Ang Kadakilaan ng Diyos
Ni Marcelo H. del Pilar
“Di kailangan, kapatid ko ang magbukas ka’t bumasa ng pilosopiya o teolohiya at iba pang karunungan, upang maranasan mo ang kadakilaan ng Diyos.”
“Sukat ang pagmasdan iyang di marilatang hiyas na inilaganap sa mundong pinamamayanan mo! Sukat ang pagwariin mo ang sarisaring bagay na rito sa lupa ay inihandog sa iyong kahinaan, pampawi sa iyong kalumbayan, panliwanag sa iyong karimlan, at aling makapangyarihang lumalang at namamahalang walang tigil sa lahat ng ito?”
“Masdan mo ang iyong kaparangan, masdan mo ang mga halamang diya’y tumutubo, buhat sa hinahamak mong damo hanggang sa di-mayakap na kahoy na pinumumugaran ng ibon sa himpapawid; masdan mo’t pawang nagpapapahayag na ang kanilang maikli o mahabang buhay ay hindi bunga ng isang pagkakataon; wariin mo’t maranasan ang kamay ng Diyos, na naghahatid oras-oras sa mga halamang iyan ng dilig na ipinanariwa, ng init na nagbibigay lakas at pumipigil ng pagkabulok ng hangin at iba’t-iba pang kinakailangang ilago at ikabuhay hanggang sa dumating ang talagang takda nang paggamitan sa kanila.”
“Tingnan ang pagkahalaylay nila’t isang malawak na harding wari’y simoy na naghahatid-buhay at nagsasabog ng masamyong bango ng kanilang bulaklak, ay isang halik wari na ikinikintal sa inyong noon ng lumalang sa atin, kasabay ang ganitong sabi, “Anak ko, ayan ang buhay, ayan ang ligaya, hayo’t lasapin mo’t ito’y handog na talaga ng aking ganap na pagmamahal; bundok, ilog at karagatan pawing may inimpok na yamang inilalaan ko sa iyo; paraparang kakamtan mo, huwag ka lamang padaig sa katamaran, gamitin mo lamang ang isip at lakas na ipinagkaloob sa iyo, huwag mong alalahanin ang dilim sa lupa; nariyan ang bituing mapanuntunan mo kung naglalayag ka sa kalawakan ng dagat; wala akong hangad anak ko, kundi ang kamtan mong mahinusay ang buong ginhawa, buong kasaganaan at mapayapang pamumuhay. Talastas kong kapos ang kaya mo sa pagganti sa akin, talastas kong salat ang lakad, salat ang buhay mo sa ikasusunod ng nais na matumbasan ang biyayang tinatanggap; kaya huwag kang lubahng mag-alala. Sukat na ang mahalin ang kapwa mo tao, alang-alang man lamang sa pagmamahal mo sa lahat; mahalin mo ang nilikha ko; mahalin mo ang minamahal ko at bukas makalawa’y may tanging ligaya pang pilit na tatamuhin mo.”
“Diyan ay sukat mo nang mabanaagan, nanasang irog, ang kadakilaan niyang Diyos di nililingat sandalI man sa pagkalinga sa atin. Dakila sa kapangyarihan, dakila sa karunungan at dakila sa pag-ibig; sa pagmamahal at pagpapalagay sa kanyang mga anak dito sa lupa; at pantas man o mangmang, mayaman man at dukha ay walang mawawaglit sa mairog at lubos niyang paglingap.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento