Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Ano ang Maikling Kwento

“Ang maikling kwento ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at salagimsim na salig sa buhay na aktuwal na naganap o maaaring maganap.” Ito ay ayon sa kinikilala ng mga dalubhasa na ama ng makabagong maikling kwento na si Edgar Allan Poe.

Walang hanggan ang maaring paksain ng manunulat ng maikling kwento. Ang mga kwento’y maaring maging hango sa mga pangyayari sa totoong buhay, at maaari rin namang patungkol sa kababalaghan at mga bagay na hindi maipaliwanag ng kaalaman.

Iba-iba rin ang istilo ng mga manunulat sa paggawa ng akda. Kung ang layunin ng manunulat ay aliwin ang mga mambabasa, maaaring sa magaan na paraan lamang niya tinatalakay ang mga pangyayari. Ang iba nama’y gumagamit ng mabibigat na salita upang magdulot ng mas malalim na pang-unawa ng mambabasa sa kalagayan at karanasan ng tao kung saan hango ang kwento.

Sa pamamagitan ng mga tauhan, ng tagpuan, at banghay ng maikling kwento naihahatid ng isang kwentista ang mga imahinasyong nabuo sa kanyang malawak na kaisipan.

Paglalarawan:
Bilang isang masining na panitikan,naglalahad ng isang pangyayari ang maikling kuwento. Hindi katulad ng nobela, hindi kahabaan ang pagsasalaysay sa maikling kwento, higit na kakaunti ang mga tauhan nito, mas mabilis ang paglalahad, at higit na matipid sa paggamit ng mga pananalita.

Layunin:
Bilang anyo ng panitikan, may layunin itong magsalaysay ng isang maselan at nangingibabaw na pangyayari sa buhay sa pangunahing tauhan, at nag-iiwan ng isang kakintalan sa isip ng mga mambabasa. Isa pa rin sa mga pangunahing layunin nito ang manlibang. Isa itong uri ng panitikan na nag-iiwan ng mga aral at kaisipan sa mambabasa.

Kayarian:
Bilang isang akdang pampanitikan, maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maikling kwento ng isang pangyayari hango sa tunay na buhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw ng maikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa.

2 komento:

  1. ANG GANDA PO NG WEBSITE NATO. SO USEFUL!! -RHEN

    TumugonBurahin
  2. bakit po gumagamit ng iba't ibang kayarian ng pang-uri ang isang kwentista??

    TumugonBurahin