Huwebes, Enero 17, 2013

Iniibig ko ang Inang Daigdig

Iniibig ko ang Inang Daigdig

 

INIIBIG KO...
Ang punong may dulot sa atin ng sariwang bunga at lilim,
Ang nangaggandahang bulaklak na ang bango'y tangay ng hangin
Ang mga ibon at kulisap na may tuwang nag-aawitan,
At lahat ng hayop sa mundo, maging alaga't kawala man...
Ang mga ilog at batisan na gumiginday sa pag-agos,
Ang mga lawa't karagatang maraming isdang kinukupkop
Sa makukulay na korales at malaharding kalaliman,
Ang sariwang simoy ng hanging may bangong samyo ng palay
Na buhat sa mga bukiring nangagyuko ang gintong uhay,
Ang maningning na umaga't maluwalhating dapithapon,
Ang mabituing langit-gabing alaga ng sultang buwan
Kung minsa'y nagbibigay - daan sa mabiyayang tag-ulan.
Ang pagbangon pagkaumaga ng magilas na sultang araw upang sa ati'y ipakita
Ang mga ulap na busilak sa panganoring aliwalas na ang bihis ay murang bughaw,
Ang sandali ng mapayapang sa dapit - gabing pakikinig sa bawat bagting ng gitara
Na sumasaliw sa pag-awit ng puso nati't kaluluwa ng bagong diwa at pag-asa.

KAYA'T...
Ang lahat ng iniibig kong bahagi't sangkap ng daigdig
Ay aking pangangalagaa't ipagtatanggol hanggang langit
Dahil iisa ang planeta na ating mapananahanan...
At ang panggagahasa rito ng ila'y aking sasagkaan
Bilang tagasagip-daigdig, ako'y handang makipaglaban.

1 komento:

  1. Pwede ko po ba ito hiramin para sa project namin? peti rin po yung ibang talumpati? Maraming salamat po:)

    TumugonBurahin