Ang Tsonggo at ang
Alamid
Sa gitna ng isang ilog ay may maliit na isla. Sa nasabing
isla ay may nakatanim na mga puno ng peras na hitik na hitik sa bunga.
Ang Alamid at ang Tsonggo na nakatayo sa tabing ilog ay
pinanlalakihan ng mga mata. Gustung-gusto nilang pitasin at kainin ang
madidilaw na sa hinog na peras. Ang problema, malayo sila sa mga puno na
natatanaw lamang nila. Hindi sila marunong lumangoy at wala ring bangka sa
paligid nila.
Nagkasundo ang dalawang kumuha sila ng malalaking sanga ng
mga puno sa paligid. Pinagtabi-tabi nila ang mga ito at itinali ng mga yantok.
Nang mapahaba ang tulay ng mga sanga ay itinulak nila ito sa tubig.
“O, hayan, mahabang-mahaba na ang tulay natin papuntang
isla. Puwede na tayong lumakad sa ibabaw ng tulay upang kunin ang mga peras sa
isla,” paliwanag ni Tsonggo.
“Sampa na!” utos ni Alamid.
Napansin ni Tsonggong tumatagilid ang tulay kapag silang
dalawa na ni Alamid ang sabay na tumatapak. Bumaba na sila sa tulay at
nag-usap.
“Hayaan mong mauna akong lumakad sa tulay. Sumunod ka pag
narating ko na ang isla,” suhestiyon ni Alamid.
Pumayag si Tsonggo sa kundisyong paghahatian nila ang mga
peras na hating kapatid.
Nauna nga si Alamid pero nang marating na nito ang isla ay
naiba na ang simoy ng hangin. Ngingisi-ngisi nitong inakyat ang mga puno.
“Pagkarami-raming peras! Lahat ng peras ay akin. Wala akong
ititira sa iyo.”
Matagal na naghintay sa tabing-ilog si Tsonggo. Galit na
galit ito sa di pagtupad ni Alamid sa napag-usapan nila.
Upang makaganti ay may naisip na istratehiya ang Tsonggo.
Hinatak niya ang tulay papuntang tabing ilog. Nang makita ni Alamid na papalayo
na sa isla ang tulay ay nagtatalon siya sa takot.
“Maawa ka, Tsonggo! Maawa ka! Ibalik mo ang tulay. Hahatian
kita ng peras. Pangako!” nagtatalon sa takot ang Alamid.
“Ikaw ang magpahinog!” bulong ni Tsonggo. “Paano mo ko
mahahatian e inubos mo na lahat ang peras. Kailangan pang hintayin ang isang
taon para mamulaklak at magbunga ang puno. Iyo na lahat ng peras. Akin naman
ang tulay sa tabing ilog ko papalayo sa isla mo!”
Aral: Kailangan kang
maging makatarungan upang ikaw ay pahalagahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento