Linggo, Setyembre 26, 2010

Sa Kabataan

Sa Kabataan
Jonell Estillore

Titibok. Dug dug, dug dug, dug dug. Titibok ang puso at magsisimula ang isang buhay. Isang buhay na pinagpala. Isang regalong walang sinuman ang makahihigit. Dug dug, dug dug. Ang pusong natatangi ang pintig. Ang pusong sumasakay ang tunog sa mga ulap sa langit.

Binigyan ka ng hininga. Upang makapagpatuloy, kailangan mong huminga. At sa paglipas ng mga araw, darating ang isang pulutong ng bukas, at aanurin ka ng rumaragasang oras. Malulunod ka, ngunit–hihinga pa rin. Tulad ng ibang nilalang, gaya rin ng halamang umuugat sa lupa, lalaki ka at magpapatuloy ang pag-inog ng panahon sa iyong ulo. Sa bawat pagmulat ng iyong mga mata ay masisinagan mo ang kagandahan ng regalong ibinigay sa iyo. Hindi ka makapaniwala sa dami ng sangandaang maaari mong bagtasin.

Napunta sa iyo ang lahat ng iyong kailangan at gusto. Walang bagay ang hindi mo nakuha sa isa mong salitang kasintatas ng sa isang hari. Sa pagmamadali mo, binilisan mo ang iyong paglakad. Hindi ka nagdahan-dahan! Huwag mong sabihing walang nakamasid sa iyo sa hinaba-haba ng kasaganaang isinalang sa harapan mo! Ang iyong pagkadapa sa malaking batong iyan ay kagagawan mo at hindi ng mga taong nagmamahal sa iyo.

Ano nga ba ang alam mo sa pagmamahal?

Nakapikit ka nang ikaw ay pumili. Nakapinid, hindi lamang ang iyong paningin, ngunit pati na ang iyong kamalayan at diwa. Dinakma mo ang daigdig at itinapal ito sa iyong mukha upang hindi mo na makita pa ang kadalisayan ng kuwentong ikaw mismo ang may akda.

Ang tibok ay unti-unting napata. Nahapo ka, at nawalan ng hininga. Tapos na ba ang paghihirap mo? Wala ka na bang dapat takasan pa?

Ikaw. Oo, ikaw. Ikaw ang gumuhit ng sarili mong landas. Ikaw ang bumaybay sa salitang “buhay” — subalit nawalan ka na ng malay bago mo napagtantong ang mundo mo ay “buhay”.

1 komento:

  1. Ang galing po ng nag sulat nito.. malalim ang ipinahihiwatig sa bawat sa salita :))

    TumugonBurahin