa ditto. kailangang makaalis na ako habang may araw pa.

Koto : Nauubos nang pasensiya ko. hindi kita patatakasin lintik ka!

Kikuichi : Bakit ako sinasaktan?

Silang Dalawa: A-a-aray…
Kikuichi : Ikinahihiya ko kayo amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapangap lang pala kayong mabait. Santo-santito!

Koto : Huwag, sandal lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patakasin!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento