"Init, Liwanag, Musika"- Wikang Filipino Mula Baler Hanggang Buong Bansa
Koro: Madilim! Nangangapa kami sa kadiliman,
Nabibingi kami sa katahimikan.
Giniginaw! Malamig ang pakikipagpakitunguhan,
Kanya-kanya, watak-watak ang kapuluan!
Juan: Nakita kong sumikat ang araw sa Silangan,
May narinig akong munting tugtugan.
Unti-unti nang umiinit aking pakiramdam,
Doon sa Baler nagsimula at sinilang.
Koro: Madilim parin! Nasaan ang kaliwanagan?
Kahit humihiyaw na kami, di parin mapakinggan.
Lamig parin bumabalot sa aming katawan,
Kaguluhan ang nananaig sa buong bayan.
Juan: Ang liwanag ay tumitindi pa,
Lalong lumalakas ang musika.
Ang init ay nag-apoy at tumutupok na,
Sumakop na sa buong bansa.
Koro: Patingkarin mo pa ang ilaw mo,
Huwag ipahintulot na magkalayu-layo.
Palinawin ang paningin pakisuyo,
Nang makita ang inaasam na pagbabago.
Juan: Liwanag tanglawan ako,
Kasama ng bayang di sumusuko.
Imulat mga mata ko,
Ipaalala ang diwa ng pagka-Pilipino.
Koro: Lakasan pa ang tunog sa tenga ko.
Hangad na marinig iyong salmo,
Ituro sa amin ang liriko at tono,
Upang buong bansa maging isang koro.
Juan: O musika puspusin kami at ako
Magkaisa boses naming lahat ng tao
Sa tuktok ng aming mga tinig, isisigaw sa mundo
Pinagmamalaki naming maging Pilipino.
Koro: Pag-alabin mo ang pag-ibig sa aming puso,
Buhayin ang pagiging bayani ko!
Hayaang bumalot sa aming pagkatao,
Palaganapin ang pagmamahalang ito.
Juan: Ilayo mo kami sa gulo,
Huwag mo kaming ipahintulot maglabu-labo.
Ilayo sa dahas ang bayan ko,
Dalhin kami sa Lupang Pangako.
Koro: Ang Liwanag, ang init at ang musika
Itong lahat ay iisa
Kinakatawan layuning kay ganda
ng pagkakaintindihan sa buong bansa.
Sa Baler isinilang, si Quezon ang ama,
Bininyagang Wikang Filipino- Wikang Pambansa.
Juan: Iligtas mo ang bayan ko,
Dinggin aming pagsamo,
Ingatan mo kami pakisuyo,
Ihatid kami sa Paraiso
Koro: Sa lugmok na bayang ito...
Juan: Tatayo ako!
Koro: Sa pagkakaratay...
Juan: Babangon ako!
Koro: Sa kahirapan...
Juan: Aahon ako!
Koro: Sa takot...
Juan: Maninidigan ako!
Koro: Sa kaguluhan...
Juan: Lalabas ang bayaning si AKO!
Lahat: Init, liwanag at musika
Mga regalong dala ng Filipinong Wika
Hangad ay pagkakaisa ng bansa,
Kaunlaran, pagtatapos ng pagdurusa,
Pagkakasundo at di pagkakanya-kanya,
Makamtan na sana.
Ngayon ay nasa atin na,
Ang pagkakataong gawin ang tama.
Nawa'y tayong lahat ay maging simula,
Ng kabutihan sa tinatahanang lupa.
Kung gayoy palaganapin pa,
Gamitin kahit nasaan ka pa,
Nang ating makilala,
Ang Wikang Filipino: Mula Baler hanggang buong bansa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento