“Suyuan sa Tubigan”
ni Macario Pineda
Setting: Sa araruhing tubigan nina Ka Teryo at Ka Albina.
Mga Tauhan:
Pilang: Dalagang pamangkin ni Ka Albina. Pinsan ni Nati. Mahiyain at maganda.
Pastor: Binata. Isa sa mga magsusuyod sa tubigan ni Ka Teryo. May gusto kay Pilang:.
Ore: Binata. Anak ni Ka Inso. Isa sa mga magsusuyod. May gusto kay Pilang.
Ka Albina: Tiya ni Pilang: at ina ni Nati.
Milyo: Binata. Malapit na kaibigan ni Ore. Matulungin.
Pakito: Binata. Malapit na kaibigan ni Pastor. Matuwain.
Filo: Binata. Kaibigan ni Pastor.
Toning: Binata. Kaibigan ni Ore.
Asyong: Binata. Kaibigan ni Ore.
Tinong: Binata. Kaibigan ni Pastor.
Ka Ipyong: kamag-anak ni Ka Teryo at Ka ALBINA.
Fermin: anak ni Ka Albina: at Ka Teryo. Kapatid ni Nati. Pinsan ni Pilang. May-asawa
Ka Punso: Isa sa mga pinakamatanda. Ginagalang ng mga kasama. May-asawa.
(dadating sina Milyo, Ore, Pastor, Pakito, Ka Albina, Nati at Pilang, dala-dala ng mga babae ang mga kubyetas, inumin, at pagkain at daladala ng mga lalaki ang mga araro at ang kanilang mga kalabaw. Nauna na sina Ipyong at Fermin sa pag-aararo sa tubigan.)
Ka Albina:
Ipyong at Fermin talaga. Hindi pa hinintay ang ibang tutulong sa pag-araro.
Ore:
(ibinaba ang dalang araro)
Hayaan ho ninyo. Mukhang hindi pa naman ganoon katagal silang nakalusong.
Milyo:
Teka. Nasaan ho si Ka Teryo?
Ka Albina:
(inihanda ang mga dalang gamit)
Ang asawa ko’y hindi makakalusong. Natatakot na ata siya sa tubig. Sinusumpong na naman kasi ng rayuma. Mabuti na lang at nandiyan sina Ipyong at Fermin. Gusto pa ngang iurong ni Teryo ang pasuyo kasi ayaw niyang wala siya dito.
Pastor:
Mabuti ho naman at natuloy.
(daliang binababa ang dala at lalapit sa mga babae)
Aling Nati, tulungan ko ho kayo sa matong ninyo. Mukhang ang bibigat ng mga dala ninyong pagkain at kubyertas.
Nati:
Salamat na lang ho. Pero kaya ko na ho ito.
(binaba ang dala kasabay ng ibang mga babae)
Isa pa, tinawag kayo rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor.
Pakito:
Bakit hindi mo alukin ng tulong si Pilang?
(binaba ang dala)
Si Nati ba talaga ang gusto mo?
Pastor:
Sige na nga. Pilang, tulungan kita sa dala mo.
Ka Albina:
Hay naku. Iyang dala mo ang atupagin mo.
Milyo:
(ibinaba ang dala)
(sa manunood)
Pastor talaga. Ayaw magpaalata. Alam naman naming si Pilang talaga ang gusto niya. Sa bagay, may iba diyang may gusto din kay Pilang.
(lalapit kay Ore)
Hindi mo tutulungan si Pilang?
Ore:
Nahihiya pa ako.
Milyo:
Mauunahan ka niyan ni Pastor e. Kailangan Nating mag-araro bago umani. Hirap at tiyaga, kaibigan. Hirap at tiyaga. Hayaan mo, tutulungan kita.
Ore:
Tulungan ako? Ikaw nga diyan ay hindi makapangligaw-ligaw kapag hindi mo kami kasama ni Toning.
Milyo:
Kaya nga kita tutulungan e. Kasi kasama kita noong binato ako ng walis ni Ka Ferda noong hinarana ko si Yola. O itong tulong ko.
(pasigaw)
Pilang. May gustong sabihin sa ‘yo si Ore.
Ore:
Ano ba iyan? Anong sasabihin ko?
Pilang:
Ano iyon, Ore?
Ore:
ah..eh... na-nagugutom ako. Ano bang ihahain ninyo para sa amin?
Pilang:
Tiya, ano bang ihahain Natin? Nagugutom na daw po si Ore.
Ka Albina:
Piniritong kamote at kape para pampainit ng tiyan. Pero hindi pa kami tapos sa paghahain dito kaya maghintay-hintay ka pa.
Ore:
ah… Ganoon po ba? Salamat po.
(kay Milyo)
Ano ka ba? Walang paghahanda e sinasabak mo agad ako.
Milyo:
Ayaw mo naman kasing sabihin agad na “Pilang, iniirog kita.” Ang hina naman ng loob mo.
Ore:
Ang dami-daming tao e. Nandiyan pa si Ka Albina. Ang taray-taray pa naman noon.
Ka Albina:
Ano iyon? Narinig ko ang pangalan ko diyan.
Ore:
Wala ho. Wala? Ah... Kasi gusto ko lang hong malaman kung ilan ang natawag ninyo?
(bibilangin ang mga lalaki)
Aanim pa lang kaming nandito.
Ka Albina:
A ganoon ba? Sabi ni Ipyong, baka raw umabot sa sampu kayong lahat.
Pakito:
Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. Kay-rami marahil ng pagkain.
Ka Albina:
Kayong mga lalaki talaga. Puro pagkain ang iniisip. Baka hindi ninyo matapos ang pagsusuyod ninyo.
(dadating sina Ka Punso, Toning, Filo:, Asyong, Tinong)
Milyo:
Bakit ngayon lang ho kayo?
Ka Punso:
Paumanhin. Ang tagal kasing tumae ni Filo.
Filo:
Pasensiya. Tinitibi ata ako e.
Pastor:
Kain kasi ng kain ng saging.
Asyong:
O Milyo, Ore. Nandito na pala kayo.
(ibinaba ang dala)
Toning:
Magandang umaga mga kaibigan.
(ibinaba ang dala)
Asyong:
Aba nandito rin pala si Pilang.
(kinakalabit si Ore)
Ore. Ore.
Ore:
Alam ko. Alam ko.
Milyo:
Huwag mo nang kulitin si Ore. Nilapitan na niya si Pilang kanina.
Toning:
Talaga? Anong nangyari?
Milyo:
Nanlamig ang kaibigan Natin. Nanlamig.
Asyong:
Ayos lang. Mahaba pa ang araw. Magkakaroon ka din ng pagkakataon. Hayaan mo, tutulungan ka namin.
Ore:
Huwag na. Tama na ang tulong. Baka lalo pa akong mapasama niyan sa mga tulong ninyo.
Pastor:
(lalapit sa mga babae)
Tulungan na kita Pilang. Baka magalusan pa ang mga magaganda mong kamay.
Pilang:
Huwag na, Pastor. Piniritong kamote at kape lang naman ang ihahain. Kaya na namin ito ni Nati.
Pastor:
Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?
Pilang:
(magpapatuloy sa ginagawa)
Ka Albina:
Kasi, hindi ka pa naliligo.
Pastor:
Ka Albina naman. Ang bango-bango ko ngayon. Matagal akong naligo kanina. Ang lamig nga ng tubig e.
Asyong:
Aba. May gusto rin pala si Pastor kay Pilang.
Milyo:
Kanina pa nga iyang si Pastor e. Kulang na lang na magbigay si Pastor ng bulaklak.
Asyong:
Kung hindi ka gagalaw, Ore, matatalo ka niyan.
(pause)
Filo:
Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin a.
(tuturo sa tubigan)
Mukhang pagod na pagod.
Pastor:
Mangyari’y isang buong tag-araw na hindi nilubayan ‘yan sa kariton.
Toning:
Siyanga. Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan.
Pakito:
(sisingit)
Mangyari’y nagpagawa naman ng bahay si Fermin. Hayan nga naman, mayroon na silang baay. May paglalagyan na rin ang pag-ibig nilang dalawa ni Gundang.
Fermin:
Hoy! Narinig ko ang pangalan ko! Huwag ninyo akong pag-usapan ng masama diyan. Kung hindi, makakaisa kayo sa akin.
Filo:
Hindi ka namin pinag-uusapan, ‘yong kalabaw mo.
Toning:
(lalapitan ang kalabaw ni Asyong)
Walang-wala iyang kalabaw ni Fermin sa bagong kalabaw ni Asyong. Magdadalawang taon pa lang di ba, Asyong? Mainam ang mga baraso. Tuyong-tuyo ang mukha. Ito ay isang tunay kalabaw.
Pastor:
Pero. Pagkarating sa kaliksihan sa tubigan ay walang tatalo sa aking kalabaw. Si Osman ang pinakamagaling na kalabaw dito pagkarating sa pag-aararo.
Milyo:
Hoy. Hindi iyan totoo. Ang alaga ni Ore ang pinakamakisig at pinakamagaling.
Asyong:
Siyanga! Siyanga?
Milyo:
Oo naman. Di ba, Ore, binibida mo sa akin kung paano mo sinuyod ang buong tubigan ni Ka Auring sa loob ng kalahating oras.
Ore:
Ano? Wala akong…
Milyo:
(sisingit at kakausapin si Ore)
Nanonood si Pilang. Ito na ang pagkakataon mo para sumikat at numingning. Sumabay ka na lang sa akin.
Ore:
E, hindi naman totoo iyang sinasabi mo. Inabot ako ng kalahating araw doon. Pagurin na din ang alaga ko.
Pastor:
Totoo ba iyang sinasabi ni Milyo, Ore? Kalahating oras? Parang mahirap paniwalaan.
Milyo:
Totoo ang sinasabi ko. Di ba, Ore? Di ba?
Ore:
ah… eh…
Ka Punso:
Tama na muna iyang pagyayabang ninyo. Tara na at tulungan na Nating magsuyod sina Ipyong at Fermin sa tubigan.
(kukunin ng mga lalaki ang kanilang mga araro at kalabaw at sila ay susulong sa tubigan)
Nati:
Hoy, Pilang. Kanina pang nagpapaalata sina Pastorat Ore:a. Kung wala kang gagawin ay baka hindi ka titigilan ng mga iyan.
Pilang:
Ano ba ang gagawin ko? Nakakahiya naman kung pipili ako ng isa tapos ipagtatabuyan yung isa. Baka mag-away yung dalawa.
Ka Albina:
E di hayaan mong magbasag-ulo. Tapos piliin mo yung nanalo para tapos ang usapan.
Nati:
Ang pangit naman ng payo ninyo, Inay. Ginawa nyo namang sabong ang panliligaw ng dalawa.
Ka Albina:
A, ito. Mas magandang ideya. Pagkabalik na pagkabalik nila, pareho mong hindian. Siguradong titigilan ka na ng mga iyan.
Pilang:
Ang lamig naman noon.
Nati:
Bakit? May gusto sa isa sa dalawa ano? Ee. Ano ang ang sasabihin namin sa mga magulang mo?
Pilang:
Wala namang magtatanan a. Nanliligaw sila.
Nati:
Ligaw. Tanan. Anong pinagkaiba noon?
Ka Albina:
Tama na nga iyan. Tatawagin ko na ang mga lalaki.
(pasigaw sa mga nag-aararo)
Halina kayo. Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan.
(babalik sa kainan at pahingahan ang mga lalaki maliban kina Ore at Pastor)
Ka Ipyong:
Mabuti naman at kape na. Pampagising ng kaunti.
Milyo:
Nasaan sina Ore at Pastor?
(pasigaw)
Hoy. Ore. Pastor. Magkape muna tayo.
Pastor:
(nakasakay sa kalabaw mula sa tubigan)
Hayaan ninyo. Mauna na muna kayo. Gusto kong malaman kung talaga nga bang mas magaling ang alaga ni Ore kaysa sa akin. Ano Ore, girian tayo?
Ore:
(nakasakay sa kalabaw)
Kailangan ba Natin? Pwede sa susunod na lang?
Asyong:
Sige, Ore. Kaya mo iyan! Patunayan mo ang sarili mo.
Milyo:
Tama si Asyong. Hindi ito ang oras para maduwag.
Ore:
Oo na! Maggigirian kami ni Pastor.
Pakito:
Ayan! Mukhang magiging maganda ito a.
Asyong:
Kaya mo iyan, Ore!
(bubulong kay Milyo:)
Matatalo si Ore?
Milyo:
Galingan mo, Ore:!
(bubulong kay Asyong)
Matatalo si Ore.
Toning:
Ore! Matatalo ka daw!
Ore:
Tumahimik ka!
Ka Albina:
(Binigyan ng kape sina Fermin at Ipyong)
Ano ba ang ginagawa ninyo? Magkape na kayo.
Filo:
Mamaya na muna, Ka Albina. Manonood muna kami.
(pasigaw)
Sisiw lang iyan sa ‘yo, Pastor.
Nati:
Hay naku. Nagpapakalalaki na naman ang mga iyan.
Ka Punso:
Natatandaan ko tuloy noong araw na si Juana ay nililigawan ko, nagkatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao. Hinamon ako girian. Alam niyang nililigawan rin si Juana.
Toning:
Maganda ba ang kalabaw niya, Ka Punso?
Ka Punso:
Maganda ang kalabaw niya. Ang gilas ng tindig. Kung masisindak ka’y masasabi mong mairap labanan sa girian.
Pakito:
Anong nangyari, Ka Punso? Nagkairitan ba kayo ng mabuti?
Ka Punso:
Nahuhuli ako. Sampung likaw na yata ay hindi ko pa nahahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko naman ay ibig nang tumigil. Bumubula na ang bunganga. Abot na ang hingal. Noong dalawampung likaw na kami ay pinilantik ng taga-Dalig. Akala niya ay maiiwan na niya ako. Pero noong pinaltik niya ang kanyang kalabaw, bigla ba namang humiga ang alaga niya. Kay-lalim ng labak na ginawa. Swerte’t nanalo ako.
Milyo:
Ang kalabaw mo, Ka Punso. Hindi ba nahirapan?
Ka Punso:
Anong hindi nahirapan? Ayaw na ngang tumayo kinabukasan noong ipangsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama. Mag-isa akong pinaghanap ng panggatong ng dalawang buwan para parusa sa akin.
Tinong:
Ayan magsisimula na. Bilisan mo, Pastor! Pakainin mo ng putik!
Pastor:
(mula sa tubigan)
Handa ka na ba, Ore? Gusto mo mauna ka. Partida.
Ore:
Huwag na. Handa na ako.
(sabay na sumutsot ang dalawa sa kanilang kalabaw)
Toning:
Ang liksi naman ng kalabaw ni Pastor. Nauna kaagad.
Fermin;
Ayan. Humaabol na si Ore.
(pipilantik si Ore sa kanyang kalabaw)
Ang lakas ng pilantik.
(sa unang paglikaw/pag-ikot ay nauna si Pastor ngunit hindi malayo si Ore: )
Milyo:
Sugod, Ore! Huwag kang magpapatalo!
Filo:
(sa pangalawang paglikaw/pag-ikot ay nauuna pa rin si Pastor at lumaki ang lamang niya kay Ore)
Mukhang nahihirapan ang kaibigan ninyo sa paghabol lang.
Ka Ipyong:
(pumilantik si Ore sabay ng isang sutsot)
O, humahabol na ulit si Ore. Pantay na sila. Mukha ngang maganda ang girian na ito a.
(sa ikatlong paglikaw/pag-ikot ay pantay na sina Pastor at Ore)
Pastor:
(naka-ngiti)
Iyan lang ba ang kaya mo, Ore. Baka matalo ka niyan.
Ore:
Maghintay ka lang, Pastor. Mauunahan din kita.
Ka Punso:
Mukhang ang kampanteng-kampante si Pastor. Ang laki ng ngiti.
(pumilantik si Pastor)
Ayan, pumilantik na rin si Pastor. Naku, lumalayu na ulit ang paggitan.
Milyo:
Dali, Ore! Habol!
Asyong:
(sa ika-apat na paglikaw/pag-ikot ay nauna na muli ang si Pastor)
Sige pa, Ore! Huwag kang magpahuli!
Fermin:
(bumubula ang bunganga ng kalabaw ni Ore)
Talagang gumagalaw ang kalabaw ni Ore. Pero bumubula na ang bunganga.
Filo:
Humahabol na siya. Mag-ingat ka, Pastor!
Milyo:
(sa ika-limang paglikaw/pag-ikot ay nagpatuloy si Pastor habang tumigil na ang kalabaw ni Ore)
A! Tumigil ang kalabaw ni Ore! Tumigil na!
(hiyawan)
Hay. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.
Ka Punso:
Pastor! Ore! Magkalag muna kayo.
(dadating sina Pastor at Ore. Babatiin ng mga kalalakihan si Pastor. Mag-isang pupunta sa isang tabi si Ore.)
Pakito:
Ang galing mo talaga, Pastor.
Filo:
Wala kang kapantay.
Tinong:
Walang sinabi sa ‘yo si Ore.
Pastor:
Salamat. Salamat.
Milyo:
(lalapit kay Ore)
Pasensiya na Ore. Akalain ko ba na hahamunin ka ni Pastor?
Ore:
Ayos lang. Mas nakakahiya naman kung hindi ko tatanggapin yung hamon niya.
Asyong:
Ako na ang maglilinis sa alaga mo. Mag-kape ka na muna.
Toning:
Oo nga. Tutulungan ko si Asyong. Magpahinga ka na muna rito.
(lalapitan nina Asyong at Toning ang kalabaw ni Ore at huhugasan ito)
Milyo:
(kukuha ng kape mula kay Nati)
(sa manunood)
Panalo si Pastor sa girian. Walang duda. Pero siya nga ba ang nanalo?
(titingin kay Ore. naka-ngiting lalapit ni Pilang si Ore at aabutan si Ore ng kape)
Mukhang magiging maganda ang ating araw ngayon.
Katapusan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento