"Tao Saan Ka Patungo?"
Sa simula'y ginawa ng Diyos ang mundo
Nang may masilungan ang lilikhaing tao,
Dilim ay hinawi, liwanag natamo,
Masaganang lupa sa yama'y napuno.
Lungkot sa daigdig ay kanyang napuna-
Humugis ng tao, lalaking inuna;
Inukit na kamukha't kawangis Niya
Upang mamahala sa Kanyang Biyaya.
Sa una'y masaya itong si Lalaki
Sa huli'y nalungkot, saya ay napawi,
Dakilang lumikha, nag-isip na muli,
Binuhay si Evang sa tadyang pinili.
Babai'y hinugot di sa paa't sa nguso
Kundi nga sa tadyang malapit sa puso;
Di upang sumuko kay Adang pinuno
Manapa'y busugin sa kanyang pagsuyo.
Iyan ang simula ng buhay ng tao-
Obra-maestrang likha ng Poong totoo;
Magmula sa buto ng Kanyang buto;
Sa hininga't laman, ay nabuhay ito.
Ngunit nang lumaon naghangad ng labis,
Naipunlang bait, kagyat na napalis;
Sa buyo ng sawang doo'y nakalingkis
Si Eva't si Ada'y nagkasalang tikis.
Babae lamang:
Diyan nagsimula ang sala ng tao-
Nagpasalin-salin sa anak at apo;
Hangang sa lumaon, Hesus naparito,
Layon ay tubusin ang sala sa mundo.
Lalaki lamang:
Araw ay nagdaan, panaho'y lumipas,
Patuloy ang tao sa gawang taliwas,
Nabubuhay itong sala ay kapilas-
Anong mangyayari sa araw ng bukas?
Solo:
Nilalang ng Diyos ang lahat ng tao
Upang sama-samang manahan sa mundo,
"Kayo'y magmahalan," ani Hesu Kristo,
"Sa magandang asal na mabuhay kayo."
Ang tao ay tao, may puso at diwa,
Kahit marupok, mayro'n ding dakila;
Pilit iwawaksi ang minanang sama
Maging tapat lang sa kanyang ninanasa.
Yaman ay di lahat sa buhay ng tao,
Mayroon pang ibang mahigit pa rito-
Malinis na budhi, damdaming totoo
Sa iyong sarili at mga kapwa mo.
Mga nasalanta ng lindol at bagyo,
Sikaping damayan kahit paano;
Sa Red Cross ay mag-abuloy tayo
Ng pagkain, gamut at ilang sentimo.
Sa silid-aralan, dito hinahasa
Kagandahang asal ni Ate at Kuya;
"Magandang hapon po," mabilis na wika
Kapag nasalubong ang guro't matanda
Ang nais ng guro ay batang magalang
Upang pagtuturo ay maging magaan,
Dapat din marahil, sa puso Manahan
Paggalang ng guro sa tinuturuan.
Kahit sa tanggapan, sadyang sinisino
Mga empleyadong doo'y tumatao;
Ngiting matatamis kahit kanino
Alay sa mabuti't tunay makitungo.
Doon sa kalsada, matatandang patawid,
Agad na sinalubong ng Boy Scout na paslit
"Tayo na po, Lola," inakay na pilit
"Salamat sa iyo, " ang tanging nasambit.
Ang pagkamatapat, dapat ding hubugin
Sa diwa't isipan ating pagyamanin;
Anumang mapulot kung hidi sa atin,
Huwag pagnasaan o kaya'y angkinin.
Kahit na mahirap ang isang nilalang,
Sa yaman ay salat, sa ligaya'y kulang,
Mabuting ugaling tapat at dalisay,
Yamang madadala hanggang sa 'ting hukay.
Tao mang mahirap, tao ring totoo,
Kahit na mabaho, tunay paring tao;
Dapat na igalng kahit sang kanto
Sapagkat sila rin, mayroong prinsipyo.
Taong nakalimot sa mabuting asal,
Walang dinirinig kahit anong aral;
Mayroon namang iba sa Aklat na Banal,
Doon kumukuha ng payo't pangaral.
Ang tao ay tao, marupok man ito;
Nilikha ng Diyos, hawig N'yang totoo;
Damdami'y mula sa sariling puso,
Dugong dumadaloy ay iisang dugo.
Buhay na halaghag, dapat ding talikdan,
Salapi, panahon, lakas, karunungan,
Huwag aksayahin pagkat kailangan
Sa pagpapaunlad ng sandaigdigan.
Kayo ang asin ng langit, ngunit kung ang asin
ay tumabang, ano ang ipampapaalat?
Walang anumang kabuluhan
Kundi itapon sa labas at yurakan ng tao.
Ang sinumang sa abo nanggaling,
Tiyak sa abo rin magbabalik.
Ikaw... ako... oo,
Ikaw... tayo-
Saan ba tayo patutungo?
Nice wonderful slang
TumugonBurahin