Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Wastong Gamit. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Wastong Gamit. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Hulyo 3, 2017

Gamit ng Malaking Titik

Paggamit ng Malaking Titik

1. Sa unang titik ng unang salita sa pangungusap, siniping pahayag at taludtod ng tula.
2. Sa mga dinaglat na pangalan ng tao, ng mga ahensiya, ng pamahalaan, pamantasan, 
    kapisanan.
3. Sa mga pamagat ng aklat, magasin, pahayagan.
4. Sa unang mga titik ng pangalan ng bansa, lungsod, lalawigan, bayan, baryo, daan, at iba 
    pang pook.
5. Sa lahat ng mahalagang salita, pamagat ng kuwento, nobela, awit, at iba pa.
6. Sa lahat ng mga tawag ng Diyos gaya ng Bathala, Panginoon, Maykapal, Poon, Lumikha 
    at iba pa.
7. Sa mga direksyong palatandaan ng pagkakahating politikal o pangheograpiya gaya ng 
    Hilaga, Timog, Silangan, Kanluran, Timog-Silangan, Asya-Luzon, at iba pa.
8. Sa titulo ng tao, kapag kasama pangalan gaya ng Pangulo, Kinatawan, Gobernador, 
    Doktor, Inhenyero.
9. Sa mga asignaturang pampaaralan; Filipino, Ingles, Matematika, Biyolohiya, Kasaysayan 
    at iba pa.
10. Sa mga buwan at araw; Enero, Pebrero, Marso, Linggo, Martes, at iba pa.



Mga Sanggunian:


yenbehold. August 14, 2015. Wika at Panitikan. Retrieved from
http://siningngfilipino.blogspot.com/2015/08/gamit-ng-malaking-titik.html


Gamit ng Bilang

Paggamit ng Bilang

Ginagamit ang mga tambilang (figures) sa:

1. Mga halimbawa ng higit sa dalawang salita; petsa, oras, direksyon, bahagdan, at telepono.
a. Sa ika-20 ng Marso ang alis ng kanyang ina.
b. Nakatira siya sa 146 Leon Guinto St. Malate, Manila.
c. Ganap na ika-8:00 ng gabi ang simula ng palatuntunan.
d. Ang bilang ng aming telepono ay 341-51-25.
e. Ang tubo ng utang niya ay umabot na sa 10% bawat buwan.

2. Huwag sisimulan ang pangungusap sa tambilang. Titik ang dapat gamitin.
a. Dalawampung panauhin ang inaasahang darating.
b. Isandaang tao ang inaasahang dadalo sa pulong.

3. Ang bilang ng 1-10 ay isinusulat sa titik kung ginagamit sa pangungusap at ang labing-isa pataas ay tambilang ang ginagamit.
a. Ako ay may alagang pitong ibon.
b. Si Ana ay nagpadala ng 15 sakong bigas.



Mga Sanggunian:

yenbehold. August 14, 2015. Wika at Panitikan. Retrieved from
http://siningngfilipino.blogspot.com/2015/08/gamit-ng-bilang.html

Biyernes, Enero 11, 2013

Wastong Gamit ng mga Salita

Wastong Gamit ng mga Salita


1. BITIWAN at BITAWAN - Ang wastong gamit ay bitiwan at hindi bitawan. Ang salitang-ugat ay bitiw at hindi bitaw. Ang salitang "bitaw" ay ginagamit sa pagsasabong ng manok samantalang ang "bitiw" ay sa pagkawala o pag-alis sa pagkakahawak.

Halimbawa:
Bitiwan mo ang mga braso ko kung hindi ay sisigaw ako.
Nabitiwan ni Aling Nena ang mga pinamalengke dahil sa takot.
Binitawan ni Mang Kanor anga kabayong nagwawala.
"Bitiwan mo muna yang mga hawak mong holen at tulungan mo ako sa pag-iigib", ang sigaw ni Boyet sa kapatid.
Bitiwan mo na ang pag-asang babalikan ka pa ng iyong kasintahan.


Tandaan:
Ang "bitawan" ay nauukol sa pook na pinagdarausan ng paglalaban ng mga manok na walang tari. Ito ay maaring sa kalsada o bakuran.
Ang "bitaw" ay idinaraos upang bigyan ng pagsasanay ang mga manok.


2. KAPAG at KUNG - Ipinakikilala ng kung ang di-katiyakan ng isang kalagayan;
                                - Ipinakikilala ng kapag ang isang kalagayang tiyak.

Halimbawa:  
Umuuwi siya sa probinsiya kapag araw ng Sabado.
Hindi niya masabi kung Sabado o Linggo ang pag-uwi niya sa probinsiya.
Mag-ingat ka naman kapag nagmamaneho ka.
Mag-ingat ka kung ikaw ang magmamaneho ng kotse.

3. KIBO at IMIK - Pagkilos ang tinutukoy ng kibo 
                           - Pangungusap ang tinutukoy ng imik.

Halimbawa:  
Wala siyang kakibu-kibo kung matulog.
Hindi siya nakaimik nang tanungin ko.

Tandaan:
Hindi lamang sa tao nagagamit ang  kibo.   

Halimbawa:  
Kumikibo nang bahagya ang apoy ng kandila.   
Huwag ninyong kibuin ang mga bulaklak na iniayos ko sa plorera.                     

4. DAHIL at DAHILAN - Pangatnig ang dahil
                                   - Pangngalan ang dahilan
                                   - Pang-ukol naman ang dahil sa o dahil kay.

Halimbawa:  
Hindi siya nakapasok kahapon dahil sumakit ang ulo niya.
Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakasakit.
Hindi siya nakapasok kahapon dahil sa sakit ng ulo.

Tandaan:
Ginagamit kung minsan ang dahil bilang pangngalan sa  panunula.
Iwasan ito sa karaniwang pangungusap o pagsulat.
Iwasan din ang paggamit ng dahil sa bilang pangatnig.

Mali:
Hindi siya nakapasok kahapon dahil sa sumakit ang ulo.

5. HABANG at SAMANTALANG
Habang - ang isang kalagayang walang tiyak na hangganan,o “mahaba”.             
Samantalang - ang isang kalagayang may taning, o “pansamantala”.

Halimbawa:  
Kailangang matutong umasa habang nabubuhay.
Nakikitira muna kami sa kanyang mga magulang samantalang wala pa akong trabaho.                      
Gulung-gulo ang isip niya habang hindi pa siya sinsagot ng kanyang kasintahan.
Gulung-gulo ang isip niya samantalang hindi pa dumarating ang sulat ng kanyang kasintahan.                  

Tandaan:
May iba pang gamit ang samantala. Ipinakikilala nito ang pagtatambis sa dalawang kalagayan.
                       
Halimbawa:  
Bakit ako ang pupunta sa kanya samantalang ikaw ang tinatawag kanina pa?
                                            
6. IBAYAD at IPAGBAYAD
Ibayad - pagbibigay ng bagay bilang kabayaran
Ipagbayad - pagbabayad para sa ibang tao

Halimbawa:  
Tatlong dosenang itlog na lamang ang ibabayad ko sa iyo sa halip na pera.
Ipagbabayad muna kita sa sine.
                 
Mali at katawa-tawa:
Ibayad mo ako sa sine             
Ibinayad ko siya sa bus.

7. MAY at MAYROON - Iisa ang kahulugan ng mga salitang ito; naayon ang gamit sa uri ng salitang sumusunod. Gamitin ang may  kapag susundan ng pangngalan ( mapaisahan o maramihan ), pandiwa, pang-uri o pang-abay.

Halimbawa:  
May anay sa dingding na ito.
May kumakatok sa pinto.                                
May dalawang araw na siyang hindi umuuwi.
                                               
Tandaan:
Gamitin ang mayroon kapag susundan ng kataga, panghalip na panao o pamatlig o pang-abay na panlunan.
                                               
Halimbawa:  
Mayroon kaming binabalak sa sayawan.
Mayroon iyang malaking suliranin.
Mayroon kayang mangga sa palengke ngayon?

Tandaan:
Maaring gamitin ang mayroon nang nag-iiisa.
           
Halimbawa:  
“May asawa ba siya?’ “Mayroon.”
                       
Tandaan:
Nagagamit din ang mayroon bilang pangngalan.
           
Halimbawa:  
Sa aming bayan, madaling makilala kung sino ang mayroon at kung sino ang wala.

8. PAHIRAN at PAHIRIN
Pahiran - paglalagay
Pahirin - pag-aalis

Halimbawa:
Pahirin mo ang sipon sa ilong ng iyong kapatid.
Aking papahirin ang luha sa iyong mga mata, giliw.
Huwag mo nang pahirin ang natirang langis sa makina.
Huwag mong kalimutang pahirin ang iyong muta sa umaga.

Halimbawa:
Pahiran mo ng mantikilya ang aking tinapay.
Aking papahiran ng pampakintab ang aking mesa.
Tayo nang pahiran ng floor wax ang sahig.
Pinahiran niya ng dumi ang aking kuwaderno.

Tandaan:
Pahirin ang ginagamit kung ang nais gawin ay alisin o tanggalin ang isang bagay mula sa isang bagay.
Pahiran ang ginagamit kung ang ibig ipagkahulugan ay lagyan ng isang bagay ang isang bagay.

9. PINTO at PINTUAN
Pinto - ang inilalapat sa puwang upang hindi ito mapagdaanan at kung
             ang tinutukoy ay ang kongkretong bagay.

Halimbawa:
Nangyari ang suntukan sa may pintuan.
Huwag mong iharang ang iyong kotse sa harap ng pintuan.
Sa malapit sa pintuan mo ilagay ang paso ng rosas.
Huwag ninyong gawing tambayan ang pintuan ko.
Si Maria ay hahara-hara sa pintuan kaya nabangga ni Simon.

Pintuan - ang ginagamit kung ang tinutukoy ay isang lugar. Ito ay ang lagusan o
                 pasukan o ang lugar kung saan nakalagay ang pinto kung meron man.

Halimbawa:  
Pininturahan ni Ama ang bagong gawang pinto.
Gawa sa narra ang kanilang pinto.
Tayo nang pumasok sa bakal na pinto.
Masyadong mataas ang pintong kahoy para ating akyatan.
Huwag mong sipain ang pinto.

Tandaan:
Gayon din ang pagkakaiba ng hagdan sa hagdanan           

Hagdan - ang inaakyatan at binababaan
Hagdanan - ang kinalalagyan ng hagdan

10. SUBUKAN at SUBUKIN
Subukan - pagtingin nang palihim
Subukin - pagtikim at pagkilatis

Halimbawa:
Ibig kong subukan kung ano ang ginagawa nila tuwing umaalis ako sa bahay.
Subukin mo ang bagong labas na mantikilyang ito.
Subukin mo kung gaano kabilis siyang magmakinlya.
           
Tandaan:
Iisa ang anyo ng mga pandiwang ito sa pangkasalukuyan at pangnakaraan : sinusubok, sinubok.
Magkaiba ang anyo sa panghinaharap: susubukan, susubukin

11. TAGA- at TIGA- Walang unlaping tiga-. Taga- ang dapat gamtin. Gumagamit lamang ng gitling kapag sinusundan ito ng pangngalang pantangi.
           
Halimbawa:
Taga-Negros ang napangasawa ni Norma.
Ako ang palaging tagahugas ng pinggan sa gabi.

Tandaan:
Naiiba ang unlaping tig- na ginagamit kasama ng mga pambilang: tig-isa, tigalawa tigatlo tig-apat, atbp.

12. AGAWIN at AGAWAN
Agawin ang isang bagay sa isang tao/hayop.
Agawan ng isang bagay ang isang tao/hayop.

Halimbawa:
Ibig agawin ng bata ang laruan ni Jess.
Ibig agawan ng laruan ni Boy si Jess.

13. HINAGIS at INIHAGIS
Hinagis ng isang bagay
Hnihagis ang isang bagay

Halimbawa:
Hinagis niya ng bato ang ibon.
Inihagis niya ang bola sa kalaro.

14. ABUTAN at ABUTIN
Abutin ang ang isang bagay
Abutan ng isang bagay

Halimbawa:
Abutin mo ang bayabas sa puno.
Abutan mo ng pera ang Nanay.

15. BILHIN at BILHAN
Bilhin ang isang bagay
Bilhan ng isang bagay

Halimbawa:
Bilhin natin ang sapatos na iyon para sa iyo.
Bilhan natin ng sapatos ang ate.

16. WALISAN at WALISIN
Walisin ang isang bagay na maaring tangayin ng walis
Halimbawa:
1. Walisin mo ang mga tuyong dahon sa bakuran.
2. Aking wawalisin ang mga alikabok sa aking kuwarto.
3. Tayo nang walisin ang mga dumi sa sahig.
4. Nais kong walisin ang nagkalat na papel sa aklatan.

Walisan ang  pook o lugar
Halimbawa:
1. Napakarumi ng iyong silid. Pwede bang walisan mo naman 'yan?
2. Aking wawalisan ang silid-aklatan dahil may bibisita bukas.
3. Walisan mo ang ating bakuran. Tambak ito ng mga tuyong dahon.
4. Nais kong walisan ang aklatan.

Tandaan:
Gamitin ang salitang walisin kung ang ibig tukuyin ay ang pag-aalis ng partikular na dumi o kalat.
Gamitin ang salitang walisan kung ang tinutukoy ay isang partikular na lugar na marumi.
                       
17. SUKLAYIN at SUKLAYAN
Suklayin - ang buhok ng sarili o ng iba
Suklayan - ng buhok ang ibang tao

Halimbawa:
Suklayin mo ang buhok ko,Luz.           
Suklayan mo ako ng buhok, Alana.
           
18. NAMATAY at NAPATAY
Napatay -may tiyak na tao o hayop na pumaslang ng kusa/sinasadya
Namatay -kung ang isang tao ay binawian ng buhay sanhi ng sakit, katandaan o 
                  anumang dahilang hindi sinasadya;
                            -ginagamit din sa patalinghagang paraan doon sa mga bagay na walan
      buhay.

Halimbawa:
Namatay ang kanyang lolo dahil sa sakit sa atay.
Napatay ang aking alagang aso.

19. MAGSAKAY at SUMAKAY
Magsakay - magkarga ( to load)
Sumakay - to ride

Halimbawa:
Nagsakay ng sampung kahon ng lansones sa bus si Jo.
Sumakay na tayo sa daraang bus.

20. OPERAHAN at OPERAHIN
Operahin - tiyak na bahagi ng katawan na titistisin
Operahan - tumutukoy sa tao

Halimbawa:
Ang tumor sa dibdib ng maysakit ay ooperahin mamaya.
Si Luis ay ooperahan sa Martes.

21. NANG at NG
Nang - pangatnig na panghugnayan
                      - tagapagpakilala ng pang-abay na pamaraan at pamanahon
- tagapag-ugnay ng salitang-ugat na inuulit at pandiwang inuulit
Ng - pantukoy ng  pangngalang pambalana
                  - tagapagpakilala ng layon ng pandiwa at tagaganap ng pandiwa
                  - pang-ukol na kasingkahulugan ng “sa”
A. NANG
Makikita sa unahan ng pangungusap
Halimbawa:
1. Nang dumating ang guro, tumahimik ang mga mag-aaral.
2. Nang maluto ang sinaing, agad na hinarap ni Maria ang pagpiprito ng isda.

Gamit sa pang-abay na pamaraan (adverb of manner).
Halimbawa:
 1. Lumakad siya nang dahan-dahan.
 2. Ang tumatakbo nang matulin kung matinik ay malalim.

Gamit sa pagitan ng inuulit na pandiwa.
 1. Sayaw nang sayaw ang mga bata sa ulanan.
 2. Kanina pa siya ikot nang ikot.

B. NG
            Nagsasaad ng pagmamay-ari.
 Halimbawa:
1. Napakagara ang bahay ng mga Dela Cruz.
            2. Ang palad ng mayayaman ay tila napakanipis.

Tandaan:
Kung ang sumusunod na salita ay isang pandiwa (verb) at pang-uri (adjective), gamitin ang NANG. NANG  din ang gamit sa unahan ng pangungusap.

22. KATA at KITA
Kata - ikaw at ako
Kita - ikaw

Halimbawa:
Manood kata ng sine.
Iniibig kita.

23. KILA at KINA - Walang salitang kila. Ang Kina ay maramihan ng kay.

Halimbawa:
Pakidala ang mga laruang ito kina Benny at Maris.
Makikipag-usap ako kina Vic at Nona.

24. Ang Raw, Rito, Rin, Roon at Rine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel - a, e i, o, u) o malapatinig (semi-vowel - w, y).

Halimbawa:
Pumunta ka rito.
Taga-Dabaw (Dabao) rin si Imelda.
Nag-aaway raw ang mga bata.
Maliligo rine ang mga dalaga.
Patungo roon ang mga kandidato.

Ang Daw, Dito, Din, Doon at dine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig (consonant).

Halimbawa:
Sa ilog daw maliligo ang mga binata.
Pupunta rin dito ang mga artista.
3. Yayaman din tayo balang araw.

Dito at Doon ang ginagamit sa simula ng isang pangungusap.

Halimbawa:
Dito ba tayo maghihintay?
Doon na tayo mananghalian sa bahay.

25. KUNG at KONG - Ginagamit ang kung bilang pangatnig na panubali. Katumbas ito ng if sa Ingles; ang kong ay panghalip na panao sa kaukulang paari

Halimbawa:
Matutulog na ako kung papatayin mo na ang ilaw.
Nabasa ang binili kong aklat.

26. KUNG DI at KUNDI - Ang kung di ay galing sa salitang “ kung hindi” o if not sa Ingles; ang kundi naman ay except.

Halimbawa:
Aalis na sana kami kung di ka dumating.
Walang sinuman ang pwedeng manood kundi iyong mga may tiket lamang.

27. HAGDAN at HAGDANAN - Ang hagdan ( stairs) ay ang baytang na inaakyatan at binababaan. Samantalam ang hagdanan (stairways) ay ang bahaging kinalalagyan ng hagdan.

Halimbawa:
Nagmamadaling inakyat ni Marving ang mga hagdan.
Ilagay mo ang hagdanan sa tapat ng bintana.

28. IKIT at IKOT - Ginagamit ang ikit para maipakita ang kilos na paggilid mula sa labas patungo sa loob. Ang ikot naman ay mula sa loob patungo sa labas.

Halimbawa:
Nakatatlong ikit muna sila bago nila natunton ang daan patungo sa loob ng kuweba.
Nahirapan pala silang makalabas ng tunnel. Umikut-ikot muna sila sa loob nito bago nila nakita ang daan palabas.

29. HATIIN at HATIAN - Hatiin ( to divide) o partihin; Hatian ( to share) o ibahagi.

Halimbawa:
Hatiin mo sa amin ang pakwan.
Hinatian niya ng kanyang hamburger ang namamalimos na bata.

30. NABASAG at BINASAG - Ang salitang nabasag ay nangangahulugan ng kilos na di sinasadya o di ginusto; ang salitang binasag naman ay nagpapakita ng sariling pagkukusa.

Halimbawa:
Galit na galit na binasag ng lalaki ang mga salamin ng kotse.
Nagmamadali kasi siyang maghusga kaya nabasag niya ang mga plato.

31. BUMILI at MAGBILI - Bumili- to buy; Magbili- to sell o magbenta

Halimbawa:
Pumunta ang nanay sa Baguio para bumili ng mga sariwang gulay.
Ang trabaho ng tatay niya ay magbili ng mga lumang kasangkapan.

32. KUMUHA at MANGUHA - Kumuha- to get; Manguha – to gather, to collect

Halimbawa:
Kumuha ng isang basong tubig si Neth para kay Jean.
Nanguha ng mga kabibe ang mga bata sa dalampasigan.

33. IWAN at IWANAN - iwan (to leave something) ay nangangahulugang huwag isama/dalhin; Ang iwanan (to leave something to somebody) ay nangangahulugang bibigyan ng kung ano ang isang tao.

Halimbawa:
Iwan nalang niya ang bag niya sa kotse ko.
Iwanan mo 'kong perang pambili ng pananghalian.

34. TUNTON, TUNTONG at TUNGTONG - Ang tungtong ay panakip sa palayok o kawali. Ang tuntong ay pagyapak sa anumang bagay. Ang tunton ay pagbakas o paghanap sa bakas ng anumang bagay.

Halimbawa:
Hindi Makita ni Mang Efren ang tungtong ng palayok sa kusina.
Tumuntong siya sa mesa upang maabot ang bumbilya.
Hindi ko matunton kung saan na nagsuot ang aming tuta


35. PUTULIN at PUTULANputulin ay ang pagputol ng isang bagay samantalang ang putulan ay ang pagputol ng isang bagay sa tao, hayop at bagay.

Halimbawa:
Huwag nating putulin ang mga puno sa paligid.
Cynthia, putulan mo naman ng mga tuyong sanga ang ating bougainvillea.


36. TAWAGIN AT TAWAGAN – ang salitang tawagin ay ginagamit para palapitin ang isang tao o hayop; Ang tawagan ay ginagamit para kausapin o bigyan-pansin ang isang tao.

Halimbawa:
Tawagin mo na si Connie, kakain na.

Nilo, tawagan mo si Dan para malaman natin kung sasama siya.


Lunes, Agosto 30, 2010

Gamit ng mga Bantas

Gamit ng mga Bantas

1. Tuldok o Period (.)
2. Pananong o Question Mark (?)
3. Padamdam o Interjection (!)
4. Kuwit o Comma (,)
5. Kudlit Apostrophe (‘)
6. Gitling o hyphen (-)
7. Tutuldok o Colon (:)
8. Tutuldok-Kuwit o Semicolon (;)
9. Panipi o Quotation Mark (“”)
10. Panaklong o Parenthesis ( )
11. Tutuldok-tutuldok o Elipsis (…)


1. TULDOK (.) 
Gamit ng Tuldok (Period)
A. Ang tuldok ay ginagamit na pananda . Ginagamit din sa katapusan ng pangungusap na paturol at pautos.
Halimbawa: 
a. Mag-aral kayong mabuti.
b. Ang daigdig ay isang tanghalan.

•   Ngunit kung ang pangungusap ay nagtatapos sa mga pinaikling salita hindi na dinadalawa ang tuldok.

Halimbawa: 
a. Aalis ako sa ganap na ika-7:00 n.g.
b. Si Jay ay nag-aaral sa P.S.H.S.

B. Ang tuldok ay ginagamit sa mga salitang dinaglat gaya ng ngalan ng tao, titulo o ranggo, pook, sangay ng pamahalaan, kapisanan, buawan, orasan, bansa at iba pa.
Halimbawa: 
a. Si Gng. Santos ay hindi na nagtuturo.
b. Si Juan K. Duran, Jr. ang ating panauhing pandangal.

C. Ang tuldok ay ginagamit pagkatapos ng mga tambilang at titik sa bawat hati ng isang balangkas o ng talaan.
Halimbawa: 
I.                                              II.
   A.                                             A.    
   B.                                             B.
      1.                                              a.
      2.                                              b.

* Ngunit hindi tinutuldikan ang mga tambilang at titik kapag kinukulong ng panaklong.
(a)           (b)           (1)           (10)

D. Ang tuldok ay ginagamit sa di-tuwirang pagtatanong.
Halimbawa: 
a. Itinatanong niya kung ako ay sasama sa Robinson.
b. Itinatanong niya kung aalis ka na. 


2. PANANONG (?) 
Gamit ng Pananong (Question Mark)

A. Ang pananong ay ginagamit sa katapusan ng mga pangungusap na patanong.
Halimbawa: 
a. Ano ang pangalan mo?
b. Sasama ka ba?

B. Sa loob ng panaklong upang mapahiwatig ang pag-aalinlangan sa diwa ng pangungusap.
Halimbawa: 
a. Si Manuel Roxas ang ikalawang (?) pangulo ng Republika ng Pilipinas.

3. PADAMDAM (!) 
Gamit ng Padamdam  (Interjection)
Ang bantas na pandamdam ay ginagamit sa hulihan ng isang kataga, parirala o pangungusap na nagsasaad ng matindi o masidhing damdamin.
Halimbawa:
a. Mabuhay ang Pangulo!
b. Uy! Ang ganda ng bago mong sapatos.
c. Aray! Naapakan mo ang paa ko.

4. KUWIT (,)
Gamit ng Kuwit (Comma)

A. Ginagamit upang ihiwalay sa pangungusap ang salitang ginagamit na palagyong panawag.
Halimbawa:
a. Nene, ano ang ginagawa mo?
b. Ganito, Pedro, angpagsulat nang tama.

B. Ginagamit pagkatapos ng bating panimula ng liham pangkaibigan o pansarili.
Halimbawa:
a. Mahal kong ina,
b. Pinakamamahal kong kaibigan,

C. Ginagamit pagakatapos ng bating pangwakas ng liham.
Halimbawa:
a. Ang iyong kaibigan,
b. Lubos na gumagalang,

D. Ginagamit sa paghihiwalay ngmga salita, mga parirala at mga signay na sunud-sunod.
Halimbawa:
a. Nanguha ako ng bayabas, mangga, at santol.
b. Si Nanay ay nagluto, si Ate ay naglaba at si Kuya ay nagsibak ng kahoy.

E. Ginagamit sa paghihiwalay ng mga bilang sa petsa, o pamuhatan ng liham.
Halimbawa:
a. Ipinadala ko ang iyong aklat kay G. Pedro Santos, 756 Lepanto, Sampalok.
b. Ang ate ko ay ipinanganak noong Disyembre 8, 2994 sa Sta. Cruz Manila.

F. Ginagamit sa paghihiwalay ng sinasabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap.
Halimbawa:
a. “Mag-aral kang mabuti,” ang sabi ng ina.
b. “Ikaw,” sabi ng ama, ”ay huwag gagala kung gabi.”

G. Ginagamit sa paghihiwalay ng di-makabuluhang parirala at sugnay sa mga pangungusap.
Halimbawa:
a. Si Nita, na aking kapatid, ay mananahi.
b. Si G. Lope K. Santos, ang Ama ng Balarila, ay siyang sumulat ng Banaag at Sikat.

H. Ginagamit pagkatapos ng Oo o Hindi at mga salitang may himig pagdamdam at kung siyang simula ng pangungusap.
Halimbawa:
a. Oo, pupunta ako sa inyo
b. Hindi, kailangan siyang magpahinga.

5. KUDLIT(‘)
Gamit ng Kudlit (Apostrophe)
Ginagamit  bilang kapalit o kung kumakatawan sa letra o sa mga letrang nawawala kapag ang pang-ugnay o pananda sa pagitan ng dalawang salita ay ikinakabit sa unang salita:
Halimbawa:
a. tuwa at hapis - tuwa’t hapis
b. kaliwa at kanan - kaliwa’t kanan
c. tayo ay aalis - tayo’y aalis
d. tahanan ay maligaya - tahana’y maligaya

6.  GITLING(-) 
Gamit ng Gitling (hyphen)
Ginagamit ang gitling (-) sa loob ng salita sa mga sumusunod na pagkakataon:

A. Sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat.
Halimbawa:
a. araw-araw isa-isa apat-apat
b. dala-dalawa sari-sarili kabi-kabila
c. masayang-masaya

B. Kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan
Halimbawa:
a. mag-alis nag-isa nag-ulat
b. pang-ako mang-uto pag-alis
c. may-ari tag-init pag-asa

C. Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama.
Halimbawa:
a. pamatay ng insekto - pamatay-insekto
b. kahoy sa gubat - kahoy-gubat
c. humgit at kumulang - humigit-kumulang
d. lakad at takbo - lakad-takbo
e. bahay na aliwan - bahay-aliwan
f. dalagang taga bukid - dalagang-bukid

                Subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, hindi na gagamitan  
ng gitling ang pagitan nito.
Halimbawa:
a. dalagangbukid (isda)
b. buntunghininga

D. Kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang bagay o kagamitan, sagisag o simbolo. Ang tanging ngalan ay walang pagbabago sa ispeling
Halimbawa:
a. maka-Diyos maka-Rizal maka-Pilipino
b. pa-Baguio taga-Luzon taga-Antique
c. mag-pal maka-Johnson mag-Sprite
d. mag-Corona mag-Ford mag-Japan

E. Sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan
Halimbawa:
a. mag-Johnson magjo-Johnson
b. mag-Corona magco-Corona
c. mag-Ford magfo-Ford
d. mag-Japan magja-Japan
e. mag-Zonrox magzo-Zonrox

F. Kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang.
Halimbawa: 
a. ika-3 n.h. ika-10 ng umaga ika-20 pahina
b. ika-3 revisyon ika-9 na buwan ika-12 kabanata

G. Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction.
Halimbawa:
a. isang-kapat (1/4)
b. lima’t dalawang-kalima (5-2/5)
c. tatlong-kanim (3/6)

H. Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang bana o asawa.
Halimbawa:
a. Gloria Macapagal-Arroyo
b. Conchita Ramos-Cruz
c. Perlita Orosa-Banzon

I. Kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya.
Halimbawa:
a. Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag-gamit ng Filipino.

7. TUTULDOK( : ) 
Gamit ng Tutuldok (Semicolon)
Ginagamit matapos maipuna ang pagpapakilala sa mga sumusunod na paliwanag.

A. Ginagamit kung may lipon ng mga salitang kasunod.
Halimbawa:
a. Maraming halaman ang namumulaklak sa hardin tulad ng: Rosal, Rosas, Orchids, Sampaguita, Santan at iba pa.

B. Pagkatapos ng bating panimula ng pormal na liham o liham-pangangalakal.
Halimbawa:
a. Dr. Garcia:
b. Bb. Zorilla:

C. Sa paghihiwalay sa mga minuto at oras, sa yugto ng tagpo sa isang dula, sa kabanata at taludtod ng Bibliya at sa mga sangkap ng talaaklatan.
Halimbawa:
a. 8:00 a.m Juan 16:16

8. TUTULDOK - KUWIT( ; ) 
Gamit ng Tutuldok-Kuwit (Semicolon)
Ito ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig

A. Maaaring gumamit ng tuldukuwit sa halip na tutuldok sa katapusan ng bating panimula ng liham pangalakal.
Halimbawa:
a. Ginoo;
b. Bb;

B. Ginagamit sa pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.
Halimbawa:
a. Kumain ka ng maraming prutas; ito’y makabubuti sa katawan.
b. Naguguluhan siya sa buhay; iniisip nya ang magpatiwakal.

C. Sa unahan ng mga salita at parirala tulad halimbawa, gaya ng, paris ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.
Halimbawa:
a. Maraming magagandang bulaklak sa Pilipinas na hindi na napag-uukulan ng pansin; gaya ng kakwate, kabalyero, banaba, dapdap at iba pa.

9. PANIPI (“ ”)
Gamit ng Panipi (Quotation Mark)
Inilalagay ito sa unahan at dulo ng isang salita

A. Ginagamit upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita o ang tuwirang sipi.
Halimbawa:
a. “Hindi kinukupkop ang criminal, pinarurusahan,” sabi ng Pangulo.

B. Ginagamit upang mabigyan diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat at iba’t ibang mga akda.
Halimbawa:
a. Nagbukas na muli ang “Manila Times”.
b. Isang lingguhang babasahin ang “Liwayway”.
c. Napaluha ang marami nang mapanood ang dulang “Anak Dalita”.

C. Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga.
Halimbawa:
a. Ang binasa niyang aklat ay hinggil sa bagong “Computer Programming”.

10. PANAKLONG ( () ) 
Gamit ng Panaklong  (Parenthesis)
Ang mga panaklong ay ginagamit na pambukod sa salita o mga salitang hindi direktang kaugnay ng diwa ng pangungusap, gaya ng mga ginamit sa pangu-ngusap na ito.

A. Ginagamit upang kulungin ang pamuno.
Halimbawa:
a. Ang ating pambansang bayani (Jose Rizal) ang may-akda ng Noli Me Tangere.

B. Ginagamit sa mga pamilang o halaga na inuulit upang matiyak ang kawastuhan.
Halimbawa:
a. Ang mga namatay sa naganap na trahedya sa bansang Turkey ay humigit
b. kumulang sa labindalawang libong (12,000) katao.


C. Ginagamit sa mga pamilang na nagpapahayag ng taon.
Halimbawa:
a. Jose P. Rizal ( 1861 – 1896 )

11. TUTULDOK-TULDOK O ELIPSIS (…)
Gamit ng Tutuldok-tuldok (Elipsis)

Nagpapahiwatig na kusang ibinitin ng nagsasalita ang karug-tong ng nais sabihin.

A. Upang ipakilalang may nawawalang salita o mga salita sa siniping pahayag. Tatlong tuldok ang ginagamit kung sa unahan o sa gitna ng pangungusap ay may nawawalang salita, subalit apat na tuldok kung sa mga salitang nawawala ay sa hulihan ng pangungusap.
Halimbawa:
a. Pinagtibay ng Pangulong Arroy …

B. Sa mga sipi, kung may iniwang di-kailangang sipiin.
Halimbawa:
a. Kung ikaw’y maliligo sa tubig ay aagap upang…



Mga Sanggunian:


yenbehold. August 14, 2015. Wika at Panitikan. Retrieved from
http://siningngfilipino.blogspot.com/2015/08/gamit-ng-mga-bantas.html

http://teksbok.blogspot.com/p/iba-iba.html
Modyul 11 - Pagsulat ng Bibliyograpi