Kabanata 16: Baha
Napakalakas na nang ulan. Lubog na sa Maynila, kaya nag-alala ng husto si Caridad para kay Leni dahil madaling lumubog sa pook ng pagamutan. Nagbukas sila ng radyo at narinig nila sa balita na ang pagamutan ng lungsod ay binaha na ng husto. Sinimulan nang ilikas ang mga pasyenteng nasa unang palapag ng gusali dahil naabot na ito ng tubig. Hindi na makapasok ang ambulansya sa loob ng pagamutan. Nag-alala pa lalo si Caridada para kay Leni. Ayon rin sa balita, nagsisimulang magpakita ng palatandaan na maaaring sumabog ang isang malaking dike sa Pampanga. Dahil dito, maaaring lumubog ang buong lalawigan, at madamay pati ang mga karatig na lalawigan ng Bulacan, Bataan , Tarlac, at maaaring ang buong Gitnang Luzon. Naisip ni Caridad ang kanilang palayan sa Bulacan, at lalo na kung ano na ang nangyayari sa kanyang Ate Anita. Bigla na lamang nawalan ng kuryente.
Samantala, pumasok na ang tubig sa bahay ni Nyora Tentay. Sila lamang ni Ingga ang nasa bahay dahil bihira nang umuwi si Victor mula nang kumalat sa kanilang pook ang balita ng usapin niya na iniharap ni Caridad. Lumapit noon si Victor kay Gracia, ngunit hindi man lamang siya hinarap nito. Dahil dito’y pinagalitan siya ni Nyora Tentay dahil ayaw niyang lumalapit ito kay Gracia. Mula noon ay hindi na ito nag-uuwi, at natuklasan ni Nyora Tentay na may inuupahang apartment si Victor. Ibang-iba na si Victor. Hindi na ito ang dating palasang-ayon sa lahat ng sinasabi ni Nyora Tentay. Natuto na itong sumagot sa kanya. Ngayon ay kailangan niya si Victor dahil bumabaha na sa kanilang bahay. Bigla na lamang may mga taong kumatok sa kanyang pinto at nagsisigaw, nagmamakaawang patuluyin sila dahil baha na sa kanilang bahay, at siya lamang ang may mataas na bahay sa Canal dela Reina. Pinagkaitan niya sila. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang bayong na naglalaman ng mga alahas, pera, pilak at mahahalagang papeles kasama na ang titulo ng kanyang lupa. Tinawag niya ang pangalan ng panginoon upang humingi ng tulong dahil natatakot siya sa mga taong kumakatok sa kanyang pinto. Matagal na rin niyang hindi natatawag ang pangalan ng panginoon. Winasak na ng mga tao ang pintuan ng kanyang bahay upang makapasok sila, kaya wala na siyang nagawa. Naramdaman niyang nawalan na lamang siya bigla ng lakas at siya’y tuluyan ng natangay ng rumaragasang tubig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento