Si Mariang
Mapangarapin
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla.
Masaya at matalino rin siya. Ano pa't masasabing isa na siyang
ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man
ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa
malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala
siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria
bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.
Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang
dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang
alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa
kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang
pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa
umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot
at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon
siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.
Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na
nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang
itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni
Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng
pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang
pangarap.
At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa
araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng
linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang
itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria.
Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos,
bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka
lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad
nang pakendeng-kendeng at BOG!
Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita
si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang
kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang
sunung-sunong.
Mensahe: Gawing
makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.
Sanggunian:
Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento
(Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press,
1986, pp.84-85.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento