Sabado, Pebrero 9, 2013

Pusong Walang Pag-ibig

Pusong Walang Pag-ibig
ni Roman G. Reyes

I. May Akda

Si Roman G. Reyes ay ipinanganak noong ika-28 ng Pebrero, 1858 sa Bigaa, Bulacan. Nang makatapos ng pag-aaral sa Bigaa ay dinala siya sa Maynila upang mag-aral sa Colegio de San Jose at nagtapos noong 1874 bilang maestro superior.
Nagturo siya sa Sta. Maria, Bulacan na kilalang bayan ng makata at manunulat. Dito niya nakilala at pinakasalan noong 1883 si Sebastiana Ramos, 16 anyos lamang samantalang si G. Reyes ay 25 anyos. Ayon kay Dr. Mona Highley, si G. Reyes ay isang mahigpit na magulang. Labintatlo ang mga anak ng mag-asawa. Kabilang sa mga ito si Gng. Trinidad Reyes-Cruz na kaibigan ni Dr. Highley. Isa naman sa mga anak na lalaki ni G. Reyes si Ildefonso na nakapangasawa ng Amerikanang si Grace Hackman sa Brooklyn, New York. Noon ay nagbalik si G. Reyes sa Bigaa noong 1886 kung saan siya ay nagtayo ng paaralan sa mga silid ng bukana ng kaniyang bahay. Nagtrabaho siya bilang bahagi ng eskribiyente sa tribunal ng kanilang bayan na may sahod na walong piso kada buwan. Ganito ang kaniyang pamunmuhay sa Bigaa hanggang sa sumiklab ang Rebolusyon noong ika-5 ng Nobyembre 1896. Ang kanyang pamilya ay lumipat sa Maynila noong 1899 sa bahaging Kapawiran ng daang Requesens. Nang umasenso ay lumipat sa bahaging Kabatuhan. Nang mga panahong iyon ay katatapos lamang ng Rebolusyon at nagkaroon ng bagong sistema ng sanitasyon na sumugpo sa kolera at bulutong kung saan siya nagsimulang sumulat ng mga nobela na siya namang itinuturing ng mga kritiko bilang isa sa mga importanteng koleksyon ng mga isinulat na obra. Ang Pusong Walang Pag-ibig ay nasundan pa ng tatlong nobela: Bulaklak ng  Kalumpang (1907), Hinagpis at Ligaya (1908) at Wakas ng Pagtitiis (1908).

II. Buod

Sa baryo ng Pulong-gubat, nais ni Matandang Tikong na maikasal na ang anak niyang si Loleng. Nararamdaman ng matanda na malapit na siyang mamatay at mapapalagay lamang siya kung mayroong lalaking makakasama ang kanyang anak habangbuhay. Napili niTandang Tikong si Ikeng na dating tenyente at ngayon ay wala pang trabaho. Wala namang magawa si Loleng dahil iyon ang kagustuhan ng kanyang ama. Bagama’t napupusuan niya si Tone na lagi niyang nakakaulayaw ay may nasisintahan nang iba. Dumating isang gabi si Ikeng at nakipagkasundo na nga kay Matandang Tikong at nangakong babalik para matupad ang pangako ngunit naisip ni Ikeng na tila napasubo na naman siya sa hindi niya gusto dahil may mga dalaga pa siyang sinusuyo tulad nina Isiang, Beheng at Gunday. Nagkausap-usap ang mga binata ng Pulong-gubat at kung bakit daw nila hinahayaan na ang isang dayo ang siya pang manliligaw sa dalagang katutubo sa kanilang nayon? Dahil dito ay kinausap ni Aling Buro si Loleng at kung bakit sa isang dayo pa siya magpapakasal. Sinabi naman ni Loleng na wala siyang magagawa dahil ama niya naman talaga ang nasusunod. Nabigo si Ikeng sa panunuyo kay Isiang, Gunday at Beheng. Idinemanda pa siya ni Kabesang Tiago dahil sa pagtangay sa kanyang anak na si Isiang matapos tangkaing itanan ni Ikeng sa tulong ni Tomas. Pati si Tomas ay nadamay sa demandahan at kung hindi kadikit ni Ikeng ang direktor ay malamang na ikinulong sila. Ngunit hindi sumusuko si Kabesang Tiago dahil kung walang magagawa ang kinauukulan ay siya mismo ang gagawa ng hakbang para maparusahan si Ikeng. Para makaiwas sa gulo ay naisipan nina Mang Simon at ni Aling Tolang na suyuin sa tulong ni Tenyente Pedro ang mag-amang taga-Pulong-gubat para ikasal na sina Ikeng at Loleng. Pumayag si Ikeng sa mungkahing iyon dahil wala na talagang ibang paraan bagama’t dalawang buwan na ang lumipas. Natuloy ang kasal at nangako si Ikeng kay Loleng na hindi mauubos ang kanyang pag-ibig. Naging maganda sa umpisa ang pagsasama ng bagong kasal ngunit hindi nagtagal ay nagbalik na namansi Ikeng sa dati niyang gawi. Namatay na nagsisisi si Matandang Tikong kung bakit si Enrique ang napili niya para sa anak ngunit hindi ni Loleng sinisi ang kanyang ama. Naging palasugal na ngayon si Ikeng hangang sa manganak si Loleng na wala siya sa kaniyang tabi. Babae ang naging anak nila at pinangalanang “Elisa”, at “Nene” ang naging palayaw. Unti-unting naubos ang pamana ni Matandang Tikong para kay Loleng dahil sa pagsusugal ni Ikeng. Kahit damit ay hindi ni Loleng maibili si Nene at minsan ay wala man lang bigas na maisasaing kaya naging kaawaawa ang mag-ina. Pinayuhan ni Aling Buro si Loleng na huwag nang hayaan si Ikeng sa pagsusugal kung ayaw nilang mamatay sa gutom. Nagkaroon ng mga usap-usap tungkol sa isang himagsikan at umabot iyon sa Pulong-gubat. Maraming lalaki ang nais sumali sa Rebolusyon kaya sila ay pumunta sa bundok. Isa si Ikeng sa mga sumanib ngunit hindi naman talaga iyon ang kanyang layon kundi ang maiwan ang kanyang asawa’t anak. Natapos ang himagsikan at tinalo ng mga Amerikano ang mga Kastila. Sa halip na magsarili na ang Pilipinas ay inako lamang na mga Amerikano sa Kastila ang kapangyarihan. Isang kaguluhan ang nangyari at nagtakbuhan ang mga tao. Nahiwalay si Loleng kay Nene kaya’t siya’y muntikan nang mabaliw sa kakahanap samantalang inagaw pala ni Ikeng si Beheng mula sa kanyang ama na si Kabesang Bino at itinago sa Tarlac. Masalimuot ang naging kalagayan ni Loleng habang hinahanap si Nene sa Maynila. Hindi inakala ni Loleng na may magnanakaw na pumasok sa kaniyang tahanan habang abala sa paghahanap. Mabuti na lamang dahil pinabaunan siya ng pera ni Aling Buro dahil baka sa kalye siya matulog. Maging si Nene ay hinahanap na rin ang kanyang ina. Habang tila maloloka na sa kakahanap ay napagtanungan ni Loleng si G. Ricardo sa daang Villalobos. Napagkamalan nga ng ginoo na si Loleng ay matanda na dahil sa itsura nito. Nalaman ni Loleng na kinupkop ni G. Ricardo at ng kaniyang asawang si Aling Nitang ang anak niyang si Neneng. Sa wakas ay nagkita na muli ang mag-ina. Hindi ibang tao ang turing nina G.Ricardo at Aling Nitang sa mag-ina. Ibig ni Loleng na makapag-aral si Nene dahil iba na ang panahon. Pumayag pa nga sila na mag-aral si Nene at binigyan ng puhunan si Loleng para makapagbenta ng bibingka. Unti-unting guminhawa ang buhay ng mag-ina. Biglaang sumulpot si Ikeng sa barberya ni Tomas dahil magpapagupit. Nakilala ni Tomas at Ikeng ang isa’t isa. Nalaman ni Tomas na nakulong ng apat na taon si Ikeng dahil sa pagtatanan kay Beheng. Nais ni Ikeng na makita ang mag-ina ngunit hindi nito alam kung saan sila hahanapin. Siya namang itinuro ni Tomas ang lugar nina Loleng at Nene ngunit sa kasamaang palad ay nabangga ng isang humaharurot na awtomobil si Ikeng at isinugod sa Hospital San Pablo. Naghihingalo na si Ikeng ngunit nagawa pa rin niyang humingi ng kapatawaran at inamin na napakalaki ng pagkukulang niya sa kaniyang mag-ina. Oras na talaga ni Ikeng at siya’y tuluyan nang namatay. Dito nagtatapos ang kuwento ni Ikeng, ang “pusong walang pag-ibig”.

III. Pagsusuri

A. Pamagat 

Naging iresponsableng asawa at ama si Enrique kaya naman marami siyang pagkukulang. Wala siyang inisip kundi sariling kapakanan at kung ano ang gusto niyang gawin. Siya ay isang taong may “Pusong Walang Pag-ibig”.

B. Tagpuan

Umikot ang istorya sa panahon na magtatapos na ang ng ika-19 na siglo. Mahihinhin pang manamit ang mga tao noon mahigpit ang mga magulang sa anak. Naipakita rin ang mga makalumang panunuyo ng mga binata sa mga dalaga at ang kanilang mga palusot para lihim na mag-usap o makipagtanan. Ibinase ni Roman G. Reyes ang ilang parte ng nobela sa mga historikal na pangyayari tulad ng malawakang Rebolusyon sa Pilipinas at ang pagdating ng Amerikano na pinalitan ang mga Espanyol sa pamumuno sa kolonya. Nagdagdag ng historikal na mga lugar at pangyayari tulad ng Maynila na pinagdausan noon ng giyera ng mga Pilipino, Kastila at Amerikano.


C. Tauhan

Enrique “Ikeng” Pag-Ilagan – 19 anyos na binata, kulot ang buhok at mapang-akit ang mga mata. Maraming nililigawan ngunit hindi handang magpakasal. Sa huli ay si Loleng rin pala ang papakasalan na dating tinalikuran ng pangako. Hindi nagtagal ay naging iresponsableng asawa at ama ngunit nagsisi kung kailang huli na ang lahat.

Loleng – anak ni Matandang Tikong at pinagkasundaang pakakasal kay Ikeng. Isang mabutiat ulirang ina kay Nene. Masyadong mapagbigay kaya napabayaan ang minana sa kaniyang ama kaya unti-unting naubos dahil sa pagsusugal ni Ikeng.

Nene – Elisa sa tunay na pangalan. Anak ni Ikeng at Loleng. Siya ay inosente, magalang at mapagkumbaba ngunit matalino sa kabila ng mga paghihirap na dinanas.

Matandang Tikong – maalalahaning ama ni Loleng na sa katandaan ay nag-aalinlangan kung kanino niyang lalaki ipagkakatiwala ang anak niya. Pinili si Ikeng para mapangasawa ni Loleng na tila mabigat ang loob dahil walang magagawa kundi sumunod sa desisyon ng ama. Nagsisi nang sumapit ang kamatayan dahil nagkamali pala sa pagkakakilala kay Ikeng.

Isiang – dalagang taga-Tabing-bakod at anak ni Aling Juana at Mang Tiago. Minahal si Ikeng kahit hindi ito seryoso sa kanya. Labag sa mga magulang niya ang panunuyo ni Ikeng ngunit nagpumilit na siya ay itanan, na siya namang pumalpak sa bandang huli.

Aling Buro – kahit hindi tunay na anak si Loleng ay kaniyang sinuportahan sa mga bagay- bagay tulad noong ipinanganak si Nene, pagbibigay ng payo para matigil ang pagwawaldas ni Ikeng ng pera at pagpapabaon kay Loleng ng pera noong lumuwas sa Maynila.

Tomas – matalik na kaibigan ni Ikeng na kasama niya sa lahat ng bagay. Makalipas ng ilang taon ay nagkita silang muli ni Ikeng sa barberya at nagsilbing instrumento upang makita muli sina Loleng at Nene.

Beheng – dalagang taga-San Jose na anak ni Kabesang Bino. Inagaw ni Ikeng mula sa ama at itinanang patago sa Tarlac sa halip na ang pagtulong sa Rebolusyon ang inatupag. Labis na natakot dahil baka mahanap sila ng kanyang ama at sinabi ni Ikeng na huwag matakot dahil magkasama silang parehong nag-iibigan.

Mang Tiago – nagbanta na gagawa ng paraan para makulong si Ikeng dahil sa pagtatangkang maitanan si Isiang. Dahil dito, walang nagawa si Ikeng kundi umiwas sa gulo sa paraan na ituloy ang pagpapakasal kay Loleng.

Kabesang Bino – ama ni Beheng na nagdemanda kay Ikeng dahil sa pang-aagaw sa kaniyang anak. Nakulong si Ikeng sa loob ng apat na taon dahil sa kaniya.

Mag-asawang G. Ricardo at Aling Nitang – mag-asawa na nakatagpo kay Nene at nagsilbing instrumento upang magkitang muli ang mag-ina. Mabait at mapagbigay ang mag-asawa dahil tinulungan si Loleng at Nene para makaahon sa hirap.

D. Balangkas ng Pangyayari 

Gumamit ang may-akda ng Daloy ng Kamalayan o stream of consciousness
sa wikang Ingles. Diretso ang lahat ng patutunguhan ng istorya kaya mas naiintindahan ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Nag-umpisa ang lahat sa pakikipagkasundo ni Ikeng kay Matandang Tikong hanggang sa kanyang kamatayan ng magkita sila muli nina Loleng at Nene sa Maynila. Maikli lang ang nobela dahil ito ay may dalawampu’t pitong mga kabanata na umiikot sa kwento nina Ikeng, Loleng at Nene ngunit may mga kabanata na may historikal na pagsasalaysay tulad ng Rebolusyon sa Bulacan at ang pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas.

IV. Epekto sa Mambabasa

Sa pagbabasa ng nobelang Ang Pusong Walang Pag-ibig ni Roman G. Reyes ,
Maraming matatagpuan na iba’t ibang damdamin at saloobin sa bawat kabanata na minsan ay nakakatawa, nakalungkot, nakakaawa, nakakagalit, nakakainip at marami pang iba. Ngunit halos lahat ng mga pangyayari ay nakakalungkot at makabagbag-damdamin. Nakakagalit naman ang pagiging iresponsable ng mga tauhan katulad ng ginawa ni Ikeng na panliligaw sa maraming dalaga at nang makasal ay nagsugal ng walang kapararakan at nambabae pa. Pero sa kabila ng lahat, nakakalungkot dahil nagkahiwalay si Loleng at Nene. Makikita sa nobela kung gaano kamahal ng isang ina ang anak at gagawin ang lahat para magkitang muli. Ngunit nakakapanabik noong parte na malapit nang mahanap ni Loleng ang kanyang anak at labis na nakaliligaya nang magkita silang muli. Napakaraming problema at paghihirap ang hinarap ni Loleng. Pumupukaw sa damdamin ng mambabasa kung papaano ba ang hindi mawalan ng pag-asa at tibay ng loob upang harapin ang mga mabibigat na problema kahit tila pasan na ang mundo sa hirap. Matutunan dito sa nobela kung paano ang magtiis sa hirap dahil hindi magtatagal ay giginhawa kung mananatili ang pagiging mabuti at kung may pagmamahal pa rin sa puso. Ang kawalan ni Ikeng ng pagmamahal ay nagdulot sa kanya ng kasawian at maaring kasawian din ang maging epekto nito sa iba na makasariling tulad niya. Nagising ang mambabasa pagkatapos malaman kung gaano ka importante ang pagiging responsable sa mga bagay-bagay. Si Ikeng ay pabigla- bigla kung mag-isip kaya palagi niyang sambit na siya’y napasubo na naman sa maling kilos.Dapat ay iniisip muna ang mga posibilidad ng isang kilos bago ito gawin. Kung ito ba ay makabubuti o makasasama? Isang nakakainis na makalumang pag-uugali sa nobela ay ang pagdedesisyon ng magulang kung sino ang pakakasalan ng kanilang anak na babae tulad ng nangyari kay Loleng. Kung ang mambabasa ay nasa lagay ni Loleng ay iuurong niya ang kasal dahil walang saysay kung hindi naman mahal ang isa’t isa. Kailangan din ang pagiging matapat lalo na sa pag-ibig para maging matatag ang relasyon ng magkasintahan o mag-asawa. Natutunan rin nang mambabasa na dapat unahin ang mga importanteng bagay tulad ng pag-aaral. Inuna ni Ikeng ang pagsusugal kaya nabaon sila ni Loleng sa utang at lalong naghirap. Dapat rin maging matatag ang samahan ng isang pamilya para hindi magkahiwalay ng landas o magkawatak-watak. Karaniwan sa Pilipinas ang mga iresponsableng ama at asawa na kung hindi lasenggo ay maaring sugarol. Nararapat itong basahin ng mga taong mahilig sa bisyo para sila ay maliwanagan.

V. Konklusyon

Ayon sa pagsusuri, ang Pusong Walang Pag-Ibig ay isa sa mga maganda at kapaki-pakinabang na basahin dahil sa pagiging dramatiko nito at sa mga mapupulot na aral. Hindi nakakatamad suriin ang nobela dahil sa magandang kuwentong taglay.

A. Aral 

Isang kahalagahan ang pagiging responsable. Naipakita ni Roman G. Reyes ang katotohanan sa mga iresponsableng ama noon at maging sa ngayon. Ang pagpapakasal ay hindi kaning isusubo at kapag napaso ay iluluwa. Ang kasal ay isang banal na pakikipagtipan na may basbas ng Diyos. Kailangang magsikap ang isang magulang lalo na ng isang padre de pamilya para maitaguyod sa magandang kondisyon ang kanyang pamilya sa halip na magbisyo dahil masama ang magiging epekto nito.

Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang isang tao dahil may maawaing Diyos sa Langit. Manalig lamang sa Kaniya at kumilos ng tama at Kanyang ibubuhos ang biyaya. Matatag si Loleng dahil sa kalagitnaan ng alitan giyera ng mga Amerikano sa Pilipino ay kanyang buong giting na hinanap sa mapanganib na lansangan ng Maynila ang kanyang anak na si Nene. Isipin muna ng maraming beses ang isang bagay bago ito gawin. Maraming beses na pumalpak si Enrique dahil napasubo lamang siya at hindi inisip kung ano ba ang tamang gagawin. Mali ang pagiging pabigla-bigla sa pagdedesisyon dahil baka hindi magustuhan ang magiging dulot nito. May mga taong nakatatanda at maraming karanasan.

Dapat pahalagahan ang edukasyon dahil ito’y magbibigay sa tao ng magandang kinabukasan. Sinikap ni Loleng na mapag-aral si Nene at masasabi ko na tama ang kanyang desisyon. Samantalang nagsikap mag-aral ng mabuti si Nene dahil sa pagiging masunurin sa ina.

Maging masunurin sa magulang dahil ito ay isa sa mga utos ng Diyos na may pangakong pagbibigay ng magandang kapalaran balang araw. Sumunod si Nene sa mga tagubilin ng kanyang ina at kahit kailan ay hindi siya naligaw ng landas.Kapag may hirap, may ginhawa. Sa kabila ng hindi na nahanap muli ni Loleng si Ikeng ay sinikap niyang muling bumangon sa tulong ni G. Ricardo at Aling Nitang. Sa simpleng pagbebenta ng bibingka ay unti-unting nakaipon kaya silang mag-ina ni Nene ay namuhay rin ng masagana.

Maging matulungin sa kapwa  katulad ng pagtulong ni G. Ricardo at Aling Nitang kina Loleng at Nene. Hindi sila kailanman humingi ng kapalit bagkus lalo pa nilang sinuportahan ang mag-ina para umasenso.

B. Puna

Makalumang Tagalog ang kadalasang ginamit ni Romang G. Reyes tulad ng salitang “napapanagimpan” at “humahaginggeng” sa mga pagsasalaysay at pag-uusap ng kwento at tauhan. Naging mahirap para sa manunuri ang pagkuha sa kahulugan ng ibang mga hindi pamilyar na salita ngunit sulit naman dahil maganda ang kuwento. Naipakita ng may-akda ang kulay ng mga makalumang kaugalian noong ika-19 na siglo tulad ng labis na kahigpitan at pagdedesisyon ng magulang kung kanino ikakasal ang anak, ang mga makalumang uri ng sugal, pamamaraan ng panliligaw at mga salitang panuyo, mga taong walang ibang libangan kundi makipagkuwentuhan sa kapananghalian at ang mga bagay na dapat inihahanda kapagmanganganak ang isang babae. Lahat ng mga makalumang ugali ay nagbigay diwa sa nobela.Inilahad rin ni Roman G. Reyes ang kanyang historikal at awtobiograpikal na karanasan sa Rebolusyon tulad ng mga pagkabalisa ng mga tao, pagiging abala ng mga kalalakihan dahilmamumundukan at ang hindi pagiging kalmado ng mga dalaga dahil sa takot. Isiningit rin ng may-akda ang kalagayan ng Maynila noong nagkakagulo dahil sa biglaang dominasyon ng Amerikano sa Pilipinas na ang kinakatwiran ay tutulong daw para makapagsarili ngunit sinalakay nila ang mga sundalong Pilipino. Maraming naganap na sunog. Naging mga sakim ang tao sa Maynila at ang iba ay nagnakaw sa bahay ng may bahay samantalang itinaas ang renta ng mga pinauupahang tulugan ng mga ganid na maybahay. Maganda ang pagbibigay papel ni Reyes sa mga tauhan ng kanyang nobela. Naging ganap ang pagiging iresponsable at bisyo ni Enrique na siyang nagdulot ng paghihirap ng kanilang pamilya. Ngunit sa kabila nito, naging ulirang ina si Loleng kay Nene dahil tiniis niya ang mga paghihirap at nagsikap para makabangon at mapag-aral ang anak. Hindi nagustuhan ng mambabasa ang pagkamatay ni Ikeng dahil hindi man lang ito nabigyan ng pagkakataon na makabawi sa kanyang asawa’t anak namatagal niyang hindi nakita sa loob ng mahabang panahon. Ngunit maaaring naging silbing parusa iyon kay Ikeng dahil sa kanyang mga pagkukulang. Epektibo ang dramatiko at makalumang estilo ni Roman G. Reyes upang maramdaman ng mambabasa ang mensahe ng kwento at damdamin dahil ito ay puno ng mga aral na tiyak na tatatak sa isip ng sinumang babasa.

1 komento: