Huwebes, Enero 17, 2013

Ang Bungo

Ang Bungo



Ikaw! Sino ka ba? Malamig na bungo, matigas na mukha. Dati kang maganda, ano’t ang mata mo’y nagkauka-uka? Dati kang marunong, ano’t ang noo mo’y nagkasira-sira? Kinakausap ka’y ayaw mong sumagot, ayaw magsalita, at ang katawan mo’y nasugpong na butong sinlamig ng tingga. Ikaw ba ang wakas ng lahat ng taong sa mundo’y nilikha?

Iyan ba ang matang nang lumiligaw ka, balana’y tiningnan? Iyan ba ang labing katugon ng ilong, balana’y hinagkan? Iyan ba abg tengang kung makikimatyag, lahat, pinakikinggan? Ano ka na ngayon? Nahan ang puso mo, diwa’t pakiramdam? Kahit na laitin, kahit na purihin, ayaw nang gumalaw. Parang sinasabing ang lahat sa mundo ay may katapusan!

Kay sarap ng buhay kung may kabuhayan at taglay ang lahat! Ibo’y lumilipad hanggang kalangitan kung buo ang pakpak! Tao’y sumasagwan hanggang karagatan kung buo ang lakas! Mundo’y umiinog at kumakalansing sa tugtog ng galak, ngunit ang tadhanam kapag ang sinulid ng buhay binaltak, lahat, tao’t ibon kakita-kita mo’y butong nakatambak.

Ikaw nga, ikaw nga ang nang isang araw, itong buong mundo, ay kinakaladkad mo’t iyong inilipad hanggang maging iyo! Ngunit nang matapos, papuri’t tagumpaym, ang natira’y abo. Katawang mabulas, makinis na balat, ang natira’y buto. Hinagkang bulaklak, sa hinalik-halik, nawalan ng bango. Bulwagang sayawan, sa sinayaw-sayaw, naging libingin mo!

Ngayon bangkay ka na, nahan ba ang iyong mga minamahal? Mga kaibigan na kasalu-salo, ano’t di-minasdan, at sa pagkasawi’y sila pa ang unang parang nagtagumpay! Matamis na ngiti, masayang papuri’t mahigpit na kamay, ay naging halakhak at naging paglibak, sa sawi mong bangkay! Kaydali nga namang magbago ng takbo ng sangkatauhan!

Kaya ba’t kung ikaw ay may nakagalit, huwag palubusin, ang gunitain mong lahat naman tayo ay namamatay din! Taong nakairap at uod sa lupa na ayaw pansinin, buti pa ang uod sa himpilang hukay, una pang darating! Ang taas ng hari’t lungkot ng pulubing hahali-haliling, kakita-kita mo, magkapitbahay lang, kapag nakalibing!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento